Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 30-31

30 Si Raquel ay hindi pa rin nagbubuntis, kaya nainggit siya kay Lea. Sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng anak dahil kung hindi, mamamatay talaga ako!”

Nagalit si Jacob sa kanya at sinabi, “Bakit, Dios ba ako? Siya ang nagpasya na hindi ka magkaanak.”

Sinabi ni Raquel, “Kung ganoon, sumiping ka kay Bilha na alipin ko para kahit sa pamamagitan niya magkaroon din ako ng anak.”

Kaya ibinigay niya si Bilha kay Jacob bilang asawa, at sumiping si Jacob kay Bilha.

Dumating ang panahon, nabuntis si Bilha at nanganak ng lalaki. Sinabi ni Raquel, “Kinuha na ng Dios ang aking kahihiyan. Tinugon niya ang panalangin ko dahil binigyan niya ako ng isang anak na lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Dan.[a]

Muling nagbuntis si Bilha na alipin ni Raquel at nanganak ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob. Sinabi ni Raquel, “Napakahigpit ng labanan namin bilang magkapatid, at nagtagumpay ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Naftali.[b]

Nang hindi na magkaanak si Lea, pinasipingan niya kay Jacob ang alipin niyang si Zilpa. 10 Nabuntis si Zilpa at nanganak ng lalaki. 11 Sinabi ni Lea, “Parang pinalad ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Gad.[c]

12 Muling nanganak si Zilpa ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob. 13 Sinabi ni Lea, “Lubha akong nasisiyahan! Ngayon tatawagin ako ng mga babae na masiyahin.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Asher.[d]

14 Anihan ng trigo noon, pumunta si Reuben sa bukid at may nakita siyang tanim na mandragora. Kumuha siya ng bunga nito at dinala sa ina niyang si Lea. Pagkakita noon ni Raquel ay sinabi niya kay Lea, “Bigyan mo rin ako ng mandragora na dinala ng anak mo.”

15 Pero sumagot si Lea, “Hindi ka pa ba kontento na kinuha mo ang asawa ko? Ngayon, kukunin mo pa ang mandragora ng anak ko?”

Sinabi ni Raquel, “Kung bibigyan mo ako ng mandragora pasisipingin ko si Jacob sa iyo ngayong gabi.”

16 Mag-aagaw dilim na nang dumating si Jacob mula sa bukid, sinalubong siya ni Lea at sinabi, “Kailangang sa akin ka sumiping ngayong gabi, dahil binayaran na kita kay Raquel ng mandragora na dala ng anak ko.” Kaya sumiping si Jacob kay Lea nang gabing iyon.

17 Sinagot ng Dios ang panalangin ni Lea at siyaʼy nabuntis. Nanganak siya ng lalaki na ikalimang anak nila ni Jacob. 18 Sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Dios dahil ibinigay ko ang alipin ko sa aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang kanyang anak na Isacar.[e]

19 Muling nabuntis si Lea at nanganak ng lalaki na ikaanim nilang anak ni Jacob. 20 Sinabi niya, “Binigyan ako ng Dios ng mabuting regalo. Pararangalan na ako nito ngayon ng asawa ko dahil nabigyan ko na siya ng anim na anak na puro lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Zebulun.[f]

21 Hindi nagtagal nanganak si Lea ng babae at pinangalanan niyang Dina.

22 Hindi rin kinalimutan ng Dios si Raquel. Sinagot niya ang kanyang panalangin na magkaanak din siya. 23 Nagbuntis siya at nanganak ng lalaki. Sinabi niya, “Inalis ng Dios ang aking kahihiyan.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Jose[g] dahil sinabi niya, 24 “Nawaʼy bigyan ako ng Panginoon ng isa pang anak.”

Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban

25 Pagkatapos na ipanganak ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan nʼyo akong makauwi sa lugar namin. 26 Ibigay nʼyo sa akin ang mga asawa ko, na ipinaglingkod ko sa inyo, at ang mga anak ko, dahil babalik na ako sa amin. Nalalaman nʼyo kung paano ako naglingkod sa inyo.”

27 Sumagot si Laban, “Kung maaari huwag muna. Ayon sa pagpapahula ko, nalaman ko na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo. 28 Sabihin mo lang kung magkano ang ibabayad ko sa iyo at babayaran kita.”

29 Sinabi ni Jacob, “Alam mo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang mga hayop ninyo dahil sa pag-aalaga ko. 30 Nang dumating ako rito, kakaunti pa lang ang mga hayop nʼyo, pero ngayon ay napakarami na, dahil pinagpala kayo ng Panginoon dahil sa akin. Ngayon, dapat na sigurong magsumikap ako para sa sarili kong sambahayan.”

31 Nagtanong si Laban, “Ano ba ang gusto mong ibayad ko sa iyo?”

Sumagot si Jacob, “Huwag nʼyo na lang po akong bayaran. Ipagpapatuloy ko ang pag-aalaga sa mga hayop ninyo kung papayag kayo sa kundisyon ko: 32 Titingnan ko ngayon ang mga hayop nʼyo at kukunin ko ang itim na mga tupa at batik-batik na mga kambing. Iyon na lang ang pinakabayad nʼyo sa akin. 33 Darating ang araw, malalaman nʼyo kung maaasahan ako o hindi kung susuriin nʼyo ang mga hayop na ibinayad sa akin. Kung may makita po kayong kambing na hindi batik-batik o tupa na hindi itim, ituring nʼyo na ninakaw ko ito.”

34 Sumagot si Laban, “Kung ganyan ang gusto mo, payag ako.”

35 Pero nang araw ding iyon, ibinukod ni Laban ang mga batik-batik na kambing na lalaki at babae, pati ang mga itim na tupa. Pinaalagaan niya ito sa mga anak niyang lalaki. 36 Ibinukod niya ito kay Jacob sa layo na tatlong araw kung lalakarin. Ang naiwang mga hayop ay ang binabantayan ni Jacob.

37 Kumuha si Jacob ng mga sanga ng almendro, abilyano, at kastanyo, at binalat-balatan niya ito. Pero hindi niya lubos na binalatan, kaya may batik-batik na puti kapag tiningnan ang mga sanga. 38-39 Inilagay niya ang mga sangang iyon sa harapan ng painuman ng mga hayop para makita ng mga ito kapag iinom sila. Doon sa harapan ng mga sanga nagkakastahan[h] ang mga kambing kapag umiinom sila. Batik-batik ang mga anak nila kapag nanganganak sila. 40 Pero iba ang ginawa ni Jacob sa mga tupa: Habang nagkakastahan ang mga hayop na ito, pinapaharap niya sila sa mga batik-batik na kambing niya at sa itim na mga kambing ni Laban. Kaya nakaipon din si Jacob ng sarili niyang mga hayop at hindi niya ito isinama sa mga hayop ni Laban. 41 Kapag nagkakastahan na ang mga hayop na maganda ang katawan doon sa pinag-iinuman, inilalagay agad ni Jacob ang mga sangang iyon sa harapan ng mga ito. 42 Pero kapag ang mga hayop na matatamlay ang nagkakastahan, hindi niya inilalagay ang mga sanga, kaya ang mga matatamlay ay kay Laban at ang mga masisigla ang katawan ay kay Jacob. 43 Sa ganitong paraan, labis na yumaman si Jacob. Dumami ang hayop niya pati na ang mga kamelyo at asno. Dumami rin ang alipin niyang lalaki at babae.

Tumakas si Jacob kay Laban

31 Narinig ni Jacob na ang mga anak na lalaki ni Laban ay nagsasabi, “Kinuha ni Jacob ang halos lahat ng ari-arian ng ating ama. Ang lahat ng kayamanan niya ay nanggaling sa ari-arian ng ating ama.” Napansin din ni Jacob na nag-iba na ang pakikitungo ni Laban sa kanya di tulad nang dati.

Sinabi ng Panginoon kay Jacob, “Bumalik ka na sa lupain ng iyong mga ninuno, doon sa mga kamag-anak mo, at makakasama mo ako.”

Kaya ipinatawag ni Jacob ang mga asawa niyang sina Raquel at Lea na naroon sa pastulan ng mga hayop niya. Sinabi niya sa kanila, “Napansin ko na nag-iba na ang pakikitungo ng inyong ama sa akin di tulad nang dati. Pero hindi ako pababayaan ng Dios ng aking Ama. Alam naman ninyo na naglingkod ako sa inyong ama hanggang sa makakaya ko, pero dinaya pa niya ako. Sampung beses niyang binago ang kabayaran ko. Pero hindi ako pinabayaan ng Dios na api-apihin lang niya. Nang sinabi nga ni Laban na ang batik-batik na mga kambing ang siyang bayad ko, panay din batik-batik ang anak ng mga kambing. Kinuha ng Dios ang mga hayop ng inyong ama at ibinigay sa akin.”

10 Sinabi pa ni Jacob, “Nang panahon ng pagkakastahan ng mga hayop, nanaginip ako. Nakita ko na ang mga lalaking kambing na kumakasta sa mga babaeng kambing ay mga batik-batik. 11 Sa panaginip ko tinawag ako ng anghel ng Dios. Sinabi niya, ‘Jacob!’ Sumagot ako sa kanya, ‘Narito po ako.’ 12 At sinabi niya, ‘Masdan mo ang lahat ng lalaking kambing na kumakasta sa mga babaeng kambing ay mga batik-batik. Ginawa ko ito dahil nakita ko ang lahat ng ginagawa sa iyo ni Laban. 13 Ako ang Dios na nagpakita sa iyo roon sa Betel, sa lupain kung saan binuhusan mo ng langis ang bato na itinayo mo bilang alaala. At doon ka rin nangako sa akin. Ngayon maghanda ka at umalis sa lugar na ito, at bumalik sa lugar kung saan ka isinilang.’ ”

14 Sumagot si Raquel at si Lea kay Jacob, “Wala na kaming mamanahin sa aming ama. 15 Ibang tao na kami sa paningin niya. Ipinagbili na kami at naubos na niya ang perang pinagbilhan namin. 16 Ang lahat ng yaman na binawi sa kanya ng Dios at ibinigay na sa iyo ay maituturing namin na mamanahin namin at ng aming mga anak. Kaya gawin mo ang sinabi sa iyo ng Dios.”

17-18 Naghanda agad si Jacob para bumalik sa Canaan, sa lupain ng ama niyang si Isaac. Pinasakay niya ang mga anak niya at mga asawa sa mga kamelyo. Dinala niya ang mga hayop niya at ang lahat ng ari-arian niya na naipon niya sa Padan Aram.

19 Nagkataon naman na umalis si Laban para gupitan ang kanyang mga tupa, at habang wala siya kinuha ni Raquel ang mga dios-diosang pag-aari ng kanyang ama. 20 Niloko ni Jacob si Laban na Arameo dahil hindi siya nagpaalam sa pag-alis niya. 21 Nang umalis si Jacob, dala niya ang lahat ng ari-arian niya. Tumawid siya sa Ilog Eufrates at pumunta sa bundok ng Gilead.

Hinabol ni Laban si Jacob

22 Nakalipas ang tatlong araw bago malaman ni Laban na lumayas sina Jacob. 23 Kayaʼt hinabol niya si Jacob kasama ang mga kamag-anak niya sa loob ng pitong araw. Naabutan nila sina Jacob doon sa bundok ng Gilead. 24 Nang gabing iyon, nagpakita ang Dios kay Laban na Arameo sa panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Huwag mong gagawan ng masama si Jacob.”

25 Nagtatayo noon si Jacob ng tolda niya sa bundok ng Gilead nang maabutan siya ni Laban. At doon din nagtayo sina Laban ng mga tolda nila. 26 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Bakit mo ako niloko? At dinala mo ang mga anak ko na parang mga bihag sa labanan. 27 Bakit niloko mo ako at umalis nang hindi nagpapaalam sa akin? Kung nagsabi ka lang, paglalakbayin pa sana kita nang may kagalakan sa pamamagitan ng tugtugan ng tamburin at alpa. 28 Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon na mahagkan ang mga apo ko at mga anak bago sila umalis. Hindi maganda itong ginawa mo. 29 May dahilan ako para gawan ka ng masama, kaya lang binalaan ako kagabi ng Dios ng iyong ama na huwag kitang gagawan ng masama. 30 Alam kong sabik na sabik ka nang umuwi. Pero bakit ninakaw mo ang mga dios ko?”

31 Sumagot si Jacob sa kanya, “Hindi ako nagpaalam sa iyo dahil natatakot ako na baka pilitin nʼyong bawiin sa akin ang mga anak mo. 32 Pero kung tungkol sa mga nawawala ninyong dios-diosan, kapag nakita nʼyo ito sa kahit sino sa amin, parurusahan siya ng kamatayan. Sa harapan ng mga kamag-anak natin bilang mga saksi, tingnan nʼyo kung may pag-aari po kayo rito na nasa amin, at kung mayroon ay kunin nʼyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel pala ang kumuha ng mga dios-diosan ni Laban.

33 Kaya hinanap ni Laban ang mga dios-diosan niya sa tolda ni Jacob, sa tolda ni Lea, at pati sa tolda ng dalawang aliping babae na mga asawa ni Jacob. Pero hindi niya nakita ang mga ito. Paglabas niya sa tolda ni Lea, pumasok siya sa tolda ni Raquel. 34 Pero naitago na ni Raquel ang mga dios-diosan sa lalagyan na ginagamit na upuan sa pagsakay sa kamelyo, at inupuan niya. Hinanap ni Laban ang mga dios-diosan sa tolda ni Raquel pero hindi niya ito makita.

35 Sinabi ni Raquel sa kanya, “Ama, huwag po kayong magalit kung hindi po ako makatayo dahil mayroon akong buwanang dalaw.” At patuloy na naghahanap si Laban pero hindi niya makita ang mga dios-diosan niya.

36 Hindi na mapigilan ni Jacob ang kanyang galit, kaya sinabi niya kay Laban, “Ano ba ang kasalanang nagawa ko at hinabol mo pa ako? 37 Ngayong nahalungkat mo na ang lahat ng ari-arian ko, may nakita ka bang sa iyo? Kung mayroon, ilagay mo rito sa harap para makita ng aking mga kamag-anak at ng iyong mga kamag-anak, at bahala na sila ang humatol sa atin. 38 Sa loob ng 20 taon nang akoʼy nasa inyo, ni minsan hindi nakunan ang iyong mga kambing at tupa. At ni isang lalaking tupa ay hindi ko pinangahasang kainin. 39 Hindi ko na dinadala sa iyo ang mga hayop na pinatay ng mababangis na hayop; pinapalitan ko na lang ito agad. Pinabayaran mo rin sa akin ang mga hayop na ninakaw araw man o gabi. 40 Ganito ang naging kalagayan ko: Kapag araw ay nagtitiis ako sa init, at kung gabi ay nagtitiis ako sa lamig. At palaging kulang ang tulog ko. 41 Sa loob ng 20 taon na pagtira ko sa inyo, 14 na taon akong naglingkod sa iyo para sa iyong dalawang anak na babae. Naglingkod pa ako ng anim na taon para bantayan ang iyong mga hayop. Pero ano ang ginawa mo? Sampung beses mong binago ang pagbabayad mo sa akin. 42 Kung hindi siguro ako sinamahan ng Dios na ginagalang ng aking ama na si Isaac, na siya ring Dios ni Abraham, baka pinalayas mo na ako nang walang dalang anuman. Pero nakita ng Dios ang paghihirap ko at pagtatrabaho, kaya binalaan ka niya kagabi.”

Ang Kasunduan nina Jacob at Laban

43 Sumagot si Laban, “Ang mga babaeng iyan ay anak ko at ang mga anak nila ay mga apo ko. At ang mga hayop na iyan ay akin din. Lahat ng nakikita mo ay akin. Pero ngayon, ano pa ang magagawa ko sa mga anak at apo ko? 44 Ang mabuti siguro, gumawa tayo ng kasunduan. Magtayo tayo ng batong magpapaalala sa atin at magpapatunay ng kasunduan natin.”

45 Kaya kumuha si Jacob ng malaking bato at itinayo niya ito bilang alaala. 46 Pagkatapos, inutusan niya ang mga kamag-anak niya na magtumpok ng mga bato. At kumain sila roon sa tinumpok na mga bato. 47 Pinangalanan ni Laban ang tinumpok na mga bato na Jegar Sahaduta.[i] Pero pinangalanan ito ni Jacob na Galeed.[j]

48 Sinabi ni Laban, “Ang mga batong ito na tinumpok ang magpapatunay sa kasunduan nating dalawa.” Ito ang dahilan kung bakit pinangalanan itong tinumpok sa Galeed. 49 Tinawag din iyon na Mizpa,[k] dahil sinabi pa ni Laban, “Nawaʼy ingatan tayo ng Panginoon sa ating paghihiwalay. 50 At kung hindi mabuti ang pakikitungo mo sa mga anak ko, o kayaʼy mag-aasawa ka pa ng iba, alalahanin mo na kahit hindi ko man ito nalalaman, ang Dios ang magpapatunay ng kasunduan natin.”

51 Muli pang sinabi ni Laban kay Jacob, “Narito ang tinumpok na mga bato at ang bato na alaalang magpapatunay ng kasunduan natin. 52 Ang mga tinumpok na batong ito at ang bato na alaala ang siyang magpapatunay ng ating kasunduan na hindi ako lalampas sa tinumpok na mga batong ito para lusubin ka, at hindi ka rin lalampas sa tinumpok na mga batong ito at sa bato na alaala para lusubin ako. 53 Nawaʼy ang Dios ng lolo mong si Abraham at ang Dios ng aking ama na si Nahor, na siya ring Dios ng kanilang amang si Tera, ang siyang humatol sa ating dalawa.”

Nakipagkasundo rin si Jacob kay Laban sa pangalan ng Dios na iginagalang ng ama niyang si Isaac. 54 Naghandog si Jacob ng hayop doon sa bundok, at tinawag niya ang mga kamag-anak niya para kumain. Kinagabihan, doon sila natulog sa bundok.

55 Kinabukasan, maaga pa ay hinagkan ni Laban at binasbasan ang mga anak at apo niya, at umalis siya pauwi.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®