Chronological
Ang Pagbaba ng Baha
8 Hindi kinalimutan ng Dios si Noe at ang mga kasama niyang hayop sa loob ng barko. Kaya pinaihip niya ang hangin sa mundo at dahan-dahang bumaba ang tubig. 2 Tinakpan niya ang mga bukal at pinahinto ang ulan. 3 Patuloy ang pagbaba ng tubig sa loob ng 150 araw. 4 At nang ika-17 araw ng ikapitong buwan, sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat. 5 Patuloy ang pagbaba ng tubig. At nang unang araw ng ikasampung buwan, nakikita na ang tuktok ng mga bundok.
6 Pagkalipas ng 40 araw mula ng panahon na nakita na ang tuktok ng mga bundok, binuksan ni Noe ang bintana ng barko 7 at pinakawalan ang isang uwak. At ang uwak na itoʼy parooʼt paritong lumilipad hanggang sa patuloy na pagbaba ng tubig. 8 Pinakawalan din ni Noe ang isang kalapati para malaman niya kung bumaba na ang tubig, 9 pero walang madapuan ang kalapati dahil natatakpan pa rin ng tubig ang buong mundo. Kaya bumalik na lamang ang kalapati kay Noe sa barko. Pinadapo ni Noe ang kalapati sa kamay niya at pinapasok sa barko. 10 Pinalipas muna ni Noe ang pitong araw at muli niyang pinakawalan ang kalapati. 11 Gabi na nang bumalik ang kalapati na may dalang sariwang dahon ng olibo sa kanyang tuka. Kaya nalaman ni Noe na bumaba na ang tubig. 12 Pinalipas muli ni Noe ang pitong araw pa at muli niyang pinakawalan ang kalapati, pero hindi na ito bumalik.
13 Noong unang araw ng unang buwan tuluyan nang bumaba ang tubig. Si Noe ay 601 taong gulang na noon. Binuksan niya ang takip ng barko at nakita niya na tuyo na ang lupa. 14 Nang ika-27 araw ng ikalawang buwan, tuyong-tuyo na talaga ang lupa sa buong mundo.
15 Sinabi agad ng Dios kay Noe, 16 “Lumabas na kayong lahat sa barko. 17 Palabasin nʼyo rin ang lahat ng hayop para dumami sila at mangalat sa buong mundo.” 18 Kaya lumabas si Noe kasama ang kanyang asawa, mga anak na lalaki at mga manugang niya. 19 Lumabas din ang lahat ng hayop: mga lumalakad, lumilipad at gumagapang. Magkakasama sila ayon sa kani-kanilang uri.
Naghandog si Noe
20 Gumawa si Noe ng altar para sa Panginoon. Pagkatapos, kumuha siya ng isa sa bawat uri ng hayop na malinis[a] pati rin sa bawat uri ng mga ibon na malinis, at sinunog niya ito sa altar bilang handog sa Panginoon. 21 Nang naamoy ng Panginoon ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa ginawa ng tao, kahit alam kong makasalanan ang tao mula nang bata pa siya. Hindi ko na talaga muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay katulad ng aking ginawa noon. 22 Habang nagpapatuloy ang mundo, may panahon ng pagtatanim at pag-ani. May taglamig at may tag-init, may tag-ulan at may tag-araw, at may araw at may gabi.”
Ang Kasunduan ng Dios kay Noe
9 Binasbasan ng Dios si Noe at ang mga anak niya at sinabi, “Magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat kayo sa buong mundo. 2 Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop: ang mga lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang mga nakatira sa tubig. Kayo ang maghahari sa kanilang lahat. 3 Makakakain na kayo ngayon ng mga hayop. Ibinibigay ko ito sa inyo bilang pagkain, kagaya ng mga ibinigay ko sa inyo na mga pananim na makakain.
4 “Pero huwag ninyong kakainin ang hayop na nang mamatay ay hindi lumabas ang dugo, dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. 5 Sisingilin ko ang sinumang papatay sa inyo, kahit ang mga hayop. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa kanyang kapwa.
6 “Ang sinumang pumatay sa kanyang kapwa ay papatayin din ng kanyang kapwa. Sapagkat ang tao ay ginawa ng Dios na kawangis niya. 7 Ngayon, magkaroon kayo ng mga anak para dumami at mangalat sa buong mundo.”
8 Sinabi pa ng Dios kay Noe at sa mga anak niya, 9-11 “Ito ang kasunduan ko sa inyo at sa mga lahi ninyo, at sa lahat ng nabubuhay sa mundo pati sa lahat ng hayop na naging kasama ninyo sa barko: Hindi ko na muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay sa pamamagitan ng baha. At wala nang baha na mangyayari pa para malipol ang mundo.”
12-13 At sinabi pa ng Dios, “Bilang palatandaan ng kasunduan ko sa inyo at sa mga hayop, at sa lahat ng susunod nʼyo pang mga henerasyon, maglalagay ako ng bahaghari sa ulap. 14 Sa tuwing gagawin kong maulap ang langit at lilitaw ang bahaghari, 15 aalalahanin ko agad ang kasunduan ko sa inyo at sa lahat ng uri ng hayop, na hindi ko na lilipuling muli sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. 16 Tuwing lilitaw ang bahaghari sa mga ulap, aalalahanin ko agad ang walang hanggang kasunduan ko sa lahat ng may buhay sa mundo.”
17 Kaya sinabi ng Dios kay Noe, “Ang bahaghari ang siyang palatandaan ng kasunduan ko sa lahat ng nabubuhay sa mundo.”
Ang mga Anak ni Noe
18 Ito ang mga anak ni Noe na kasama niya sa barko: sina Shem, Ham at Jafet. (Si Ham ang ama ni Canaan.) 19 Silang tatlo ang pinagmulan ng lahat ng tao sa mundo.
20 Si Noe ay isang magsasaka at siya ang unang nagtanim ng ubas. 21 Isang araw, uminom siya ng alak na mula sa ubas, at nalasing. Nakatulog siyang hubad sa loob ng kanyang tolda. 22 Ngayon, si Ham na ama ni Canaan ay pumasok sa tolda, at nakita niyang hubad ang kanyang ama. Kaya lumabas siya at sinabi ito sa dalawang kapatid niya. 23 Kumuha sina Shem at Jafet ng damit at inilagay sa balikat nila, pagkatapos, lumakad sila nang paurong papasok sa tolda para takpan ang kanilang ama. Hindi sila lumingon dahil ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 Nang mahimasmasan na si Noe sa pagkalasing niya, at nalaman kung ano ang ginawa ng bunsong anak niya, 25 sinabi niya;
“Sumpain ka Canaan! Maghihirap ka at magiging alipin ng iyong mga kapatid.”
26 At sinabi rin niya,
“Purihin ang Panginoon, ang Dios ni Shem.
Nawaʼy maging alipin ni Shem si Canaan.
27 Nawaʼy palawakin ng Dios ang lupain ni Jafet,
at maging mabuti ang pagsasama ng mga lahi niya at ng mga lahi ni Shem.
At nawaʼy maging alipin din ni Jafet si Canaan.”
28 Nabuhay pa si Noe ng 350 taon pagkatapos ng baha. 29 Namatay siya sa edad na 950.
Ang mga Lahi ng mga Anak ni Noe(A)
10 Ito ang salaysay tungkol sa mga pamilya ng mga anak ni Noe na sina Shem, Ham at Jafet. Nagkaroon sila ng mga anak pagkatapos ng baha.
2 Ang mga anak ni Jafet na lalaki ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras.
3 Si Gomer ay may mga anak din na lalaki na sina Ashkenaz, Rifat at Togarma.
4 Ang mga anak naman ni Javan ay sina Elisha, Tarshish, Kitim at Dodanim.[b] 5 Ito ang mga lahi ni Jafet. Sila ang pinagmulan ng mga tao na nakatira sa mga dalampasigan at mga isla. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa sarili nilang lugar na sakop ng bansa nila, at may sarili silang wika.
6 Ang mga anak ni Ham na lalaki ay sina Cush, Mizraim[c], Put at Canaan.
7 Si Cush ay may mga anak din na lalaki na sina Sheba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca. Ang mga anak ni Raama ay sina Sheba at Dedan.
8 May isa pang anak si Cush na ang pangalan ay Nimrod. Si Nimrod ay naging magiting na sundalo sa mundo. 9 Alam ng Panginoon[d] na mahusay siyang mangangaso; dito nanggaling ang kasabihang, “Katulad ka ni Nimrod na alam ng Panginoon na mahusay na mangangaso.” 10 Ang unang kaharian na pinamahalaan ni Nimrod ay ang Babilonia, Erec, Akad. Ang lahat ng ito[e] ay sakop ng Shinar. 11 Mula sa mga lugar na iyon, pumunta siya sa Asiria at itinayo ang Nineve, Rehobot Ir, Cala, 12 at Resen na nasa gitna ng Nineve at ng Cala na isang tanyag na lungsod.
13 Si Mizraim[f] ang pinagmulan ng mga Ludeo, Anameo, Lehabeo, Naftu, 14 Patruseo, Caslu at ng Caftoreo na siyang pinagmulan ng mga Filisteo.
15 Si Canaan ang ama nina Sidon at Het. Si Sidon ang kanyang panganay. 16 Si Canaan ang siya ring pinagmulan ng mga Jebuseo, Amoreo, Gergaseo, 17 Hiveo, Arkeo, Sineo, 18 Arvadeo, Zemareo, at Hamateo.
Sa bandang huli, nangalat ang mga lahi ni Canaan. 19 Ang hangganan ng lupain nila ay mula sa Sidon papuntang Gerar hanggang sa Gaza, at umabot sa Sodom, Gomora, Adma, Zeboyim at hanggang sa Lasha.
20 Ito ang mga lahi ni Ham. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa kanilang sariling lupain na sakop ng kanilang bansa, at may sarili silang wika.
21 Si Shem na nakatatandang kapatid ni Jafet ang pinagmulan ng lahat ng Eber.
22 Ang mga anak na lalaki ni Shem:
sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram.
23 Ang mga anak ni Aram:
sina Uz, Hul, Geter at Meshec.
24 Si Arfaxad ang ama ni Shela, at si Shela ang ama ni Eber.
25 May dalawang anak na lalaki si Eber: ang isa ay pinangalanang Peleg, dahil noong panahon niya, ang mga tao sa mundo ay nagkahati-hati; ang pangalan naman ng kanyang kapatid ay Joktan.
26 Si Joktan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jera, 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila at Jobab. Silang lahat ang anak ni Joktan.
30 Ang lupaing tinitirhan nila ay mula sa Mesha at papunta sa Sefar, sa kabundukan sa silangan.
31 Ito ang mga lahi ni Shem. Ang bawat pamilya nila ay nakatira sa sarili nilang lupain na sakop ng kanilang bansa, at may sarili silang wika.
32 Ito ang lahat ng lahi ng mga anak ni Noe, na nasa ibaʼt ibang bansa. Sa kanila nagmula ang mga bansa sa buong mundo pagkatapos ng baha.
Ang Tore ng Babel
11 Noon, isang wika lang ang ginagamit ng lahat ng tao sa buong mundo. 2 Habang lumilipat ng tirahan ang mga tao patungo sa silangan, nakarating sila sa isang patag na lugar sa Shinar, at doon sila nanirahan.
3-4 Ngayon, sinabi ng mga tao, “Magtayo tayo ng isang lungsod na may tore na aabot sa langit, para maging tanyag tayo at hindi mangalat sa buong mundo.” Kaya gumawa sila ng mga tisa,[g] at pinainitan nila ito nang mabuti para tumigas nang husto. Tisa ang ginamit nila sa halip na bato. At aspalto ang ginamit nila bilang semento.
5 Ngayon, bumaba ang Panginoon para tingnan ang pagtatayo ng mga tao ng lungsod at tore. 6 Sinabi ng Panginoon, “Ang mga taong ito ay nagkakaisa at may isang wika lang. At ang ginagawa nilang ito ay simula pa lamang ng mga binabalak pa nilang gawin. Hindi magtatagal, gagawin nila ang kahit anong gusto nilang gawin. 7 Kaya bumaba tayo. Pag-iba-ibahin natin ang wika nila para hindi sila magkaintindihan.”
8 Kaya pinangalat sila ng Panginoon sa buong mundo dahil hindi na sila magkaintindihan, at nahinto ang pagtatayo nila ng lungsod. 9 Ang lungsod na ito ay tinawag na Babel[h] dahil doon pinag-iba-iba ng Panginoon ang wika ng mga tao, at mula roon ay pinangalat niya sila sa buong mundo.
Ang mga Lahi ni Shem(B)
10 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Shem:
Dalawang taon pagkatapos ng baha, nasa 100 taong gulang na noon si Shem, nang isilang ang anak niyang lalaki na si Arfaxad. 11 Matapos isilang si Arfaxad, nabuhay pa si Shem ng 500 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
12 Nang 35 taong gulang na si Arfaxad, isinilang ang anak niyang lalaki na si Shela. 13 Matapos isilang si Shela, nabuhay pa si Arfaxad ng 403 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
14 Nang 30 taong gulang na si Shela, isinilang ang anak niyang lalaki na si Eber. 15 Matapos isilang si Eber, nabuhay pa si Shela ng 403 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
16 Nang 34 taong gulang na si Eber, isinilang ang anak niyang lalaki na si Peleg. 17 Matapos isilang si Peleg, nabuhay pa si Eber ng 430 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
18 Nang 30 taong gulang na si Peleg, isinilang ang anak niyang lalaki na si Reu. 19 Matapos isilang si Reu, nabuhay pa si Peleg ng 209 na taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
20 Nang 32 taong gulang na si Reu, isinilang ang anak niyang lalaki na si Serug. 21 Matapos isilang si Serug, nabuhay pa si Reu ng 207 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
22 Nang 30 taong gulang na si Serug, isinilang ang anak niyang lalaki na si Nahor. 23 Matapos isilang si Nahor, nabuhay pa si Serug ng 200 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
24 Nang 29 taong gulang na si Nahor, isinilang ang anak niyang lalaki na si Tera. 25 Matapos isilang si Tera, nabuhay pa si Nahor ng 119 na taon at nadagdagan pa ang mga anak niya.
26 Nang 70 taong gulang na si Tera, isinilang ang mga anak niyang lalaki na sina Abram, Nahor at Haran.
Ang mga Lahi ni Tera
27 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Tera:
Si Tera ang ama nina Abram, Nahor at Haran. Si Haran ang ama ni Lot. 28 Namatay si Haran doon sa Ur na sakop ng mga Caldeo,[i] sa lugar mismo kung saan isinilang siya. Namatay siya habang buhay pa ang ama niyang si Tera. 29 Naging asawa ni Abram si Sarai, at si Nahor ay naging asawa ni Milca. Ang ama ni Milca at ng kapatid niyang si Isca ay si Haran. 30 Si Sarai ay hindi magkaanak dahil siyaʼy baog.
31 Umalis si Tera sa Ur na sakop ng mga Caldeo. Kasama niya ang anak niyang si Abram, ang kanyang manugang na si Sarai, at ang apo niyang si Lot na anak ni Haran. Papunta sana sila sa Canaan, pero pagdating nila sa Haran doon na lamang sila tumira. 32 Doon namatay si Tera sa edad na 205.[j]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®