Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 22-23

Ang Kasamaan ng Jerusalem

22 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“At ikaw, anak ng tao, hahatulan mo ba, hahatulan mo ba ang madugong lunsod? Kung gayo'y ipahayag mo sa kanya ang lahat niyang kasuklamsuklam na mga gawa.

Iyong sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang lunsod na nagpapadanak ng dugo sa gitna niya, ang kanyang panahon ay dumating na, gumagawa ng mga diyus-diyosan upang dungisan ang kanyang sarili!

Ikaw ay naging salarin sa pamamagitan ng dugo na iyong pinadanak, at ikaw ay dinungisan ng mga diyus-diyosan na iyong ginawa. Pinalapit mo ang iyong araw, at dumating na ang takdang panahon ng iyong mga taon. Kaya't ginawa kitang isang kahihiyan sa mga bansa, at pinagtatawanan ng lahat ng mga bansa.

Tutuyain ka ng malalapit at ng malalayo sa iyo, ikaw na hindi tanyag at punô ng kaguluhan.

“Narito, ang mga pinuno ng Israel sa inyo, bawat isa ayon sa kanyang kapangyarihan, ay nakatuon sa pagpapadanak ng dugo.

Sa(A) iyo'y hinamak ang ama't ina, sa gitna mo ay nagdaranas ng pang-aapi ang mga nakikipamayan, sa iyo'y ginagawan ng masama ang ulila at ang babaing balo.

Iyong(B) hinamak ang aking mga banal na bagay at nilapastangan ang aking mga Sabbath.

May mga tao sa iyo na naninirang-puri upang magpadanak ng dugo, at mga tao sa iyo na kumakain sa mga bundok, mga lalaking gumagawa ng kahalayan sa iyong kalagitnaan.

10 Sa(C) iyo'y kanilang inililitaw ang kahubaran ng kanilang mga ama; sa iyo'y pinagpakumbaba ang mga babae na marumi na sa kanilang karumihan.

11 At ang isa'y gumagawa ng kasuklamsuklam sa asawa ng kanyang kapwa. Ang isa'y gumagawa ng kahalayan sa kanyang manugang na babae, at ang iba sa iyo'y sinipingan ng isa ang kanyang kapatid na babae na anak ng kanyang ama.

12 Sa(D) iyo ay tumanggap sila ng suhol upang magpadanak ng dugo. Ikaw ay kumukuha ng patubo't pakinabang, at ikaw ay nakinabang sa iyong kapwa sa pamamagitan ng pang-aapi; at nilimot mo ako, sabi ng Panginoong Diyos.

13 “Narito, kaya't aking inihampas ang aking kamay sa madayang pakinabang na iyong ginawa, at sa dugo na dumanak sa gitna mo.

14 Makakatagal ba ang iyong tapang, o mananatili bang malakas ang iyong mga kamay sa mga araw na haharapin kita? Akong Panginoon ang nagsalita, at gagawin ko iyon.

15 Aking pangangalatin ka sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin kita sa mga lupain; at aking lilinisin ang iyong karumihan sa gitna mo.

16 At lalapastanganin mo ang iyong sarili sa paningin ng mga bansa, at iyong malalaman na ako ang Panginoon.”

Ang Hurno ng Panginoon

17 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

18 “Anak ng tao, ang sambahayan ni Israel ay naging dumi ng bakal sa akin. Silang lahat, pilak, tanso, lata, bakal at tingga sa hurno, ay naging dumi.

19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat kayong lahat ay naging dumi, kaya't narito, aking titipunin kayo sa gitna ng Jerusalem.

20 Kung paanong tinitipon ng mga tao ang pilak, tanso, bakal, tingga, at ang lata sa gitna ng hurno, upang hipan ang apoy, upang tunawin ang mga iyon; gayon ko kayo titipunin sa aking galit at poot, at aking ilalagay kayo roon at tutunawin kayo.

21 Aking titipunin kayo at hihipan ko kayo sa pamamagitan ng apoy ng aking poot, at kayo'y matutunaw sa gitna niyon.

22 Kung paanong ang pilak ay natutunaw sa hurno, gayon kayo matutunaw sa gitna niyon; at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagbuhos ng aking poot sa inyo.”

Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel

23 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

24 “Anak ng tao, sabihin mo sa kanya, Ikaw ay isang lupain na hindi nilinis, o naulanan man sa araw ng pagkagalit.

25 Ang kanyang mga pinuno sa gitna niya ay gaya ng leong umuungal na niluluray ang biktima. Kanilang sinakmal ang mga tao. Kanilang kinuha ang kayamanan at mahahalagang bagay. Pinarami nila ang mga babaing balo sa gitna niya.

26 Ang(E) kanyang mga pari ay nagsigawa ng karahasan sa aking mga aral at nilapastangan ang aking mga banal na bagay. Hindi nila binigyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, o kanila mang itinuro ang kaibahan ng marumi sa malinis, at kanilang pinawalang-halaga ang aking mga Sabbath, kaya't ako'y nalapastangan sa gitna nila.

27 Ang kanyang mga pinuno sa gitna niya ay parang mga asong-gubat na niluluray ang biktima, nagpapadanak ng dugo, nangwawasak ng mga buhay upang magkaroon ng madayang pakinabang.

28 At pininturahan sila ng puti ng mga propeta na nakakakita ng huwad na mga pangitain, at nanghuhula ng mga kabulaanan para sa kanila, na nagsabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos,’ bagaman hindi nagsalita ang Panginoon.

29 Ang mga tao ng lupain ay gumawa ng pang-aapi at pagnanakaw. Kanilang inapi ang dukha at nangangailangan, at kanilang inapi ang mga dayuhan at ito'y hindi naituwid.

30 At ako'y humanap ng lalaki sa gitna nila na gagawa ng pader, at makakatayo sa sira sa harapan ko para sa lupain, upang huwag kong wasakin; ngunit wala akong natagpuan.

31 Kaya't aking ibinuhos ang aking galit sa kanila; aking tinupok sila ng apoy ng aking poot; ang kanilang sariling lakad ay aking siningil sa kanilang mga ulo, sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Magkapatid na Makasalanan

23 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, may dalawang babae na mga anak na babae ng isang ina;

sila'y naging bayarang babae[a] sa Ehipto. Sila'y naging bayarang babae[b] sa panahon ng kanilang kabataan; doo'y pinisil ang kanilang mga suso at hinipo ang suso ng kanilang pagkadalaga.

Ang pangalan ng nakatatanda ay Ohola[c] at si Oholiba[d] ang kapatid niya. Sila'y naging akin at nanganak ng mga lalaki at babae. At tungkol sa kanilang mga pangalan, si Ohola ay ang Samaria, at si Oholiba ay ang Jerusalem.

“Si Ohola ay naging bayarang babae[e] nang siya'y akin; at siya'y umibig sa kanyang mga mangingibig na mga taga-Asiria,

mga mandirigma na may damit na kulay ube, mga tagapamahala at mga pinuno, silang lahat ay mga binatang makikisig, mga mangangabayo na nakasakay sa mga kabayo.

Ipinagkaloob niya sa kanila ang kanyang pagiging bayarang babae,[f] sa kanilang lahat na mga piling lalaki sa Asiria. Dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng lahat ng diyus-diyosan ng mga taong kanyang kinahumalingan.

Hindi niya iniwan ang kanyang pagiging bayarang babae[g] na kanyang ginawa mula pa sa mga araw niya sa Ehipto, sapagkat sa kanyang kabataan, sila'y sumiping sa kanya at hinawakan nila ang suso ng kanyang pagkadalaga; at kanilang ibinuhos ang kanilang kahalayan sa kanya.

Kaya't ibinigay ko siya sa kamay ng kanyang mga mangingibig, sa kamay ng mga taga-Asiria, na siya niyang kinahumalingan.

10 Ang mga ito ang naglantad ng kanyang kahubaran. Kinuha nila ang kanyang mga anak na lalaki at babae at siya'y pinatay nila ng tabak. Siya'y naging tampulan ng paghamak sa mga babae nang ilapat sa kanya ang hatol.

11 “Nakita ito ng kanyang kapatid na si Oholiba, gayunma'y siya'y higit na masama sa kanyang pagkahumaling, at sa kanyang pagiging bayarang babae,[h] na higit pa sa kanyang kapatid.

12 Siya'y nahumaling sa mga taga-Asiria, sa mga tagapamahala at mga pinuno sa kanyang mga kalapit, na nakadamit ng mga pinakamahusay sa mga nangangabayo na nakasakay sa mga kabayo, na silang lahat ay mga binatang makikisig.

13 Aking nakita na siya'y nadungisan; kapwa nila tinahak ang iisang daan.

14 At kanyang pinalago ang kanyang pagiging bayarang babae.[i] Siya'y nakakita ng mga lalaking nakalarawan sa mga pader, mga larawan ng mga Caldeo na nakalarawan sa bermillon,

15 na nabibigkisan sa kanilang mga balakang, na may nakabalot na mga putong sa kanilang mga ulo. Silang lahat ay parang mga pinuno ayon sa larawan ng mga taga-Babilonia na ang lupaing tinubuan ay Caldea.

16 Nang makita niya sila ay nahumaling siya sa kanila at nagpadala ng mga sugo sa kanila sa Caldea.

17 At sinipingan siya ng mga taga-Babilonia sa higaan ng pag-ibig, at kanilang dinungisan siya ng kanilang kahalayan. At pagkatapos na siya'y madungisan nila, lumayo siya sa kanila na may pagkainis.

18 Nang ipagpatuloy niya nang hayagan ang kanyang mga pagpapakasama, at inilitaw niya ang kanyang kahubaran, may pagkainis akong lumayo sa kanya, gaya ng pagtalikod ko sa kanyang kapatid.

19 Gayunma'y kanyang pinarami ang kanyang pagiging bayarang babae,[j] at inalaala ang mga araw ng kanyang kabataan, nang siya'y naging bayarang babae[k] sa lupain ng Ehipto.

20 Siya'y nahumaling sa kanyang mga kalaguyo roon, na ang laman ay parang laman ng mga asno, at ang lumalabas sa kanila ay parang ang lumalabas sa mga kabayo.

21 Ganito mo kinasabikan ang kahalayan ng iyong kabataan, nang hipuin ng mga Ehipcio ang iyong mga dibdib at pisilin ang iyong mga suso.”

Ang Hatol ng Diyos sa Nakababatang Kapatid

22 Kaya, O Oholiba, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Aking ibabangon laban sa iyo ang iyong mga mangingibig na iyong nilayuang may pagkainis, at aking dadalhin sila laban sa iyo sa lahat ng dako:

23 Ang mga taga-Babilonia at lahat ng Caldeo, ang Pekod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria na kasama nila, na mga binatang makikisig, mga tagapamahala at mga pinuno silang lahat, mga puno, at mga mandirigma, silang lahat ay nakasakay sa mga kabayo.

24 At sila'y paparitong laban sa iyo na may mga karwahe, mga kariton, at napakaraming mga tao. Sila'y maghahanda laban sa iyo sa bawat panig na may mga pananggalang, kalasag at helmet. Aking ipauubaya ang hatol sa kanila, at kanilang hahatulan ka ayon sa kanilang mga kaugalian.

25 Aking itutuon ang aking galit laban sa iyo, upang pakitunguhan ka nilang may poot. Kanilang puputulin ang iyong ilong at ang iyong mga tainga, at ang nakaligtas sa iyo ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak. Kanilang darakpin ang iyong mga anak na lalaki at babae; at ang mga nakaligtas sa iyo ay lalamunin ng apoy.

26 Kanila rin namang huhubaran ka ng iyong mga suot, at kukunin ang iyong mga magagandang hiyas.

27 Kaya't ganito ko wawakasan ang iyong kahalayan, at ang iyong pagiging bayarang babae[l] na dinala mo mula sa lupain ng Ehipto. Hindi ka na masasabik sa kanila[m] o alalahanin mo pa ang Ehipto kailanman.

28 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ibibigay kita sa kamay ng mga kinapopootan mo, sa kamay ng mga nilayuan mong may pagkainis;

29 at papakitunguhan ka nila na may poot, at aalisin ang lahat ng bunga ng iyong pagpapagal, at iiwan kang hubad at hubo, at ang kahubaran ng iyong pagiging bayarang babae[n] ay malalantad. Ang iyong kahalayan at ang iyong pagiging bayarang babae,[o]

30 ang nagdala nito sa iyo, sapagkat ikaw ay naging bayarang babae[p] sa mga bansa, at iyong dinumihan ang iyong sarili ng kanilang mga diyus-diyosan.

31 Ikaw ay lumakad sa landas ng iyong kapatid; kaya't ibibigay ko ang kanyang saro sa iyong kamay.

32 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“Ikaw ay iinom sa kopa ng iyong kapatid,
    na ito'y malalim at malaki;
ikaw ay pagtatawanan at kukutyain,
    sapagkat marami itong laman.
33 Ikaw ay malalasing at mamamanglaw.
Isang kopa ng lagim at kapahamakan
    ang kopa ng iyong kapatid na Samaria;
34 iyong iinumin at uubusin,
    at iyong ngangatngatin ang mga piraso nito,
    at lulurayin ang iyong dibdib;

sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong Diyos.

35 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ako'y iyong nilimot, at tinalikuran mo ako, kaya't pasanin mo ang mga bunga ng iyong kahalayan at pagiging bayarang babae.”[q]

Ang Parusa ng Panginoon sa Magkapatid

36 Bukod dito'y sinabi ng Panginoon sa akin: “Anak ng tao, hahatulan mo ba si Ohola at si Oholiba? Kung gayo'y ipahayag mo sa kanila ang kanilang mga kasuklamsuklam na gawain.

37 Sapagkat sila'y nagkasala ng pangangalunya, at ang dugo ay nasa kanilang mga kamay. Kasama ng kanilang mga diyus-diyosan ay nagkasala sila sa pagsamba sa mga iyon, at pinadaan sa apoy ang kanilang mga anak na kanilang ipinanganak sa akin bilang pagkain nila.

38 Bukod dito'y ginawa nila ito sa akin: kanilang nilapastangan ang aking santuwaryo nang araw ding iyon, at nilapastangan ang aking mga Sabbath.

39 Sapagkat nang kanilang patayin ang kanilang mga anak bilang handog sa kanilang mga diyus-diyosan, pumunta sila nang araw ding iyon sa aking santuwaryo upang lapastanganin ito. Ganito ang kanilang ginawa sa aking bahay.

40 Nagsugo pa sila ng mga taong nagmumula sa malayo, na siyang ipinasundo sa sugo, at sila'y dumating. Iyong pinaliguan ang iyong sarili para sa kanila, kinulayan mo ang iyong mga mata, at ginayakan mo ang iyong sarili;

41 naupo ka sa isang magarang upuan, na may hapag na nakahanda sa harapan niyon, na siya mong pinaglapagan ng aking insenso at langis.

42 Ang tunog ng maraming taong walang iniintindi ay nasa kanya; at kasama ng mga pangkaraniwang lalaki ay dinala ang mga maglalasing na mula sa ilang. Kanilang nilagyan ng mga pulseras ang mga kamay ng mga babae, at magagandang korona sa kanilang mga ulo.

43 “Nang magkagayo'y sinabi ko, Hindi ba nangangalunya ngayon ang mga lalaki kapag sila'y nagpapaupa sa kanya?

44 Sapagkat kanilang sinipingan siya, na parang sumiping sila sa isang upahang babae. Gayon nila sinipingan sina Ohola at Oholiba, mga masasamang babae.

45 Ngunit ang matutuwid na tao ang hahatol sa kanila ng kahatulan na may hatol sa mangangalunya, at ng hatol sa mga babae na nagpadanak ng dugo; sapagkat sila'y mangangalunya, at ang dugo ay nasa kanilang mga kamay.”

46 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Magdala ka ng isang hukbo laban sa kanila, at gagawin ko silang tampulan ng takot at pagsamsam.

47 At babatuhin sila ng hukbo, at tatagain sila ng kanilang mga tabak; papatayin nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae, at susunugin ng apoy ang kanilang mga bahay.

48 Ganito ko wawakasan ang kahalayan sa lupain, upang ang lahat ng mga babae ay mabalaan na huwag gumawa ng gayong kahalayan na inyong ginawa.

49 At sisingilin ang inyong kahalayan sa inyo, at inyong papasanin ang mga kaparusahan para sa inyong makasalanang pagsamba sa diyus-diyosan; at inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001