Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 29:1-41:18

Kinubkob ang Jerusalem

29 Kawawa ang Jerusalem,
    ang lunsod na himpilan ni David!
Hayaang dumaan ang taunang pagdiriwang ng mga kapistahan,
at pagkatapos ay wawasakin ko ang lunsod na tinatawag na “altar ng Diyos!”
    Maririnig dito ang panaghoy at pagtangis,
    ang buong lunsod ay magiging parang altar na tigmak ng dugo.
Kukubkubin kita,
    at magtatayo ako ng mga kuta sa paligid mo.
Dahil dito, ikaw ay daraing mula sa lupa,
    maririnig mo ang iyong tinig na nakakapangilabot,
nakakatakot na parang tinig ng isang multo,
    at parang bulong mula sa alabok.

Ngunit ang lulusob sa iyo ay liliparin na parang abo,
    parang ipang tatangayin ng hangin ang nakakatakot nilang hukbo.
Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay biglang magpapadala
    ng dumadagundong na kulog, lindol,
    buhawi, at naglalagablab na apoy upang iligtas ka.
Ang lahat ng bansang kumalaban sa Jerusalem,
    ang kanilang mga sandata at kagamitan,
    ay maglalahong parang isang panaginip, parang isang pangitain sa gabi.
Parang isang taong gutom na nanaginip na kumakain,
    at nagising na gutom pa rin;
o taong uhaw na nanaginip na umiinom,
    ngunit uhaw na uhaw pa rin nang siya'y magising.
Gayon ang sasapitin,
    ng lahat ng bansang lumalaban sa Jerusalem.

Bulag at Mapagmalaki ang Israel

Magwalang-bahala kayo at mag-asal mangmang,
    bulagin ang sarili at nang hindi makakita!
Malasing kayo ngunit hindi sa alak,
    sumuray kayo kahit hindi nakainom.
10 Sapagkat(A) pinadalhan kayo ni Yahweh
    ng espiritu ng matinding antok;
tinakpan niya ang inyong mga mata, kayong mga propeta,
    tinakpan din niya ang inyong mga ulo, kayong mga manghuhula.

11 Ang kahulugan ng lahat ng pangitaing ito ay parang aklat na nakasara. Kung ipababasa mo ito sa taong nakakaunawa, ang sasabihin niya'y, “Ayoko, hindi ko mababasa sapagkat nakasara.” 12 Kung ipababasa mo naman sa hindi marunong bumasa, ito ang isasagot sa iyo, “Hindi ako marunong bumasa.”

13 Sasabihin(B) naman ni Yahweh,
“Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito,
    at sa bibig lamang nila ako iginagalang,
    subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,
at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod.
14 Kaya(C) muli akong gagawa
    ng kababalaghan sa harapan nila,
    mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka;
mawawalang-saysay ang karunungan ng kanilang mga matatalino,
    at maglalaho ang katalinuhan ng kanilang matatalino.”

Ang Pag-asa sa Hinaharap

15 Kaawa-awa ang mga nagtatago kay Yahweh habang sila'y gumagawa ng mga panukala.
    Sila na nagsasabing: “Doon kami sa gitna ng dilim
    upang walang makakakilala o makakakita sa amin!”
16 Binabaligtad(D) ninyo ang katotohanan!
Masasabi ba ng palayok sa gumagawa nito,
    “Hindi naman ikaw ang humugis sa akin;”
at masasabi ba ng nilikha sa lumikha sa kanya,
    “Hindi mo alam ang iyong ginagawa”?

17 Tulad ng kasabihan:
“Hindi magtatagal
    at magiging bukirin ang kagubatan ng Lebanon,
    at ang bukirin naman ay magiging kagubatan.”
18 Sa araw na iyon maririnig ng bingi
    ang pagbasa sa isang kasulatan;
at mula sa kadiliman,
    makakakita ang mga bulag.
19 Ang nalulungkot ay muling liligaya sa piling ni Yahweh,
    at pupurihin ng mga dukha ang Banal na Diyos ng Israel.
20 Sapagkat mawawala na ang malupit at mapang-api,
    gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
21 Lilipulin ni Yahweh ang lahat ng naninirang-puri,
    mga sinungaling na saksi
    at mga nagkakait ng katarungan sa matuwid.

22 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, ang tumubos kay Abraham,
    tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Wala nang dapat ikahiya o ikatakot man,
    ang bayang ito mula ngayon.
23 Kapag nakita nila ang kanilang mga anak
    na ginawa kong dakilang bansa,
    makikilala nila na ako ang Banal na Diyos ni Jacob;
igagalang nila ang itinatanging Diyos ni Israel.
24 Magtatamo ng kaunawaan ang mga napapalayo sa katotohanan,
    at tatanggap ng pangaral ang mga matitigas ang ulo.”

Walang Kabuluhang Pakikipagkasundo sa Egipto

30 Sinabi ni Yahweh,
“Kawawa ang mga suwail na anak,
na ang ginagawa'y hindi ayon sa aking kalooban;
nakikipagkaisa sila sa iba nang labag sa aking kagustuhan,
    palala nang palala ang kanilang kasalanan.
Nagmamadali silang pumunta sa Egipto
    upang humingi ng tulong sa Faraon;
    ngunit hindi man lamang sila sumangguni sa akin.
Mabibigo lamang kayo sa hinahangad ninyong tulong,
    at kahihiyan lamang ang idudulot ng inaasahan ninyong proteksyon.
Bagama't nasa Zoan ang kanilang mga pinuno,
    at ang mga sugo nila'y umabot pa hanggang Hanes,
mapapahiya lamang kayong lahat,
    dahil sa mga taong walang pakinabang,
hindi naman tumutulong at hindi rin maaasahan,
    wala silang matatamo kundi kabiguan at kahihiyan.”

Ito ang mensahe ng Diyos tungkol sa mga hayop sa katimugang disyerto:

Sa lupain ng kaguluhan at dalamhati,
    sa lugar na pinamamahayan ng mga leon,
    ng mga ulupong at mga lumilipad na dragon;
ikinakarga nila ang kanilang kayamanan sa mga asno at mga kamelyo,
    upang ibigay sa mga taong walang maitutulong.
Ang bansang Egipto'y hindi maaasahan,
    kaya tinawag ko siyang, “Inutil na Dragon.”

Tumangging Makinig ang Israel

Halika, at isulat mo sa isang aklat,
    kung anong uri ng mga tao sila;
upang maging tagapagpaalala magpakailanman,
    kung gaano kalaki ang kanilang kasalanan.
Sapagkat sila'y mapaghimagsik laban sa Diyos,
sinungaling at ayaw makinig sa aral ni Yahweh.
10 Sinasabi nila sa mga tagapaglingkod, “Huwag kayong magsasabi ng katotohanan.”
    At sa mga propeta, “Huwag kayong magpapahayag ng tama.
Mga salitang maganda sa aming pandinig ang inyong banggitin sa amin,
    at ang mga hulang hindi matutupad.
11 Umalis kayo sa aming daraanan,
    at ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel ay ayaw na naming mapakinggan.”
12 Kaya ito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel:
“Tinanggihan mo ang aking salita,
    at sa pang-aapi at pandaraya ka nagtiwala.
13 Kaya darating sa iyo ang malagim na wakas,
    tulad ng pagguho ng isang marupok na pader
    na bigla na lamang babagsak.
14 Madudurog kang parang palayok
    na ibinagsak nang walang awa;
wala kahit isang pirasong malalagyan ng apoy,
    o pansalok man lamang ng tubig sa balon.”

Magtiwala kay Yahweh

15 Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel,
“Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin;
    kayo'y aking palalakasin at patatatagin.”
Ngunit kayo'y tumanggi.
16 Sinabi ninyong makakatakas kayo,
sapagkat mabibilis ang sasakyan ninyong kabayo,
    ngunit mas mabibilis ang hahabol sa inyo!
17 Sa banta ng isa, sanlibo'y tatakas,
    sa banta ng lima'y tatakas ang lahat;
matutulad kayo sa tagdan ng bandila
    na doon naiwan sa tuktok ng burol.
18 Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan;
sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan;
    mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.

Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan

19 Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo mananaghoy kailanman. Si Yahweh ay mahabagin. Kayo'y diringgin niya kapag kayo'y tumawag sa kanya. 20 Kung ipahintulot man niya na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong Guro ay hindi magtatago sa inyo. 21 Saan man kayo pumaling, sa kaliwa o sa kanan, maririnig ninyo ang kanyang tinig na nagsasabing, “Ito ang daan; dito kayo lumakad.” 22 Tatalikuran na ninyo ang mga diyus-diyosang yari sa pilak at ginto; ibabasura ninyo ang mga iyon at sasabihing: “Lumayo kayo sa akin!”

23 Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan naman ay manginginain sa malawak na pastulan.

24 Ang mga baka at asno na ginagamit ninyo sa pagsasaka ay kakain sa pinakamaiinam na pagkain ng hayop. 25 Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, aagos ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagwasak sa mga tore. 26 Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag nang pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na gamutin at pagalingin ni Yahweh ang sugat ng kanyang bayan.

Paparusahan ng Diyos ang Asiria

27 Tingnan ninyo, dumarating na si Yahweh,
    nag-aapoy sa galit, sa gitna ng mga ulap;
ang mga labi niya'y nanginginig sa galit,
    at ang dila niya'y tila apoy na nagliliyab.
28 Magpapadala siya ng malakas na hangin
    na tila bahang tumatangay sa lahat ng madaanan.
Wawasakin nito ang mga bansa
    at wawakasan ang kanilang masasamang panukala.

29 Masaya kayong aawit sa pagdiriwang ninyo sa gabi ng banal na kapistahan. At sa himig ng tugtog ng plauta, aakyat kayong masaya sa bundok ni Yahweh, ang tagapagtanggol ng Israel. 30 Maririnig ang makapangyarihang tinig ni Yahweh at makikita ang pinsalang idudulot ng kanyang kamay dahil sa tindi ng galit na parang apoy na tumutupok at hanging rumaragasa kung may malakas na bagyo. 31 Paghaharian ng takot ang mga taga-Asiria kapag narinig nila ang tinig ni Yahweh na nagbabanta ng pagpaparusa. 32 Ang bawat hampas ng parusang igagawad sa kanila ni Yahweh ay may kasaliw pang tunog ng mga tamburin at lira. 33 Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari, isang maluwang at malalim na lugar. Hindi mamamatay ang apoy dito at hindi rin mauubos ang panggatong. Ang hininga ni Yahweh na parang nag-aalab na asupre ang patuloy na magpapalagablab sa sunugang iyon.

Ipagtatanggol ng Diyos ang Jerusalem

31 Kahabag-habag kayong umaasa sa tulong ng Egipto
    at nagtitiwala sa bilis ng kanilang mga kabayo,
nananalig sa dami ng kanilang mga karwahe,
    at sa matatapang nilang mangangabayo,
sa halip na sumangguni at umasa kay Yahweh,
    ang Banal na Diyos ng Israel.
Alam ni Yahweh ang kanyang ginagawa, nagpapadala siya ng salot.
    At gagawin niya ang kanyang sinabi.
Paparusahan niya ang gumagawa ng masama
    at ang mga tumutulong sa kanila.
Hindi Diyos ang mga Egipcio; sila'y mga tao rin,
    karaniwang hayop din ang kanilang mga kabayo at hindi espiritu.
Pagkilos ni Yahweh, babagsak ang malakas na bansa,
    pati ang mga tinulungan nito.
    Sila'y pare-parehong mawawasak.

Ito ang sinabi sa akin ni Yahweh:
“Walang makakapigil sa akin sa pagtatanggol sa Bundok ng Zion,
    kung paanong ang leon ay hindi mapipigil sa paglapa nito sa kanyang biktima,
    kahit pa magsisigaw ang mga pastol.
Kaya't sa pagdating ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay walang makakapigil,
    upang ipagtanggol ang Zion at ang mga burol nito.
Tulad ng pag-aalaga ng ibon sa kanyang inakay,
    gayon iingatan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang Jerusalem.
Ipagtatanggol niya ito at ililigtas;
    hindi niya ito pababayaan.”

Magbalik-loob kay Yahweh

Sinabi ng Diyos, “Bayang Israel, magbalik-loob ka sa akin,
labis-labis na ang ginawa mong paghihimagsik.
Pagdating ng araw na iyon, itatapon ng bawat isa
ang kanyang mga diyus-diyosang pilak at ginto
na sila-sila rin ang gumawa.
“Ang mga taga-Asiria'y malulupig sa digmaan, ngunit hindi tao ang wawasak sa kanila;
sila'y magtatangkang tumakas,
    ngunit aalipinin ang kanilang mga kabataan.
Sa tindi ng takot, tatakas ang kanyang pinakapinuno,
    at iiwan ng mga opisyal ang kanilang bandila.”
Ito ang sabi ni Yahweh,
    ang Diyos na sinasamba at hinahandugan sa Jerusalem.

Ang Matuwid na Hari

32 Makikita ninyo, may haring mamamahala nang matuwid,
    at mga pinunong magpapairal ng katarungan.
Sila'y magiging kanlungan sa malakas na hangin
    at pananggalang sa nagngangalit na bagyo;
ang katulad nila'y batis sa tuyong lupain,
    parang malaking batong kublihan sa disyerto!
Mabubuksan ang kanilang mga mata at tainga
    sa pangangailangan ng mga tao.
Magiging matiyaga na sila at maunawain sa bawat kilos,
    magiging matapat sila sa kanilang sasabihin.
Ang mga hangal ay hindi na tatawaging dakila;
    o kaya'y sasabihing tapat ang mga sinungaling.
Ang sinasabi ng mangmang ay puro kamangmangan,
    at puro kasamaan ang kanyang iniisip;
paglapastangan kay Yahweh ang ginagawa niya't sinasabi.
Minsan ma'y hindi siya nagpakain ng nagugutom
    o nagpainom ng nauuhaw.
Masama ang gawain ng taong hangal.
Ipinapahamak nila ang mahihirap sa pamamagitan ng kasinungalingan,
    at gumagawa ng paraan upang hindi pakinabangan ang kanilang karapatan.
Ngunit ang taong marangal ay gumagawa ng tapat,
    at naninindigan sa kung ano ang tama.

Paghatol at Pagpapanumbalik

Kayong mga babaing pabaya,
    pakinggan ninyo ang aking sasabihin.
10 Pagkalipas ng isang taon
    mabibigo na kayo,
sapagkat wala na kayong mapipitas na bunga ng ubas.
11 Manginig kayo sapagkat matagal kayong nagpabaya
    at nagwalang bahala.
Maghubad kayo ng inyong kasuotan,
    at magsuot ng damit-panluksa.
12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan
    sapagkat wasak na ang masaganang bukirin at ang mabunga ninyong ubasan.
13 Tinubuan na ito ng mga tinik at dawag.
Tangisan ninyo ang dating masasayang tahanan,
    at lunsod na noo'y puno ng kagalakan.
14 Pati ang palasyo ay pababayaan
    at ang pangunahing-lunsod ay mawawalan ng tao.
Ang mga burol at tore ay guguho;
ang lupain ay magiging tirahan ng maiilap na asno
    at pastulan ng mga tupa.

15 Ngunit minsan pang ibubuhos sa atin ang espiritu ng Diyos.
    Ang disyerto ay magiging matabang lupa
    at ang bukirin ay pag-aanihan nang sagana.
16 Ang katarungan at katuwiran
    ay maghahari sa buong lupain.
17 Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan;
    at ito'y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman.
18 Ang bayan ng Diyos ay mamumuhay sa isang payapa,
    ligtas, at tahimik na pamayanan.
19 Kahit pa umulan ng yelo sa kagubatan
    at mapatag ang kabundukan.
20 Magiging maligaya ang lahat dahil sa saganang tubig para sa mga pananim
    at malawak na pastulan ng mga baka at asno.

Si Yahweh ang Magliligtas

33 Mapapahamak ang aming mga kaaway!
Sila'y nagnakaw at nagtaksil,
    kahit na walang gumawa sa kanila ng ganito.
Ngunit magwawakas ang ginagawa nilang ito,
    at sila'y magiging biktima rin ng pagnanakaw at pagtataksil.

Kahabagan mo kami, O Yahweh, kami'y naghihintay sa iyo;
    ingatan mo kami araw-araw
    at iligtas sa panahon ng kaguluhan.
Kapag ikaw ay nasa panig namin, tumatakas ang mga kaaway
    dahil sa ingay ng labanan.
Ang ari-arian nila'y nalilimas,
    parang pananim na dinaanan ng balang.
Dakila si Yahweh! Ang trono niya'y ang kalangitan,
    maghahari siya sa Zion na may katarungan at katuwiran.
Siya ang magpapatatag sa bansa,
    inililigtas niya ang kanyang bayan, at binibigyan ng karunungan at kaalaman;
    ang pangunahing yaman nila, si Yahweh'y sundin at igalang.

Ang matatapang ay napapasaklolo,
    ang mga tagapamayapa ay naghihinagpis.
Sapagkat wala nang tao sa mga lansangan,
    mapanganib na ang doo'y dumaan.
Mga kasunduan ay di na pinahahalagahan,
    at wala na ring taong iginagalang.
Ang tuyong lupa'y parang nagluluksa,
    ang kagubatan ng Lebanon ay nalalanta;
naging parang disyerto na ang magandang lupain ng Sharon;
    gayundin ang Bundok ng Carmel at ang Bashan.

10 “Kikilos ako ngayon,” ang sabi ni Yahweh sa mga bansa,
    “At ipapakita ko ang aking kapangyarihan.”
11 Walang kabuluhan ang mga plano ninyo, at ang mga gawa ninyo ay walang halaga;
    dahil sa aking poot tutupukin kayo ng aking espiritu.[a]
12 Madudurog kayong tulad ng mga batong sinunog para gawing apog.
    Kayo'y magiging abo, na parang tinik na sinunog.

13 Kayong mga nasa malayo, pakinggan ninyo ang ginawa ko;
    kayong mga nasa malapit, kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.
14 Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion.
    Sabi nila, “Parang apoy na hindi namamatay ang parusang igagawad ng Diyos.
Sino ang makakatagal sa init niyon?”
15 Ngunit maliligtas kayo kung tama ang sinasabi ninyo at ginagawa.
    Huwag ninyong gagamitin ang inyong kapangyarihan para apihin ang mahihirap;
huwag kayong tatanggap ng suhol;
    huwag kayong makikiisa sa mga mamamatay-tao;
    o sa mga gumagawa ng kasamaan.
16 Sa gayon, magiging ligtas kayo,
    parang nasa loob ng matibay na tanggulan.
    Hindi kayo mawawalan ng pagkain at inumin.

Ang Kinabukasang Punung-puno ng Pag-asa

17 Makikita ninyo ang kaningningan ng hari
    na mamamahala sa buong lupain.
18 Mawawala na ang kinatatakutang
    mga dayuhang tiktik at maniningil ng buwis.
19 Mawawala na rin ang mga palalong dayuhan
    na hindi maunawaan kung anong sinasabi.
20 Masdan mo ang Zion, ang pinagdarausan natin ng mga kapistahan!
    Masdan mo rin ang Jerusalem,
    mapayapang lugar, magandang panahanan.
Ito'y parang matatag na toldang ang mga tulos ay nakabaon nang malalim
    at ang mga lubid ay hindi na kakalagin.
21 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay ihahayag sa atin.
    Maninirahan tayo sa baybayin ng malalawak na ilog at batis
na hindi mapapasok ng sasakyan ng mga kaaway.
22 Sapagkat si Yahweh ang ating hukom, siya ang mamamahala,
    at siya rin ang haring magliligtas sa atin.
23 Ngayon, tulad mo'y mahinang barko,
    hindi mapigil ang lubid o mailadlad ang mga layag.

Ngunit pagdating ng panahong iyon, maraming masasamsam sa mga kaaway,
    at pati mga pilay ay bibigyan ng bahagi.
24 Wala nang may sakit na daraing doon,
    patatawarin na lahat ng mga kasalanan.

Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa

34 Lumapit kayo mga bansa, makinig kayo buong bayan!
    Halikayo at pakinggan ang aking sasabihin,
    kayong lahat na nasa ibabaw ng lupa.
Sapagkat si Yahweh ay napopoot sa lahat ng bansa,
    matindi ang kanyang galit sa kanilang mga hukbo;
    sila'y hinatulan na at itinakdang lipulin.
Ang kanilang mga bangkay ay ikakalat;
    ito'y mabubulok at aalingasaw sa baho,
    at ang mga bundok ay babaha sa dugo.
Ang(E) araw, buwan at mga bituin ay malalaglag at madudurog
    at ang kalangita'y irorolyong
    parang balumbon.
Ang mga bituin ay malalaglag
    na parang mga tuyong dahon ng igos na nalalagas.

Ang Pagkawasak ng Edom

Si(F) Yahweh ay naghanda ng espada sa kalangitan
    upang gamitin laban sa Edom,
    sa bayang hinatulan niyang parusahan.
Ang espada ni Yahweh ay puno ng dugo at taba;
    iyon ay dugo ng mga tupa at kambing,
    at taba ng lalaking tupa.
Sapagkat siya'y maghahandog sa Bozra,
    marami siyang pupuksain sa Edom.
Sila'y mabubuwal na parang maiilap na toro at barakong kalabaw,
    matitigmak ng dugo
    at mapupuno ng taba ang buong lupain.
Sapagkat si Yahweh ay may nakatakdang araw ng paghihiganti,
    isang taon ng paghihiganti alang-alang sa Zion.
Ang mga batis ng Edom ay magiging alkitran,
    at magiging asupre ang kanyang lupa,
    ang buong bansa ay masusunog na parang aspalto.
10 Araw-gabi'y(G) hindi ito mamamatay,
    at patuloy na papailanlang ang usok;
habang panaho'y hindi ito mapapakinabangan,
    at wala nang daraan doon kahit kailan.
11 Ang mananahan dito'y mga kuwago at mga uwak.
Ang lupaing ito'y lubusang wawasakin ni Yahweh,
    at iiwang nakatiwangwang magpakailanman.
12 Doo'y wala nang maghahari
    at mawawala na rin ang mga pinuno.
13 Tutubuan ng damo ang mga palasyo
    at ang mga napapaderang bayan,
ito ay titirhan ng mga asong-gubat
    at pamumugaran ng mga ostrits.
14 Ang maiilap na hayop ay sasama sa mga asong-gubat,
    tatawagin ng mga tikbalang ang kapwa nila maligno;
doon bababâ ang babaing halimaw upang magpahinga.
15 Ang mga kuwago, doon magpupugad,
    mangingitlog, mamimisâ at magpapalaki ng kanilang inakay.
Doon din maninirahan ang mga grupo ng buwitre.
16 Sa aklat ni Yahweh ay hanapin ninyo at basahin:
    “Isa man sa kanila'y hindi mawawala,
    bawat isa'y mayroong kapareha.”
Sapagkat ito'y utos ni Yahweh,
    at siya mismo ang kukupkop sa kanila.
17 Siya na rin ang nagtakda ng kanilang titirhan,
    at nagbigay ng kani-kanilang lugar;
doon na sila titira magpakailanman.

Ang Landas ng Kabanalan

35 Muling sasaya ang ulilang lupain na matagal nang tigang;
    mamumulaklak ang mga halaman sa disyerto.
Ang disyerto ay aawit sa tuwa,
    ito'y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Lebanon
    at mamumunga nang sagana tulad ng Carmel at Sharon.
Mamamasdan ng lahat ang kaluwalhatian
    at kapangyarihan ni Yahweh.

Inyong(H) palakasin ang mahinang kamay,
    at patatagin ang mga tuhod na lupaypay.
Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
    “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob!
    Darating na ang Diyos,
    at ililigtas ka sa mga kaaway.”

Ang(I) mga bulag ay makakakita,
    at makakarinig ang mga bingi.
Ang mga pilay ay lulundag na parang usa,
    aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa kaparangan ay aagos ang tubig,
    at dadaloy sa disyerto ang mga batis.
Ang nakakapasong buhanginan ay magiging isang lawa,
    sa tigang na lupa ay bubukal ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat,
    ay tutubuan ng tambo at talahib.

Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan,
    na tatawaging Landas ng Kabanalan.
Sa landas na ito ay hindi makakaraan,
    ang mga makasalanan at mga hangal.
Walang leon o mabangis na hayop
    na makakapasok doon;
ito'y para lamang sa mga tinubos.
10 Babalik sa Jerusalem ang mga tinubos ni Yahweh
    na masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
    Ang lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.

Ang Banta ng Asiria sa Juda(J)

36 Noong ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekias sa Juda, sinalakay at nasakop ni Haring Senaquerib ng Asiria ang buong lunsod ng Juda. Nang si Haring Senaquerib ng Asiria ay nasa Laquis, inutusan niya sa Jerusalem ang kanyang punong ministro, kasama ang isang malaking hukbo upang pasukuin si Haring Hezekias. Ang punong ministro ay hindi agad pumasok sa lunsod kundi naghintay muna sa may padaluyan ng tubig sa daang papasok sa Bilaran ng Tela. Doon sila pinuntahan ng punong ministro sa palasyo na si Eliakim, anak ni Hilkias. Kasama niya ang kalihim na si Sebna at ang tagapagtala na si Joa na anak ni Asaf.

Pagkakita sa kanila'y sinabi ng ministro, “Magbalik kayo kay Hezekias at sabihin ninyo ang ipinapatanong na ito ng hari ng Asiria: ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? Akala mo ba'y sapat na ang salita laban sa isang makapangyarihang hukbo? Sino ang inaasahan mo at ikaw ay naghihimagsik laban sa akin? Ang(K) Egipto? Para kang nagtutungkod ng baling tambo, masusugatan pa niyan ang iyong kamay. Iyan ang sasapitin ng sinumang magtiwala sa Faraon ng Egipto. Kung sasabihin mo namang kay Yahweh na inyong Diyos kayo aasa, hindi ba ang mga altar niya sa burol ang ipinaalis ni Hezekias? Hindi ba't ang utos niya sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ay sa altar lamang sa Jerusalem sila sasamba? Ngayon, kung talagang gusto mong subukin ang aming hari, bibigyan kita ng dalawang libong kabayo kung may mapapasakay ka sa mga ito. Paano ka makakalaban kahit sa isang maliit na pangkat ng aming hukbo, samantalang sa Egipto ka lamang umaasa ng kailangan mong mga karwahe at mga kawal na nakakabayo? 10 Akala mo ba'y sasalakayin ko at wawasakin ang lupaing ito nang walang pahintulot si Yahweh? Siya mismo ang may utos sa akin na salakayin ito at wasakin.’”

11 Nakiusap sina Eliakim, Sebna at Joa sa punong ministro ng Asiria. Ang sabi nila, “Baka po maaaring sa wikang Aramaico na lamang tayo mag-usap sapagkat marunong naman kami ng salitang iyan. Huwag na po ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo nang naririnig ng mga nasa itaas ng pader.” 12 Ngunit sinagot sila ng ministro, “Bakit, ano ba ang akala ninyo? Sinugo ba ako ng panginoon ko upang kayo lamang at ang inyong hari ang balitaan nito? Dapat ding malaman ito ng mga taong ito na tulad ninyo'y dumi rin ang kakainin at ihi ang iinumin pagdating ng takdang panahon.”

13 Kaya lalong inilakas ng ministro ang kanyang pagsasalita sa wikang Hebreo: “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ng hari ng Asiria. 14 Huwag kayong paloloko kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo kayang iligtas. 15 Huwag kayong maniniwala sa sinasabi niyang ililigtas kayo ni Yahweh, na ang lunsod na ito'y hindi masasakop ng hari ng Asiria. 16 Huwag kayong makinig sa kanya; ang dinggin ninyo'y ang sinabi ng hari ng Asiria, ‘Sumuko na kayo at makipagkasundo sa akin! Sa gayon, magiging matiwasay kayo. Kung gagawin ninyo ito, kayo ang makikinabang sa bunga ng inyong ubasan at igos, at kayo rin ang iinom sa tinipon ninyong tubig. 17 Pagkatapos, darating ako upang dalhin kayo sa lupaing tulad nito na sagana sa pagkaing butil at alak. 18 Huwag kayong maniwala sa sinasabi sa inyo ni Hezekias na ililigtas kayo ni Yahweh. Walang diyos ng ibang bansa na nakapagligtas sa kanila sa kamay ng hari ng Asiria. 19 Gaya ng mga diyos sa Hamat at Arpad, nailigtas ba ng mga iyon ang mga tagaroon? At ang mga diyos sa Sefarvaim, nailigtas ba nila ang Samaria sa aking mga kamay? 20 Kung ang mga diyos na iyon ay walang nagawa upang ipagtanggol ang kanilang bansa, gaano pa ang inyong si Yahweh? Hindi rin maililigtas nito ang Jerusalem sa aking mga kamay.’”

21 Wala ni isa mang kumibo sa kanila sapagkat iniutos ng hari na huwag silang sasagot. 22 Dahil dito'y sinira nina Eliakim, Sebna at Joa ang kanilang mga damit, at sama-samang nagbalik kay Hezekias, at iniulat ang lahat ng sinabi ng punong ministro ng Asiria.

Sumangguni si Hezekias kay Propeta Isaias(L)

37 Nang marinig ni Haring Hezekias ang kanilang ulat, sinira din niya ang kanyang kasuotan, nagsuot ng damit-panluksa, at pumasok sa Templo. Tinawag niya si Eliakim, ang katiwala sa palasyo, at pinapunta ito kay Isaias, ang propetang anak ni Amoz. Pinasama rin niya ang kanyang kalihim na si Sebna at ang matatandang pari. Lahat sila'y nakadamit-panluksa. Ganito ang ipinasabi niya kay Isaias: “Ang araw na ito ay araw ng paghihirap, ng pagpaparusa at kahihiyan. Para tayong isang inang dapat nang magsilang, ngunit hindi magawâ dahil nanghihina. Marahil ay narinig ni Yahweh na inyong Diyos ang sinabi ng punong ministro ng Asiria na sinugo ng kanyang hari upang lapastanganin ang Diyos na buháy. Sana'y parusahan niya ang kalapastanganang iyon. Kaya, idalangin mo ang natitira pa sa bayan ng Diyos.”

Nang marinig ni Isaias ang ipinasabi ni Haring Hezekias, sumagot siya, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot sa mga paglapastangan sa akin ng sugo ng hari ng Asiria. Ito ang tandaan ninyo! Padadalhan ko siya ng isang espiritu na lilito sa kanya; at hindi siya patatahimikin ng isang balita. Dahil dito, uuwi siya agad at sa pamamagitan ng espada'y mamamatay siya sa kanyang sariling bayan.’”

Muling Nagbanta ang Asiria(M)

Bumalik nga sa Laquis ang punong ministro at nabalitaan niyang wala roon ang hari ng Asiria, sapagkat sinasalakay nito ang Libna. Kaya doon siya tumuloy. Nabalitaan naman ng haring ito na lumabas na ang Haring Tirhaka ng Etiopia[b] upang sila'y salakayin. Kaya nagpasugo muli siya kay Haring Hezekias 10 upang sabihin dito: “Huwag kang palinlang sa pinagtitiwalaan mong Diyos na nagsasabing hindi masasakop ng hari ng Asiria ang Jerusalem. 11 Alam ninyo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa ibang mga bansa; winasak silang lahat, kayo pa kaya! 12 Hindi nailigtas ng mga diyos ang mga bansang winasak ng aming mga magulang. Nariyan ang Gozan, Caran, at Resef; nariyan din ang mga taga-Eden na nasa Telasar. Nailigtas ba sila ng mga ito? 13 At nasaan ang hari ng Hamat, ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva?”

14 Kinuha ni Hezekias ang sulat na dala ng mga sugo, at pagkatapos basahin ay pumasok sa Templo. Isinangguni niya ito kay Yahweh, 15 at siya'y nanalangin. 16 “O(N) Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng Israel, lumikha ng langit at lupa. Ang inyong trono'y nasa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa lupa. 17 Masdan ninyo ang aming kalagayan, at lingapin ninyo kami. Narito ang liham ni Senaquerib na lumalapastangan sa inyo, ang buháy na Diyos. 18 Tunay nga, O Yahweh, na winasak ng mga hari ng Asiria ang lahat ng bansa. 19 Sinunog nila ang diyos ng mga ito, sapagkat ang diyos nila'y hindi tunay; mga bato at kahoy lamang na gawa ng mga tao. 20 Kaya iligtas mo kami Yahweh, O aming Diyos, sa kamay ni Senaquerib upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw lamang, ang tunay na si Yahweh.”

Ang Mensahe ni Isaias kay Haring Hezekias

21 Pagkatapos, tumanggap si Hezekias ng sulat mula kay Isaias na ganito ang sinasabi: “Dininig ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang dalangin mo laban kay Senaquerib, 22 at ito ang kanyang tugon:

Kinamumuhian ka ng mga taga-Zion,
    Senaquerib, pinagtatawanan ka at kinukutya ng Jerusalem.

23 “Sino sa akala mo ang iyong iniinsulto at hinahamak?
Nilapastangan mo ako,
    ang Banal na Diyos ng Israel!
24 Nilait mo ang Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga lingkod,
    ang sabi mo: Sa dami ng aking karwahe,
naakyat ko ang ituktok ng mga bundok,
    naabot ko rin ang kasuluk-sulukan ng Lebanon.
Pinutol ko ang nagtataasang puno ng sedar,
    at ang mga piling puno ng sipres;
naabot kong lahat
    ang pinakamataas na lugar at pusod ng gubat.
25 Humukay ako ng maraming balon,
    at uminom ako ng tubig ng mga iyon.
Ang mga ilog at batis sa Egipto,
    matapakan ko lamang ay agad natutuyo.

26 “Dapat mong malaman na noon pang una
    ang bagay na ito ay matagal ko nang binalak,
    at ngayo'y pawang natutupad.
Itinakda kong ikaw ang magwawasak
    ng matitibay na lunsod.
27 Mga mamamaya'y nawalan ng lakas,
    nanginig sa takot at napahiya.
Sila'y tulad ng halaman sa gitna ng parang,
    mga murang daho'y nalanta sa araw;
katulad ay damo sa bubong ng bahay,
    hindi pa pinuputol ay tuyo na sa tangkay.

28 “Lahat ng iyong gawin ay nalalaman ko,
    hindi lingid sa akin anumang balak mo.
29 Dahil sa galit mo't paglaban sa akin
    at paghahambog mong hindi nalilihim,
kaya ang ilong mo'y kakawitin ko
    at ang bibig mo'y lalagyan ng kandado,
at ibabalik kita sa pinanggalingan mo.

30 “Ito ang magiging palatandaan ninyo: Sa taóng ito, ang kakainin ninyo'y bunga ng halamang dati nang nakatanim. Sa susunod na taon, ang kakainin ninyo'y ang ani sa tutubong supling ng halamang iyon. Ngunit sa ikatlong taon, magtatanim na kayo ng panibago, at ang kakainin ninyo'y ang ibubunga nito. 31 Ang mga nalabi sa Juda ay parang halamang muling mag-uugat at mamumunga, 32 sapagkat may malalabi mula sa Jerusalem, at may maliligtas mula sa Bundok ng Zion. Mangyayari ito dahil kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

33 “Kaya ito ang pasya ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakalapit sa lunsod na ito; ni isang palaso ay hindi niya magagamit laban dito. Hindi siya makakalapit na may sandata o makakapagtayo ng tanggulan upang ito'y kubkubin. 34 Saan man siya magdaan papunta dito, doon rin siya daraang pabalik. Hindi na siya makakapasok sa lunsod na ito. Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh. 35 ‘Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa lingkod kong si David.’”

Ang Pagkamatay ni Senaquerib

36 Nang gabing iyon, pinatay ng anghel ni Yahweh ang may 185,000 kawal na taga-Asiria sa loob mismo ng kanilang kampo. Kinaumagahan, naghambalang sa kampo nila ang mga bangkay. 37 Dahil dito, umuwi na si Senaquerib at doon na tumira sa Nineve. 38 Minsan, samantalang sumasamba siya sa templo ng diyus-diyosan niyang si Nisroc, pinatay siya ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer sa pamamagitan ng espada. Pagkatapos, tumakas sila at nagtago sa bundok ng Ararat. Humalili kay Senaquerib ang anak niyang si Esarhadon.

Nagkasakit si Hezekias(O)

38 Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Hezekias at nasa bingit na ng kamatayan, kaya siya'y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ni Yahweh, “Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling; mamamatay ka na.” Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin! “O Yahweh, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko'y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas.

Muling nagsalita si Yahweh kay Isaias. Ang sabi sa kanya, “Sabihin mo kay Hezekias ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng iyong ninunong si David: ‘Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya dadagdagan ko pa ng labinlimang taon ang iyong buhay. Hindi lamang iyon, ikaw at ang lunsod na ito'y hindi mapapahamak, sapagkat ipagtatanggol ko kayo laban sa hari ng Asiria.’”

“Ito ang palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh para patunayang tutuparin niya ang kanyang pangako. Ang anino sa orasan sa palasyo ni Haring Ahaz ay pababalikin niya ng sampung guhit.” At gayon nga ang nangyari.

Ito ang awit na isinulat ni Haring Hezekias ng Juda, matapos na siya'y gumaling:

10 “Minsa'y nasabi kong sa katanghalian ng buhay,
    ako ay papanaw!
Sa daigdig ng mga patay ako masasadlak,
    upang manatili doon sa buong panahon ng aking buhay.
11 At nasabi ko ring hindi ko na makikita si Yahweh
    at sinumang nabubuhay sa lupa.
12 Katulad ng toldang tirahan ng pastol,
    inalis na sa akin ang aking tahanan.
Ang abang buhay ko'y pinuputol mo
    tulad ng tela sa isang tahian;
ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
13 Ako'y lumuluha sa buong magdamag, hindi makatulog, parang nilalansag,
parang nilalamon ng leon ang aking buong katawan,
ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
14 Tumataghoy ako dahil sa hirap,
parang isang kalapating nakakaawa.
Ang mga mata ko ay pagod na rin dahil sa pagtitig doon sa itaas.
O Panginoon, sa kahirapang ito ako'y iyong iligtas.
15 Ano pa ang aking masasabi? Ang may gawa nito ay ikaw,
ngunit masakit ang aking kalooban, at hindi ako makatulog.

16 “O Panginoon, ang mga nilikha ay nabubuhay dahil sa iyo,
ako'y pagalingin at ang aking lakas sana'y ibalik mo.
17 Ang hirap na ito'y aking nalalaman, na tanging ako rin ang makikinabang.
Iyong iniligtas[c] ang buhay na ito, hindi mo hinayaang mahulog sa hukay,
at pinatawad mo ako sa aking mga kasalanan.
18 Ang(P) patay ay hindi na makakapagpuri sa iyo,
o makakaasa sa iyong katapatan.
19 Mga buháy lamang ang makakapagpuri sa iyo,
tulad ng ginagawa ko ngayon,
at tulad din ng ama na itinuturo sa mga anak ang katapatan.
20 Si Yahweh ang magliligtas sa akin,
kaya sa saliw ng tugtog siya'y ating awitan.
Sa banal na Templo ni Yahweh, tayo ay umawit habang nabubuhay.”

21 Si Isaias ay nagpakuha ng pantapal na igos para sa bukol ni Hezekias, at gumaling naman ito. 22 At itinanong ni Hezekias, “Ano ang magiging palatandaan na ako'y maaari nang umakyat sa Templo ni Yahweh?”

Mga Sugo mula sa Babilonia(Q)

39 Nabalitaan ni Merodac-Baladan na hari ng Babilonia, na anak ni Baladan, na si Hezekias ay gumaling sa kanyang karamdaman. Bilang pagbati, nagpadala siya roon ng mga sugong may dalang sulat at regalo. Labis itong ikinagalak ni Hezekias at sa katuwaa'y ipinakita niya sa mga ito ang lahat niyang kayamanan at ari-arian. Ipinakita niya ang mga itinagong pilak, ginto, mga pabango, mamahaling langis, at ang mga sandata sa arsenal. Kaya lahat ng taguan ng kanyang mga kayamanan ay nakita ng mga sugo. Nang dumating si Isaias, tinanong niya si Haring Hezekias, “Saan ba nanggaling ang mga taong ito? Anong sinabi nila sa iyo?” Sumagot ang hari, “Sa malayong lugar sila nanggaling; buhat pa sila sa Babilonia.” Nagtanong na muli si Isaias, “Ano naman ang nakita nila sa inyong palasyo?” Sinabi ng hari, “Lahat ng ari-arian ko sa palasyo, pati ang laman ng mga bodega.”

Dahil dito'y sinabi ni Isaias, “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Darating ang panahon na ang lahat ng ari-arian ninyo, pati ang tinipon ng inyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia; walang matitira sa mga iyon!’ Pati(R) ang iyong salinlahi na ipapanganak pa lamang ay dadalhin sa Babilonia at gagawin nilang mga eunuko sa palasyo ng hari.” “Ang sinabi mong iyan buhat kay Yahweh ay mabuti,” sagot ni Hezekias. Sinabi niya ito sapagkat iniisip niyang magkakaroon ng kapayapaan at kasaganaan habang siya'y nabubuhay.

Mga Salita ng Pag-asa

40 “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
    “Aliwin ninyo sila!
Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem,
tapos na ang kanilang pagdurusa
sapagkat nabayaran na nila ng lubos
    ang kasalanang ginawa nila sa akin.”

Ganito(S) (T) ang isinisigaw ng isang tinig:
“Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang;
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang.
Tambakan ang mga libis,
    patagin ang mga burol at bundok,
at pantayin ang mga baku-bakong daan.
Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh,
    at makikita ito ng lahat ng tao.
Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.”
“Magpahayag(U) ka!” ang sabi ng tinig.
“Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko.
Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
    ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang.
Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak,
    kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh.
    Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo.
Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak,
    ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”

Ang Diyos ay Narito Na

Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion,
    magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem!
Sumigaw ka at huwag matatakot,[d]
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
    “Narito na ang inyong Diyos!”

10 Dumarating(V) ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan,
    dala ang gantimpala sa mga hinirang.
11 At(W) tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan;
    sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin.
    Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin,
    at papatnubayan ang mga tupang may supling.

Walang Katulad ang Diyos

12 Sino ang makakasukat ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang kamay?
    Sino ang makakasukat sa lawak ng kalangitan?
Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang sisidlan?
    Sino kaya ang makakapagtimbang sa mga bundok at burol?
13 Sino(X) ang makakapagsabi ng dapat gawin ni Yahweh?
    May makakapagturo ba o makakapagpayo sa kanya?
14 Sino ang kanyang puwedeng sanggunian para maliwanagan?
    Sinong nagturo sa kanya ng landas ng katarungan?
    Sinong nagkaloob sa kanya ng kaalaman at ng paraan upang makaunawa?

15 Sa(Y) harap ni Yahweh ang mga bansa ay walang kabuluhan,
    tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan;
    at ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang.
16 Hindi sapat na panggatong ang lahat ng kahoy sa Lebanon.
    Kulang pang panghandog ang lahat ng hayop sa gubat roon.
17 Sa kanyang harapan, ay walang halaga ang lahat ng bansa.

18 Saan(Z) ninyo ihahambing ang Diyos
    at kanino ninyo siya itutulad?
19 Siya ba'y maihahambing sa mga imaheng ginawa ng tao,
    na binalutan ng ginto,
    at ipinatong sa pilak?
20 Hindi(AA) rin siya maitutulad sa rebultong kahoy
    matigas man ang kahoy at hindi nabubulok,
na nililok upang hindi tumumba
    at mabibili lang sa murang halaga.

21 Hindi ba ninyo nalalaman?
    Wala bang nagbalita sa inyo noon,
    kung paano nagsimulang likhain ang sanlibutan?
22 Ang lumikha nito ay ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono doon sa kalangitan;
    mula roon ang tingin sa tao'y parang mga langgam.
Ang langit ay iniladlad niyang tulad ng kurtina,
    tulad ng tolda upang matirahan.

23 Inaalis niya ang mga pinuno sa kapangyarihan,
    at ginagawang walang kabuluhan.
24 Tulad nila'y mga halamang walang ugat,
    bagong tanim at natutuyo agad;
at tila dayaming tinatangay ng hangin.

25 Kanino ninyo ihahambing ang banal na Diyos?
    Mayroon ba siyang katulad?
26 Tumingala(AB) kayo sa langit!
Sino ba ang lumikha ng mga bituin?
    Sino ba ang sa kanila'y nagpapakilos,
    at sino ba ang nagbigay ng kanilang pangalan?
Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan,
    walang nawala sa kanila kahit isa man.

Si Yahweh ang Nagbibigay ng Kalakasan

27 Israel, bakit ka ba nagrereklamo
    na tila hindi pansin ni Yahweh ang kabalisahan mo,
    o hindi inalalayan sa kaapihang naranasan?
28 Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig?
Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos,
    ang siyang lumikha ng buong daigdig?
Hindi siya napapagod;
    sa isipan niya'y walang makakaunawa.
29 Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas.
30 Kahit na ang mga kabataan ay napapagod
    at nanlulupaypay.
31 Ngunit muling lumalakas
    at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh.
Lilipad silang tulad ng mga agila.
    Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod,
    sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.

Ang Pangako ng Diyos sa Israel

41 Sinabi ni Yahweh,
“Tumahimik kayo at makinig, kayo na nasa malalayong lupain!
Pag-ibayuhin ninyo ang inyong lakas,
    at dalhin sa hukuman ang inyong usapin.
Doon ang panig ninyo ay papakinggan upang malaman kung sino ang may katuwiran.

“Sino ang nagdala sa isang mananakop mula sa silangan,
    at nagbigay ng tagumpay sa lahat ng kanyang pakikipaglaban?
Ang mga hari't mga bansa ay parang alikabok na lumilipad
    sa bawat hataw ng kanyang tabak;
    at parang dayaming tinatangay dahil sa kanyang pana.
Buong bilis na tinutugis niya ang mga kaaway,
    ang kanyang mga paa'y hindi halos sumayad sa lupa.
Sinong nasa likod ng lahat ng ito?
    Sinong nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan mula sa pasimula?
Akong si Yahweh, na naroon na noon pa man,
    at mananatili hanggang sa katapusan.

“Ito'y nasaksihan ng mga tao sa malalayong lupain,
    at nanginginig sila sa takot;
    kaya silang lahat ay lumapit sa akin at sumamba.
Sila-sila ay nagtutulungan at nagpapayuhan, ‘Huwag kayong matakot.’
Sinabi ng mga karpintero sa mga panday-ginto, ‘Magandang trabaho!’
    Hinangaan ng mga gumagawa ng rebulto ang mga nagkabit-kabit nito,
at ang sabi, ‘Mahusay ang pagkahinang’;
    pagkatapos ay ipinako ang rebulto sa patungan nito.

“Ngunit(AC) ikaw, Israel, na aking lingkod
    lahi ni Abraham na aking kaibigan.
    Ikaw ang bayang aking hinirang.
Ikaw ay kinuha ko sa mga dulo ng daigdig;
    sa pinakamalalayong sulok nito,
    sinabi ko sa iyo noon, ‘Ikaw ay aking lingkod.’
Pinili kita at hindi itinakwil.
10 Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot,
    ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba.
Palalakasin kita at tutulungan,
    iingatan at ililigtas.

11 “Lahat ng may galit sa iyo
    ay mapapahiya,
at mamamatay ang sinumang lumaban sa iyo.
12 Hahanapin ninyo sila ngunit hindi makikita,
    mawawala na sila ng lubusan dito sa lupa.
13 Ako si Yahweh na inyong Diyos,
    ang magpapalakas sa inyo.
Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”

14 Sinabi pa ni Yahweh,
“Israel, mahina ka man at maliit,
    huwag kang matakot, sapagkat tutulungan kita.
Ako ang iyong tagapagligtas, ang banal na Diyos ng Israel.
15 Gagawin kitang tulad ng panggiik,
    na may bago at matatalim na ngipin.
Iyong gigiikin ang mga bundok at burol,
    at dudurugin hanggang maging alabok.
16 Ihahagis mo sila at tatangayin ng hangin;
    pagdating ng bagyo ay pakakalatin.
Magdiriwang kayo sa pangalan ni Yahweh,
    at pararangalan ang Banal na Diyos ng Israel.

17 “Kapag inabot ng matinding uhaw ang aking bayan,
    na halos matuyo ang kanilang lalamunan,
akong si Yahweh ang gagawa ng paraan;
    akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya.
18 Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol,
    aagos ang masaganang tubig sa mga libis;
gagawin kong lawa ang disyerto,
    may mga batis na bubukal sa tuyong lupain.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.