Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 10-13

Ang Pagsamba sa Diyus-diyosan at ang Tunay na Pagsamba

10 Mga anak ni Israel, pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh. Ang sabi niya,

“Huwag ninyong tutularan ang ginagawa ng ibang mga bansa;
    o mabahala sa nakikitang mga tanda sa kalangitan,
    na labis nilang kinatatakutan.
Ang dinidiyos nila'y hindi maaasahan.
Isang punongkahoy na pinutol sa gubat,
    inanyuan ng mga dalubhasang kamay,
    at pinalamutian ng ginto at pilak.
Idinikit at pinakuan upang hindi mabuwal.
Ang mga diyus-diyosang ito'y tulad sa panakot ng ibon sa gitna ng bukid,
    hindi nakakapagsalita;
pinapasan pa sila
    sapagkat hindi nakakalakad.
Huwag kayong matakot sa kanila
    sapagkat hindi sila makakagawa ng masama,
    at wala ring magagawang mabuti.”

Wala nang ibang tulad mo, O Yahweh;
    ikaw ay makapangyarihan,
    walang kasindakila ang iyong pangalan.
Sino(A) ang hindi matatakot sa iyo, ikaw na Hari ng lahat ng bansa?
    Karapat-dapat lamang na ikaw ay katakutan.
Kahit na piliin ang lahat ng matatalino
    mula sa lahat ng bansa at mga kaharian,
    wala pa ring makakatulad sa iyo.
Silang lahat ay pawang hangal at mangmang.
    Ano ang maituturo sa kanila ng mga diyus-diyosang kahoy?
Ang kanilang diyus-diyosa'y binalutan ng pilak na galing sa Tarsis,
    at ng gintong mula sa Upaz,
    ginawang lahat ng mahuhusay na kamay;
pagkatapos ay binihisan ng kulay ube at pula
    na hinabi naman ng manghahabing sanay.
10 Ngunit ikaw, Yahweh, ang tunay na Diyos,
    ikaw ang Diyos na buháy,
    at ang Haring walang hanggan.
Nayayanig ang daigdig kapag ikaw ay nagagalit,
    at walang bansang makakatagal sa tindi ng iyong poot.

11 Sabihin ninyo sa mga diyus-diyosan: ang sinumang hindi makalikha ng langit at lupa ay dudurugin at lubusang mawawala sa ibabaw ng daigdig.[a]

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

12 Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan,
    at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman.
13 Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan;
    napagsama-sama niya ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa.
Nagagawa niyang pakislapin ang kidlat sa gitna ng ulan,
    at nagpapaihip sa hangin mula sa kublihan nito.
14 Sa harapan niya ang bawat tao'y mistulang mangmang;
    malalagay sa kahihiyan bawat panday
    sapagkat ang ginawa nilang mga diyus-diyosan ay hindi totoo at walang buhay.
15 Sila'y walang silbi sapagkat likha lamang ng pandaraya;
    wawasakin silang lahat ni Yahweh.
16 Ngunit hindi ganito ang Diyos ni Jacob;
    siya ang maylikha ng lahat ng bagay;
    at pinili niya ang Israel upang maging kanyang bayan.
    Yahweh ang kanyang pangalan, ang Diyos na Makapangyarihan
    sa lahat.

Ang Darating na Pagkabihag

17 “Mga taga-Jerusalem na napapaligiran ng kaaway, ipunin ninyo ang inyong mga ari-arian. 18 Palalayasin na kayo ni Yahweh at ipapatapon sa ibang lupain. Pahihirapan kayong lahat hanggang sa walang matira.” Ito ang sabi ni Yahweh.

19 At dumaing naman ang mga taga-Jerusalem,
“Napakatindi ng parusa sa amin!
    Hindi gumagaling ang aming mga sugat.
Akala namin, ito'y aming matitiis.
20 Ang aming mga tolda ay nawasak;
    napatid na lahat ang mga lubid.
Ang aming mga anak ay naglayasang lahat,
    walang natira upang mag-ayos ng aming tolda;
    wala isa mang magsasabit ng mga kurtina.”

21 At sumagot si Jeremias, “Ang aming mga pinuno'y pawang mga hangal;
    hindi sila sumangguni kay Yahweh.
Kaya hindi sila naging matagumpay,
    at ang mga tao'y nagsipangalat.
22 Makinig kayo! May dumating na balita!
    Nagkakagulo sa isang bansang nasa hilaga;
ang kanilang hukbo ang pupuksa sa mga lunsod ng Juda,
    at ito'y magiging disyerto, tahanan ng mga asong-gubat.”

23 Nalalaman ko po, Yahweh, na walang taong may hawak ng sarili niyang buhay;
    at walang nakakatiyak ng kanyang sasapitin.
24 Ituwid mo ang iyong bayan, O Yahweh;
    ngunit huwag naman sana kayong maging marahas.
Huwag kaming parusahan sa panahong kayo'y napopoot;
    na siyang magiging wakas naming lahat.
25 Ibaling mo ang iyong poot sa mga bansang ayaw kumilala sa iyo
    at sa mga taong hindi tumatawag sa iyong pangalan.
Pinatay nila ang mga anak ni Jacob;
    at winasak ang kanilang lupain.

Si Jeremias at ang Kasunduan

11 Sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias: “Pakinggan mong mabuti ang nakasulat sa kasunduang ito, at sabihin mo sa mga taga-Juda at sa mga taga-Jerusalem na susumpain ko ang sinumang hindi susunod sa itinatakda ng kasunduang ito. Ito ang kasunduan namin ng inyong mga magulang nang iligtas ko sila sa Egipto, ang lupaing parang pugon na tunawan ng bakal. Sinabi kong pakinggan nila at sundin ang aking mga utos. At kung susunod sila, sila'y magiging bayan ko at ako'y magiging Diyos nila. Sa gayon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanilang mga magulang, na ipapamana ko sa kanila ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay na tinatahanan nila ngayon.”

Sumagot naman si Jeremias, “Opo, Yahweh.”

Pagkatapos, inutusan ni Yahweh si Jeremias: “Pumunta ka sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. Ipahayag mo ang aking mensahe sa kanila, at sabihin mo sa mga tao na unawain ang isinasaad sa kasunduan, at sundin ang mga ito. Nang ilabas ko sa Egipto ang kanilang mga magulang, mahigpit kong ipinagbilin na sundin nila ang aking mga utos. Patuloy kong pinaaalalahanan ang aking bayan hanggang sa panahong ito. Subalit hindi sila nakinig. Sa halip ay patuloy na nagmatigas at nagpakasama ang bawat isa sa kanila. Iniutos kong sundin nila ang kasunduan, ngunit sila'y tumanggi. Kaya naman ipinalasap ko sa kanila ang lahat ng parusang sinasabi dito.”

Muling sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Naghihimagsik laban sa akin ang mga taga-Juda at Jerusalem. 10 Ginawa rin nila ang kasalanan ng kanilang mga magulang; hindi nila sinunod ang aking utos; sumamba sila sa mga diyus-diyosan. Ang Israel at ang Juda ay kapwa sumira sa kasunduan namin ng mga magulang nila. 11 Kaya binalaan ko sila na sila'y aking lilipulin, at wala isa mang makakaligtas. At kapag sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan. 12 Dahil dito'y tatawag sa mga diyus-diyosan ang mga taga-Juda at Jerusalem at magdadala ng mga handog sa harapan ng mga ito. Subalit hindi sila maililigtas ng mga diyus-diyosang ito kapag dumating na ang oras ng paglipol. 13 Kung ano ang dami ng mga lunsod sa Juda, gayon din kadami ang kanilang mga diyus-diyosan. At kung ano ang dami ng mga lansangan sa Jerusalem ay siya ring dami ng kanilang mga altar na handugan para kay Baal. 14 At ikaw naman, Jeremias, huwag mo nang idalangin ang mga taong iyan. Kapag naranasan na nila ang paghihirap at sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan.”

15 Ang sabi ni Yahweh, “Ang mga taong iniibig ko'y gumagawa ng kasamaan. May karapatan pa ba silang pumasok sa aking Templo? Sa akala ba nila'y maililigtas sila ng kanilang mga pangako at pagdadala ng mga hayop bilang handog na susunugin? Magagalak ba sila pagkatapos niyon? 16 Noong una'y inihambing ko sila sa isang malagong puno ng olibo na hitik sa bunga. Ngunit ngayon, kaalinsabay ng pagdagundong ng kulog, susunugin ko sa tama ng kidlat ang kanilang mga dahon, at babaliin ang kanilang mga sanga.

17 “Ako, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang siyang nagtatag sa Israel at sa Juda; ngunit paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Ginalit nila ako nang magsunog sila ng mga handog sa harapan ni Baal.”

Isang Pagtatangka sa Buhay ni Jeremias

18 Ipinaalam sa akin ni Yahweh ang masamang balak ng aking mga kaaway laban sa akin. 19 Tulad ko'y isang maamong tupa na dinadala sa katayan at hindi ko alam na may masamang balak pala sila sa akin. Ang sabi nila, “Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.”

20 At(B) nanalangin si Jeremias, “O Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinapaubaya ko sa iyong mga kamay ang anumang mangyayari sa akin.”

21 Si Jeremias ay binantaan ng mga taga-Anatot na papatayin kung hindi siya titigil ng pangangaral sa pangalan ni Yahweh. 22 Kaya ito ang sabi ni Yahweh: “Paparusahan ko sila! Mapapatay sa digmaan ang kanilang mga kabataang lalaki; mamamatay sa gutom ang kanilang maliliit na anak. 23 Walang matitira sa kanila kapag dumating na ang panahon na parusahan ko sila.”

Tinatanong ni Jeremias si Yahweh

12 Ikaw ay matuwid, Yahweh,
    at kung ako ma'y mangatwiran, mapapatunayan mong ikaw ay tama.
Ngunit bayaan mong magtanong ako.
Bakit nagtatagumpay ang masasamang tao?
    At ang mandaraya ay umuunlad?
Sila'y itinatanim mo at nag-uugat,
    lumalago at namumunga.
Maganda ang sinasabi nila tungkol sa iyo
    subalit malayo ka sa kanilang mga puso.
Ngunit ako, Yahweh, ay iyong kilala;
    nakikita mo ako, ang mga ginagawa ko, nasa iyo ang puso ko.
Hilahin mo ang mga taong ito, gaya ng mga tupang kakatayin;
    ihiwalay mo sila hanggang sa sandali na sila ay patayin.
Hanggang kailan pa mananatiling tigang ang lupain,
    at tuyot ang mga damo sa parang?
Nagkakamatay na ang mga ibon at mga hayop
    dahil sa kasamaan ng mga tao doon.
    At sinasabi pa nila, “Hindi niya nakikita ang aming ginagawa.”

At sumagot si Yahweh,
“Jeremias, kung hindi ka makatagal sa pakikipaghabulan sa mga taong ito,
    paano ka makikipagpaligsahan sa mga kabayo?
Kung ika'y nadarapa sa patag na lupain,
    paano ka makakatagal sa kagubatan ng Jordan?
Kahit na ipinagkanulo ka ng iyong mga kapatid at sariling kamag-anak,
    at kasama sila sa panunuligsa sa iyo.
Huwag kang magtitiwala sa kanila bagama't magaganda ang kanilang sinasabi sa iyo.”

Nagdadalamhati si Yahweh Dahil sa Kanyang Bayan

Sinasabi ni Yahweh,
“Pinabayaan ko na ang aking bayan,
    itinakwil ko na ang bansang aking hinirang.
Ang mga taong aking minahal ay ibinigay ko na
    sa kamay ng kanilang mga kaaway.
Lumaban sa akin ang aking bayan,
    tulad ng mabangis na leon sa kagubatan;
    nagtataas sila ng kanilang tinig laban sa akin,
    kaya kinamumuhian ko sila.
Ang bayang pinili ko'y tulad sa isang ibong
    pinagtutulungan ng mga ibong mandaragit.
Tawagin ang lahat ng mababangis na hayop,
    at makisalo sa kanyang bangkay!
10 Sinira ng maraming pinuno ang aking ubasan,
    pati ang aking kabukiran ay kanilang sinagasaan;
    ang aking magandang lupain, ngayon ay wala nang mapapakinabangan.
11 Wala nang halaga ang buong lupain;
    tigang na tigang sa aking harapan.
Ang bayan ngayon ay isa nang ilang,
    at walang nagmamalasakit na sinuman.
12 Mula sa kahabaan ng maburol na ilang
    ay lumusob ang mga mandarambong.
Pinalaganap ko ang digmaan upang mawasak ang buong bayan;
    at walang sinuman ang makakaligtas.
13 Naghasik ng trigo ang mga tao, ngunit tinik ang inani;
    nagpakahirap sila sa paggawa, subalit wala silang pinakinabangan.
Wala silang inani sa kanilang itinanim
    dahil sa matinding galit ko sa kanila.”

Ang Babala ni Yahweh sa mga Karatig-bansa ng Israel

14 Ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa masasamang naninirahan sa paligid ng Israel, mga taong nanira sa lupaing ipinamana niya sa kanyang bayan: “Aalisin ko ang mga taong ito sa kanilang bansa, gaya ng halamang binubunot sa lupa. At ililigtas ko ang Juda sa kanilang pananakop. 15 Subalit matapos ko silang alisin, sila'y aking kahahabagan. Ibabalik ko sa kani-kanilang sariling lupain ang bawat bayan. 16 At kung buong puso nilang tatanggapin ang pananampalataya ng aking bayan at kung matututo silang manumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh’, ang Diyos na buháy[b] gaya ng itinuro nila sa aking bayan na pagsumpa kay Baal—sila ay mapapabilang sa aking bayan at uunlad ang kanilang pamumuhay. 17 Subalit ang alinmang bansang hindi susunod sa akin ay bubunutin at lubos kong wawasakin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Talinghaga ng mga Damit-panloob

13 Ganito ang utos sa akin ni Yahweh, “Bumili ka ng mga damit-panloob na yari sa linen at iyong isuot ngunit huwag mong babasain.” Kaya bumili nga ako ng damit-panloob, ayon sa sinabi ni Yahweh, at aking isinuot. Pagkatapos ay inutusan akong muli ni Yahweh, “Pumunta ka sa Ilog Eufrates; hubarin mo ang damit-panloob, at iyong itago sa isang butas sa bato.” Kaya ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh at pagkatapos, ako'y umuwi.

Makalipas ang maraming araw, pinabalik niya ako sa Eufrates upang kunin ang mga damit-panloob na kanyang ipinatago. Nagbalik naman ako sa Eufrates at kinuha ang damit sa aking pinagtaguan. Ngunit sira na ito at hindi na mapapakinabangan.

Muling nagsalita si Yahweh, “Ganyan ang gagawin ko sa palalong Juda at sa mas palalo pang Jerusalem. 10 Ang masasamang taong ito'y hindi sumunod sa aking mga utos; lalo silang nagmatigas at sinunod ang kanilang sariling kagustuhan. Sumamba pa sila at naglilingkod sa mga diyus-diyosan. Matutulad sila sa sirang damit-panloob na wala nang kabuluhan. 11 Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayon ang nais ko sa mga taga-Israel at taga-Juda—na sila'y kumapit sa akin nang mahigpit. Ginawa ko ito upang sila'y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo'y papurihan nila at parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang sumunod sa akin.”

Ang Talinghaga ng Lalagyan ng Alak

12 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Punuin ninyo ng alak ang bawat tapayan. Ganito naman ang isasagot nila, ‘Alam namin na dapat punuin ng alak ang bawat tapayan.’ 13 Pagkatapos, sasabihin mo sa kanila, ‘Ang mga tao sa lupaing ito ay paiinumin ni Yahweh ng alak hanggang sa sila'y malasing: mula sa mga hari na mga salinlahi ni David, mga pari, mga propeta, at lahat ng tao sa Jerusalem. 14 At pagkatapos, pag-uumpug-umpugin ko silang parang mga tapayan hanggang madurog na lahat, matatanda't mga bata. Hindi ko sila kahahabagan kaunti man kapag ginawa ko ito.’”

Nagbababala si Jeremias tungkol sa Kapalaluan

15 Mga Israelita, si Yahweh ay nagpahayag na!
Magpakumbaba kayo at siya'y dinggin.
16 Parangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
    bago niya palaganapin ang kadiliman,
    at bago kayo madapa sa mga bundok kapag dumilim na;
bago niya gawing matinding kadiliman
    ang liwanag na inaasahan ninyo.
17 Ngunit kung hindi kayo makikinig,
    palihim akong tatangis dahil sa inyong kapalaluan;
buong kapaitan akong iiyak, at tutulo ang aking mga luha
    sapagkat nabihag ang bayan ko.

18 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa hari at sa kanyang inang reyna na bumabâ na sa kanilang trono sapagkat naalis na sa kanilang ulo ang magaganda nilang korona. 19 Nasakop na ang mga bayan sa timog ng Juda; wala nang makapasok doon. Dinalang-bihag ang mga taga-Juda at ipapatapong lahat.”

20 Masdan ninyo, mga taga-Jerusalem! Dumarating na mula sa hilaga ang inyong mga kaaway. Nasaan ang mga taong ipinagkatiwala sa inyo, ang bayang ipinagmamalaki ninyo? 21 Ano ang sasabihin mo kapag sinakop ka at pinagharian ng mga taong inakala mong mga kaibigan? Maghihirap ka tulad ng isang babaing nanganganak. 22 At kung itanong mo kung bakit nangyari ito sa iyo: kung bakit napunit ang iyong damit, at kung bakit ka pinagsamantalahan; ang dahilan ay napakabigat ng iyong kasalanan. 23 Kaya bang baguhin ng isang Etiope ang kulay ng kanyang balat o maaalis kaya ng isang leopardo ang kanyang mga batik? Kapag iyan ay nangyari, matututo na rin kayong gumawa ng matuwid, kayo na walang ginagawa kundi pawang kasamaan. 24 Dahil dito, pangangalatin kayo ni Yahweh, tulad ng ipang ipinapadpad ng hangin. 25 “Iyan ang mangyayari sa inyo,” sabi ni Yahweh. “Iyan ang gagawin ko sa inyo, sapagkat ako'y kinalimutan ninyo at naglingkod kayo sa mga diyus-diyosan. 26 Huhubaran kita at malalantad ka sa kahihiyan. 27 Nakita ko ang mga kasuklam-suklam na gawa mo: Ang iyong pagsamba sa mga diyus-diyosang nasa mga burol at kabukiran; tulad ng lalaking nagnanasa sa asawa ng kanyang kapwa, gaya ng kabayong lalaki na humahalinghing pagkakita sa isang kabayong babae. Nakatakda na ang iyong kapahamakan, Jerusalem! Kailan ka pa kaya magsisisi upang maging malinis ka?”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.