Bible in 90 Days
15 Noon(A) ko rin nakita na ang mga taga-Juda ay nagpipisa ng ubas sa Araw ng Pamamahinga. Mayroon din namang mga nagkakarga sa mga asno ng mga trigo, alak, ubas, igos at iba pang bagay, at dinadala sa Jerusalem. Binalaan ko silang huwag magtinda ng anuman sa Araw ng Pamamahinga. 16 Ang mga taga-Tiro na nasa lunsod ay nagdadala naman ng isda at lahat ng uri ng paninda, at sa Araw din ng Pamamahinga nila ipinagbibili sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem. 17 Dahil dito, pinagalitan ko ang mga namumuno sa Juda. Pinagsabihan ko sila, “Masama ang ginagawa ninyong ito. Nilalapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga. 18 Ito mismo ang dahilan kaya pinarusahan ng Diyos ang inyong mga ninuno at winasak ang lunsod na ito. Lalo ninyong ginagalit ang Diyos sa ginagawa ninyong paglapastangan sa Araw ng Pamamahinga!”
19 Kaya't iniutos kong mula noon, pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, ang mga pintuan ng lunsod ay sarhan bago lumubog ang araw at huwag bubuksan hanggang hindi natatapos ang araw na iyon. Pinabantayan ko sa aking mga tauhan ang mga pintuan upang matiyak na walang anumang panindang maipapasok sa Araw ng Pamamahinga. 20 Kung minsan, ang mga mangangalakal sa Jerusalem ay sa labas ng pader natutulog. 21 Binalaan ko sila na kapag umulit pa sila ay gagamitan ko na sila ng dahas. Mula noo'y hindi na sila dumarating kapag Araw ng Pamamahinga. 22 Iniutos ko sa mga Levita na dapat nilang linisin ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at magbantay sa mga pinto upang maingatang banal ang Araw ng Pamamahinga.
Alalahanin po ninyo ako O Diyos, sa ginawa kong ito at huwag ninyo akong parusahan sapagkat dakila ang iyong pag-ibig.
23 Nalaman(B) ko rin noon na maraming mga Judio ang nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon at Moab. 24 Dahil dito, kalahati ng kanilang mga anak ang nagsasalita ng wikang Asdod at iba pang mga wikang banyaga, ngunit hindi sila nakakapagsalita ng wika ng Juda. 25 Pinagalitan ko ang mga kalalakihan, isinumpa sila, pinalo at sinabunutan. Pagkatapos, pinapanumpa ko sila sa pangalan ng Diyos na sila at ang kanilang mga anak ay hindi na mag-aasawa ng mga dayuhan. 26 “Hindi(C) ba iyan ang sanhi ng pagkakasala ni Solomon?” sinabi ko sa kanila. “Walang sinumang hari saanmang bansa na tulad niya. Mahal siya ng Diyos at ginawang hari sa buong Israel. Subalit nagkasala siya dahil sa mga babaing banyaga. 27 Susundin ba namin ang inyong masamang halimbawa at susuway sa Diyos dahil sa pag-aasawa ng mga dayuhan?”
28 Isa(D) sa mga anak ni Joiada (na anak ng pinakapunong pari na si Eliasib) ay nag-asawa ng isang babae mula sa angkan ni Sanbalat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa Jerusalem. 29 Alalahanin po ninyo, O aking Diyos, ang paglapastangan nila sa tungkulin ng pagiging pari at sa kasunduang ginawa ninyo sa mga pari at sa mga Levita.
30 Nilinis ko ang sambayanan sa lahat ng pakikitungo nila sa mga dayuhan. Gumawa ako ng mga tuntunin para sa mga pari at mga Levita upang malaman nila ang kanilang mga tungkulin. 31 Isinaayos ko rin ang pagdadala sa takdang oras ng mga kahoy na gagamiting panggatong sa pagsunog ng mga handog, gayundin ang pagdadala ng mga tao sa mga unang ani ng butil at bungangkahoy.
Alalahanin ninyo, O aking Diyos, ang lahat ng ito at ako po'y pagpalain ninyo.
Sinuway ni Reyna Vasti si Haring Xerxes
1 Nang(E) panahon ni Haring Xerxes ng Persia, ang sakop niya'y mula sa India hanggang Etiopia.[a] Binubuo ito ng 127 lalawigan. 2 Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa na siyang kapitolyo ng Persia.
3 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya ay naghanda ng isang piging para sa kanyang mga pinuno, mga katulong sa palasyo, mga punong-kawal ng Persia at Media, pati mga maharlika at mga gobernador ng mga lalawigan. 4 Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay. Ang piging ay tumagal nang 180 araw.
5 Pagkaraan nito, naghanda naman siya ng piging para sa lahat ng taga-Susa, dakila o hamak man. Ito'y ginanap sa patyo sa may hardin ng palasyo, at tumagal nang pitong araw. 6 Puting-puti ang mga kurtina at maraming palawit na kulay asul. Ang mga tali nito'y nilubid na pinong lino at murado, at nakasabit sa mga argolyang pilak. Marmol ang mga haligi ng palasyo. Yari sa ginto't pilak ang mga upuan. Ang sahig ay mosaik na yari sa porfido, alabastro, nakar, at mamahaling bato. 7 Ang mga alak ay inihain sa mga kopitang ginto na iba't iba ang hugis. Napakaraming mamahaling alak ang inilabas; alak na angkop lamang sa isang hari. 8 Walang humpay ang pagpapamahagi ng inumin; ipinag-utos ng hari sa mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa.[b] Walang pilitan sapagkat ipinag-utos ng hari sa kanyang mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa. 9 Samantala, si Reyna Vasti ay nagdaos din ng piging sa palasyo para naman sa kababaihan.
10 Nang ikapitong araw na ng pagdiriwang, medyo lango na ang hari. Ipinatawag niya sina Mehuman, Bizta, Harvona, Bigta, Abagta, Zetar at Carcas, ang pitong eunukong nag-aasikaso sa kanya. 11 Ipinasundo niya si Reyna Vasti. Ipinasabi niyang isuot ng reyna ang korona nito upang ipagmayabang sa lahat ng naroon ang kagandahan nito, sapagkat ito nama'y talagang maganda. 12 Ngunit hindi pinansin ng reyna ang mga sugo ng hari. Dahil dito, lubhang nagalit ang hari.
13 Tuwing may pangyayaring tulad nito, ipinapatawag ng hari ang mga pantas tungkol sa kapanahunan, mga dalubhasa sa batas at paghatol 14 upang sangguniin. Ito'y sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan. Sila ang pitong pangunahing pinuno ng Persia at Media. Malapit sila sa hari, at mga pangunahin sa buong kaharian. 15 Itinanong ng hari, “Ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sa pagsuway niya sa utos ko sa pamamagitan ng mga sugo?”
16 Sumagot si Memucan, “Si Reyna Vasti ay nagkasala, hindi lamang sa hari kundi pati sa mga pinuno at sa lahat ng nasasakupan ninyo, Haring Xerxes. 17 Ang pangyayaring ito'y tiyak na malalaman ng lahat ng babae sa kaharian. Kung magkagayon, magkakaroon sila ng katuwirang sumuway sa kanilang asawa. Idadahilan nilang sinuway ni Reyna Vasti ang hari. 18 Ngayon pa ay natitiyak kong alam na ito ng mga pangunahing babae ng Persia at Media at sasabihin na sa mga pinuno ng hari. Dahil dito, tiyak na lalaganap ang kawalan ng respeto sa mga asawang lalaki, at ito'y hahantong sa maraming kalupitan. 19 Kaya, kung inyong mamarapatin, magpalabas kayo ng isang utos na maisasama sa mga kautusan ng Persia at Media para hindi mabago. Sa bisa ng utos na ito, aalisin kay Vasti ang pagiging reyna at papalitan siya ng mas mabuting reyna. 20 Kapag ito'y naipahayag na sa buong kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang kanilang mga asawa, maging hamak o dakila man.”
21 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga pinuno ang payo ni Memucan, at ito nga ang ginawa ng hari. 22 Pinadalhan niya ng sulat ang mga lalawigang sakop niya. Ang liham ay nakasulat ayon sa wika ng bawat lalawigan. Ipinapahayag sa liham na ito na dapat ang asawang lalaki ang siyang pinuno ng kanyang sambahayan.
Naging Reyna si Ester
2 Lumipas ang mga araw at napawi ang galit ni Haring Xerxes. Subalit patuloy pa rin nitong naaalaala si Vasti, ang ginawa nito at ang utos na nilagdaan niya laban dito. 2 Kaya't iminungkahi ng kanyang mga lingkod, “Bakit di kayo magpahanap ng magaganda at kabataang dalaga, Kamahalan? 3 Pumili kayo ng mga tauhan sa bawat lalawigan para humanap ng magagandang dalaga sa kanilang lugar at dalhin sa inyong harem sa lunsod ng Susa. Ipagkatiwala ninyo sila kay Hegai, ang eunukong namamahala sa harem ng hari, at bigyan ninyo sila ng mga pampagandang kailangan nila. 4 Ang maibigan ng hari ang siyang ipapalit kay Vasti.” Nagustuhan ng hari ang mungkahing ito, at ganoon nga ang kanyang ginawa.
5 Noon ay may isang Judio na nakatira sa Susa. Siya'y si Mordecai na mula sa lipi ni Benjamin. Siya'y anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis. 6 Isa(F) siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. 7 Si Mordecai ay may isang napakaganda at kabigha-bighaning pinsang dalaga na ulilang lubos at siya na ang nagpalaki. Ang pangalan niya'y Ester (Hadasa naman sa Hebreo). Nang mamatay ang mga magulang ni Ester, inampon na siya ni Mordecai at itinuring na parang tunay na anak. 8 Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem. 9 Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad siya ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, ipinili pa siya ng pinakamainam na tirahan sa harem at binigyan ng pitong katulong na babae.
10 Gayunpaman, hindi sinabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya nagmula dahil iyon ang bilin sa kanya ni Mordecai. 11 Araw-araw naman, nagpupunta si Mordecai sa bulwagan ng harem upang alamin ang kalagayan ni Ester.
12 Bilang tuntunin, isang taon munang pagagandahin ang mga babae: anim na buwan silang pinapahiran ng langis at mira, at anim na buwan ding nilalagyan ng pabango at iba pang pampaganda. Pagkatapos, isa-isa silang inihaharap sa hari. 13 Bago humarap sa hari, ibinibigay sa kanila ang lahat ng maibigan nilang dalhin sa pagharap sa hari. 14 Bawat isa'y pumupunta sa hari sa gabi at kinabukasa'y dinadala sa isa pang harem nito na pinapamahalaan naman ng eunukong si Saasgaz. Sinumang pumunta sa hari ay hindi nakababalik sa palasyo kung hindi siya ipapatawag nito, lalo na kung hindi nasiyahan sa kanya ang hari.
15 Dumating ang araw na haharap na sa hari si Ester. (Si Ester ay anak ni Abihail na tiyuhin naman ni Mordecai.) Wala siyang hiniling maliban sa sinabi sa kanya ni Hegai. Nabighani ang lahat ng nakakita sa kanya. 16 Noon ay ang ikasampung buwan ng ikapitong taon ng paghahari ni Xerxes. 17 Lubos na nabighani ang hari kay Ester at inibig niya ito nang higit sa ibang babae. Kaya, kinoronahan siya nito at ginawang reyna kapalit ni Vasti. 18 Nagdaos ng isang malaking handaan ang hari upang parangalan si Ester at inanyayahan niya ang lahat ng kanyang mga pinuno at mga kaibigan. Kaugnay nito, nagpahayag pa siya ng pista opisyal[c] sa buong kaharian at namahagi ng maraming regalo.
Iniligtas ni Mordecai ang Hari
19 Samantala, si Mordecai naman ay naitalaga sa isang mataas na katungkulan sa pamahalaan. 20 Hanggang sa panahong iyon, hindi pa rin ipinapaalam ni Ester ang lahi o bansang pinagmulan niya, tulad ng bilin ni Mordecai (sinusunod niya ang mga utos ni Mordecai simula pa ng kanyang pagkabata). 21 Isang araw habang nasa bulwagan ng palasyo si Mordecai, narinig niyang nag-uusap ang dalawang eunukong bantay-pinto na sina Bigtan at Teres. Galit sila kay Haring Xerxes at balak nilang patayin ito. 22 Nang marinig ito ni Mordecai, gumawa siya ng paraang makausap si Reyna Ester at sinabi rito ang kanyang narinig. Sinabi naman ito ni Ester sa hari, pati ang tungkol kay Mordecai. 23 Pinaimbestigahan ito ng hari at napatunayang totoo, kaya ipinabitay sina Bigtan at Teres. Ang pangyayaring ito'y isinulat sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.
Binalak ni Haman na Lipulin ang mga Judio
3 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita. Ginawa niya itong punong ministro. 2 Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod at lumuluhod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod at lumuluhod. 3 Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?” 4 Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman para malaman kung pagbibigyan siya ni Haman, sapagkat sinasabi ni Mordecai na siya'y isang Judio. 5 Nang mapatunayan ni Haman na hindi nga yumuyukod at lumuluhod si Mordecai, sumiklab ang galit nito. 6 Nang malaman niyang Judio si Mordecai, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Xerxes.
7 Nang unang buwan ng ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, ginawa sa harapan ni Haman ang palabunutang tinatawag na Pur upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumama ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan na kung tawagi'y Adar.
8 Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat pong panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po kung pababayaan ninyo silang ganito. 9 Kung inyong mamarapatin, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong yaon. Magbibigay po ako ng 350,000 kilong pilak sa mga pinuno at ito'y ilalagak sa kabang-yaman ng hari.”
10 Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata, ang Agagitang kaaway ng mga Judio. 11 At sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na ang bahala sa salapi at gawin mo ang gusto mong gawin sa mga taong iyon.”
12 Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang mga kalihim ng hari. Pinagawa niya sila ng liham para sa mga gobernador ng lahat ng lalawigan at sa mga pinuno ng bayan, sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. Ang liham ay ginawa sa pangalan ni Haring Xerxes at tinatakan ng singsing nito. 13 Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian, na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio, maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. 14 Bawat lalawiga'y padadalhan ng sipi ng utos upang makapaghanda ang lahat sa araw na nabanggit. 15 At ipinahayag nga sa lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia, ang utos ng hari. Ang mga lalawigan naman ay kaagad pinadalhan ng mga sipi nito. Kaya't samantalang masayang nag-iinuman ang hari at si Haman, ang lunsod naman ng Susa ay gulung-gulo.
Pinakiusapan ni Mordecai si Ester na Mamagitan
4 Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng nangyari, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit panluksa, naglagay ng abo sa ulo, at naglibot sa buong lunsod, at malakas na tumatangis. 2 Naupo siya sa labas ng pintuan ng palasyo sapagkat hindi pinapayagang pumasok doon ang sinumang nakasuot ng damit panluksa. 3 Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis nang buong kapaitan, nag-ayuno at nagluksa. Karamihan sa kanila'y nagsuot ng damit panluksa at naglagay ng abo sa ulo.
4 Lubos na nabahala si Reyna Ester nang malaman niya ang pangyayari mula sa kanyang mga katulong na babae at mga eunuko. Kaya pinadalhan niya ng bihisan si Mordecai, ngunit ayaw nitong tanggapin iyon. 5 Dahil dito, ipinatawag niya si Hatac, isa sa mga eunuko ng hari at itinalagang katulong niya. Pinapunta niya ito kay Mordecai at ipinatanong kung bakit siya nagkakaganoon. 6 Pinuntahan nga ni Hatac si Mordecai sa labas ng palasyo. 7 Sinabi naman nito sa kanya ang buong pangyayari, pati ang halagang ibibigay ni Haman sa kabang-yaman ng hari mapatay lamang ang mga Judio. 8 Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng sulat ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari.
9 Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagbalik si Hatac kay Ester at isinaysay ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Si Hatac ay pinabalik ni Ester kay Mordecai at ganito ang ipinasabi: 11 “Alam na alam ng lahat na walang itinatangi ang batas ng kaharian. Sinumang lumapit sa hari, maging lalaki o babae, nang hindi ipinapatawag ay papatayin maliban kung ipatong sa kanya ang gintong setro. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12 Nang matanggap ni Mordecai ang sagot ni Ester, 13 ganito naman ang ipinasabi niya: “Huwag mong aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ikaw lamang ang makakaligtas sa lahat ng mga Judio. 14 Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio, ngunit malilipol ka at ang iyong angkan. Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!”
15 Dahil dito, ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Tipunin mo ang lahat ng Judio rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito'y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay.” 17 Umalis si Mordecai at ginawa ang lahat ng tagubilin ni Ester.
Ang Piging para sa Hari at kay Haman
5 Lumipas ang tatlong araw mula nang mag-usap sina Ester at Mordecai. Isinuot ni Ester ang kanyang kasuotan bilang reyna at tumayo sa bulwagan ng palasyo, sa tapat ng tirahan ng hari. Nakaupo noon sa trono ang hari, paharap sa pintuan ng palasyo. 2 Nalugod siya nang makita si Ester at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Lumapit naman si Ester at hinipo ang dulo ng setro. 3 Itinanong ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
4 Sumagot si Ester, “Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo po kayo ni Haman ngayon sa piging na inihanda ko para sa inyo.”
5 Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa piging na inihanda ni Ester. 6 Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
7 Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan: 8 Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa piging na ihahanda ko para sa inyo bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”
Nagpagawa si Haman ng Pagbibitayan
9 Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas ng palasyo si Haman. Ngunit sumiklab na naman ang kanyang galit nang mapatapat siya kay Mordecai na nasa may pintuang papasok sa palasyo. Ni hindi man lamang ito tumayo o nagbigay-galang sa kanya. 10 Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan. 11 Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkalagay sa kanya bilang pinakamataas sa mga pinuno at kagawad sa palasyo. 12 Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng handaan. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari. 13 Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita kong nakaupo sa pasukan ng palasyo ang Judiong si Mordecai.”
14 Sinabi sa kanya ng asawa niyang si Zeres at ng kanyang mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang taas sa may pintuan ng palasyo at bukas ng umaga hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Sa gayon, masaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa siya ng bitayan.
Pinarangalan si Mordecai
6 Nang gabing iyon, hindi makatulog si Haring Xerxes. Ipinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito habang siya'y nakikinig. 2 Nabasa(G) ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Bigtan at Teres na patayin ang Haring Xerxes. 3 Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”
Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po.”
4 Nagtanong ang hari, “Sino ba ang nasa bulwagan?”
Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa ipinagawa niyang bitayan. 5 Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”
At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”
6 Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”
Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, 7 kaya sinabi niya, “Ganito po: 8 Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. 9 Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”
10 Sinabi ng hari kay Haman, “Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pintuan ng palasyo.”
11 Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”
12 Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. 13 Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga tagapayo.[d] Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapayo at ng kanyang asawa, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya.”
14 Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.
Binitay si Haman
7 Si Haring Xerxes at si Haman ay dumalo sa ikalawang handaan ni Reyna Ester. 2 Habang sila'y nag-iinuman, itinanong ng hari, “Reyna Ester, ano nga ba ang hihilingin mo? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
3 Sumagot si Reyna Ester, “Kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, nais ko po sanang hilingin na ako at ang aking mga kababayan ay inyong iligtas, 4 sapagkat kami po ay ipinagbili para patayin at lipulin. Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako at hindi na kayo gagambalain pa. Subalit kami po ay nililipol na!”
5 Itinanong ng hari, “Sinong may pakana ng mga bagay na ito?”
6 Sumagot si Ester, “Ang aming kaaway at taga-usig—ang masamang, si Haman!”
At si Haman ay nangatog sa takot sa harap ng hari at ng reyna. 7 Galit na galit na tumindig ang hari at nagpunta sa hardin ng palasyo. Naiwan naman si Haman at nagmakaawa kay Reyna Ester sapagkat natitiyak niyang siya'y paparusahan ng hari.
8 Nang magbalik ang hari, nakita niyang nakadapa si Haman sa harap ng reyna na noo'y nakahiga. Dahil dito'y pagalit na sinabi ng hari, “Pagbabalakan pa niya ng masama ang reyna at sa loob pa naman ng aking pamamahay?”
Hindi pa halos natatapos ang salita ng hari, tinakpan na ng mga lingkod ng hari ang mukha ni Haman.
9 Pagkatapos, sinabi ni Harbona, isa sa mga eunuko ng hari, “Nagpagawa na po si Haman ng isang bitayan para kay Mordecai na nagligtas sa buhay ninyo, Mahal na Hari. Ang taas po ng bitayan ay dalawampu't dalawa't kalahating metro at naroon sa tabi ng kanyang bahay.”
10 “Doon siya bitayin!” utos ng hari.
Binitay nga si Haman sa bitayang ginawa niya para kay Mordecai. Pagkatapos, napawi na ang galit ng hari.
Hinirang si Mordecai
8 Nang araw ding iyon, ang mga ari-arian ni Haman na kaaway ng mga Judio ay ibinigay ni Haring Xerxes kay Reyna Ester. Napabilang rin si Mordecai sa mga kagawad na malapit sa hari sapagkat sinabi ni Ester na magkamag-anak sila. 2 Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai na siyang ginawang katiwala ni Ester sa dating bahay ni Haman.
Ang Bagong Kahilingan ni Ester
3 Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman na Agagita. 4 Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi, 5 “Kung mamarapatin ninyo at makalulugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong ipawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, laban sa mga Judio sa inyong kaharian. 6 Hindi ko po makakayanang makita na nililipol at pinapatay ang aking mga kalahi.”
7 Sinabi ni Haring Xerxes kay Reyna Ester at kay Mordecai na Judio, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na kay Ester. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio.” 8 Sinabi rin ng hari sa kanila, “Gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”
9 Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat ni Mordecai sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia.[e] Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. 10 Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala sa mga tagahatid-sulat, sakay ng mabibilis nilang kabayo mula sa kuwadra ng hari. 11 Sa pamamagitan ng sulat na ito, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin, lipulin at samsaman ng ari-arian ang hukbong sasalakay sa kanila, pati ang mga kababaihan at mga bata. 12 Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon. 13 Bawat lalawigan ay padadalhan ng sipi nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na yaon laban sa kanilang mga kaaway. 14 Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling lumakad, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ikinalat din sa Lunsod ng Susa.
15 Nang lumabas ng palasyo si Mordecai, ipinagbunyi siya ng buong Lunsod ng Susa. Suot niya ang maharlikang kasuotan: puti't asul ang kanyang damit, pinong lino na kulay ube ang balabal, at malaki ang koronang ginto. 16 Ito'y malaking karangalan ng mga Judio. Masayang-masaya sila. 17 Sa lahat ng dakong naabot ng utos ng hari, nagpista sa tuwa ang mga Judio. At sa buong kaharian, marami ang nagsabing sila'y Judio sa takot na sila'y patayin.
Ang Tagumpay ng mga Judio
9 Dumating ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon. Ito ang araw ng pagsasagawa ng utos ng hari, ang araw na inaasam-asam ng mga kaaway ng mga Judio, sapagkat inaasahan nilang sa araw na ito nila lilipulin ang mga Judio. Ngunit hindi nila alam na mababaligtad ang pangyayari, sapagkat sila ang lilipulin ng mga Judio. 2 Nang araw na iyon, nagsama-sama ang lahat ng Judio sa buong kaharian[f] upang labanan ang sinumang mananakit sa kanila. Ngunit wala namang nangahas magbuhat ng kamay sa kanila sapagkat natakot sa kanila ang lahat. 3 Tinulungan pa sila ng mga gobernador at ng lahat ng pinuno sa bawat lalawigan dahil naman sa takot kay Mordecai 4 na noon ay isa nang makapangyarihang tao sa kaharian. Bantog na sa buong kaharian ang kanyang pangalan at patuloy pang lumalaki ang kanyang kapangyarihan.
5 Nilipol nga ng mga Judio ang kanilang mga kaaway at ginawa nila ang kanilang gusto sa lahat ng napopoot sa kanila. 6 Sa lunsod lamang ng Susa, limandaan ang kanilang napatay. 7 Kasama sa napatay sina Farsandata, Dalfon, Aspata, 8 Porata, Adalia, Aridata, 9 Parmasta, Arisai, Aridai at Vaizata, 10 pawang mga anak ni Haman na anak ni Hamedata at kaaway ng mga Judio. Ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng kanilang mga kaaway.
11 Nang araw ring iyon, umabot sa kaalaman ng hari ang bilang ng napatay sa Lunsod ng Susa. 12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa lamang, limandaan na ang napatay, kasama na ang sampung anak na lalaki ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lalawigan? Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano pa ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.”
13 Sinabi ni Ester, “Kung mamarapatin po ng hari ay pahintulutan ang mga Judio rito sa Susa na ituloy hanggang bukas ang inyong utos. At kung maaari, ipabitin sa bitayan ang bangkay ng mga anak ni Haman!” 14 Iniutos nga ng hari na ibitin ang bangkay ng sampung anak ni Haman. 15 Kinabukasan, muling nagsama-sama ang mga Judio sa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daan. Subalit hindi rin nila sinamsam ang ari-arian ng kanilang mga napatay.
16 Ang mga Judio sa iba't ibang panig ng kaharian ay nagsama-sama rin upang ipagtanggol ang kanilang sarili at lupigin ang kanilang mga kaaway. Umabot sa pitumpu't limanlibo ang kanilang napatay ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng mga ito. 17 Ginawa nila ito nang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. At nang ikalabing apat na araw, namahinga sila at maghapong nagdiwang. 18 Sa Lunsod ng Susa, dalawang araw na nagtipon ang mga Judio noong ikalabintatlo at ikalabing apat na araw. Ikalabing limang araw nang sila'y tumigil at nagdiwang buong maghapon. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judio sa labas ng Susa ay nagdiriwang nang ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan. Maghapon silang nagpista at nagbigayan ng mga pagkain bilang regalo sa isa't isa.
20 Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio malayo man o malapit sa kaharian ni Haring Xerxes. 21 Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan. 22 Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha. 23 Sinunod nga ng mga Judio ang utos ni Mordecai.
24 Ang(H) paglipol na ito sa mga kaaway ay ginawa ng mga Judio dahil sa masamang balak na lipulin sila ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, kaaway ng mga Judio. Naitakda ang petsa ng paglipol sa pamamagitan ng palabunutang tinatawag na Pur. 25 Ngunit nabaligtad nga ang lahat nang umabot ito sa kaalaman ni Haring Xerxes sa pamamagitan ni Reyna Ester. Nang malaman ito ng hari, nagpakalat siya ng sulat at iniutos na kay Haman gawin ang masamang balak nito sa mga Judio. Ipinabitay siya ng hari gayundin ang kanyang mga anak na lalaki. 26 Kaya, ang pistang ito'y tinawag nilang Pista ng Purim, buhat sa salitang Pur. At dahil sa utos na ito ni Mordecai at sa pagkaligtas nila sa panganib, 27 ipinasiyang ipagdiwang ang dalawang araw na ito taun-taon. Ito'y gagawin nila, ng kanilang lahi at ng lahat ng mapapabilang sa kanila. 28 Patuloy itong aalalahanin ng lahat ng salinlahi, ng bawat sambahayan sa lahat ng lalawigan at lunsod. Hindi nila ito kaliligtaan, hindi rin ititigil.
29 Upang pagtibayin ang sulat ni Mordecai tungkol sa Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail 30 ng liham na naghahatid ng katotohanan at kapayapaan sa 127 lalawigan na sakop ni Haring Xerxes. 31 Ipagdiriwang ng lahat ng Judio ang Purim sa takdang panahon tulad ng ipinag-utos ni Mordecai at ni Reyna Ester. Susundin nila ito tulad ng pagsunod nila at ng kanilang mga salinlahi sa mga tuntunin sa pag-aayuno at pagdadalamhati. 32 Pinagtibay ng sulat ni Ester ang mga tuntunin sa pagdiriwang ng Pista ng Purim at isinulat ito sa isang aklat.
Ang Kadakilaan ni Mordecai
10 Pinagbuwis ni Haring Xerxes ang mga lupain at ang maliliit na pulo na kanyang nasasakupan. 2 Ang kapangyarihan ng hari, ang lahat ng ginawa niya, pati ng pagkataas sa katungkulan ni Mordecai at ang malaking karangalang ibinigay niya rito ay pawang nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia. 3 Si Mordecai na isang Judio ay naging kanang kamay ni Haring Xerxes. Siya ay mahal na mahal at iginalang ng mga kapwa niya Judio sapagkat ginawa niya ang lahat para sa kapakanan at kabutihan nila.
Sinubok ni Satanas si Job
1 May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na nagngangalang Job. Siya'y isang mabuting tao, sumasamba sa Diyos at umiiwas sa masamang gawain. 2 Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 3 Marami siyang tagapaglingkod at siya ang pinakamayaman sa buong silangan. Pitong libo ang kanyang tupa, tatlong libo ang kamelyo, sanlibo ang baka at limandaan ang asno. 4 Nakaugalian na ng kanyang mga anak na lalaki na hali-haliling magdaos ng handaan sa kani-kanilang bahay at inaanyayahan nila ang mga kapatid nilang babae. 5 Tuwing matatapos ang ganoong handaan, ipinapatawag ni Job ang kanyang mga anak para sa isang rituwal. Maagang bumabangon si Job kinabukasan upang mag-alay sa Diyos ng handog na sinusunog para sa kanyang mga anak dahil baka lihim na nilalapastangan ng mga ito ang Diyos at sila'y magkasala.
6 Dumating(I) ang araw na ang mga anak ng Diyos[g] ay humarap kay Yahweh at naroon din si Satanas.[h] 7 Tinanong ni Yahweh si Satanas,[i] “Ano ba'ng pinagkakaabalahan mo ngayon?”
“Nagpapabalik-balik ako sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas.[j]
8 “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain,” dugtong pa ni Yahweh.
9 Sumagot(J) si Satanas,[k] “Sasambahin pa kaya kayo ni Job kung wala na siyang nakukuha mula sa inyo? 10 Inaalagaan ninyo siya, ang kanyang pamilya at ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala ninyo ang lahat ng kanyang gawin, at halos punuin ninyo ng kanyang kayamanan ang buong lupain. 11 Subukan ninyong alisin ang lahat-lahat sa buhay niya at harap-harapan niya kayong susumpain.”
12 Sinabi ni Yahweh kay Satanas,[l] “Kung gayon, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang sasaktan.” At umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh.
Nalipol ang mga Anak ni Job at Naubos ang Kanyang Kayamanan
13 Isang araw, nagkakainan at nag-iinuman ang mga anak ni Job sa bahay ng kanilang panganay na kapatid na lalaki. 14 Walang anu-ano'y dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming pinang-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, 15 nang may dumating na mga Sabeo.[m] Kinuha po nila ang mga baka at mga asno at pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”
16 Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Tinamaan po ng kidlat ang mga tupa at mga pastol at namatay lahat; ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo.”
17 Hindi pa ito halos tapos magsalita nang may isa na namang dumating. Ang sabi nito, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo.[n] Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”
18 Hindi pa rin ito halos tapos magsalita nang may dumating na namang isa at nagsabi, “Habang ang mga anak po ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng panganay nilang kapatid, 19 hinampas po ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po sila at namatay lahat. Ako lang po ang natirang buháy upang magbalita sa inyo.”
20 Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. 21 Ang(K) sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”
22 Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi niya sinisi ang Diyos, kaya't hindi siya nagkasala laban sa kanya.
Sinubok Muli ni Satanas si Job
2 Muling humarap kay Yahweh ang mga anak ng Diyos,[o] at naroon din si Satanas.[p] 2 Tinanong ni Yahweh si Satanas,[q] ang Tagapagparatang. “Saan ka nanggaling?”
Sumagot si Satanas,[r] “Nagpapabalik-balik at naglilibot ako sa buong daigdig.”
3 “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain. Hinimok mo akong pinsalain siya kahit walang sapat na dahilan, subalit nananatili pa rin siyang tapat sa akin,” sabi pa ni Yahweh.
4 Sumagot si Satanas,[s] “Kahit anong bagay ay ibibigay ng tao, huwag lamang siyang mamatay. 5 Subukin ninyong saktan ang kanyang katawan at sigurado kong susumpain niya kayo nang harap-harapan!”
6 Sinabi ni Yahweh, “Kung gayon, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang papatayin.”
7 Kaya umalis si Satanas[t] sa harapan ni Yahweh at tinadtad ng nagnanaknak na sugat ang buo nitong katawan mula ulo hanggang talampakan. 8 Naupo si Job sa tabi ng basurahan at kinamot niya ng isang pirasong basag na palayok ang kanyang mga sugat. 9 Sinabi ng kanyang asawa, “Mananatili ka pa bang matuwid? Sumpain mo ang Diyos at nang mamatay ka na!”
10 Ang sagot ni Job, “Hindi mo naiintindihan ang iyong sinasabi. Pagpapala lang ba ang tatanggapin mo sa Diyos? Hindi ba natin tatanggapin kung bigyan niya tayo ng pagdurusa?” Sa kabila ng kanyang paghihirap, hindi nagsalita si Job ng laban sa Diyos.
Dinalaw si Job ng Kanyang mga Kaibigan
11 Ang masamang nangyari kay Job ay nabalitaan ng tatlo niyang kaibigang si Elifaz na Temaneo, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamita. Nagkasundo silang tatlo na dalawin si Job upang palakasin ang loob niya at makiramay sa kanya. 12 Malayo pa sila'y nakita na nila si Job ngunit hindi nila ito nakilala. Nang makilala nila ito, hindi nila napigilang umiyak nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng abo sa ulo dahil sa pagdadalamhati. 13 Pitong araw at pitong gabi silang naupo sa lupa kasama ni Job. Ngunit hindi nila ito pinagsabihan ng kahit ano sapagkat nakikita nilang hirap na hirap ito sa kanyang kalagayan.
Dumaing si Job sa Diyos
3 Pagkaraan(L) ng matagal na pananahimik, nagsalita si Job at isinumpa ang araw nang siya'y isilang.
2 Ito ang kanyang sinabi:
3 “Hindi(M) na sana ako ipinanganak pa
at hindi na rin sana ako ipinaglihi.
4 Nabalot na sana ng dilim
at huwag mo na sanang maalala pa ang araw na iyon, O Diyos.
Huwag mo na sanang pasikatan pa ito ng liwanag.
5 Nanatili na lamang sana ito sa takip ng kadiliman,
at nabalot ng ulap, upang huwag nang sikatan ng araw.
6 Nalagas sana ito sa tangkay ng panahon,
at hindi na napabilang sa aklat ng kasaysayan.
7 Ang gabing iyon sana'y malumbay; wala na sanang sigaw ng kagalakan,
8 at sumpain ng mga salamangkerong
nagpapaamo ng dambuhalang Leviatan.[u]
9 Huwag na sanang sumikat ang bituin sa umaga,
at huwag na sanang sundan ng umaga ang gabi.
10 Sumpain ang gabi ng aking pagsilang
na nagdulot sa akin ng ganitong kahirapan.
11 “Bakit hindi pa ako namatay sa tiyan ng aking ina,
o kaya'y noong ako'y isilang niya?
12 Bakit kaya ako ay idinuyan pa, kinalong, inalagaan,
at binigyan ng gatas sa dibdib niya?
13 Kung namatay ako noon, ako sana'y tahimik na, mahimbing na natutulog at nagpapahinga.
14 Katulad ng mga hari at pinunong yumao,
na noong panahon nila'y nagtayo ng mga palasyo.
15 Tahimik na sana ako tulad ng mga pinunong nakapag-imbak
sa kanilang bahay ng mga ginto at pilak,
16 o tulad ng mga sanggol na patay nang ipanganak at hindi na nakakita pa ng liwanag.
17 Sa libinga'y hindi na makakapanggulo ang mga masasama,
at doon ang mga napapagod ay makakapagpahinga.
18 Doon, pati mga bihag ay wala nang ligalig,
wala nang mga sigaw at utos na mabagsik.
19 Ang mga abâ at mga dakila ay sama-sama roon,
ang mga alipin ay malaya na sa kanilang panginoon.
20 “Bakit pa isinilang kung magdurusa rin lamang?
At bakit pa binuhay kung daranas din lang ng kahirapan?
21 Kamataya'y(N) hinahanap ngunit hindi matagpuan,
hinuhukay at ninanais higit pa sa kayamanan.
22 Sa kanila'y ubod-tamis nitong kamatayan.
23 Ano kaya ang dahilan at ang tao'y isinilang,
kung inilihim naman ng Diyos ang kanyang patutunguhan?
24 Karaingan ang aking pagkain,
pagtitiis ang aking inumin.
25 Ang kinatatakutan ko ang siyang nangyari sa akin, at ang pinakaaayawan ko ang dumating sa akin.
26 Hindi ako mapalagay, wala akong kapayapaan,
kaguluhan sa buhay ko ay walang katapusan.”
Ang Unang Sagutan(O)
4 Sinabi ni Elifaz na Temaneo,
2 “Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
3 Marami na ring tao ang iyong naturuan,
at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
4 Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
5 Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
6 Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.
7 “Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay,
mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?
8 Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan
ay sila ring nag-aani ng kaguluhan.
9 Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya.
10 Mga masasamang tao'y parang leong umuungal,
ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal.
11 Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom,
at nagkakawatak-watak ang mga anak nila.
12 “Minsan, ako ay may narinig,
salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(P) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14 Ako'y sinakmal ng matinding takot,
ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’
5 “Sumigaw ka, Job, kung may sasagot sa iyo.
Mayroon bang anghel na sa iyo'y sasaklolo?
2 Ang sama ng loob ay pumapatay sa mga taong hangal.
Ang pagkainggit ay kumikitil sa mga taong mangmang.
3 Nakakita na ako ng mga hangal na panatag kung titingnan,
ngunit bigla kong sinusumpa ang kanilang mga tahanan.
4 Walang matakbuhan ang kanilang mga anak,
walang sinuman ang sa kanila'y magligtas.
5 Ang kanilang ani'y kinakain ng mga gutom,
kahit ang nasa tinikan, inaagaw sa kanila.
Ninanasa ng mga uhaw ang kayamanan nila.
6 Ang kahirapa'y hindi sa alabok nagmula,
at ang kaguluha'y hindi tumutubo sa lupa.
7 Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao,
kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan.
8 “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos,
at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog.
9 Mga(Q) dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan,
mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
10 Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan,
mga bukiri'y kanyang pinatutubigan.
11 Ang nagpapakumbaba ay kanyang itinataas,
ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas.
12 Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira,
kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala.
13 Ang(R) mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag,
kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas.
14 Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian.
15 Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila,
iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha.
16 Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.
17 “Mapalad(S) ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan,
ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam.
18 Ginagamot(T) niya ang kanyang nasugatan,
pinapagaling niya ang kanyang nasaktan.
19 Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo.
20 Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan,
at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan.
21 Ililigtas ka niya sa dilang mapanira,
at di ka matatakot sa kapahamakan.
22 Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan,
at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan.
23 Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin,
maiilap na hayop, di ka lalapain.
24 Magiging ligtas ang iyong tahanan,
at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan.
25 Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki;
tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami.
26 Tatamasahin mo ang mahabang buhay,
katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan.
27 Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan,
pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.”
Sinisi ni Job ang mga Kaibigan
6 Ang sagot ni Job:
2 “Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat,
3 magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat.
4 Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan,
lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan,
galit ng Diyos, sa akin ay inihanay.
5 Walang angal ang asno kung sa damo ay sagana,
at ang baka ay tahimik kung may dayaming nginunguya.
6 Ang pagkaing walang asin, may sarap bang idudulot?
Mayroon bang lasa ang puti ng itlog?
7 Sa lahat ng iyan ay nawala ang aking gana,
sapagkat kung kainin ko man, pilit na ring isusuka.
8 “Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling,
sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin.
9 Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas.
10 Kapag nangyari ito, ako'y liligaya,
sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya.
Alam kong banal ang Diyos,
kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos.
11 Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal,
kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay?
12 Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko.
13 Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko,
wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo.
14 “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan,
tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan.
15 Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan,
para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan.
16-17 Kung taglamig, ang ilog ay pawang yelo,
pagsapit ng tag-araw, nawawalang lahat ito;
ang ilog ay natutuyo, walang laman kahit ano.
18 Sa paghahanap ng tubig, naliligaw ang mga manlalakbay,
at sa gitna ng disyerto ay doon na namamatay.
19 Naghanap ang manlalakbay na taga-Tema at ang taga-Seba,
20 ngunit pag-asa nila'y nawala sa tabi ng tuyong sapa.
21 Para kayong mga batis na ang tubig ay natuyo;
kaya kayo ay nabigla nang makita n'yo ang aking anyo.
22 Sa inyo ba kahit minsan ako ay nagpatulong?
Kailan ba ako humingi sa inyo ng pansuhol?
23 Ako ba kahit minsa'y napasaklolo sa inyo?
Hiniling ko bang sa kaaway ay tubusin ninyo ako?
24 “Pagkakamali ko'y sabihin at ako'y turuan,
ako'y tatahimik upang kayo'y pakinggan.
25 Mga salitang tapat, kay gandang pakinggan,
ngunit mga sinasabi ninyo'y walang katuturan.
26 Kung ang sinasabi ko ay walang kabuluhan,
bakit ninyo sinasagot itong aking karaingan?
27 Kahit sa mga ulila kayo'y magpupustahan,
pati kaibigan ninyo'y inyong pagsusugalan.
28 Tingnan ninyo ako nang harapan, hindi ko kayo pagsisinungalingan,
29 Lumalabis na ang mali ninyong paratang,
tigilan n'yo na iyan pagkat ako'y nasa katuwiran.
30 Akala ninyo ang sinasabi ko'y hindi tama,
at hindi ko nakikilala ang mabuti sa masama.
Ipinahayag ni Job ang Kanyang Pagdaramdam
7 “Ang buhay ng tao'y punung-puno ng pagod,
tulad ng kawal at manggagawang pilit na pinaglingkod.
2 Siya'y tulad ng alipin, na naghahanap ng lilim,
tulad ng manggagawa, sahod ang ninanasa.
3 Buhay ko'y wala nang kahulugan sa paglipas ng mga buwan,
at tuwing sasapit ang gabi ako ay nagdadalamhati.
4 Ang gabi ay matagal, parang wala nang umaga,
di mapanatag sa higaan, hanggang umaga'y balisa.
5 Itong buo kong katawan ay tadtad ng mga sugat,
inuuod, kumikirot,
ang nana ay lumalabas.
6 Mga araw ko'y lumilipas nang walang pag-asa,
kay bilis umikot parang sa makina.
7 “Alalahanin ninyong ang buhay ko'y isang hininga lamang,
hindi na ako muling makakakita nang kabutihan.
8 Kaunting panahon na lang at ako ay papanaw,
di na ninyo ako makikita, at di na matatagpuan.
9 Tulad(U) ng ulap na napapadpad at naglalaho,
kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo.
10 Hindi na siya makakauwi kailanman,
mga kakilala niya, siya'y malilimutan.
11 Kaya ako'y hindi mapipigil na magbuka nitong bibig,
upang ibulalas ang pait sa loob ng aking dibdib.
12 Bakit ako'y inyong binabantayan?
Ako ba'y dambuhalang mula sa karagatan?
13 Ako ay nahihiga upang ako'y magpahinga,
upang kahit sandali sakit ko ay mapawi.
14 Ngunit maging sa pagtulog ako'y iyong tinatakot,
masasamang panaginip, pangitain at mga bangungot.
15 Kaya, nais ko pang ako ay mabigti,
kaysa mabuhay sa katawang may pighati.
16 Ako'y hirap na hirap na, ayaw ko nang mabuhay;
iwan mo na ako, buhay ko'y wala rin lang saysay.
17 “Ano(V) ba ang tao upang iyong pahalagahan,
bakit pinapansin mo ang kanyang mga galaw?
18 Tuwing umaga siya'y iyong sinusuri,
sinusubok mo siya sa bawat sandali.
19 Kahit saglit, ilayo mo sa akin ang iyong tingin,
nang ako'y magkapanahon na laway ay lunukin.
20 Kung ako'y nagkasala, ano ba naman iyon sa iyo? Ikaw na tagapagmasid ng mga tao,
bakit ba ako ang napagbubuntunan mo?
Ako ba ay isang pabigat sa iyo?
21 Bakit di pa patawarin ang aking kasalanan?
Bakit di pa kalimutan ang aking pagkukulang,
ako rin lang ay patungo na sa huli kong hantungan?
Ako'y iyong hahanapin ngunit di matatagpuan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.