Beginning
Pinarangalan si Mordecai
6 Nang gabing iyon, hindi hinayaan ng Panginoon na makatulog si Haring Xerxes. Kaya't pinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito sa kanyang personal na kalihim habang siya'y nakikinig. 2 Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Gabata at Tara na patayin ang Haring Xerxes. 3 Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”
Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po, Kamahalan.”
4 Nagtanong ang hari, “Sino ba ang pumapasok sa bulwagan?” Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa pinagawa niyang bitayan.
5 Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”
At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”
6 Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”
Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, 7 kaya sinabi niya, “Ganito po: 8 Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. 9 Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”
10 Sinabi ng hari kay Haman, “Magaling! Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pasukan ng palasyo.”
11 Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”
12 Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. 13 Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga kaibigan. Kaya sinabi nila sa kanya, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya. Hindi mo siya madadaig sapagkat ang buháy na Diyos ay sumasakanya.”
14 Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.
Binitay si Haman
7 Si Haring Xerxes at si Haman ay dumalo sa ikalawang handaan ni Reyna Ester. 2 Habang sila'y nag-iinuman, itinanong ng hari, “Reyna Ester, ano nga ba ang hihilingin mo? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
3 Sumagot si Reyna Ester, “Kung kayo po ay nalulugod sa akin, at kung mamarapatin po ninyo, Mahal na Hari, hihilingin ko po sanang ako at aking mga kababayan ay inyong iligtas, 4 sapagkat kami po ay ipinagbili para patayin at lipulin. Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako, at hindi na kayo gagambalain pa.”
5 Itinanong ng hari, “Sino ang may pakana ng mga bagay na ito?”
6 Sumagot si Ester, “Ang aming kaaway at taga-usig—ang masamang, si Haman!”
At si Haman ay nangatog sa takot sa harap ng hari at ng reyna. 7 Galit na galit na tumindig ang hari at nagpunta sa hardin ng palasyo. Naiwan naman si Haman at nagmakaawa kay Reyna Ester sapagkat natitiyak niyang siya'y paparusahan ng hari. 8 Nang(A) magbalik ang hari, nakita niya si Haman na nakadapa sa higaan ng reyna at nagmamakaawa. Dahil dito'y pagalit na sinabi ng hari, “Pagbabalakan pa niya ng masama ang reyna at sa loob pa naman ng aking pamamahay!” Nang marinig ito ni Haman, tinakpan niya ang kanyang mukha dahil sa kahihiyan.
9 Pagkatapos, sinabi ni Harbona,[a] isa sa mga eunuko ng hari, “Nagpagawa na po si Haman ng isang bitayan para kay Mordecai na nagligtas sa buhay ninyo, mahal na hari. Ang taas po ng bitayan ay dalawampu't dalawa't kalahating metro at naroon sa tabi ng kanyang bahay.”
“Doon siya bitayin!” utos ng hari.
10 Binitay nga si Haman sa bitayang ginawa niya para kay Mordecai. Pagkatapos, napawi na ang galit ng hari.
Hinirang si Mordecai
8 Nang araw ding iyon, ang lahat ng mga ari-arian ni Haman na kaaway ng mga Judio ay ibinigay ni Haring Xerxes kay Reyna Ester. Napabilang rin si Mordecai sa mga kagawad na malapit sa hari sapagkat sinabi na ni Ester na magkamag-anak sila. 2 Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai. Itinalaga naman ni Ester si Mordecai bilang katiwala niya sa lahat ng mga ari-arian ni Haman.
Ang Bagong Kahilingan ni Ester
3 Minsan pang lumapit si Ester sa Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman. 4 Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi, 5 “Kung inyong mamarapatin at kung ako'y kalugud-lugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong pawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman laban sa mga Judio sa inyong kaharian. 6 Hindi po maatim ng aking damdamin na makitang nililipol ang aming lahi.”
7 Sinabi ng Haring Xerxes kay Reyna Ester, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na sa iyo. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio. Kung iyon ay hindi pa sapat, 8 gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”
9 Nang ikadalawampu't tatlong araw ng unang buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia.[b] Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. 10 Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala ito sa mga tagahatid-sulat. 11 Sa pamamagitan ng sulat na iyon, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin ang kanilang mga kalaban. 12 Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon.[c]
Batas ng Hari sa Ikaliligtas ng mga Judio[d]
E Ito ang kopya ng sulat ng hari:
“Pagbati mula sa Dakilang Haring Xerxes. Ang sulat na ito ay para sa mga gobernador ng 127 lalawigan, magmula sa India hanggang Etiopia,[e] at sa lahat kong mga tapat na nasasakupan.
2 “Maraming tao ang nagiging palalo kapag pinagkakalooban ng karangalan at kapangyarihan. 3 Palibhasa'y hindi marunong magdala ng karangalan at kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila, ang pinipinsala nila'y ang aking nasasakupan. Hindi lamang iyan; binabalak pa nilang ipahamak pati ang nagkaloob sa kanila ng karangalan at kapangyarihang iyon. 4 Hindi sila marunong tumanaw ng utang na loob. Dala ng kanilang kapalaluan, naniniwala sila sa mga pakunwaring papuri sa kanila ng mga mangmang at masasama. At inaakala nilang sila'y makakaligtas sa hatol ng Diyos na nakakakita ng lahat at namumuhi sa masama.
5 “Malimit mangyari na ang mga namumuno ay nadadala ng ilang tauhang malapit sa kanila at pinagkatiwalaang humawak ng kapangyarihan. Dahil sa kanilang pagtitiwala sa mga ito, nadadamay sila sa mga pagpatay sa walang sala at sa iba pang mga kapahamakang pagsisihan ma'y wala nang lunas. 6 Sa pamamagitan ng pagsisinungaling at iba pang pandaraya, pinagsasamantalahan ng ganitong mga tauhan ang kagandahang-loob ng namumuno.
7 “Ang ganyang pagsasamantala ay di lamang natutunghayan sa kasaysayan. Nagaganap pa rin iyan hanggang ngayon, gaya ng pinapatunayan ng ilang malagim na pangyayaring naganap sa inyo. 8 Kaya mula ngayon ay sisikapin kong umiral ang katahimikan at kapayapaan sa ating kaharian. 9 Babaguhin ko ang ilang pamamalakad, at ako mismo ang buong ingat at katapatang susuri at hahatol sa bawat pangyayaring darating sa aking kaalaman.
10 “Tingnan ninyo ang ginawa ni Haman na anak ni Hamedata. Isa siyang Macedonio, isang ganap na dayuhan. Tinanggap ko siya, bagaman wala ni bahid ng dugong Persiano na nananalaytay sa kanyang mga ugat. Wala rin siya ni anino ng kagandahang-loob na ipinakita ko sa kanya. 11 Pinag-ukulan ko siya ng kalinga at malasakit na ipinapakita ko sa lahat ng lahing namamayan sa ating kaharian, hanggang sa tinawag siyang Ama ng ating bayan at itinaas sa isang tungkuling pangalawa sa hari.
12 “Ngunit hindi pa siya nasiyahan sa gayong kapangyarihan. Sa paghahangad niyang maagaw sa akin ang pamumuno, pinagtangkaan niya ang aking buhay. 13 Sa pamamagitan ng katusuhan at panlilinlang ay sinikap niyang ipapatay si Mordecai, na walang ginagawa kundi pawang kabutihan at minsan ay nagligtas sa akin sa kamatayan. Pinagtangkaan rin niyang ipapatay si Reyna Ester, ang butihin kong kabiyak, at ang lahat ng mga Judio sa kaharian. 14 Ang nais niya'y alisan ako ng mga tauhang makapagsasanggalang sa akin at sa gayo'y malupig ng mga Macedonio ang kahariang Persia. 15 Subalit napatunayan kong hindi masasamang tao ang mga Judiong pinaratangan at binabalak lipulin ni Haman. Bagkus, ang mga batas na sinusunod nila ay pinakamakatarungan sa lahat ng mga batas. 16 Ang Diyos na sinasamba nila ay ang Diyos na buháy, ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos. Siya ang Diyos na pumatnubay at nagpadakila sa ating kaharian buhat pa noong panahon ng aking mga ninuno hanggang sa ngayon.
17 “Dahil dito, ipinag-uutos ko na huwag ninyong isasagawa ang sinasabi sa sulat ni Haman. 18 Ang taong ito ay nabitay na sa pintuan ng Susa, kasama ang buo niyang angkan. Ipinalasap sa kanya ng Diyos, na namamahala sa lahat, ang parusang nararapat sa kanya.
19 “Ipinag-uutos ko rin na ilathala sa lahat ng lugar na ihayag ang mga kopya ng batas na ito. Hayaan ninyong mamuhay ang mga Judio ayon sa kanilang sariling kaugalian. 20 Tulungan ninyo sila sa pagtatanggol laban sa mga taong sasalakay sa kanila sa araw na itinakda para sa pagpuksa sa kanila—sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon. 21 Niloob ng Diyos, na namamahala sa lahat ng bagay, na ang araw na itinakda para sila'y lipulin ay maging araw ng pagdiriwang.
22 “Ibilang ninyo ang araw na ito sa inyong mga pista opisyal, at ipagdiwang ninyo nang buong kasiyahan. 23 Maging paalala ito sa atin at sa ating mga mamamayan kung paanong kinakalinga ng Diyos ang ating kahariang Persia. Maging babala naman ito ng parusang inilalaan niya sa sinumang mangangahas magbalak ng ating kapahamakan.
24 “Bawat lalawigan at bansa na hindi susunod sa utos na ito ay makakaranas ng bagsik ng aking galit. Mamamatay sa patalim ang kanilang mamamayan, at susunugin hanggang mapatag sa lupa ang kanilang mga lunsod. Wala nang mga taong maninirahan doon. Pati mga hayop at mga ibon ay lalayo sa mga pook na iyon at di magbabahay o magpupugad doon sa habang panahon.”[f]
8 13 “Bawat lalawigan ay padadalhan ng kopya nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na iyon laban sa kanilang mga kaaway.”
14 Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling umalis, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ipinakalat din sa Lunsod ng Susa.
15 Nang lumabas ng palasyo si Mordecai, ipinagbunyi siya ng buong Lunsod ng Susa. Suot niya ang maharlikang kasuotan: puti't asul ang kanyang damit, pinong lino na kulay ube ang balabal, at koronang ginto. 16 Nagbigay ito ng malaking karangalan at kagalakan sa mga Judio. 17 Sa lahat ng dakong naabot ng utos ng hari, nagpista sa tuwa ang mga Judio. At sa buong kaharian, maraming Hentil ang nagpatuli at naging Judio dahil sa takot nila sa mga ito.
Ang Tagumpay ng mga Judio
9 Nang(B) dumating ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon, ang utos ng hari ay ipinatupad. 2 Nang araw na iyon, nalipol ang mga kalaban ng mga Judio; natakot nang husto ang mga tao sa kanila kaya wala ni isa mang nagtangkang lusubin sila. 3 Tinulungan pa sila ng mga gobernador at ng lahat ng pinuno sa bawat lalawigan dahil naman sa takot kay Mordecai 4-5 na noon ay isa nang makapangyarihang tao sa kaharian. Bantog na sa buong kaharian ang kanyang pangalan at patuloy pang lumalaki ang kanyang kapangyarihan.[g] 6 Sa lunsod lamang ng Susa, limandaan ang kanilang napatay. 7 Kasama sa napatay sina Farsanestain, Delfon, Fasga, 8 Faradata, Barea, Sarbaca, 9 Marmasima, Arufeus, Arseus, at Zabuteus, 10 pawang mga anak ni Haman na anak ni Hamedata at kaaway ng mga Judio. At sinamsam nila[h] ang ari-arian ng kanilang mga kaaway.
11 Nang araw ring iyon, umabot sa kaalaman ng hari ang bilang ng napatay sa Lunsod ng Susa. 12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa lamang, limandaan na ang napatay. Ano kaya ang nangyari sa ibang lalawigan? Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano pa ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.”
13 Sinabi ni Ester, “Kung mamarapatin po ng hari ay pahintulutan ang mga Judio rito sa Susa na ituloy hanggang bukas ang inyong utos. At kung maaari, ipabitin sa bitayan ang bangkay ng mga anak ni Haman!” 14 Iniutos nga ng hari na ibitin ang bangkay ng sampung anak ni Haman. 15 Kinabukasan, muling nagsama-sama ang mga Judio sa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daan. Subalit hindi nila sinamsam ang kanilang ari-arian.
16 Ang mga Judio sa iba't ibang panig ng kaharian ay nagsama-sama rin upang ipagtanggol ang kanilang sarili at lupigin ang kanilang mga kalaban. Umabot sa labing limanlibo ang kanilang napatay ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng mga ito. 17 Kinabukasan, ang ikalabing apat na araw, nagpahinga ang mga Judio at masayang nagdiwang. 18 Sa Lunsod ng Susa, dalawang araw nagtipon ang mga Judio noong ikalabintatlo at ikalabing apat na araw. Ikalabing limang araw nang sila'y tumigil at nagdiwang buong maghapon. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judio sa labas ng Susa ay nagdiwang nang ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan samantalang ang mga naninirahan sa mga malalaking lunsod ay sa ikalabing limang araw. Maghapon silang nagpipista at nagbibigayan ng mga pagkain sa bawat isa.
20 Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio sa kaharian ni Haring Xerxes. 21 Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan. 22 Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha. 23 Sinunod nga ng mga Judio ang utos ni Mordecai.
24 Ang(C) paglipol na ito sa mga kaaway ay ginawa ng mga Judio dahil sa masamang balak na lipulin sila ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, kaaway ng mga Judio. Naitakda ang petsa ng paglipol sa pamamagitan ng palabunutang tinatawag na Pur. 25 Ngunit nabaligtad nga ang lahat nang umabot ito sa kaalaman ni Haring Xerxes; si Haman at ang kanyang mga anak ay pinabitay ng hari. 26 Kaya, ang pistang ito'y tinawag nilang Pista ng Purim, buhat sa salitang Pur. At dahil sa utos na ito ni Mordecai at sa pagkaligtas nila sa panganib, 27 ipinasiyang ipagdiwang ang dalawang araw na ito taun-taon. Ito'y gagawin nila, ng lahat ng sambahayan, at ng bawat salinlahi sa lahat ng lunsod at mga bayan. 28 Ang mga araw na ito ng Purim ay ipagdiriwang ng lahat ng mga Judio magpakailanman.
29-30 Upang pagtibayin ang sulat ni Mordecai tungkol sa Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Aminadab.[i] 31 Mismong sina Mordecai at Reyna Ester ang nagtakda ng desisyong ito, at nangako silang ipatutupad ito ano man ang mangyari. 32 Pinagtibay ng sulat ni Ester ang mga tuntunin sa pagdiriwang ng Pista ng Purim at isinulat ito sa isang aklat.
Ang Kadakilaan ni Mordecai
10 Pinagbuwis ni Haring Xerxes ang mga mamamayan sa kanyang kaharian, sila ma'y naninirahan sa mga pulo o sa mga lalawigan. 2 Ang kapangyarihan ng hari, ang lahat ng ginawa niya, pati ng pagkataas sa katungkulan ni Mordecai at ang malaking karangalang ibinigay niya rito ay pawang nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia. 3 Si Mordecai ay naging kanang kamay ni Haring Xerxes. Siya ay mahal na mahal at iginalang ng mga kapwa niya Judio sapagkat ginawa niya ang lahat para sa kapakanan at kabutihan nila.
Naalala ni Mordecai ang Kanyang Panaginip[j]
G At sinabi ni Mordecai: “Niloob ng Diyos na mangyari ang lahat ng ito. 2 Naalala ko tuloy ang aking panaginip, at nagkatotoo ang lahat. 3 Ang batis ay naging ilog, dumaloy ang tubig at sumikat ang araw. Ang batis na naging ilog ay si Ester na napangasawa ng hari at naging reyna. 4 Ang dalawang dragon ay si Haman at ako. 5 Ang mga bansa ay ang mga taong naghangad lipulin ang mga Judio. 6 Ang aking bansa ay ang Israel. Tumawag siya sa Diyos na siya ay iligtas. Iniligtas nga siya ng Panginoon sa kapahamakan, sa pamamagitan ng maraming himala na kailanma'y di nangyari sa mga bansa. 7 Nangyari ito sapagkat magkaiba ang kapalarang itinalaga niya para sa kanyang bayan at para sa mga bansa. 8 Dumating ang sandali ng pagpapasya sa dalawang kapalarang ito, at kailangan nang hatulan ang mga bansa. 9 Naalala ng Diyos ang kanyang bayan at iniligtas niya sila sa kapahamakan. 10 Kaya mula ngayon, tuwing ikalabing apat at ikalabing lima ng ikalabindalawang buwan, magtitipon sila at ipagdiriwang ang mga araw na iyon nang buong kagalakan. Patuloy na gaganapin ang pagdiriwang na ito taun-taon, sa habang panahon.”
Pahabol
Ang nasabing sulat tungkol sa Kapistahan ng Purim ay dala ni Dositeo, isang paring Levita, noong ika-4 na taon ng paghahari ni Tolomeo at Cleopatra. Kasama niya ang anak niyang si Tolomeo, at pinatotohanan nilang tunay ang sulat na iyon. Ang nagsalin ng sulat ay si Lisimaco na anak ni Tolomeo, na taga-Jerusalem.
by