Beginning
Si Haring Jehoram ng Juda(A)
21 Namatay si Jehoshafat at inilibing sa Lunsod ni David sa libingan ng kanyang mga ninuno. Pumalit sa kanya ang kanyang anak na si Jehoram. 2 Ang iba pang mga anak na lalaki ni Haring Jehoshafat ng Juda ay sina Azarias, Jehiel, Zacarias, Azarias, Micael at Sefatias. 3 Pinamanahan sila ng kanilang ama ng maraming pilak, ginto at iba pang mahahalagang ari-arian. Binigyan din sila ng mga may pader na lunsod sa Juda, ngunit kay Jehoram ibinigay ang paghahari sapagkat siya ang panganay. 4 Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram, pinatay niya ang kanyang mga kapatid at ang ilan pang pinuno sa Juda. 5 Tatlumpu't dalawang taon siya nang magsimulang maghari at walong taóng namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. 6 Sapagkat napangasawa niya ang anak ni Ahab, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siya tulad ng mga naging hari ng Israel, tulad ng sambahayan ni Ahab. 7 Ngunit(B) ayaw wasakin ni Yahweh ang paghahari ng angkan ni David alang-alang sa kanyang pangako kay David. Ipinangako ni Yahweh na ang paghahari ay hindi niya aalisin sa angkan ni David magpakailanman.
8 Nang(C) panahon ng pamamahala ni Jehoram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. 9 Inilabas ni Jehoram at ng kanyang mga pinuno ang lahat nilang karwahe at sinalakay ang Edom. Gabi nang sila'y sumalakay, ngunit napaligiran sila at natalo. 10 Kaya mula noon, hindi na muling nasakop ng Juda ang Edom. Naghimagsik din kay Jehoram ng Juda ang Lunsod ng Libna dahil sa pagtalikod nito kay Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
11 Hindi lamang iyon, nagtayo pa siya ng mga sambahan ng mga pagano sa mga burol ng Juda at nanguna sa mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. Siya ang nanguna sa mga taga-Juda para gumawa ng kasamaan. 12 Tumanggap si Jehoram ng isang sulat mula kay Elias na isang propeta. Ang sabi sa liham:
“Ito ang mensahe ni Yahweh, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Hindi mo sinundan ang halimbawa ng iyong amang si Jehoshafat at ni Asa na hari sa Juda. 13 Sa halip, ang sinunod mo'y ang ginawa ng mga hari sa Israel. Inakit mo sa masamang gawain ang Juda at ang mga taga-Jerusalem gaya ng ginawa sa Israel ng sambahayan ni Ahab. Pinatay mo ang iyong mga kapatid at kasambahay na mas mabuti kaysa iyo. 14 Dahil dito, paparusahan ni Yahweh ang iyong bayan, ang iyong mga asawa't anak, at mawawasak ang lahat ng mga ari-arian mo. 15 Magkakasakit ka nang malubha at luluwa ang mga bituka mo sa tindi ng hirap na daranasin mo sa araw-araw.’”
16 Ginamit ni Yahweh ang mga Filisteo at ang mga Arabong malapit sa Etiopia laban kay Jehoram. 17 Kaya't nilusob ng mga ito ang Juda at sinamsam lahat ang ari-arian sa palasyo. Binihag nila ang lahat ng anak at asawa ng hari, maliban sa kanyang bunsong anak na lalaking si Ahazias.[a]
18 Pagkatapos niyon, si Jehoram ay pinadapuan ni Yahweh ng malubhang sakit sa bituka, isang karamdamang walang lunas. 19 Makalipas ang dalawang taon, lumuwa ang kanyang bituka at dumanas siya ng matinding hirap hanggang sa siya'y mamatay. Hindi man lamang siya ipinagluksa ng kanyang mga kababayan; di tulad ng ginawa nila sa kanyang mga ninuno. 20 Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taon nang magsimulang maghari, at walong taon siyang namahala. Wala isa mang nalungkot sa kanyang pagkamatay. Doon siya inilibing sa Lunsod ni David ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari.
Si Haring Ahazias ng Juda(D)
22 Pagkamatay ni Jehoram, ang bunsong anak nitong si Ahazias ang iniluklok ng mga taga-Jerusalem upang maging hari. Ang ibang mga kapatid niya ay napatay ng pangkat na sumalakay sa Juda kasama ng mga Arabo, kaya siya ang ginawang hari ng Juda. 2 Apatnapu't dalawang taon na si Ahazias nang magsimulang maghari at isang taon siyang namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. Ang ina niya'y si Atalia na apo ni Omri.
3 Sinunod din ni Ahazias ang gawain ng mga hari sa Israel sapagkat ang kanyang ina ang naging tagapayo niya sa paggawa ng masama. 4 Tulad sa angkan ni Ahab, hindi nalugod si Yahweh sa ginawa niya sapagkat ang mga ito ang naging tagapayo niya pagkamatay ng kanyang ama. At ito ang dahilan ng kanyang pagbagsak. 5 Ang mga ito rin ang sinunod niya nang sumama siya kay Joram[b] na anak ni Haring Ahab ng Israel upang labanan sa Ramot-gilead si Hazael na hari ng Siria. Sa labanang iyon nasugatan si Joram.[c] 6 Dahil sa nangyaring ito, ibinalik siya sa Jezreel upang doon magpagaling ng mga sugat. Doon siya dinalaw ni Ahazias. 7 Kalooban ng Diyos na ang pagdalaw niyang ito ang maging pagkakataon para siya bumagsak. Sumama siya kay Joram[d] upang makipagkita kay Jehu na anak ni Namsi. Si Jehu ang pinili ni Yahweh upang lipulin ang sambahayan ni Ahab. 8 Sa pagsasakatuparan nito, natagpuan niya ang mga pinuno ng Juda at ang mga pamangkin ni Ahazias na naglilingkod dito. Kaya't pinagpapatay niya ang mga ito. 9 Ipinahanap nila si Ahazias at natagpuan ito sa Samaria. Dinala nila ito kay Jehu at kanyang ipinapatay. Ipinalibing niya ito at ang sabi, “Apo ito ni Jehoshafat na tapat na naglingkod kay Yahweh.” Walang natira sa sambahayan ni Ahazias na may kakayahang maghari sa Juda.
Si Reyna Atalia ng Juda(E)
10 Nang malaman ni Atalia na ang anak niyang si Ahazias ay patay na, pinagpapatay rin niya ang sambahayan ng hari ng Juda. 11 Ngunit naitakas ni Jehosabet ang anak ni Ahazias na si Joas. Itinago niya ito sa isang silid-tulugan sa Templo kasama ng tagapag-alaga. Sa ganoong paraan iniligtas ni Jehosabet ang kanyang pamangking si Joas. Si Jehosabet ay asawa ng paring si Joiada at kapatid ni Ahazias sapagkat sila'y anak ni Haring Jehoram. 12 Si Joas ay itinago niya sa Templo kaya hindi napatay. Anim na taon siya roon, sa buong panahong namamahala si Atalia bilang reyna.
Ang Paghihimagsik Laban kay Reyna Atalia(F)
23 Noong ikapitong taon, naglakas-loob si Joiada na makipagkasundo sa mga pinuno ng hukbo na sina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya at Elisafat na anak ni Zicri. Mga pinuno sila ng mga pangkat na daan-daan. 2 Nilibot nila ang buong Juda at tinipon sa Jerusalem ang lahat ng Levita mula sa mga lunsod at ang mga pinuno ng mga angkan ng Israel. 3 Nagtipun-tipon(G) sila sa bulwagan ng Templo ng Diyos at nanumpa ng katapatan sa hari. Sinabi sa kanila ni Joiada: “Narito ang anak ng yumaong hari! Dapat siyang maghari ayon sa pangako ni Yahweh tungkol sa mga anak ni David. 4 Ito ang inyong gagawin: Ang ikatlong bahagi ng mga pari at Levita na naglilingkod kung Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan, ang isa pang ikatlo'y sa palasyo 5 at ang natirang ikatlo'y doon naman sa Pintong Saligan. Ang buong bayan naman ay maghihintay sa mga bulwagan ng Templo ni Yahweh. 6 Walang papasok sa Templo kundi ang mga pari at mga Levitang naglilingkod. Sila lamang ang makakapasok sapagkat sila lamang ang itinalaga ng Diyos para dito. Subalit ang mga taong-bayan ay maghihintay sa labas gaya nang ipinag-uutos ni Yahweh. 7 Sa palibot ng hari'y magbabantay ang mga Levita na ang bawat isa'y may sandata. Papatayin ang sinumang mangahas pumasok sa Templo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari.”
8 Sinunod ng mga Levita at ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng utos ng paring si Joiada. Ang bawat pinuno ay laging kasama ng kanyang mga tauhan pati ang pangkat na pamalit o papalitan sa Araw ng Pamamahinga sapagkat sila'y hindi pinapauwi ni Joiada. 9 Ibinigay niya sa mga pinuno ng hukbo ang mga sibat at ang malalaki at maliliit na panangga ni Haring David na nakatago sa Templo. 10 May sandata ang bawat isa at ang lahat ay nakabantay sa bawat sulok mula sa timog hanggang hilaga ng palasyo at sa palibot ng altar sa harapan ng Templo. 11 Nang maisagawa na ang lahat ng ito, inilabas ni Joiada ang anak ng hari at pinutungan ng korona. Ibinigay sa kanya ang isang kopya ng kasulatan tungkol sa paghahari at ipinahayag siyang hari. Lumapit si Joiada at ang kanyang mga anak at pinahiran siya ng langis. Nagsigawan ang lahat, “Mabuhay ang hari!”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga taong nagbubunyi sa hari, pumunta siya sa Templo. 13 Nakita niyang nakatayo ang hari sa may haligi sa may pintuan ng Templo. Lahat ay masayang umaawit at may tumutugtog ng trumpeta at ng iba pang mga instrumento. Pinunit ni Atalia ang kanyang kasuotan at sumigaw, “Ito'y isang kataksilan!”
14 “Ilabas ang babaing iyan!” utos ni Joiada sa mga pinuno ng hukbo. “Patayin ang sinumang magtangkang magligtas sa kanya. Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng Templo ni Yahweh.”
15 Dinakip nila si Atalia at dinala sa palasyo sa may pintong daanan ng mga kabayo. Doon nila siya pinatay.
Ang mga Repormang Isinagawa ng Paring si Joiada(H)
16 Pagkatapos, nakipagkasunduan si Joiada sa mga tao at sa hari na sila'y magiging sambayanan ni Yahweh. 17 Nagkaisa ang lahat na wasakin ang Templo ni Baal kaya't dinurog nila ang mga altar at ang mga rebultong naroon. Pinatay nila sa harap ng mga altar si Matan, ang pari ni Baal. 18 Naglagay si Joiada ng mga tagapagbantay sa Templo, sa ilalim ng pamamahala ng mga pari at ng mga Levita na inilagay ni David sa tungkuling iyon. Sila ang mag-aalay ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sila rin ang mamamahala sa awitan at sa pagdiriwang ayon sa kaayusang ginawa ni David. 19 Pinabantayan ni Joiada ang lahat ng pintuan ng Templo para hindi makapasok ang sinumang itinuturing na marumi. 20 Pagkatapos, tinawag niya ang mga pinuno ng bawat pangkat na daan-daan, ang mga pangunahing mamamayan, mga pinuno ng bayan at ang lahat ng mamamayan sa lupain. Inihatid nila ang hari mula sa Templo patungo sa palasyo. Dumaan sila sa malaking pintuan at kanilang pinaupo sa trono ang hari. 21 Nagdiwang ang lahat ng tao sa buong lupain. Naging tahimik ang lunsod nang mapatay si Atalia.
Si Haring Joas ng Juda(I)
24 Pitong taóng gulang si Joas nang siya'y maging hari at apatnapung taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Sibias na taga-Beer-seba. 2 Kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ang lahat ng ginawa niya habang nabubuhay ang paring si Joiada. 3 Ikinuha ni Joiada si Joas ng dalawang asawa at nagkaroon siya sa mga ito ng maraming anak na lalaki at babae.
4 Hindi nagtagal, ipinasya ni Joas na ipaayos ang mga sira sa Templo ni Yahweh. 5 Kaya ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita. Iniutos niya sa mga ito: “Libutin ninyo ang mga lunsod ng Juda at pagbayarin ninyo ang mga tao ng buwis para sa taunang pagpapaayos ng Templo ng inyong Diyos. Gawin ninyo ito sa lalong madaling panahon.” Ngunit hindi agad kumilos ang mga Levita. 6 Dahil(J) dito, tinawag ng hari ang pinuno ng mga pari na si Joiada. Sinabi ng hari sa kanya, “Ano ba ang ginagawa mo at hanggang ngayon ay wala pang nalilikom na buwis ang mga Levita mula sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem? Ang buwis na iyan ay ipinag-utos sa Israel ni Moises na lingkod ni Yahweh para sa Toldang Tipanan.”
7 Ang Templo ng Diyos ay pinasok ng mga anak ng masamang babaing si Atalia. Kinuha nila ang lahat ng kayamanan at kasangkapan doon at ginamit pa sa pagsamba kay Baal.
8 Iniutos ng hari na gumawa ng isang kaban at ilagay ito sa may pasukan ng Templo. 9 At ipinahayag niya sa buong Juda at Jerusalem na dalhin ang kanilang buwis para kay Yahweh gaya nang utos ni Moises noong sila'y nasa ilang. 10 Nagalak ang mga tao at ang kanilang mga pinuno, at naghulog sila ng kani-kanilang buwis sa kaban hanggang sa mapuno ito. 11 Dinadala naman ito ng mga Levita sa mga kagawad ng hari at ang laman nito ay kinukuha ng kalihim ng hari at ng kanang-kamay ng pinakapunong pari. Pagkatapos, ibinabalik uli ang kaban sa may pasukan ng Templo. Ganito ang ginagawa nila araw-araw kaya't nakalikom sila ng malaking halaga.
12 Ang nalilikom nilang salapi ay ipinagkakatiwala naman ng hari at ni Joiada sa mga namamahala sa pagpapagawa ng Templo. Umupa sila ng mga kantero, mga karpintero at mga panday ng bakal at ng tanso upang magkumpuni ng mga sira sa Templo. 13 Nagtrabaho nang mabuti ang mga manggagawa. Ibinalik nila sa dating kalagayan ang Templo ng Diyos at pinatibay pa ito. 14 Ibinalik nila sa hari at kay Joiada ang natirang salapi at ipinagpagawa naman ito ng mga kagamitan sa Templo. Gumawa sila ng kasangkapang gamit sa paglilingkod at handog na susunugin, mga lalagyan ng insenso at iba pang mga sisidlang ginto at pilak. Patuloy silang naghahandog ng mga haing susunugin sa Templo ni Yahweh habang nabubuhay pa si Joiada.
Binago ang mga Patakaran ni Joiada
15 Tumanda si Joiada at umabot sa sandaan at tatlumpung taóng gulang bago siya namatay. 16 Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David sapagkat naging mabuti siya sa Israel, sa Diyos at sa Templo nito.
17 Pagkamatay ni Joiada, ang mga pinuno ng Juda ay nagbigay-galang sa hari at sila na ang pinapakinggan ng hari. 18 At pinabayaan nila ang Templo ni Yahweh na Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa halip, sumamba sila sa mga Ashera at sa mga diyus-diyosan. Dahil dito, nagalit ang Diyos at pinarusahan ang mga taga-Juda at ang mga taga-Jerusalem. 19 Gayunma'y nagsugo si Yahweh ng mga propeta upang ang mga tao'y magbalik-loob sa kanya. Ngunit hindi sila nakinig sa mga ito. 20 Dahil(K) dito, lumukob ang Espiritu[e] ng Diyos kay Zacarias na anak ng paring si Joiada. Tumayo siya sa harap ng bayan. Sinabi niya, “Ito ang sinabi ng Diyos: ‘Bakit ninyo nilalabag ang mga utos ni Yahweh? Bakit ninyo ipinapahamak ang inyong mga sarili. Sapagkat itinakwil ninyo siya, itinakwil din niya kayo!’” 21 Ngunit nagsabwatan ang mga tao laban sa kanya. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias hanggang sa mamatay. Naganap ito sa bulwagan ng Templo ni Yahweh. 22 Kinalimutan ni Haring Joas ang kagandahang-loob sa kanya ni Joiada na ama ni Zacarias. Bago namatay si Zacarias, ganito ang kanyang sinabi, “Makita sana ni Yahweh ang ginagawa ninyong ito at parusahan niya kayo!”
Ang Wakas ng Paghahari ni Joas
23 Nang patapos na ang taóng iyon, si Joas ay sinalakay ng hukbo ng Siria. Pinasok ng mga ito ang Juda at Jerusalem at pinatay ang mga pinuno ng bayan. Lahat ng sinamsam nila'y ipinadala sa hari sa Damasco. 24 Maliit man ang hukbo ng Siria ay nagtagumpay sila laban sa malaking hukbo ng Juda sapagkat itinakwil nito si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa ganitong paraan pinarusahan si Joas.
25 Iniwan ng hukbong Siria si Joas na may malubhang sugat. Ngunit pagkaalis nila, nagkaisa ang mga lingkod ng hari na ipaghiganti ang pagkamatay ng anak ng paring si Joiada. Kaya pinatay nila si Joas sa kanyang higaan. Siya'y inilibing nila sa Lunsod ni David ngunit hindi sa libingan ng mga hari. 26 Ang mga kasama sa pagpatay sa kanya ay si Sabad na anak ni Simeat na isang Ammonita at si Jehosabad na anak ni Simrit na isang Moabita. 27 Ang mga kasaysayan tungkol sa kanyang mga anak, mga propesiya laban sa kanya at ang kanyang muling pagtatayo sa Templo ay nakasulat sa Paliwanag sa Aklat ng mga Hari. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Amazias.
by