Beginning
Nagsalita si Job
21 Sumagot si Job, 2 “Pakinggan ninyo akong mabuti upang mapasaya rin ninyo ako. 3 Makinig kayo habang nagsasalita ako at kapag akoʼy tapos na, tuyain ninyo ako kung gusto ninyo.
4 “Ang hinaing koʼy hindi laban sa tao kundi sa Dios. Ito ang dahilan kung bakit maikli ang pasensya ko. 5 Tingnan ninyo ako. Sa nakita ninyo sa akin makakapagsalita pa ba kayo? 6 Kung iisipin ko ang mga nangyayari sa akin, manginginig ako sa takot.
7 “Bakit patuloy na nabubuhay ang mga masama? Tumatanda sila at nagiging maunlad. 8 Nakikita nila ang paglaki ng kanilang mga anak at apo. 9 Namumuhay sila sa kanilang tahanan na ligtas sa panganib at walang kinatatakutan. Hindi sila pinaparusahan ng Dios. 10 Walang tigil ang panganganak ng kanilang mga baka at hindi ito nakukunan. 11 Marami silang anak, parang kawan ng tupa sa dami.[a] Nagsasayawan sila, 12 nag-aawitan, at nagkakatuwaan sa tugtog ng tamburin, alpa at plauta. 13 Namumuhay sila sa kasaganaan at payapang namamatay. 14 Pero sinasabi nila sa Dios, ‘Pabayaan mo kami! Ayaw naming malaman ang iyong mga pamamaraan. 15 Sino kang Makapangyarihan na dapat naming paglingkuran? At ano ba ang mapapala namin kung mananalangin kami sa iyo?’ 16 Pero ang totoo, ang pag-unlad nilaʼy hindi galing sa sarili nilang pagsisikap. Kaya anuman ang ipapayo ng masasamang taong ito ay hindi ko tatanggapin.
17 “Pero madalang ang taong masasama na namamatay. Bihirang dumating sa kanila ang kahirapan o parusang ipinapadala ng Dios dahil sa kanyang galit. 18 Bihira nilang maranasan ang mapalayas tulad ng ipa na tinatangay ng malakas na hangin. 19 Sinasabi ninyo na kapag hindi sila parurusahan ng Dios ang mga anak nila ang parurusahan. Pero sa ganang akin, ang nagkasala ang siyang dapat parusahan ng Dios para maranasan nila 20 at makita ang kanilang kapahamakan. Matikman sana nila ang galit ng Makapangyarihang Dios. 21 Kapag patay na sila, hindi na nila malalaman ang mga nangyayari sa kanilang sambahayan.
22 “Matuturuan ba ng tao ang Dios, na siya ngang pinakamataas na hukom? 23 May mga taong namamatay sa gitna ng kasaganaan at panatag na kalagayan, 24 at malusog na pangangatawan. 25 May mga tao ring namamatay sa kahirapan, at hindi nakaranas ng kahit kaunting kaginhawahan sa buhay. 26 Pero pareho rin silang ililibing sa lupa at kakainin ng mga uod.
27 “Alam ko kung ano ang nasa isip ninyo. Alam ko kung ano ang binabalak ninyo laban sa akin. 28 Sasabihin ninyo sa akin ang tungkol sa mga taong mayaman na nawasak ang tahanan dahil sa kanilang kasamaan. 29 Pero tanungin mo ang mga dumadaan at pakinggan ang sinasabi nila. Sapagkat sasabihin nila sa inyo na 30 palaging naliligtas ang masasamang tao sa araw ng pagpaparusa ng Dios. 31 Walang hayagang sumasaway sa taong masama. Walang gumaganti sa masama niyang ginawa. 32-33 At kapag namatay siya at inihatid sa kanyang huling hantungan, marami ang nakikipaglibing. Tinatanggap ng lupa ang katawan niya at binibigyan ng kapahingahan. Binabantayan pa ang kanyang libingan.
34 “Kaya paano ninyo ako maaaliw sa pamamagitan ng mga salita ninyong walang kabuluhan? Ang mga sinasabi ninyoʼy walang katotohanan!”
Nagsalita si Elifaz
22 Pagkatapos, sumagot si Elifaz na taga-Teman,
2 “May maitutulong ba ang tao sa Dios, o kahit ang taong marunong? 3 Matutuwa kaya ang Makapangyarihang Dios kung matuwid ka? May mapapala ba siya sa iyo kung walang kapintasan ang buhay mo? 4 Sinasaway ka at hinahatulan ng Dios hindi dahil may takot ka sa kanya, 5 kundi dahil sa sukdulan na ang kasamaan mo at walang tigil ang paggawa mo ng kasalanan. 6 Walang awa mong kinukuha ang damit ng iyong kapwa bilang garantiya sa kanyang utang sa iyo. 7 Hindi mo binibigyan ng tubig ang nauuhaw at hindi mo rin binibigyan ng pagkain ang nagugutom. 8 Ginagamit mo ang iyong kapangyarihan at kadakilaan sa pangangamkam ng lupa. 9 Kapag humihingi sa iyo ng tulong ang mga biyuda, pinauuwi mo silang walang dala. Pinagmamalupitan mo pa pati ang mga ulila. 10 Iyan ang mga dahilan kung bakit napapalibutan ka ng patibong at dumarating sa iyo ang biglang pagkatakot. 11 Iyan din ang mga dahilan kung bakit nadiliman ka at hindi nakakita, at inaapawan pa ng baha.
12 “Ang Dios ay nasa kataas-taasang langit, mas mataas pa sa pinakamataas na bituin. 13 Kaya sinasabi mo, ‘Hindi alam ng Dios ang ginagawa ko. Paano siya makakahatol kung napapalibutan siya ng makapal na ulap? 14 Napapalibutan nga siya ng makapal na ulap, kaya hindi niya tayo makikita habang naglalakad siya sa itaas ng langit.’
15 “Patuloy ka bang susunod sa pag-uugaling matagal ng sinusunod ng taong masasama? 16 Namatay sila nang wala pa sa panahon; katulad sila ng pundasyon ng bahay na tinangay ng baha. 17 Sinabi nila sa Makapangyarihang Dios, ‘Hayaan mo na lamang kami! Ano bang magagawa mo para sa amin?’ 18 Pero ang Dios ang pumuno ng mabubuting bagay sa bahay nila. Kaya anuman ang ipapayo nitong mga taong masama ay hindi ko tatanggapin.
19 “Kapag nakita ng mga taong matuwid at walang kasalanan ang kapahamakan ng mga taong masama, matutuwa sila at magdiriwang. 20 Sasabihin nila, ‘Napahamak na ang mga kaaway natin, at natupok sa apoy ang kayamanan nila.’
21 “Job, magpasakop ka sa Dios at makipagkasundo ka sa kanya upang pagpalain ka niya. 22 Tanggapin mo ang kanyang mga itinuturo at ingatan mo sa iyong puso ang kanyang mga salita. 23 Kung manunumbalik ka sa Dios na Makapangyarihan, at aalisin ang kasamaan sa sambahayan mo, pagpapalain ka niyang muli. 24 Huwag mong pahalagahan ang iyong kayamanan; ituring mo ito na parang buhangin o batong nasa ilog. 25 At ang Dios na Makapangyarihan ang ituring mong ginto at mamahaling pilak. 26 At saka mo matatagpuan ang kaligayahang nagmumula sa Makapangyarihang Dios, at hindi ka mahihiyang lumapit sa kanya. 27 Manalangin ka sa kanya at didinggin ka niya. Tuparin mo ang iyong mga pangako sa kanya. 28 Anuman ang binabalak mong gawin ay mangyayari at magiging maliwanag ang iyong daan. 29 Kung may taong nanghihina, at kung idadalangin mo sa Dios na palakasin siya, tutulungan niya ang taong iyon. 30 Pati ang mga taong nagkasala ay ililigtas niya sa pamamagitan ng buhay mong matuwid.”
Sumagot si Job
23 Pagkatapos, sinabi ni Job, 2 “Hanggang ngayoʼy labis pa rin ang hinaing ko. Pinahihirapan pa rin ako ng Dios sa kabila ng labis kong pagdaing. 3 Kung alam ko lang kung saan ko siya hahanapin; kung makakapunta lang sana ako sa kinaroroonan niya, 4 sasabihin ko sa kanya ang aking kaso at ilalahad ang aking katuwiran. 5 Gusto kong malaman kung ano ang isasagot niya sa akin at gusto ko ring maintindihan ang sasabihin niya. 6 Makikipagtalo kaya siya sa akin gamit ang kapangyarihan niya? Hindi! Hindi niya iyon gagawin, kundi pakikinggan niya ako. 7 Ang taong matuwid na tulad ko ay maaaring mangatuwiran sa harap ng Dios na aking hukom, at palalayain niya ako nang lubusan.
8-9 “Hinanap ko ang Dios sa kung saan-saan – sa silangan, kanluran, hilaga, at timog, pero hindi ko siya matagpuan. 10 Ngunit alam niya ang ginagawa ko. Pagkatapos na masubukan niya ako, makikita niyang malinis ako tulad ng lantay na ginto. 11 Sinunod ko ang kanyang mga pamamaraan; hindi ko ito sinuway. 12 Sinusunod ko ang kanyang mga utos, at iniingatan ko ito sa aking puso. Pinahahalagahan ko ang mga salita niya ng higit pa sa pang-araw-araw na pagkain ko.
13 “Pero malaya ang Dios na gawin ang nais niyang gawin; walang sinumang makahahadlang sa kanya. 14 Kaya gagawin niya ang binabalak niyang gawin sa akin, at marami pa siyang planong gagawin sa akin. 15 Kaya natatakot ako sa kanya. At kapag iniisip ko ito, lalo akong natatakot. 16 Pinanghihina ako at tinatakot ng Makapangyarihang Dios. 17 Pero hindi ako tumigil sa pagdaing kahit na para akong nababalutan ng kadiliman.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®