Chronological
Sumagot si Job
6 Sumagot si Job,
2 “Kung matitimbang lang ang dinaranas kong pagtitiis at paghihirap, 3 mas mabigat pa ito kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Iyan ang dahilan kung bakit nagsasalita ako nang hindi ko pinag-iisipan nang mabuti. 4 Sapagkat para akong pinana ng Makapangyarihan na Dios ng panang nakakalason, at ang lason nitoʼy kumalat sa buo kong katawan. Ang nakakatakot na pana ng Dios ay nakatusok na sa akin. 5 Wala ba akong karapatang dumaing? Kahit asnong-gubat at baka ay umaatungal kapag walang damo. 6 Ang tao namaʼy nagrereklamo kapag walang asin ang kanyang pagkain, lalo naʼt kung ang kakainin ay puti lang ng itlog. 7 Ako man ay wala ring ganang kainin iyan, para akong masusuka.
8 “Nawaʼy ibigay ng Dios sa akin ang aking kahilingan. Matanggap ko na sana ang aking hinahangad, 9 na bawiin na lang sana ng Dios ang aking buhay. 10 At kapag itoʼy nangyari, masaya pa rin ako, dahil sa kabila ng aking paghihirap hinding-hindi ko itinakwil ang mga salita ng Banal na Dios.
11 “Ngunit pagod na akong maghintay at wala na rin akong maaasahan pa. Bakit kailangang patagalin pa ang buhay ko? 12 Kasingtibay ba ako ng bato at gawa ba sa tanso ang katawan ko? Hindi! 13 Wala na akong lakas para iligtas ang sarili ko. Wala na rin akong pagkakataong magtagumpay pa.
14 “Bilang mga kaibigan nais kong damayan ninyo ako sa paghihirap kong ito, kahit na sa tingin ninyoʼy itinakwil ko na ang Dios na Makapangyarihan. 15 Pero kayong mga itinuturing kong kapatid ay hindi pala maaasahan; para kayong sapa na kung minsan ay umaapaw ang tubig at kung minsan naman ay tuyo. 16 Itoʼy umaapaw kapag napupuno ng tunaw na yelo at nyebe, 17 at natutuyo kapag tag-init. 18 Kapag dumaan doon ang mga naglalakbay, wala silang tubig na maiinom, kaya pagdating nila sa ilang namamatay sila. 19 Ang mga mangangalakal na nagmula sa Tema at Sheba na naglalakbay ay umaasang makakainom sa sapa, 20 pero nabigo sila. Umaasa silang may tubig doon pero wala pala. 21 Ang sapa na iyon ang katulad ninyo. Wala rin kayong naitutulong sa akin. Natakot kayo nang makita ninyo ang nakakaawa kong kalagayan. 22 Pero bakit? Humingi ba ako ng regalo sa inyo? Nakiusap ba ako na tulungan ninyo ako mula sa inyong kayamanan, 23 o iligtas sa kamay ng aking mga kaaway? 24 Hindi! Ang pakiusap ko lamang ay sabihin ninyo sa akin ang tamang sagot sa nangyayari sa akin, at tatahimik na ako. Sabihin ninyo sa akin kung ano ang nagawa kong pagkakamali. 25 Hindi baleng masakit ang sasabihin ninyo bastaʼt iyon ay totoo. Pero ang ibinibintang ninyo sa akin ay hindi totoo at hindi ninyo mapatunayan. 26 Gusto ninyong ituwid ang mga sinasabi ko, dahil para sa inyo, ang aking sinasabi bilang desperadong tao ay walang kabuluhan. 27 Bakit, kayo baʼy matuwid? Nagagawa nga ninyong ipaalipin ang isang ulila, o di kayaʼy ipagbili ang isang kaibigan! 28 Tingnan ninyo ako. Sa tingin ba ninyoʼy magsisinungaling ako sa inyo? 29 Tigilan na ninyo ang paghatol sa akin, dahil wala akong kasalanan. 30 Akala ba ninyo ay nagsisinungaling ako, at hindi ko alam kung ano ang tama at mali?
7 “Ang buhay ng tao dito sa mundo ay napakahirap. Itoʼy kasinghirap ng araw-araw na pagtatrabaho ng isang manggagawa, 2 o gaya ng isang aliping nagnanais na sumapit na ang hapon upang siyaʼy makapagpahinga, o tulad ng isang manggagawang naghihintay ng kanyang sweldo. 3 Ganyan din ang kalagayan ko. Ilang buwan na ang aking paghihirap na walang kabuluhan. Kahit gabiʼy naghihirap ako, 4 at habang nakahiga ako, iniisip ko kung kailan darating ang umaga. Napakabagal ng takbo ng oras. Hindi ako mapalagay hanggang magbukang-liwayway. 5 Ang katawan koʼy puno ng uod at langib. Nagnanana at pumuputok ang mga pigsa kong namamaga.”
Nanalangin si Job sa Dios
6 “Lumilipas po ang aking mga araw na walang pag-asa. Mabilis itong lumilipas, higit pa sa bilis ng isang habian[a] ng manghahabi.[b] 7 O Dios, alalahanin nʼyo po na ang buhay koʼy parang isang hinga lamang, at hindi na po ako makadama ng anumang ligaya. 8 Nakikita nʼyo po ako ngayon pero sa huli ay hindi na. Hahanapin nʼyo ako ngunit hindi nʼyo ako matatagpuan. 9 Kung papaanong ang mga ulap ay nawawala at hindi na nakikita, ganoon din ang mga namamatay, hindi na sila nakakabalik pa. 10 Hindi na siya makakauwi sa kanyang bahay, at makakalimutan na siya ng mga nakakakilala sa kanya.
11 “Kaya po hindi ako maaaring manahimik; naninikip na po ang aking dibdib at kailangan ko na pong sabihin ang aking sama ng loob. 12 O Dios, bakit nʼyo po ako binabantayan? Isa ba akong dambuhalang halimaw sa dagat na dapat bantayan? 13 Kung gusto ko pong mahiga para makapagpahinga sa tinitiis kong hirap, 14 tinatakot nʼyo naman po ako sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain. 15 Kaya mas mabuti pang sakalin na lang ako at mamatay kaysa mabuhay sa katawang ito. 16 Kinasusuklaman ko ang aking buhay. Ayoko nang mabuhay. Hayaan nʼyo na lang akong mamatay, dahil wala nang kabuluhan ang aking buhay.
17 “Ano po ba ang tao para pahalagahan at pagmalasakitan nʼyo ng ganito? 18 Sinisiyasat nʼyo siya tuwing umaga at sinusubukan sa bawat sandali. 19 Kung maaari, hayaan na lang muna nʼyo ako kahit sandali lang. 20 At kung nagkasala naman po ako, ano po ang kasalanang nagawa ko sa inyo, O Tagapagbantay ng tao? Bakit ako ang pinili nʼyong pahirapan? Naging pabigat po ba ako sa inyo? 21 Kung nagkasala po ako sa inyo, bakit hindi nʼyo na lang ako patawarin? Hindi na rin naman magtatagal at papanaw na ako, at kahit hanapin nʼyo ako, hindi nʼyo na ako makikita.”
Nagsalita si Bildad
8 Sumagot si Bildad na taga-Shua, 2 “Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan? Nag-iingay ka lang at walang kabuluhan ang mga sinasabi mo. 3 Hindi maaaring pilipitin ng Makapangyarihang Dios ang katarungan o baluktutin ang katuwiran. 4 Nagkasala ang iyong mga anak laban sa Dios kaya nararapat lamang ang natanggap nilang kaparusahan. 5 Pero kung lalapit ka sa Makapangyarihang Dios, at magmamakaawa sa kanya, 6 at mamumuhay nang malinis at matuwid, kahit ngayon ay agad ka niyang tutulungan at ibabalik sa mabuting kalagayan. 7 At ang kayamanang ibibigay sa iyo ay higit pa kaysa sa kayamanan mo noon.
8 “Tanungin mo ang mga matatanda. Alamin mo kung ano ang natutunan[c] ng kanilang mga ninuno. 9 Sapagkat parang kailan lang tayo ipinanganak at kaunti lang ang ating nalalaman, at ang mga araw natin dito sa mundo ay tulad ng anino na hindi nagtatagal. 10 Pakinggan mo sila, at sasabihin nila sa iyo ang kanilang nalalaman.
11 “Hindi mabubuhay ang halamang tubig kung walang tubig. 12 Mamamatay iyon kahit na pasibol pa lang at hindi pa panahong putulin. 13 Ganyan din ang kahihinatnan ng lahat ng taong tumatalikod sa Dios. Ang kanyang pag-asa ay mawawala. 14 Ang lahat ng inaasahan at pinagtitiwalaan niya ay kasinrupok ng sapot ng gagamba. 15 Kapag sinandalan ito, agad nalalagot; dumidikit ngunit mahina ang kapit. 16 Kung titingnan parang mabuti ang kalagayan niya, parang tanim na sagana sa dilig at sikat ng araw. Yumayabong ito sa buong hardin 17 at kumakapit ang mga ugat nito sa mga bato. 18 Pero kapag nabunot na ito, hindi na pinapansin. 19 Ganyan ang wakas ng buhay niya, at may tanim na tutubong muli sa lugar na kanyang tinubuan.
20 “Ang totoo, hindi itinatakwil ng Dios ang taong matuwid at hindi niya tinutulungan ang taong masama. 21 Patatawanin ka niyang muli, at pasisigawin sa kagalakan. 22 Ipapahiya niya ang mga napopoot sa iyo at wawasakin ang kanilang sambahayan.”
Sumagot si Job
9 Sumagot si Job,
2 “Totoo ang sinabi mo. Pero paano mapapatunayan ng tao na wala siyang kasalanan sa harapan ng Dios? 3 Kahit na makipagtalo pa siya sa Dios sa hukuman, wala siyang magagawa, dahil sa isang libong katanungan ng Dios, hindi niya masasagot isa man sa mga ito. 4 Marunong at makapangyarihan ang Dios. Sino ang nakipaglaban sa kanya at nagtagumpay?
5 “Walang anu-anoʼy pinauuga niya ang mga bundok at natitibag ito sa tindi ng kanyang galit. 6 Niyayanig niya ang lupa at ang mga pundasyon nito ay nauuga. 7 Kapag inutusan niya ang araw o ang mga bituin, hindi ito sisikat o magbibigay ng liwanag. 8 Tanging siya lang ang nakapaglalatag ng langit at nakapagpapatigil ng alon. 9 Siya ang manlilikha ng grupo ng mga bituin na tinatawag na Oso, Orion, Pleyades, at mga bituin sa katimugan. 10 Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin. 11 Kapag dumadaan siya sa tabi ko, hindi ko siya nakikita o nararamdaman. 12 Kung may gusto siyang kunin, walang makakapigil sa kanya. At sino ang makakapagreklamo sa mga ginagawa niya? 13 Hindi pinipigil ng Dios ang kanyang galit. Kahit ang mga katulong ng dragon na si Rahab ay yumuyukod sa takot sa kanya. 14 Kaya papaano ko ipagtatanggol ang sarili ko sa Dios? Ano ang mga salitang maaari kong gamitin para makipagtalo sa kanya? 15 Kahit na wala akong kasalanan, hindi ko maipagtatanggol ang sarili ko. Ang magagawa ko lamang ay magmakaawa sa Dios na aking Hukom. 16 Kahit hilingin kong magkausap kami at pumayag siya, hindi pa rin niya ako pakikinggan. 17 Sapagkat pinapahirapan niya ako na parang sinasalanta ng bagyo, at dinadagdagan pa niya ang paghihirap ko nang walang dahilan. 18 Halos malagot na ang aking hininga dahil sa paghihirap na idinulot niya sa akin. 19 Kung lakas ang pag-uusapan walang tatalo sa kanya! At kung sa hukuman idadaan, sinong makapaghahabla sa kanya? 20 Kahit na wala akong kasalanan, paparusahan pa rin ako dahil sa mga sinabi ko. 21 Kahit na wala akong kapintasan, wala na itong halaga sa akin ngayon. Kinamumuhian ko na ang aking buhay. 22 Pareho lang naman ang kapalaran ng matuwid at masama. Lahat sila ay mamamatay. 23 Kapag biglang namatay sa kalamidad ang matuwid, natatawa lang siya. 24 Ipinagkatiwala niya ang mundo sa masasama. Tinatakpan niya ang mata ng mga hukom para hindi sila humatol ng tama. Kung hindi siya ang gumagawa nito, sino pa kaya?
25 “Madaling lumipas ang mga araw sa buhay ko; mas mabilis pa ito kaysa sa mananakbo. Lumilipas ito nang walang nakikitang kabutihan. 26 Dumadaan ito na kasimbilis ng isang matuling sasakyang pandagat o ng agilang dumadagit ng pagkain. 27 Kahit tumigil na ako sa pagdaing at pagdadalamhati at akoʼy ngumiti na, 28 nananaig pa rin sa akin ang takot sa mga paghihirap na maaaring dumating sa akin. Dahil alam kong hindi niya ako ituturing na walang kasalanan. 29 Yaman din lamang na itinuring na niya akong may kasalanan, wala nang halaga na ipagtanggol ko pa ang aking sarili. 30 Kahit sabunan ko pa ang aking buong katawan para luminis, 31 ilulubog pa rin niya ako sa maputik na hukay, upang kahit ang sarili kong damit ay ikahiya ako. 32 Hindi tao ang Dios na katulad ko; hindi ko siya kayang sagutin o isakdal man sa hukuman. 33 Mayroon sanang mamagitan sa amin para pagkasunduin kaming dalawa, 34 at mapatigil sana niya ang pagpalo ng Dios sa akin, para hindi na ako matakot. 35 Kung magkagayoʼy makakausap ko na ang Dios nang walang takot, pero sa ngayon hindi ko pa ito magagawa.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®