Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mateo 1

Talaan ng Lahing Pinagmulan ni Jesu-Cristo(A)

Ito ang aklat ng lahi ni Jesu-Cristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.

Naging anak ni Abraham si Isaac; naging anak ni Isaac si Jacob; at naging anak ni Jacob si Juda at ang mga kapatid nito;

naging anak ni Juda kay Tamar sina Perez at Zera; naging anak ni Perez si Hesron; at naging anak ni Hesron si Aram;

naging anak ni Aram si Aminadab; naging anak ni Aminadab si Naashon; at naging anak ni Naashon si Salmon;

naging anak ni Salmon kay Rahab si Boaz; naging anak ni Boaz kay Ruth si Obed; at naging anak ni Obed si Jesse;

naging anak ni Jesse si Haring David. At naging anak ni David sa asawa ni Urias si Solomon;

naging anak ni Solomon si Rehoboam; naging anak ni Rehoboam si Abias; at naging anak ni Abias si Asaf;

naging anak ni Asaf si Jehoshafat; naging anak ni Jehoshafat si Joram; at naging anak ni Joram si Uzias;

naging anak ni Uzias si Jotam; naging anak ni Jotam si Ahaz; at naging anak ni Ahaz si Hezekias;

10 naging anak ni Hezekias si Manases; naging anak ni Manases si Amos;[a] at naging anak ni Amos si Josias;

11 naging(B) anak ni Josias si Jeconias at ang kanyang mga kapatid, nang panahon na dalhin silang bihag sa Babilonia.

12 Pagkatapos silang dalhing bihag sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Sealtiel; at naging anak ni Sealtiel si Zerubabel;

13 naging anak ni Zerubabel si Abiud; naging anak ni Abiud si Eliakim; at naging anak ni Eliakim si Azor;

14 naging anak ni Azor si Zadok; naging anak ni Zadok si Akim; at naging anak ni Akim si Eliud;

15 naging anak ni Eliud si Eleazar; naging anak ni Eleazar si Matan; at naging anak ni Matan si Jacob;

16 naging anak ni Jacob si Jose na asawa ni Maria, na siyang nagsilang kay Jesus na tinatawag na Cristo.

17 Samakatuwid, ang lahat ng salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David ay labing-apat. Mula kay David hanggang sa pagkadalang-bihag sa Babilonia ay labing-apat na salinlahi; at mula sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labing-apat din na salinlahi.

Isinilang ang Cristo(C)

18 Ganito(D) ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo. Nang si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose, bago sila magsama, si Maria ay natuklasang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

19 Si Jose na kanyang asawa, palibhasa'y isang taong matuwid at ayaw ilagay sa kahihiyan si Maria, ay nagpasiya na lamang na kanyang hiwalayan ito nang lihim.

20 Ngunit samantalang pinag-iisipan niya ito, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa panaginip na nagsasabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria na iyong asawa sapagkat ang ipinaglilihi niya ay mula sa Espiritu Santo.

21 Siya'y(E) manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:

23 “Narito,(F) magdadalang-tao ang isang birhen at manganganak ng isang lalaki,
    at ang pangalang itatawag nila sa kanya ay Emmanuel”

(na ang ibig sabihin ay kasama natin ang Diyos).

24 Nang bumangon si Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ipinag-utos sa kanya ng anghel ng Panginoon. Siya'y kanyang tinanggap bilang kanyang asawa.

25 Ngunit(G) hindi niya ito nakilala hanggang sa maipanganak nito ang isang lalaki[b] na pinangalanan niyang Jesus.

Lucas 2:1-38

Ang Kapanganakan ni Jesus(A)

Nang mga araw na iyon ay lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar upang magpatala ang buong daigdig.

Ito ang unang pagtatala na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.

Pumunta ang lahat upang magpatala, bawat isa sa kanyang sariling bayan.

Umahon din si Jose mula sa Galilea mula sa bayan ng Nazaret, patungo sa Judea, sa lunsod ni David, na tinatawag na Bethlehem, sapagkat siya'y mula sa sambahayan at lipi ni David,

upang magpatalang kasama ni Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay malapit nang manganak.

Samantalang sila'y naroroon, dumating ang panahon ng kanyang panganganak.

At kanyang isinilang ang kanyang panganay na anak na lalaki, binalot niya ito ng mga lampin,[a] at inihiga sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Ang mga Pastol at ang mga Anghel

Sa lupaing iyon ay may mga pastol ng tupa na nasa parang na nagbabantay sa kanilang kawan sa gabi.

Tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila, at sila'y lubhang natakot.

10 Kaya't sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot, sapagkat narito, dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan.

11 Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon.

12 Ito ang magiging palatandaan ninyo: Matatagpuan ninyo ang isang sanggol na balot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”

13 At biglang sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagsasabi,

14 “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan,
at sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”[b]

15 Nang iwan sila ng mga anghel patungo sa langit, sinabi ng mga pastol sa isa't isa, “Pumunta tayo ngayon sa Bethlehem at tingnan natin ang nangyaring ito na ipinaalam sa atin ng Panginoon.”

16 At sila'y nagmamadaling pumunta at kanilang natagpuan sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.

17 Nang makita nila ito, ipinaalam nila sa kanila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito;

18 at lahat nang nakarinig nito ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastol.

19 Subalit iningatan ni Maria ang lahat ng mga salitang ito, na pinagbulay-bulay sa kanyang puso.

20 Pagkatapos ay bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, ayon sa sinabi sa kanila.

Binigyan ng Pangalan si Jesus

21 Makaraan(B) ang walong araw, dumating ang panahon upang tuliin ang bata.[c] Tinawag siyang Jesus, ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi sa sinapupunan.

Dinala si Jesus sa Templo

22 Nang(C) sumapit na ang mga araw ng kanilang paglilinis ayon sa kautusan ni Moises, kanilang dinala siya sa Jerusalem upang iharap siya sa Panginoon

23 (ito ay ayon(D) sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay tatawaging banal sa Panginoon”).

24 Sila'y naghandog ng alay alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, “dalawang batu-bato, o dalawang batang kalapati.”

25 Noon ay may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan na naghihintay sa kaaliwan ng Israel at nasa kanya ang Espiritu Santo.

26 Ipinahayag sa kanya ng Espiritu Santo na hindi niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.

27 Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok siya sa templo. Nang ipasok ng mga magulang sa templo ang sanggol na si Jesus upang gawin sa kanya ang naaayon sa kaugalian sa ilalim ng kautusan,

28 inilagay niya ang sanggol sa kanyang mga bisig, pinuri ang Diyos, at sinabi,

29 “Panginoon, ngayon ay hayaan mong ang iyong alipin ay pumanaw na may kapayapaan,
    ayon sa iyong salita,
30 sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31 na iyong inihanda sa harapan ng lahat ng mga tao,
32 isang(E) ilaw upang magpahayag sa mga Hentil,
    at para sa kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.”

33 Ang ama at ina ng bata[d] ay namangha sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kanya.

34 Sila'y binasbasan ni Simeon at sinabi kay Maria na kanyang ina, “Ang batang ito ay itinalaga para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel at pinakatanda na sasalungatin,

35 at tatagos ang isang tabak sa iyong sariling kaluluwa upang mahayag ang iniisip ng marami.”

36 Mayroong isang babaing propeta, si Ana na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay napakatanda na at may pitong taong namuhay na kasama ng kanyang asawa mula nang sila ay ikasal,

37 at bilang isang balo hanggang walumpu't apat na taong gulang. Hindi siya umalis sa templo kundi sumamba roon na may pag-aayuno at panalangin sa gabi at araw.

38 Pagdating niya sa oras ding iyon, siya'y nagpasalamat sa Diyos at nagsalita nang tungkol sa sanggol[e] sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001