Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Job 1-4

Sinubok ni Satanas si Job

May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na nagngangalang Job. Siya'y isang mabuting tao, sumasamba sa Diyos at umiiwas sa masamang gawain. Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Marami siyang tagapaglingkod at siya ang pinakamayaman sa buong silangan. Pitong libo ang kanyang tupa, tatlong libo ang kamelyo, sanlibo ang baka at limandaan ang asno. Nakaugalian na ng kanyang mga anak na lalaki na hali-haliling magdaos ng handaan sa kani-kanilang bahay at inaanyayahan nila ang mga kapatid nilang babae. Tuwing matatapos ang ganoong handaan, ipinapatawag ni Job ang kanyang mga anak para sa isang rituwal. Maagang bumabangon si Job kinabukasan upang mag-alay sa Diyos ng handog na sinusunog para sa kanyang mga anak dahil baka lihim na nilalapastangan ng mga ito ang Diyos at sila'y magkasala.

Dumating(A) ang araw na ang mga anak ng Diyos[a] ay humarap kay Yahweh at naroon din si Satanas.[b] Tinanong ni Yahweh si Satanas,[c] “Ano ba'ng pinagkakaabalahan mo ngayon?”

“Nagpapabalik-balik ako sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas.[d]

“Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain,” dugtong pa ni Yahweh.

Sumagot(B) si Satanas,[e] “Sasambahin pa kaya kayo ni Job kung wala na siyang nakukuha mula sa inyo? 10 Inaalagaan ninyo siya, ang kanyang pamilya at ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala ninyo ang lahat ng kanyang gawin, at halos punuin ninyo ng kanyang kayamanan ang buong lupain. 11 Subukan ninyong alisin ang lahat-lahat sa buhay niya at harap-harapan niya kayong susumpain.”

12 Sinabi ni Yahweh kay Satanas,[f] “Kung gayon, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang sasaktan.” At umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh.

Nalipol ang mga Anak ni Job at Naubos ang Kanyang Kayamanan

13 Isang araw, nagkakainan at nag-iinuman ang mga anak ni Job sa bahay ng kanilang panganay na kapatid na lalaki. 14 Walang anu-ano'y dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming pinang-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, 15 nang may dumating na mga Sabeo.[g] Kinuha po nila ang mga baka at mga asno at pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”

16 Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Tinamaan po ng kidlat ang mga tupa at mga pastol at namatay lahat; ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo.”

17 Hindi pa ito halos tapos magsalita nang may isa na namang dumating. Ang sabi nito, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo.[h] Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.”

18 Hindi pa rin ito halos tapos magsalita nang may dumating na namang isa at nagsabi, “Habang ang mga anak po ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng panganay nilang kapatid, 19 hinampas po ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po sila at namatay lahat. Ako lang po ang natirang buháy upang magbalita sa inyo.”

20 Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. 21 Ang(C) sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!”

22 Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi niya sinisi ang Diyos, kaya't hindi siya nagkasala laban sa kanya.

Sinubok Muli ni Satanas si Job

Muling humarap kay Yahweh ang mga anak ng Diyos,[i] at naroon din si Satanas.[j] Tinanong ni Yahweh si Satanas,[k] ang Tagapagparatang. “Saan ka nanggaling?”

Sumagot si Satanas,[l] “Nagpapabalik-balik at naglilibot ako sa buong daigdig.”

“Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain. Hinimok mo akong pinsalain siya kahit walang sapat na dahilan, subalit nananatili pa rin siyang tapat sa akin,” sabi pa ni Yahweh.

Sumagot si Satanas,[m] “Kahit anong bagay ay ibibigay ng tao, huwag lamang siyang mamatay. Subukin ninyong saktan ang kanyang katawan at sigurado kong susumpain niya kayo nang harap-harapan!”

Sinabi ni Yahweh, “Kung gayon, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang papatayin.”

Kaya umalis si Satanas[n] sa harapan ni Yahweh at tinadtad ng nagnanaknak na sugat ang buo nitong katawan mula ulo hanggang talampakan. Naupo si Job sa tabi ng basurahan at kinamot niya ng isang pirasong basag na palayok ang kanyang mga sugat. Sinabi ng kanyang asawa, “Mananatili ka pa bang matuwid? Sumpain mo ang Diyos at nang mamatay ka na!”

10 Ang sagot ni Job, “Hindi mo naiintindihan ang iyong sinasabi. Pagpapala lang ba ang tatanggapin mo sa Diyos? Hindi ba natin tatanggapin kung bigyan niya tayo ng pagdurusa?” Sa kabila ng kanyang paghihirap, hindi nagsalita si Job ng laban sa Diyos.

Dinalaw si Job ng Kanyang mga Kaibigan

11 Ang masamang nangyari kay Job ay nabalitaan ng tatlo niyang kaibigang si Elifaz na Temaneo, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamita. Nagkasundo silang tatlo na dalawin si Job upang palakasin ang loob niya at makiramay sa kanya. 12 Malayo pa sila'y nakita na nila si Job ngunit hindi nila ito nakilala. Nang makilala nila ito, hindi nila napigilang umiyak nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng abo sa ulo dahil sa pagdadalamhati. 13 Pitong araw at pitong gabi silang naupo sa lupa kasama ni Job. Ngunit hindi nila ito pinagsabihan ng kahit ano sapagkat nakikita nilang hirap na hirap ito sa kanyang kalagayan.

Dumaing si Job sa Diyos

Pagkaraan(D) ng matagal na pananahimik, nagsalita si Job at isinumpa ang araw nang siya'y isilang.

Ito ang kanyang sinabi:

“Hindi(E) na sana ako ipinanganak pa
    at hindi na rin sana ako ipinaglihi.
Nabalot na sana ng dilim
at huwag mo na sanang maalala pa ang araw na iyon, O Diyos.
    Huwag mo na sanang pasikatan pa ito ng liwanag.
Nanatili na lamang sana ito sa takip ng kadiliman,
    at nabalot ng ulap, upang huwag nang sikatan ng araw.
Nalagas sana ito sa tangkay ng panahon,
    at hindi na napabilang sa aklat ng kasaysayan.
    Ang gabing iyon sana'y malumbay; wala na sanang sigaw ng kagalakan,
at sumpain ng mga salamangkerong
    nagpapaamo ng dambuhalang Leviatan.[o]
Huwag na sanang sumikat ang bituin sa umaga,
    at huwag na sanang sundan ng umaga ang gabi.
10 Sumpain ang gabi ng aking pagsilang
    na nagdulot sa akin ng ganitong kahirapan.

11 “Bakit hindi pa ako namatay sa tiyan ng aking ina,
    o kaya'y noong ako'y isilang niya?
12 Bakit kaya ako ay idinuyan pa, kinalong, inalagaan,
    at binigyan ng gatas sa dibdib niya?
13 Kung namatay ako noon, ako sana'y tahimik na, mahimbing na natutulog at nagpapahinga.
14     Katulad ng mga hari at pinunong yumao,
    na noong panahon nila'y nagtayo ng mga palasyo.
15 Tahimik na sana ako tulad ng mga pinunong nakapag-imbak
    sa kanilang bahay ng mga ginto at pilak,
16     o tulad ng mga sanggol na patay nang ipanganak at hindi na nakakita pa ng liwanag.
17 Sa libinga'y hindi na makakapanggulo ang mga masasama,
    at doon ang mga napapagod ay makakapagpahinga.
18 Doon, pati mga bihag ay wala nang ligalig,
    wala nang mga sigaw at utos na mabagsik.
19 Ang mga abâ at mga dakila ay sama-sama roon,
    ang mga alipin ay malaya na sa kanilang panginoon.

20 “Bakit pa isinilang kung magdurusa rin lamang?
    At bakit pa binuhay kung daranas din lang ng kahirapan?
21 Kamataya'y(F) hinahanap ngunit hindi matagpuan,
    hinuhukay at ninanais higit pa sa kayamanan.
22 Sa kanila'y ubod-tamis nitong kamatayan.
23     Ano kaya ang dahilan at ang tao'y isinilang,
    kung inilihim naman ng Diyos ang kanyang patutunguhan?
24 Karaingan ang aking pagkain,
    pagtitiis ang aking inumin.
25 Ang kinatatakutan ko ang siyang nangyari sa akin, at ang pinakaaayawan ko ang dumating sa akin.
26 Hindi ako mapalagay, wala akong kapayapaan,
    kaguluhan sa buhay ko ay walang katapusan.”

Ang Unang Sagutan(G)

Sinabi ni Elifaz na Temaneo,

“Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
    di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
Marami na ring tao ang iyong naturuan,
    at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
    sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
    nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
    Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.

“Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay,
    mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian?
Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan
    ay sila ring nag-aani ng kaguluhan.
Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya.
10 Mga masasamang tao'y parang leong umuungal,
    ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal.
11 Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom,
    at nagkakawatak-watak ang mga anak nila.

12 “Minsan, ako ay may narinig,
    salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(H) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14     Ako'y sinakmal ng matinding takot,
    ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
    sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
    ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
    Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
    sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
    Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
    siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
    sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’