Chronological
Dumalaw ang mga Pantas
2 Nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa kapanahunan ng haring si Herodes, may mga Pantas[a] na lalaki mula sa silangan na dumating sa Jerusalem,
2 na nagtatanong, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Sapagkat nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang siya'y sambahin.”
3 Nang marinig ito ni Haring Herodes, siya ay nabahala, pati ang buong Jerusalem.
4 Nang matipon niyang lahat ang mga punong pari at mga eskriba ng bayan, nagtanong siya sa mga ito kung saan isisilang ang Cristo.
5 Sinabi nila sa kanya, “Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
6 ‘At(A) ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
sa anumang paraan ay hindi ka pinakamaliit sa mga pangunahing bayan ng Juda;
sapagkat sa iyo manggagaling ang isang pinuno,
na magiging pastol ng aking bayang Israel.’”
7 Pagkatapos, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at inalam sa kanila kung kailan lumitaw ang bituin.
8 Kanyang pinapunta sila sa Bethlehem at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at hanapin ninyong mabuti ang sanggol; kapag siya ay inyong natagpuan na, ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako rin ay makaparoon at siya ay aking sambahin.”
9 Pagkatapos nilang makinig sa hari ay lumakad na sila; at naroon, ang bituin na kanilang nakita sa silangan ay nanguna sa kanila hanggang sa tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.
10 Labis silang nagalak nang makita nila ang bituin.
11 Pagpasok nila sa bahay ay nakita nila ang sanggol na kasama ng kanyang inang si Maria. Nagpatirapa sila at sumamba sa kanya. Nang buksan nila ang kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kanya ang mga kaloob na ginto, kamanyang at mira.
12 Palibhasa'y binalaan sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes, nag-iba sila ng daan pauwi sa kanilang lupain.
Ang Pagtakas Patungo sa Ehipto
13 Nang makaalis na sila, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungo sa Ehipto. Manatili kayo roon hanggang sabihin ko sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya ay patayin.”
14 Kaya't siya ay bumangon at dinala ang sanggol at ang ina nito nang gabing iyon, at pumunta sila sa Ehipto.
15 Nanatili(B) sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.”
Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki
16 Nang malaman ni Herodes na siya'y dinaya ng mga Pantas, siya ay labis na nagalit. At ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa karatig-pook na may gulang na dalawang taon pababa, ayon sa panahon na kanyang tiniyak mula sa mga Pantas.
17 Kaya't natupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Jeremias:
18 “Isang(C) tinig ang narinig sa Rama,
pananangis at malakas na panaghoy,
tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak;
ayaw niyang paaliw, sapagkat wala na sila.”
Ang Pagbabalik mula sa Ehipto
19 Ngunit pagkamatay ni Herodes, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa panaginip kay Jose sa Ehipto, na nagsasabi,
20 “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at pumunta kayo sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga naghahangad sa buhay ng sanggol.”
21 Kaya't bumangon siya at dinala ang sanggol at ang ina nito at pumunta sa lupain ng Israel.
22 Ngunit nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil pinagsabihan siya sa pamamagitan ng panaginip, nagtungo siya sa nasasakupan ng Galilea.
23 Siya(D) ay nanirahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret upang maganap ang sinabi ng mga propeta na “siya ay tatawaging Nazareno.”
Ang Pagbabalik sa Nazaret
39 Nang(A) magampanan na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon, bumalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret.
40 At lumaki ang bata, lumakas, napuno ng karunungan, at sumasakanya ang biyaya ng Diyos.
Ang Batang si Jesus sa Templo
41 Noon,(B) taun-taon ay nagtutungo ang kanyang mga magulang sa Jerusalem sa kapistahan ng Paskuwa.
42 Nang siya'y labindalawang taon na, umahon sila ayon sa kaugalian patungo sa kapistahan.
43 Nang matapos na ang kapistahan, sa pagbabalik nila ay nanatili ang batang si Jesus sa Jerusalem, ngunit hindi ito alam ng kanyang mga magulang.
44 Ngunit sa pag-aakala nilang siya'y kasama ng mga manlalakbay, nagpatuloy sila ng isang araw na paglalakbay. Pagkatapos ay kanilang hinahanap siya sa mga kamag-anak at mga kakilala,
45 at nang di nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya.
46 Pagkalipas ng tatlong araw, kanilang natagpuan siya sa templo na nakaupo sa gitna ng mga guro na nakikinig at nagtatanong sa kanila.
47 Ang lahat ng nakikinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan at sa kanyang mga sagot.
48 Nang siya'y makita nila ay nagtaka sila at sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganito? Tingnan mo, ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo na may pag-aalala.”
49 Sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo nalalaman na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?”[a]
50 At hindi nila naunawaan ang salitang sinabi niya sa kanila.
51 Umuwi siyang kasama nila, at dumating sa Nazaret at naging masunurin sa kanila. Iningatan ng kanyang ina ang mga bagay na ito sa kanyang puso.
52 Lumago(C) si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001