Chronological
Ang Matinding Tagtuyot
14 Ito ang pahayag ni Yahweh kay Jere mias tungkol sa tagtuyot:
2 “Nananangis ang Juda, naghihingalo ang kanyang mga lunsod,
nakahandusay sa lupa ang mga tao dahil sa matinding kalungkutan,
at napapasaklolo ang Jerusalem.
3 Inutusan ng mayayaman ang kanilang mga alipin upang kumuha ng tubig;
nagpunta naman ang mga ito sa mga balon,
ngunit wala silang nakuhang tubig doon;
kaya nagbalik sila na walang laman ang mga banga.
Dahil sa kahihiyan at kabiguan
ay tinatakpan nila ang kanilang mukha,
4 sapagkat bitak-bitak na ang lupa.
Tuyung-tuyo na ang lupain dahil hindi umuulan,
nanlupaypay ang mga magbubukid,
kaya sila'y nagtalukbong na lang ng mukha.
5 Iniwan na ng inahing usa ang kanyang anak na bagong silang,
sapagkat wala ng sariwang damo sa parang.
6 Umakyat sa mga burol ang mga asnong maiilap,
humihingal na parang mga asong-gubat;
nanlalabo ang kanilang paningin
dahil sa kawalan ng pagkain.
7 Nagsumamo sa akin ang aking bayan:
‘Yahweh, bagaman inuusig kami ng aming mga kasalanan,
gayunman, kami'y tulungan mo gaya ng iyong pangako.
Tunay na maraming beses na kaming tumalikod;
kami ay nagkasala laban sa iyo.
8 Ikaw ang tanging pag-asa ng Israel,
ikaw lamang ang makakapagligtas sa amin sa panahon ng kagipitan.
Bakit para kang dayuhan sa aming bayan,
parang isang manlalakbay na nakikitulog lamang?
9 Bakit para kang isang taong nabigla,
parang kawal na walang tulong na magawâ?
Ngunit ang totoo, O Yahweh, kasama ka namin;
kami ay iyong bayan,
huwag mo kaming pabayaan.’”
10 Ang sabi ni Yahweh tungkol sa mga taong ito, “Ginusto nilang lumayo sa akin, at walang nakapigil sa kanila. Kaya naman hindi ako nalulugod sa kanila. Hindi ko malilimot ang masasama nilang gawa, at paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”
11 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Huwag mong hilingin sa akin na tulungan ko ang mga taong ito. 12 Kahit na sila'y mag-ayuno, magsunog ng mga handog at magdala ng handog na pagkaing butil, hindi ko diringgin ang kanilang panalangin at hindi ako malulugod sa kanila. Sa halip, pababayaan ko silang mamatay sa digmaan, sa matinding gutom, at sa sakit.”
13 Ang sabi ko naman, “Panginoong Yahweh, alam mong sinasabi ng mga propeta na hindi magkakaroon ng digmaan o taggutom, sapagkat iyong ipinangako na kapayapaan lamang ang mararanasan sa buong bayan.”
14 Subalit ganito ang sagot ni Yahweh: “Pawang kasinungalingan ang sinasabi ng mga propetang iyan; hindi ko sila sinugo, inutusan, o kinausap man. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi sa inyo ay hindi galing sa akin, kundi pawang kathang-isip lamang nila. 15 Ito ang gagawin ko sa mga propetang hindi ko sinugo ngunit nagpapahayag sa aking pangalan at nagsasabing hindi daranas ng taggutom ang lupain—lilipulin ko sila sa pamamagitan ng digmaan at taggutom. 16 Pati ang mga taong pinagsabihan nila ng mga bagay na ito ay masasawi sa digmaan at sa taggutom. Itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem ang kanilang mga bangkay, at walang maglilibing sa kanila. Ganyan ang mangyayari sa kanilang lahat kasama ang kanilang mga asawa't mga anak. Pagbabayarin ko sila sa kanilang kasamaan.”
17 Inutusan ni Yahweh si Jeremias na ipaalam sa bayan ang kanyang kalungkutan; at sabihin,
“Araw-gabi'y hindi na ako titigil ng pag-iyak;
sapagkat malalim ang sugat ng aking bayan,
sila'y lubhang nasaktan.
18 Kapag lumabas ako sa kabukiran,
nakikita ko ang mga nasawi sa digmaan;
kapag ako'y pumunta sa mga bayan,
naroon naman ang mga taong namamatay sa gutom.
Patuloy sa kanilang gawain ang mga propeta at mga pari,
subalit hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa.”
Nagmakaawa kay Yahweh ang mga Tao
19 Yahweh, lubusan mo na bang itinakwil ang Juda?
Kinapootan mo na ba ang mga taga-Zion?
Bakit ganito kalubha ang parusa mo sa amin,
parang wala na kaming pag-asang gumaling?
Naghanap kami ng kapayapaan ngunit nabigo kami;
umasa kaming gagaling ngunit sa halip takot ang dumating.
20 Yahweh, kinikilala namin ang aming kasamaan,
at ang pagtataksil ng aming mga magulang;
kaming lahat ay nagkasala sa iyo.
21 Huwag mo kaming itakwil, alang-alang sa iyong pangalan;
huwag mong itulot na mapahiya ang Jerusalem,
ang kinalalagyan ng marangal mong trono.
Alalahanin mo ang ating kasunduan; huwag mo sana itong sirain.
22 Hindi makakagawa ng ulan ang mga diyus-diyosan ng alinmang bansa;
hindi makapagpapaambon man lamang ang mga langit.
Nasa iyo, O Yahweh, ang aming pag-asa,
sapagkat ikaw lamang ang makakagawa ng mga bagay na ito.
Kapahamakan para sa mga Taga-Juda
15 Pagkatapos(A) ay sinabi sa akin ni Yahweh, “Kahit na sina Moises at Samuel ang makiusap sa harapan ko, hindi ko kahahabagan kahit kaunti ang mga taong ito. Paalisin mo sila; ayoko na silang makita. 2 Kapag(B) itinanong nila sa iyo kung saan sila pupunta, sabihin mong itinakda na ang kanilang hantungan:
Ang iba sa kanila'y mamamatay sa sakit.
Masasawi naman sa digmaan ang iba.
Ang iba'y sa matinding gutom.
At bibihagin ng mga kaaway ang iba pa!
3 Apat na nakakapangilabot na parusa ang ipinasiya kong ipadala sa kanila: Sila'y mamamatay sa digmaan; lalapain ng mga aso ang kanilang mga bangkay; kakainin ng mga buwitre ang kanilang laman; at sisimutin ng mababangis na hayop ang anumang matitira. 4 Gagawin(C) ko silang kahindik-hindik sa lahat ng tao sa buong daigdig, dahil sa mga ginawa sa Jerusalem ni Manases na anak ni Hezekias noong siya'y hari sa Juda.
5 “Sino ang mahahabag sa inyo, mga taga-Jerusalem,
at sino ang malulungkot sa sinapit ninyo?
Sino ang mag-uukol ng panahon
upang alamin ang inyong kalagayan?
6 Ako'y itinakwil ninyong lahat;
kayo'y tumalikod sa akin.
Kaya pagbubuhatan ko kayo ng kamay at aking dudurugin,
sapagkat hindi ko mapigil ang poot ko sa inyo.
Akong si Yahweh ang nagsasalita.
7 Kayo'y parang mga ipang itatahip ko,
at tatangayin kayo ng hangin sa buong lupain.
Padadalhan ko kayo ng kapighatian, kayo'y aking pupuksain, bayan ko,
sapagkat ayaw ninyong iwan ang inyong masasamang gawa.
8 Mas marami pa ang magiging balo sa inyong kababaihan
kaysa dami ng buhangin sa dagat.
Lilipulin ko ang inyong mga kabataan,
aking patatangisin ang kanilang mga ina.
At biglang darating sa kanila ang dalamhati at takot.
9 Ang inang mawawalan ng pitong anak na lalaki
ay mawawalan ng malay at hahabulin ang kanyang hininga.
Para sa kanya, magdidilim ang dating maliwanag
dahil sa malaking kahihiyan at pagdaramdam.
Ang matitirang buháy ay pababayaan kong mamatay
sa kamay ng kanilang mga kaaway.
Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.”
Dumaing kay Yahweh si Jeremias
10 Napakahirap ng kalagayan ko! Bakit pa ba ako isinilang sa daigdig na ito? Lagi akong may kaaway at kalaban sa buong lupain. Hindi ako nagpautang, o kaya'y nangutang; gayunman, nilalait ako ng lahat. 11 Yahweh, mangyari nawa ang kanilang mga sumpa sa akin kung hindi kita pinaglingkurang mabuti, at kung hindi ako nakiusap sa iyo para sa aking mga kaaway nang sila'y naghihirap at naliligalig. 12 Walang makakabali sa bakal, lalo na kung ang bakal ay mula sa hilaga, sapagkat ito'y hinaluan ng tanso.
13 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Pababayaan kong agawin ng mga kaaway ang mga kayamanan at ari-arian ng aking bayan, bilang parusa sa mga kasalanang kanilang nagawa sa buong lupain. 14 At sila'y magiging mga alipin ng kanilang kaaway, sa isang lupaing hindi nila alam, sapagkat ang poot ko'y parang apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”
15 Sinabi naman ni Jeremias, “Yahweh, ikaw ang nakakaalam ng lahat. Alalahanin mo ako't tulungan. Ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin. Huwag kang papayag sa kanila at baka ako'y kanilang patayin. Ako'y hinahamak nila dahil sa iyo. 16 Nagsalita ka sa akin, at pinakinggan kitang mabuti. Ang mga salita mo'y aking kagalakan. Ako'y sa iyo, Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 17 Hindi ko sinayang ang aking panahon sa pagpapakaligaya sa buhay, kasama ang ibang mga tao, ni hindi ako nakigalak sa kanila. Dahil sa pagsunod sa iyong utos, nanatili akong nag-iisa at nagpupuyos sa galit ang kalooban ko. 18 Bakit hindi na natapos ang aking paghihirap? Bakit hindi na gumaling ang mga sugat ko? Talaga bang wala nang lunas ito? Nais mo bang ako'y mabigo, gaya ng isang batis na natutuyo sa tag-araw?”
19 Ganito ang isinagot ni Yahweh, “Kung manunumbalik ka, tatanggapin kita, at muli kitang gagawing lingkod ko. Kung magsasalita ka ng mga bagay na may kabuluhan, at hindi ng walang kabuluhan, muli kitang gagawing propeta. Lalapit sa iyo ang mga tao, at hindi ikaw ang lalapit sa kanila. 20 Sa harapan ng mga taong ito'y gagawin kitang isang matibay na pader na tanso. Lalabanan ka nila, ngunit hindi sila magtatagumpay. Sapagkat ako'y sasaiyo upang ingatan ka at panatilihing ligtas. 21 Ililigtas kita sa kamay ng masasama at iingatan laban sa mararahas.”
Ang mga Utos ni Yahweh kay Jeremias
16 Muling nagsalita sa akin si Yahweh at ang sabi, 2 “Huwag kang mag-aasawa o kaya'y magkakaanak sa lupaing ito. 3 Sasabihin ko sa iyo ang mangyayari sa mga anak na isisilang dito, gayundin sa kanilang mga magulang: 4 Mamamatay sila dahil sa nakamamatay na karamdaman, at walang tatangis o maglilibing sa kanila. Ang kanilang mga bangkay ay parang basurang matatambak sa lupa. Sila'y mapapatay sa digmaan o mamamatay sa matinding gutom, at kakainin ng mga buwitre at mababangis na hayop ang kanilang mga bangkay.
5 “Huwag kang papasok sa alinmang bahay na may patay. Huwag mo ring ipagdadalamhati ang pagkamatay ninuman. Sapagkat inalis ko na sa aking bayan ang kapayapaan; hindi na ako magpapakita sa kanila ng pag-ibig at kahabagan. 6 Mayaman at dukha'y mamamatay sa lupaing ito; hindi sila ililibing o iiyakan man. Walang taong susugat sa sarili o mag-aahit ng ulo bilang tanda ng pagdadalamhati. 7 Wala nang sasalo sa naulila upang aliwin ito. Wala nang makikiramay sa namatayan, kahit pa ama o ina ang namatay.
8 “Huwag kang papasok sa bahay na nagdaraos ng isang malaking pista. Huwag ka ring sasalo sa kanilang kainan at inuman. 9 Ako(D) si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Pakinggan mo ang aking sasabihin: Sasalantain ko ang lugar na ito. Hindi na maririnig pa ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Ang kaganapan ng mga bagay na ito'y masasaksihan ng mga narito.
10 “At kapag sinabi mo sa kanila ang lahat ng ito, itatanong nila sa iyo kung bakit ko sila pinaparusahan nang gayon. Itatanong nila kung anong kasalanan ang nagawa nila laban sa akin na kanilang Diyos. 11 Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang inyong mga ninuno ay tumalikod sa akin; sumamba at naglingkod sila sa mga diyus-diyosan. Itinakwil nila ako at hindi sinunod ang aking mga utos. 12 Ngunit higit na masama ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno. Kayong lahat ay matitigas ang ulo, masasama, at hindi sumusunod sa akin. 13 Dahil dito, ipapatapon ko kayo sa isang bayang hindi ninyo alam maging ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang diyos araw at gabi, at hindi ko kayo kahahabagan.’”
Ang Pagbabalik mula sa Pagkatapon
14 “Darating ang panahon,” sabi ni Yahweh, “na wala nang manunumpa nang ganito, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[a] na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto!’ 15 Sa halip, ang sasabihin nila'y, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagpalaya sa Israel mula sa lupain sa hilaga, at mula sa iba't ibang bansang pinagtapunan sa kanila.’ Ibabalik ko sila sa sarili nilang bayan, ang lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Akong si Yahweh ang nagsasalita.”
Ang Darating na Kaparusahan
16 “Magpapadala ako ng maraming mangingisda upang hulihin ang mga taong ito na gaya ng isda. Magsusugo rin ako ng maraming mangangaso upang hanapin sila sa bawat bundok at burol, pati sa mga guwang ng mga bato. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 17 Nakikita ko ang lahat ng ginagawa nila. Walang anumang maitatago sa akin; hindi mawawala sa aking paningin ang kanilang mga kasalanan. 18 Magbabayad sila nang makalawang beses sa kanilang mga kasalanan at kasamaan sapagkat nilapastangan nila ang aking lupain sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosang walang buhay at kasuklam-suklam na gawain.”
Ang Panalangin ng Pagtitiwala ni Jeremias kay Yahweh
19 O Yahweh, ikaw ang aking lakas at tanggulan; ang aking takbuhan sa oras ng kagipitan. Sa iyo magsisilapit ang mga bansa mula sa kadulu-duluhan ng daigdig at kanilang sasabihin, “Ang mga diyos ng aming mga ninuno'y pawang bulaan at walang kabuluhan. 20 Maaari bang gumawa ng sarili nilang diyos ang mga tao? Hindi! Kung gagawa sila, hindi ito maaaring maging tunay na diyos.”
21 “Kaya nga magmula ngayon,” sabi ni Yahweh, “ipapaalam ko sa lahat ng bansa ang aking kapangyarihan at lakas, at makikilala nilang ako nga si Yahweh.”
Ang Kasalanan at ang Kaparusahan ng Juda
17 Sinasabi ni Yahweh, “Mga taga-Juda, ang inyong mga kasalanan ay isinulat ng panulat na bakal; iniukit sa pamamagitan ng matulis na diyamante sa inyong mga puso, at sa mga sulok ng inyong mga altar. 2 Naalala ng inyong mga anak ang mga altar at haliging ginawa ninyo para sa diyosang si Ashera. Ang mga ito'y nakatayo sa tabi ng malalagong puno sa ibabaw ng mga sagradong burol, 3 at sa mga bundok na nasa maluwang na lupain. Pababayaan kong makuha ng inyong mga kaaway ang mga kayamanan at mga ari-arian ninyo dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong lupain. 4 Mapipilitan kayong isuko ang lupaing ibinigay ko sa inyo. At gagawin ko kayong mga alipin ng inyong mga kaaway sa lupaing wala kayong nalalaman, sapagkat parang apoy ang aking galit, at mananatiling nagniningas magpakailanman.”
Kay Yahweh lamang Magtiwala
5 Sinasabi ni Yahweh,
“Susumpain ko ang sinumang tumatalikod sa akin,
at nagtitiwala sa kanyang kapwa-tao,
sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
6 Ang katulad niya'y halamang tumubo sa disyerto,
sa lupang tuyo at maalat, na walang ibang tumutubo;
walang mabuting mangyayari sa kanya.
7 “Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh,
pagpapalain ang umaasa sa kanya.
8 Katulad(E) niya'y isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng batisan;
ang mga ugat ay patungo sa tubig;
hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init,
sapagkat mananatiling luntian ang mga dahon nito,
kahit hindi umulan ay wala itong aalalahanin;
patuloy pa rin itong mamumunga.
9 “Sino ang makakaunawa sa puso ng tao?
Ito'y mandaraya at walang katulad;
wala nang lunas ang kanyang kabulukan.
10 Akong(F) si Yahweh ang sumisiyasat sa isip
at sumasaliksik sa puso ng mga tao.
Ginagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay,
at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.”
11 Ang taong nagkakamal ng salapi sa pandaraya
ay parang ibong pumipisa sa hindi niya itlog.
Mawawala ang mga kayamanang iyon sa panahon ng kanyang kalakasan,
at sa bandang huli, siya'y mapapatunayang isang hangal.
12 Ang ating Templo'y katulad ng isang maharlikang trono,
nakatayo sa isang mataas na bundok buhat pa noong una.
13 Ikaw, Yahweh, ang pag-asa ng Israel;
mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa iyo.
Maglalaho silang gaya ng pangalang isinulat sa alabok,
sapagkat itinakwil ka nila, Yahweh,
ang bukal ng tubig na nagbibigay-buhay.
Humingi ng Tulong kay Yahweh si Jeremias
14 Yahweh, pagalingin mo ako, at ako'y lubusang gagaling; sagipin mo ako, at ako'y ganap na maliligtas. Ikaw ang tangi kong pupurihin!
15 Sinasabi sa akin ng mga tao, “Nasaan ang mga banta ni Yahweh laban sa amin? Bakit hindi niya ito gawin ngayon?”
16 Hindi ko hiniling na parusahan mo sila, o ninais na sila'y mapahamak. Yahweh, nalalaman mo ang lahat ng ito; alam mo kung ano ang aking mga sinabi. 17 Huwag mo sana akong takutin; ikaw ang kublihan ko sa panahon ng kagipitan. 18 Biguin mo ang mga umuusig sa akin; ngunit huwag mo akong ilagay sa kahihiyan. Hasikan mo sila ng takot ngunit huwag mo akong tatakutin. Parusahan mo sila at sila'y iyong wasakin.
Paggalang sa Araw ng Pamamahinga
19 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Pumunta ka at tumayo sa Pintuang-bayan na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda; pagkatapos, gayundin ang iyong gawin sa lahat ng pintuang-bayan sa Jerusalem. 20 Sabihin mo sa mga hari, sa lahat ng taga-Juda, sa sinumang nakatira sa Jerusalem, at sa pumapasok sa mga pintuang-bayang ito, na pakinggan ang sasabihin ko: 21 Kung(G) ayaw ninyong mapahamak, huwag kayong magbubuhat ng anuman kung Araw ng Pamamahinga; huwag kayong papasok sa pintuang-bayan ng Jerusalem na may dalang anuman sa araw na iyon. 22 Huwag(H) din kayong magbubuhat ng anuman mula sa inyong bahay at huwag kayong gagawa ng anumang trabaho sa Araw ng Pamamahinga; ito'y igalang ninyo bilang banal na araw, gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang. 23 Ngunit hindi sila nakinig sa akin o kaya'y sumunod, sa halip, nagmatigas pa sila. Ayaw nila akong sundin o paturo sa akin.
24 “Ngunit kung kayo'y makikinig sa akin, at hindi magdadala ng anuman pagpasok sa pintuang-bayan ng lunsod na ito kung Araw ng Pamamahinga; kung igagalang ninyo ang araw na ito bilang banal at hindi kayo gagawa ng anumang gawain, 25 makakapasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem ang inyong mga hari at pinuno, at mauupo sa trono gaya ni David. Kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, sasakay sila sa mga karwahe at mga kabayo, at laging mapupuno ng mga tao ang lunsod ng Jerusalem. 26 Darating ang mga tao mula sa bawat bayan sa Juda at sa mga nayon sa paligid ng Jerusalem; may darating mula sa lupain ng Benjamin, mula sa paanan ng mga bundok, mula sa kaburulan, at mula sa timog ng Juda. Magdadala sila sa aking Templo ng mga haing susunugin at mga handog na pagkaing butil at inumin, kamanyang, gayundin ng mga handog bilang pasasalamat. 27 Ngunit kailangang sumunod sila sa akin. Dapat nilang igalang ang Araw ng Pamamahinga, at huwag magbubuhat ng anuman sa araw na iyon pagpasok nila sa Jerusalem. Kung hindi, susunugin ko ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem. Matutupok ang mga palasyo sa Jerusalem, at walang sinumang makakapatay sa sunog na ito.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.