Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 35-37

Ang Parusa ng Diyos sa Edom

35 Bukod(A) dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, humarap ka sa bundok ng Seir, at magsalita ka ng propesiya laban doon.

Sabihin mo roon, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban sa iyo, O bundok ng Seir, at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo, at gagawin kitang sira at wasak.

Aking gigibain ang iyong mga bayan, at ikaw ay magiging wasak; at iyong malalaman na ako ang Panginoon.

Sapagkat ikaw ay nag-iingat ng isang matagal nang pakikipag-away, at ibinigay mo ang mga anak ni Israel sa kapangyarihan ng tabak sa kapanahunan ng kanilang kapahamakan, sa kapanahunan ng kanilang huling kaparusahan.

Kaya't kung paanong ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, aking ihahanda ka sa dugo, at hahabulin ka ng dugo. Sapagkat ikaw ay nagkasala sa dugo, kaya't hahabulin ka ng dugo.

Ang bundok ng Seir ay gagawin kong wasak at sira; at aking aalisin sa kanya ang lahat ng dumarating at umaalis.

At aking pupunuin ang iyong mga bundok ng mga napatay. Sa iyong mga burol at sa iyong mga libis at sa lahat mong mga bangin ay mabubuwal sila na napatay ng tabak.

Ikaw ay gagawin kong palagiang kasiraan, at ang iyong mga lunsod ay hindi tatahanan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

10 “Sapagkat iyong sinabi, ‘Ang dalawang bansang ito, at ang dalawang lupaing ito ay magiging akin, at aming aariin;’ bagaman kinaroroonan ng Panginoon.

11 Kaya't kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, papakitunguhan kita ayon sa galit at sa inggit na iyong ipinakita dahil sa iyong pagkapoot laban sa kanila. At ako'y magpapakilala sa gitna nila kapag aking hahatulan ka.

12 Iyong malalaman na akong Panginoon ay nakarinig ng lahat mong panlalait na iyong sinabi laban sa mga bundok ng Israel, na sinasabi, ‘Sinira ang mga iyon, ibinigay sa atin bilang pagkain.’

13 At kayo'y nagmalaki laban sa akin sa pamamagitan ng inyong bibig, at inyong pinarami ang inyong mga salita laban sa akin; aking narinig iyon.

14 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Habang ang buong lupa ay nagagalak, aking wawasakin ka.

15 Kung paanong ikaw ay nagalak sa mana ng sambahayan ni Israel, sapagkat nawasak iyon, gayon ang gagawin ko sa iyo; ikaw ay mawawasak, O bundok ng Seir, at buong Edom, lahat ng ito. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Pagpapalain ang Israel

36 “At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa mga bundok ng Israel, at sabihin mo, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat sinabi ng kaaway sa inyo, ‘Aha!’ at, ‘Ang sinaunang matataas na dako ay naging aming pag-aari;’

kaya't magsalita ka ng propesiya, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat winasak nila kayo, at dinurog kayo sa lahat ng panig, anupa't kayo'y naging pag-aari ng nalabi sa mga bansa, at kayo'y naging tampulan ng tsismis at paninirang-puri ng taong-bayan;

kaya't kayong mga bundok ng Israel, inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Diyos: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga bundok at mga burol, sa mga bangin at mga libis, sa mga sirang dako at sa mga bayang iniwan, na naging biktima at panunuya sa nalabi sa mga bansang nasa palibot.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Nagsasalita ako sa aking paninibugho laban sa nalabi sa mga bansa, at laban sa buong Edom na nagbigay ng aking lupain sa kanilang sarili bilang pag-aari na may buong pusong kagalakan, upang kanilang angkinin at samsamin.

Kaya't magsalita ka ng propesiya tungkol sa lupain ng Israel, at sabihin mo sa mga bundok, sa mga burol, sa mga bangin at sa mga libis, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y nagsalita sa poot ng aking paninibugho, sapagkat inyong dinanas ang kahihiyan ng mga bansa.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking isinumpa na ang mga bansa na nasa palibot ninyo ay daranas ng kahihiyan.

“Ngunit kayo, O mga bundok ng Israel, inyong isusupling ang inyong mga sanga, at magbubunga sa aking bayang Israel; sapagkat sila'y malapit nang umuwi.

Sapagkat narito, ako'y para sa inyo, at ako'y babalik sa inyo, at kayo'y bubungkalin at hahasikan;

10 at ako'y magpaparami ng mga tao sa inyo, ang buong sambahayan ni Israel, lahat ng mga ito. Ang mga lunsod ay tatahanan, at ang mga sirang dako ay muling itatayo.

11 Ako'y magpaparami sa inyo ng tao at hayop, at sila'y darami at magkakaanak. Kayo'y hahayaan kong panirahan ayon sa inyong dating kalagayan, at gagawan ko kayo ng mabuti kaysa noong una. At inyong malalaman na ako ang Panginoon.

12 Oo, aking palalakarin sa inyo ang mga tao, maging ang aking bayang Israel; at kanilang aariin ka, at ikaw ay magiging kanilang mana, at hindi ka na mawawalan ng mga anak.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat kanilang sinasabi sa iyo, ‘Lumalamon ka ng mga tao, at inaalisan mo ng mga anak ang iyong bansa;’

14 kaya't hindi ka na lalamon pa ng mga tao o aalisan ng mga anak ang iyong bansa, sabi ng Panginoong Diyos.

15 Hindi ko na iparirinig sa iyo ang pag-alipusta ng mga bansa. Hindi mo na papasanin ang kahihiyan ng mga bansa, at hindi ka magiging dahilan ng pagkatisod ng iyong bansa, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Bagong Kalagayan ng Israel

16 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

17 “Anak ng tao, noong naninirahan ang sambahayan ni Israel sa kanilang sariling lupain, kanilang dinungisan ito ng kanilang lakad at mga gawa. Ang kanilang kilos sa harapan ko ay naging parang karumihan ng babae sa kanyang kapanahunan.

18 Kaya't aking ibinuhos ang aking poot sa kanila dahil sa dugo na kanilang pinadanak sa lupain, at dahil sa paglapastangan nila dito sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.

19 Aking ikinalat sila sa mga bansa, at sila'y nagkawatak-watak sa mga lupain; ayon sa kanilang lakad at ayon sa kanilang mga kilos ay hinatulan ko sila.

20 Ngunit nang sila'y dumating sa mga bansa, saanman sila dumating, kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa kanila, ‘Ang mga ito ang bayan ng Panginoon ngunit kailangan nilang lumabas sa kanyang lupain.’

21 Ngunit isinaalang-alang ko ang aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sambahayan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinuntahan.

22 Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Hindi ito alang-alang sa inyo, O sambahayan ni Israel, na malapit na akong kumilos, kundi alang-alang sa aking banal na pangalan na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinuntahan.

23 Aking pawawalang-sala ang aking dakilang pangalan na nilapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila. Malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, sabi ng Panginoong Diyos, kapag sa pamamagitan ninyo ay pinawalang-sala ang aking kabanalan sa harap ng kanilang mga mata.

24 Sapagkat aking kukunin kayo sa mga bansa, at titipunin ko kayo mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain.

25 Ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo; kayo'y magiging malinis sa lahat ninyong karumihan, at lilinisin ko kayo sa lahat ninyong mga diyus-diyosan.

26 Bibigyan(B) ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

27 Aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo nang ayon sa aking mga tuntunin, at magiging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas.

28 Kayo'y maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo'y magiging aking bayan at ako'y magiging inyong Diyos.

29 Lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan. Aking patutubuin ang trigo at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng taggutom sa inyo.

30 Aking pararamihin ang bunga ng punungkahoy at ang ani sa bukid, upang hindi na kayo muling magdanas ng kahihiyan ng taggutom sa mga bansa.

31 Kung magkagayo'y inyong maaalala ang inyong masasamang lakad, at ang inyong mga gawa na hindi mabuti. Kayo'y masusuklam sa inyong sarili dahil sa inyong mga kasamaan at mga karumaldumal na gawa.

32 Hindi alang-alang sa inyo na ako'y kikilos, sabi ng Panginoong Diyos; alamin ninyo iyon. Kayo'y mahiya at malito dahil sa inyong mga lakad, O sambahayan ni Israel.

33 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na aking linisin kayo sa lahat ninyong kasalanan, aking patitirahan ang mga bayan, at ang mga gibang dako ay muling matatayo.

34 Ang lupain na naging sira ay mabubungkal, sa halip na sira sa paningin ng lahat nang nagdaraan.

35 At kanilang sasabihin, ‘Ang lupaing ito na naging sira ay naging gaya ng halamanan ng Eden; at ang sira, giba at wasak na mga bayan ay tinatahanan na ngayon at may pader.’

36 Kung magkagayo'y malalaman ng mga bansa na nalabi sa palibot ninyo na akong Panginoon ay nagtayo ng mga guhong dako, at tinamnan ko ang dakong sira; akong Panginoon ang nagsalita, at aking gagawin.

37 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Bukod pa dito'y hahayaan ko ang sambahayan ni Israel na humiling sa akin upang gawin ito sa kanila: paramihin ang kanilang mga tao na parang kawan.

38 Tulad ng kawan para sa paghahandog, tulad ng kawan ng Jerusalem sa kanilang mga takdang kapistahan, gayon mapupuno ang mga gibang bayan ng mga kawan ng mga tao. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

Ang Pangitain tungkol sa mga Tuyong Buto

37 Ang kamay ng Panginoon ay sumasaakin, at kanyang dinala ako sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon at inilagay ako sa gitna ng libis; iyon ay punô ng mga buto.

Inakay niya ako sa palibot ng mga iyon; napakarami niyon sa libis at ang mga iyon ay tuyung-tuyo.

Kanyang sinabi sa akin, “Anak ng tao, maaari bang mabuhay ang mga butong ito?” At ako'y sumagot, “O Panginoong Diyos; ikaw ang nakakaalam.”

Muling sinabi niya sa akin, “Magsalita ka ng propesiya sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, O kayong mga tuyong buto, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga butong ito: Aking papapasukin ang hininga[a] sa inyo, at kayo'y mabubuhay.

Lalagyan ko kayo ng mga litid, babalutin ko kayo ng laman, tatakpan ko kayo ng balat, lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo'y mabubuhay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”

Sa gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos sa akin. Habang ako'y nagsasalita ng propesiya, biglang nagkaroon ng ingay, at narito, isang lagutukan. Ang mga buto ay nagkalapit, buto sa buto nito.

Habang ako'y nakatingin, narito, may mga litid sa mga iyon, at ang laman ay lumitaw sa mga iyon at ang balat ay tumakip sa mga iyon sa ibabaw; ngunit walang hininga sa mga iyon.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa hininga at sabihin mo sa hininga, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Manggaling ka sa apat na hangin, O hininga, at hingahan mo ang mga patay na ito, upang sila'y mabuhay.”

10 Sa(C) gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos niya sa akin, at ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila'y nabuhay at tumayo sa kanilang mga paa, na isang napakalaking hukbo.

11 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sambahayan ni Israel. Narito, kanilang sinasabi, ‘Ang ating mga buto ay natuyo, at ang ating pag-asa ay nawala; tayo'y lubos na nahiwalay.’

12 Kaya't magsalita ka ng propesiya, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko; at aking pauuwiin kayo sa lupain ng Israel.

13 Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking binuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko.

14 At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo'y mabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ng Panginoon.”

Ang Pahayag tungkol sa Pagkakaisa

15 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,

16 “At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang tungkod at sulatan mo sa ibabaw, ‘Sa Juda at sa mga anak ni Israel na kanyang mga kasama;’ saka kumuha ka ng ibang tungkod, at iyong sulatan: ‘Sa Jose, (na siyang tungkod ng Efraim), at sa buong sambahayan ni Israel na kanyang mga kasama.’

17 Iyong pagdugtungin para sa iyong sarili upang maging isang tungkod, upang sila'y maging isa sa iyong kamay.

18 At kapag sinabi sa iyo ng iyong mga kababayan, ‘Hindi mo ba ipapaalam sa amin kung ano ang kahulugan ng mga ito?’

19 Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking kukunin ang tungkod ni Jose, (na nasa kamay ni Efraim), at ang mga lipi ng Israel na kanyang mga kasama. Akin silang isasama sa tungkod ng Juda at gagawin ko silang isang tungkod, upang sila'y magiging isa sa aking kamay.

20 Ang mga tungkod na iyong sinusulatan ay nasa iyong mga kamay sa harapan ng kanilang mga mata,

21 at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa mga bansa na kanilang pinaroonan, at titipunin ko sila sa lahat ng dako, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain.

22 Gagawin ko silang isang bansa sa lupain, sa mga bundok ng Israel; at isang hari ang maghahari sa kanilang lahat. Hindi na sila magiging dalawang bansa, at hindi na mahahati pa sa dalawang kaharian.

23 Hindi na nila durungisan ang kanilang sarili ng mga diyus-diyosan at ng mga kasuklamsuklam na bagay, o ng anuman sa kanilang mga pagsuway, kundi aking ililigtas sila sa lahat ng pagtalikod na kanilang ipinagkasala at lilinisin ko sila. Sa gayo'y magiging bayan ko sila, at ako'y magiging kanilang Diyos.

Si David ang Magiging Kanilang Hari

24 “At(D) ang aking lingkod na si David ay magiging hari nila; at sila'y magkakaroon ng isang pastol. Susundin nila ang aking mga batas at magiging maingat sa pagtupad sa aking mga tuntunin.

25 Sila'y maninirahan sa lupain na tinirahan ng inyong mga ninuno na aking ibinigay kay Jacob na aking lingkod. Sila at ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak, ay tatahan doon magpakailanman. Si David na aking lingkod ay magiging kanilang pinuno magpakailanman.

26 Makikipagtipan ako ng kapayapaan sa kanila, ito'y magiging tipan na walang hanggan sa kanila. Sila'y aking pagpapalain at pararamihin at ilalagay ko ang aking santuwaryo sa gitna nila magpakailanman.

27 Ang(E) aking tirahang dako ay magiging kasama nila; at ako'y magiging kanilang Diyos, at sila'y magiging aking bayan.

28 At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa Israel, kapag ang aking santuwaryo ay nasa gitna nila magpakailanman.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001