Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 29-31

Ang mga Pagpapalang Tinanggap Noon ni Job

29 Nagpatuloy sa pagsasalita si Job, “Kung maibabalik ko lang sana ang mga nagdaang araw noong kinakalinga pa ako ng Dios, noong tinatanglawan pa niya ang aking daan habang lumalakad ako sa dilim. Noong akoʼy nasa mabuti pang kalagayan, ang Dios ay matalik kong kaibigan, at pinagpapala niya ang sambahayan ko. Pinapatnubayan pa ako noon ng Dios na Makapangyarihan, at magkakasama pa kami ng mga anak ko. Ang mga baka ko nooʼy nagbibigay sa akin ng maraming gatas at mula sa mga tanim kong olibo ay umaani ako ng napakaraming langis. Kapag pumupunta ako sa pintuang bayan at sumasama sa mga pinuno ng lungsod sa tuwing may pagpupulong sila, tumatabi ang mga kabataang lalaki kapag nakita nila ako, at ang matatandaʼy tumatayo para magbigay galang sa akin. Tumatahimik kahit ang mga pinuno 10 at ang mararangal na tao kapag nakikita nila ako. 11 Pinupuri ako ng mga taong nanonood o nakikinig sa aking pagsasalita. 12 Sapagkat tinutulungan ko ang mga dukhang humihingi ng tulong at mga ulilang walang malapitan. 13 Binabasbasan ako ng mga taong nag-aagaw buhay na aking tinulungan, at umaawit sa galak ang mga biyuda na aking natulungan din. 14 Palagi kong ginagawa ang tama at matuwid; para itong damit at turban na aking isinusuot. 15 Naging parang mata ako sa taong bulag at paa sa pilay. 16 Naging parang ama ako sa mga dukha, at kahit ang mga dayuhan ay tinulungan ko sa kanilang mga suliranin. 17 Winasak ko ang kapangyarihan ng masasamang tao at iniligtas ko ang mga biktima nila.

18 “Ang akala koʼy hahaba pa ang buhay ko, at mamamatay na kasama ang aking sambahayan. 19 Sapagkat ang katulad ko nooʼy matibay na punongkahoy na umaabot ang mga ugat sa tubig at laging nahahamugan ang mga sanga. 20 Palagi akong malakas at pinupuri ng mga tao. 21 Kapag nagpapayo ako, tumatahimik ang mga tao at nakikinig nang mabuti. 22 Pagkatapos kong magsalita, hindi na sila nagsasalita dahil nasisiyahan na sila sa mga sinabi ko. 23 Pinanabikan nila ang mga sasabihin ko tulad ng pagkasabik nila sa pagdating ng ulan. Gusto talaga nila akong mapakinggan. 24 Halos hindi sila makapaniwala kapag ngumiti ako, dahil ang masayang mukha koʼy nagpapalakas sa kanila. 25 Tulad ng isang pinuno, tinuturuan ko sila kung ano ang dapat gawin. Pinamumunuan ko sila tulad ng haring namumuno sa kanyang mga kawal. At inaaliw ko sila kapag silaʼy nalulungkot.

30 “Pero ngayon, kinukutya na ako ng mga mas bata sa akin, na ang mga ama ay hindi mapagkakatiwalaan. Mas mapagkakatiwalaan pa nga ang mga aso kong tagapagbantay ng aking kawan kaysa sa kanila. Ano bang makukuha ko sa mga taong ito na mahihina at talagang wala ng lakas? Payat na payat sila dahil sa labis na kahirapan at gutom. Kahit gabi ay nagkakaykay sila ng mga lamang-lupa sa ilang para may makain. Binubunot nila at kinakain ang mga tanim sa ilang pati na ang ugat ng punong enebro. Tinataboy sila palayo sa kanilang mga kababayan at sinisigawan na parang mga magnanakaw. Tumitira sila sa mga lambak, sa malalaking bitak ng bato at mga lungga sa lupa. Para silang mga hayop na umaalulong sa kagubatan at nagsisiksikan sa ilalim ng maliliit na punongkahoy. Wala silang halaga, walang nakakakilala at pinalayas pa sa kanilang lupain.

“At ngayon, paawit pa kung kutyain ako ng kanilang mga anak at naging katatawanan pa ako sa kanila. 10 Namumuhi sila at umiiwas sa akin. Hindi sila nangingiming duraan ako sa mukha. 11 Ngayong pinanghina ako at pinahirapan ng Dios, ginawa nila ang gusto nilang gawin sa akin. 12 Nilusob ako ng masasamang ito at nilagyan ng bitag ang aking dadaanan. Talagang pinagsisikapan nila akong ipahamak. 13 Sinisira nila ang dadaanan ko para ipahamak ako. At nagtatagumpay sila kahit walang tumutulong sa kanila. 14 Sinasalakay nila ako na parang mga sundalong dumadaan sa malalaking butas ng gibang pader. 15 Takot na takot ako, at biglang nawala ang karangalan ko na parang hinipan ng malakas na hangin, at ang kasaganaan koʼy naglahong gaya ng ulap. 16 At ngayon ay parang mamamatay na ako; walang tigil ang aking paghihirap. 17 Sa gabi ay kumikirot ang mga buto ko at hindi nawawala ang sakit nito. 18 Sa pamamagitan ng pambihirang lakas ng Dios, sinunggaban niya ako, hinawakan sa kwelyo, 19 at inihagis sa putik. Naging parang alikabok at abo na lang ako.

20 O Dios, humingi ako ng tulong sa inyo pero hindi kayo sumagot. Tumayo pa ako sa presensya nʼyo pero tiningnan nʼyo lang ako. 21 Naging malupit kayo sa akin. Pinahirapan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 22 Parang ipinatangay nʼyo ako sa hangin at ipinasalanta sa bagyo. 23 Alam kong dadalhin nʼyo ako sa lugar ng mga patay, ang lugar na itinakda para sa lahat ng tao.

24 “Tiyak na wala akong sinaktang taong naghihirap at humihingi ng tulong dahil sa kahirapan. 25 Iniyakan ko pa nga ang mga taong nahihirapan, at ang mga dukha. 26 Ngunit nang ako naman ang umasang gawan ng mabuti, masama ang ginawa sa akin. Umasa ako ng liwanag pero dilim ang dumating sa akin. 27 Walang tigil na nasasaktan ang aking damdamin. Araw-araw paghihirap ang dumarating sa akin. 28 Umitim ang balat ko hindi dahil sa init ng araw kundi sa aking karamdaman. Tumayo ako sa harap ng kapulungan at humingi ng tulong. 29 Ang boses koʼy parang alulong ng asong-gubat o huni ng kuwago. 30 Umitim ang balat koʼt natutuklap, at inaapoy ako ng lagnat. 31 Kaya naging malungkot ang tugtugin ng aking alpa at plauta.

31 “Ipinangako ko sa aking sarili na hinding-hindi ako titingin nang may pagnanasa sa isang dalaga. Sapagkat anong igaganti ng Makapangyarihang Dios na nasa langit sa mga ginagawa ng tao? Hindi baʼt kapahamakan at kasawian para sa mga gumagawa ng kasamaan? Alam ng Dios ang lahat ng aking ginagawa. Kung nagsinungaling man ako at nandaya, hahayaan kong hatulan ako ng Dios, dahil siya ang nakakaalam kung nagkasala nga ako. Kung hindi ako sumunod sa tamang daan, o kung sinunod ko ang nais ng aking mata, at dinungisan ko ang aking sarili, masira nawa ang aking mga pananim o di kayaʼy pakinabangan ng iba. Kung naakit ako ng ibang babae o napaibig sa asawa ng aking kapwa, 10 kunin nawa at sipingan ng ibang lalaki ang asawa ko. 11 Sapagkat ang pangangalunya ay kasalanang nakakahiya, at dapat na parusahan ang taong ganyan ang ginagawa. 12 Iyan ay parang mapamuksang apoy na uubos sa lahat ng aking kabuhayan.

13 “Kung hindi ko pinahalagahan ang karapatan ng aking alipin nang dumaing sila sa akin, 14 anong gagawin ko kung hatulan ako ng Dios? Anong isasagot ko kung tanungin niya ako? 15 Hindi baʼt ang Dios na lumikha sa akin ang siya ring Dios na lumikha sa aking mga alipin?

16 “Kung hindi ako tumulong sa mga dukha at sa mga biyuda na nahihirapan, 17 at kung naging madamot ako sa mga ulila, parusahan nawa ako ng Dios. 18 Pero mula pa noong kabataan ko, tumutulong na ako sa mga ulila, at sa buong buhay ko hindi ko pinabayaan ang mga biyuda. 19 Kapag nakakita ako ng taong nahihirapan sa lamig dahil kapos siya sa damit, 20 binibigyan ko siya ng damit pangginaw na yari sa balahibo ng aking mga tupa. At buong puso siyang nagpapasalamat sa akin. 21 Kung pinagbuhatan ko ng kamay ang mga ulila, dahil alam kong malakas ako sa hukuman, 22 maputol sana ang mga braso ko. 23 Hindi ko magagawa ang mga bagay na iyan dahil natatakot ako sa parusa at kapangyarihan ng Dios.

24 “Hindi ako nagtiwala sa aking kayamanan o nag-isip man na magbibigay ito sa akin ng katiyakan. 25 Hindi ko ipinagyabang ang kayamanan ko at lahat ng aking ari-arian. 26 Hindi ako sumamba sa araw na nagbibigay ng liwanag o sa buwan na kumikinang. 27 Ang puso koʼy hindi nahikayat na sumamba sa mga ito. 28 Kung nagkasala ako sa paggawa ng mga ito, dapat akong parusahan dahil nagtaksil ako sa Dios na nasa langit.

29 “Hindi ko ikinatuwa ang kapahamakan ng aking kaaway o ang pagsapit sa kanila ng kahirapan. 30 Hindi ako nagkasala sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila. 31 Alam ng aking mga kasambahay na pinapakain ko ang lahat kahit na ang mga dayuhan. 32 Hindi ko pinabayaang matulog kahit saan ang mga dayuhan, dahil palaging bukas ang pintuan ng aking tahanan para sa kanila. 33 Hindi ko itinatago ang aking kasalanan katulad ng ginagawa ng iba. 34 Hindi ako tumahimik o nagtago dahil takot ako sa anumang sasabihin ng mga tao.

35 “Kung mayroon lang sanang makikinig ng panig ko, nakahanda akong lumagda para patunayan na wala akong kasalanan. Kung may reklamo ang Dios na Makapangyarihan laban sa akin, ipapakiusap ko sa kanyang sabihin niya ito sa akin o kayaʼy isulat na lang. 36 At ikakabit ko ito sa aking balikat o sa ulo ko na parang korona para ipakita sa lahat na nakahanda akong humarap sa mga usapin. 37 Sasabihin ko sa Dios ang lahat ng aking ginawa. Haharap ako sa kanya katulad ng pinuno na hindi nahihiya.

38 “Kung inaabuso ko ang aking lupain, o kinamkam ko ito sa iba,[a] 39 o kung pinasama ko ang loob ng mga manggagawa sa aking lupain dahil kinuha ko ang kanilang ani ng walang bayad, 40 tumubo nawa sa lupain ko ang mga matitinik na halaman at mga damo sa halip na trigo at sebada.”

Dito natapos ang mga sinabi ni Job.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®