Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 23-25

Ang Pag-asang Darating

23 Paparusahan ni Yahweh ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito ay magkawatak-watak at mamatay. Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga pinunong nangangalaga sa kanyang bayan: “Pinapangalat ninyo at ipinagtabuyan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya kayo'y paparusahan ko dahil sa inyong ginawang ito. Ako na ang magtitipon sa mga nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila'y muling darami. Hihirang ako ng mga tagapangunang magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at pag-aalala, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

“Nalalapit(A) na ang araw,” sabi ni Yahweh, “na pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David, isang hari na mamamahala ng buong karunungan. Paiiralin niya sa buong lupain ang katarungan at katuwiran. Magiging ligtas ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’”

Ang sabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang panahon na ang mga tao'y hindi na manunumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[a] na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.’ At sa halip, sasabihin nila, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagpalaya at nanguna sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.’”

Pagtuligsa sa mga Propetang Sinungaling

Tungkol sa mga bulaang propeta, ito ang pahayag ni Jeremias:

Halos madurog ang puso ko,
    nanginginig ang aking buong katawan;
    para akong isang lasing, na nasobrahan sa alak,
dahil sa matinding takot kay Yahweh
    at sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat napakaraming tao sa lupaing ito ang hindi tapat kay Yahweh;
    ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan sa pagpapairal ng masama.
Dahil sa kanyang sumpa, nagluksa ang buong lupain
    at natuyo ang mga pastulan.

11 “Wala nang takot sa akin ang mga propeta at ang mga pari;
    gumagawa sila ng kasamaan maging sa loob ng aking Templo,” ang sabi ni Yahweh.
12 “Kaya magiging madulas at madilim ang kanilang landas;
    sila'y madarapa at mabubuwal.
Padadalhan ko sila ng kapahamakan;
    at malapit na ang araw ng kanilang kaparusahan.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
13 “Malaking kasalanan ang nakita kong ginagawa ng mga propeta sa Samaria:
    Sila'y nanghuhula sa pangalan ni Baal
    at inililigaw ang Israel na aking bayan.
14 Ngunit(B) mas lalo pang kasuklam-suklam ang namasdan ko sa mga propeta sa Jerusalem:
    Sila'y nangangalunya at mga sinungaling,
    pinapalakas pa nila ang loob ng gumagawa ng masama,
    kaya wala nang tumatalikod sa kanyang masamang gawa.
Naging katulad na sila ng mga taga-Sodoma at Gomorra.”

15 Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga propeta:

“Halamang mapait ang ipapakain ko sa kanila
    at tubig na may lason naman ang kanilang iinumin,
sapagkat lumaganap na sa buong lupain ang kawalan ng pagkilala sa Diyos, dahil sa mga propeta sa Jerusalem.”

16 Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagpapahayag sa inyo. Pawang kasinungalingan lamang ang sinasabi nila. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi ay kathang-isip lamang nila at hindi nagmula sa akin. 17 Palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa akin, ‘Magiging mabuti ang inyong kalagayan’; at sa mga ayaw tumalikod sa kasalanan, ‘Hindi ka daranas ng anumang kahirapan.’”

18 Subalit isa man sa mga propetang ito'y hindi nakakakilala kay Yahweh. Wala man lamang nakarinig sa kanyang pahayag o sumunod sa kanyang utos. 19 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyong nagngangalit, parang nag-aalimpuyong ipu-ipo na kanyang pababagsakin sa masasama. 20 Hindi maaalis ang poot ni Yahweh hanggang hindi niya naisasakatuparan at nagaganap ang kanyang mahiwagang panukala. Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito.

21 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, lumakad sila nang hindi ko inuutusan. Nagpahayag sila sa aking pangalan, gayong wala naman akong sinabi sa kanila. 22 Kung tunay nilang natutuhan ang aking mga salita, maipapangaral nila ang aking mensahe sa mga tao at sila'y magsisi at tatalikod sa kanilang masasamang gawa.

23 “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang. 24 Walang(C) makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa. 25 Alam ko ang ginagawa ng mga propetang sinungaling; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinamamalitang binigyan ko sila ng pangitain! 26 Kailan pa ba magbabago ang mga propetang ito na nangangaral ng kasinungalingan at nagpapahayag ng pandaraya ng kanilang mga puso? 27 Akala nila'y malilimot ako ng aking bayan dahil sa mga pangitaing sinasabi nila, gaya ng paglimot sa akin ng kanilang mga ninuno at naglingkod kay Baal. 28 Kung nanaginip ang isang propeta, dapat niyang sabihing ito'y panaginip lamang; ngunit kung narinig niya ang aking salita, ipahayag niya ito nang buong katapatan. Ano ang kaugnayan ng ipa sa trigo?” sabi ni Yahweh. 29 “Parang apoy ang aking salita at katulad ng martilyo na dumudurog sa malaking bato. 30 Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta at sinasabing iyon ang aking mensahe. 31 Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling salita at pagkatapos ay sasabihing galing iyon kay Yahweh. 32 Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang magagawa sa bayang ito.”

Ang Pasanin ni Yahweh

33 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kung tanungin ka ng mga taong ito o ng isang propeta o pari, ‘Ano ang ipinapasabi ni Yahweh?’ ganito ang isagot mo, ‘Kayo ang nagiging pabigat kay Yahweh, kaya kayo'y itatakwil niya.’ 34 Ang bawat propeta, pari o sinumang magsalita ng, ‘Ang nakakabigat kay Yahweh,’ ay paparusahan ko, pati ang kanyang sambahayan. 35 Ang sasabihin ninyo sa isa't isa, ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ 36 Ngunit huwag na ninyong sasabihin kahit kailan ang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh.’ Mabibigatan talaga ang sinumang gagamit ng mga salitang ito, sapagkat binabaluktot niya ang salita ng kanyang Diyos, ang Diyos na buháy, ang Makapangyarihan sa lahat, si Yahweh. 37 Ganito ang sasabihin ninyo kung kinakausap ninyo ang isang propeta: ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ 38 Ngunit kapag ginamit pa ninyo ang mga salitang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh,’ matapos kong ipagbawal ang paggamit niyon, 39 kayo'y ituturing ko ngang pasaning nakakabigat, at itatapon sa malayo, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno. 40 Ilalagay ko kayo sa kahiya-hiyang kalagayan na hindi ninyo malilimutan habang buhay, at kayo ay hahamakin habang panahon.”

Aral mula sa Mabuti at sa Masamang Igos

24 Pagkatapos(D) gapiin at dalhing-bihag sa Babilonia ng Haring Nebucadnezar si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim, kasama ang mga pinuno, mahuhusay na manggagawa at mga panday ng Juda mula Jerusalem patungong Babilonia, ipinakita sa akin ni Yahweh ang dalawang basket ng igos sa harap ng Templo ni Yahweh sa isang pangitain. Napakaganda ng mga igos sa unang basket, mga unang nahinog na bunga; ngunit napakasasama naman ng igos na nasa pangalawang basket, at hindi na maaaring kainin. At tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?”

Sumagot ako, “Mga igos po; napakagaganda ng nasa unang basket, ngunit napakasasama ng nasa isang basket at hindi na maaaring kainin.”

Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh, “Akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Katulad ng mabubuting igos na iyan, ang mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ay itinuturing kong mabubuting tao. Pangangalagaan ko sila at ibabalik balang araw sa kanilang lupain. Patatatagin ko sila at hindi lilipulin; itatanim at hindi bubunutin. Makikilala nila na ako si Yahweh; sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos, sapagkat buong puso silang magbabalik-loob sa akin.

“Ngunit kung paanong hindi makain ang napakasasamang igos,” sabi ni Yahweh, “gayon din ang gagawin ko kay Haring Zedekias ng Juda, sa kanyang mga pinuno, at sa mga natira sa Jerusalem na nananatili sa lupaing ito, pati ang mga nanirahan sa Egipto. Sila'y katatakutan sa lahat ng kaharian sa sanlibutan. Hahamakin sila, at ang pangalan nila'y magiging bukambibig sa pag-alipusta at pagsumpa kahit saan sila mapunta. 10 Daranas sila ng digmaan, taggutom, at salot hanggang sa lubusan silang mawala sa balat ng lupa, sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”

Pitumpung Taon ng Pagkaalipin sa Babilonia

25 Ito(E) ang pahayag na tinanggap ni Jeremias tungkol sa mga taga-Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim, anak ni Josias ng Juda, at unang taon naman ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia. Ganito ang sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng mga taga-Juda at mga naninirahan sa Jerusalem: “Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula pa noong ika-13 taon ng paghahari sa Juda ni Josias na anak ni Ammon hanggang ngayon, patuloy kong sinasabi sa inyo ang mga ipinahayag ni Yahweh, subalit ayaw ninyong pakinggan. Hindi ninyo pinansin o pinakinggan ang mga propetang sinugo niya. Sinabi nila na talikuran na ninyo ang masama ninyong pamumuhay at likong gawain, upang sa gayo'y mananatili kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga magulang. Sinabi nilang huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga diyus-diyosan; huwag ninyong pag-aalabin ang poot ni Yahweh dahil sa pagsamba ninyo sa mga diyus-diyosang nililok ng kamay. Kung sumunod lamang kayo sa kanya, sana'y hindi niya kayo pinarusahan. Ngunit hindi kayo nakinig kay Yahweh; ginalit ninyo siya dahil sinamba ninyo ang mga diyus-diyosang inyong ginawa. Kaya naman naganap sa inyo ang kapahamakang ito.

“Kaya ito ang sabi sa inyo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Dahil sa hindi ninyo pagsunod sa aking mga salita, tatawagin ko ang mga bansang nasa hilaga, pati ang aking lingkod na si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sasalakayin nila ang bansang ito, at lahat ng bansang nasa paligid. Wawasakin ko nang lubusan ang mga ito, at kasisindakan ng lahat ang kanilang sinapit. Hahamakin sila ng makakakita sa kanila at mananatiling wasak ang lupain habang panahon. 10 Patatahimikin(F) ko ang himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na rin maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Hindi na maririnig ang ingay ng gilingan. At maglalaho rin ang liwanag ng mga ilawan. 11 Madudurog(G) ang buong lupain at walang mapapakinabangan. Ang kanyang mga mamamayan ay aalipinin ng hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon. 12 Pagkaraan ng pitumpung taon, paparusahan ko naman ang hari ng Babilonia, at ang kanyang mga mamamayan, dahil sa kanilang kasamaan; ibabagsak ko ang bansang iyon at hindi na makakabangon kailanman. 13 Magaganap sa bansang iyon ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila; lahat ng nasusulat sa aklat na ito, na ipinahayag ni Jeremias laban sa lahat ng bansa. 14 Gagawin silang mga alipin ng maraming bansa at mga tanyag na hari; gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga ginawa.”

Ang Matinding Poot ni Yahweh

15 Ito ang mga sinabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: “Kunin mo sa kamay ko ang kopang ito na punô ng alak ng kapootan, at ipainom mo sa lahat ng bansang papupuntahan ko sa iyo. 16 Iinumin nila ito, sila'y malalasing at mababaliw sa tindi ng parusang ipadadala ko sa kanila.”

17 Kaya kinuha ko ang kopa sa kamay ni Yahweh, at ipinainom sa lahat ng bansang pinapuntahan niya sa akin. 18 Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda, kasama ng kanilang mga hari at mga pinuno, upang sila'y mawasak nang lubusan at maging nakakatakot pagmasdan. Sila'y kukutyain at ang mga pangalan nila'y gagamiting pansumpa. Nanatili silang gayon hanggang ngayon. 19 Pinainom ko rin ang Faraon, hari ng Egipto, pati kanyang mga lingkod at pinuno, lahat ng kanyang nasasakupan, 20 at ang mga dayuhang nakikipamayan sa kanila; gayon din ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo na taga-Ascalon, Gaza, Ekron at ang natira sa Asdod; 21 ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon; 22 lahat ng hari sa Tiro, sa Sidon, at sa mga pulo sa ibayong-dagat; 23 sa mga Lunsod ng Dedan, Tema, Buz, at lahat ng nagpaputol ng kanilang buhok; 24 lahat ng hari sa Arabia at ng magkakahalong liping nasa disyerto; 25 lahat ng hari ng Zimri, ng Elam at ng Media, 26 lahat ng hari sa hilaga, malayo man o malapit, at lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nilang lahat, ang hari ng Babilonia ang huling iinom sa kopang ito.

27 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sabihin mo sa mga tao: ‘Uminom kayo at magpakalasing hanggang sa kayo'y magkandasuka; mabubuwal kayo at hindi na makakabangon, sapagkat dumarating na ang digmaang padala ko sa inyo.’ 28 Kapag tinanggihan nila ang hawak mong alak, sasabihin mo sa kanila: ‘Sinasabi ni Yahweh na kailangang inumin ninyo ito. 29 Una kong paparusahan ang lunsod na tinawag sa aking pangalan; at paano kayo makakaligtas sa parusa? Hindi kayo makakaligtas sa parusa sapagkat padadalhan ko ng digmaan ang lahat ng naninirahan sa lupa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.’

30 “Kaya sabihin mo sa kanila ang lahat ng aking sinabi:

‘Si Yahweh ay magsasalita mula sa kaitaasan,
    mula sa kanyang banal na tahanan;
dadagundong ang kanyang tinig sa kalangitan,
    at aalingawngaw sa buong daigdig gaya ng sigawan ng mga lalaking gumagawa sa pisaan ng ubas.
31 Ang ingay ay aabot sa lahat ng panig ng sanlibutan.
Sapagkat hahatulan niya ang mga bansa,
gayon din ang buong sangkatauhan;
    ang masasama ay kanyang lilipulin.
Ito ang sabi ni Yahweh.’”

32 Ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ang sakuna ay lumalaganap na sa bawat bansa, parang malakas na bagyong dumarating mula sa pinakamalayong panig ng sanlibutan. 33 Sa araw na yaon, ang buong daigdig ay mapupuno ng bangkay ng mga pinatay ni Yahweh. Hindi na sila tatangisan, titipunin, o ililibing; magiging dumi na lamang sila sa ibabaw ng lupa!”

34 Tumangis kayo, mga pastol, umiyak kayo nang malakas! Maglagay kayo ng abo sa inyong ulo, kayong tagapag-alaga ng kawan. Oras na ng pagtungo ninyo sa patayan, at papatayin din kayong gaya ng mga tupa. 35 Walang matatakbuhan ang mga pastol; hindi makakatakas ang mga tagapag-alaga ng kawan. 36 Pakinggan ninyo ang iyakan ng mga pastol, at ang panangisan ng mga tagapag-alaga ng kawan. Sinasalakay na ni Yahweh ang dating matiwasay na pastulan. 37 Ang lahat ng tupa sa kawan ay pinuksa dahil sa matinding poot ni Yahweh. 38 Iniwan niya ang kanyang bayan, gaya ng isang leon na umalis sa kanyang yungib. Naging ilang ang lupain dahil sa digmaan at matinding poot ni Yahweh.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.