Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
2 Cronica 13-17

Ang Digmaan nina Abias at Jeroboam(A)

13 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda. Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Micaias na anak ni Uriel na taga-Gibea.

Nagkaroon ng digmaan sina Jeroboam at Abias. Ang hukbo ni Abias ay binubuo ng 400,000 kawal, samantalang ang kay Jeroboam naman ay 800,000. Humanay ang hukbo ni Abias sa may bulubundukin ng Efraim, sa taluktok ng Bundok Zemaraim. Mula roo'y sumigaw siya: “Makinig kayo, Jeroboam at buong bayang Israel! Hindi ba ninyo alam na pinagtibay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa isang kasunduang hindi maaaring sirain, na si David at ang kanyang mga anak ang maghahari sa Israel magpakailanman? Ngunit si Jeroboam na anak ni Nebat at dating alipin ni Solomon na anak ni David ay naghimagsik laban sa kanyang haring si Solomon. Mga walang-hiya at tampalasang tao ang sumama sa kanya. Hindi nila kinilala si Rehoboam na anak ni Solomon. Palibhasa'y bata pa noon at walang karanasan si Rehoboam, kaya't wala siyang nagawa.

“Ngayo'y ibig ninyong labanan ang kaharian ni Yahweh na ibinigay niya sa mga anak ni David, palibhasa'y marami kayo at mayroon kayong mga guyang ginto na ipinagawa ni Jeroboam para sambahin ninyo. Hindi ba't pinalayas ninyo ang mga pari ni Yahweh, ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita? At gumaya kayo sa ibang mga bansa sa pagpili ng mga pari? Ngayon, sinumang lumapit na may dalang handog na isang batang toro at pitong lalaking tupa ay pinapayagan na ninyong maging pari ng mga diyus-diyosan. 10 Ngunit para sa amin, si Yahweh pa rin ang aming Diyos at hindi namin siya itinakwil. Ang aming mga pari ay pawang mga anak ni Aaron at ang mga katulong nila sa paglilingkod kay Yahweh ay ang mga Levita. 11 Araw-gabi ay nag-aalay sila kay Yahweh ng mga handog na susunugin at insenso. Nag-aalay sila ng handog na tinapay sa harapan niya sa ibabaw ng inihandang mesang yari sa lantay na ginto. At gabi-gabi'y nagsisindi sila ng mga ilawang nasa gintong patungan. Sinusunod namin ang utos ni Yahweh, subalit itinakwil ninyo siya. 12 Kaya kasama namin siya sa labanang ito. Siya ang aming pinuno at kasama rin namin ang kanyang mga pari na dala ang kanilang mga trumpeta na handang hipan sa pakikipaglaban sa inyo. Bayang Israel, huwag ninyong kalabanin si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”

13 Nagsugo si Jeroboam ng pangkat sa likuran ng kalaban upang lihim na sumalakay roon. Samantala, ang karamihan ng hukbo niya ay kaharap ng hukbo ng Juda. 14 Nang lumingon ang mga ito, nakita nilang may kalaban sila sa harapan at sa likuran. Humingi sila ng tulong kay Yahweh at hinipan ng mga pari ang kanilang mga trumpeta. 15 Sumigaw ang hukbo ng Juda at sa sandaling iyon, tinalo ng Diyos si Jeroboam at ang buong hukbo ng Israel sa harap ni Abias at ng Juda. 16 Tumakas ang hukbo ng Israel sa Juda at itinulot ng Diyos na masakop sila ng Juda. 17 Nagtagumpay sina Abias. May 500,000 mahuhusay na kawal ng Israel ang napatay. 18 Mula noon, ang Israel ay nasakop ng Juda. Ito'y dahil sa pagtitiwala ng Juda kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 19 Tinugis ni Abias si Jeroboam, at nasakop niya ang mga lunsod ng Bethel, Jesana at Efron, pati ang mga nayon nito. 20 Sa panahon ng paghahari ni Abias, hindi na nakabawi si Jeroboam hanggang sa patayin siya ni Yahweh. 21 Naging makapangyarihan si Abias. Labing-apat ang kanyang asawa, at ang mga naging anak niya'y dalawampu't dalawang lalaki at labing-anim na babae. 22 Ang iba pang ginawa at sinabi ni Abias ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Iddo.

Ang Tagumpay ni Asa Laban sa mga Taga-Etiopia

14 Namatay si Abias at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Asa. Sampung taon itong naghari at sa panahong iyon ay naging mapayapa ang Juda. Ginawa ni Asa ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh na kanyang Diyos. Ipinagiba niya ang mga altar ng mga diyus-diyosan at ang mga bahay-sambahan ng mga pagano; ibinuwal niya ang mga sinasambang haligi at winasak ang mga rebulto ng diyosang si Ashera. Iniutos niya sa mga taga-Juda na sumunod sa kagustuhan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at tuparin ang kanyang kautusan at mga tuntunin. Sapagkat ipinaalis niya ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga altar ng insenso sa mga lunsod ng Juda, naging mapayapa ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamamahala. Pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod sa Juda. At sa loob ng ilang taon ay hindi sila nagkaroon ng digmaan sapagkat binigyan siya ni Yahweh ng kapayapaan. Sinabi niya sa mga taga-Juda, “Patibayin natin ang mga lunsod na ito at paligiran natin ng mga pader na may mga tore at matitibay na pintuan. Sarili natin ang lupain sapagkat umaasa tayo kay Yahweh na ating Diyos. Hinanap natin siya at sa lahat ng dako'y binigyan niya tayo ng katiwasayan.” Ganoon nga ang kanilang ginawa at sila'y naging maunlad. Ang hukbo ni Asa ay binubuo ng 300,000 kawal mula sa Juda, na may mga sandatang panangga at sibat, at ang 280,000 naman mula sa Benjamin, na may mga pana at panangga.

Dumating ang panahon na nilusob sila ni Zera na isang taga-Etiopia. Ang hukbo nito na umabot hanggang sa Maresa ay binubuo ng isang milyong kawal at tatlong daang karwahe. 10 Pagdating doo'y hinarap sila ng hukbo ni Asa at ang hanay ng labanan ay ang libis ng Sefata sa Maresa. 11 Bago siya lumaban, nanalangin si Asa kay Yahweh na kanyang Diyos, “Wala kang katulad, O Yahweh, sa pagtulong maging sa malakas at mahina. Kaya tulungan ninyo kami, O Yahweh na aming Diyos, sapagkat sa inyo lamang kami umaasa. Sa inyong pangalan, nakaharap kami ngayon sa ganito karaming kaaway. O Yahweh, kayo ang aming Diyos; huwag ninyong hayaang matalo kayo ng tao.”

12 Sa tulong ni Yahweh, natalo ni Asa ang mga taga-Etiopia at tumakas ang mga ito. 13 Hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga kawal hanggang Gerar. Sa tulong ni Yahweh, naubos ang kanilang mga kaaway, at napakarami nilang nasamsam. 14 Winasak nila ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar sapagkat pinagharian ng takot kay Yahweh ang mga mamamayan doon. Pinasok nila ang lahat ng lunsod at napakaraming nasamsam doon. 15 Sinalakay din nila ang mga kampo ng mga pastol ng kawan at bumalik sila sa Jerusalem na dala ang napakaraming tupa at kamelyo.

Ang mga Repormang Isinagawa ni Asa

15 Si Azarias na anak ni Oded ay nilukuban ng Espiritu[a] ng Diyos. Pinuntahan niya si Asa at sinabi, “Pakinggan mo ako, Asa, at kayong mga taga-Juda at Benjamin: Nasa panig ninyo si Yahweh habang kayo'y nasa panig niya. Matatagpuan ninyo siya kung siya'y inyong hahanapin, ngunit kung itatakwil ninyo siya, itatakwil din niya kayo. Matagal nang hindi sumasamba sa tunay na Diyos ang Israel, walang paring nagtuturo at wala ring kautusan. Ngunit nang dumating sila sa kagipitan, humingi sila ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Siya'y kanilang hinanap at kanilang natagpuan. Mapanganib noon ang maglakbay at mangalakal sapagkat magulo kahit saang lugar. Naglalaban-laban ang mga bansa, at ang mga lunsod sa kapwa lunsod, sapagkat ginugulo at pinahihirapan sila ng Diyos. Ngunit magpakatatag kayo at huwag masiraan ng loob. Gagantimpalaan kayo dahil sa inyong mga ginagawa.”

Nang marinig ni Asa ang pahayag na ito ni Azarias na anak ni Oded, lumakas ang kanyang loob. Inalis ni Asa ang lahat ng kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa buong Juda, sa Benjamin at sa lahat ng bayang nasakop niya sa Kaburulan ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ni Yahweh na nasa harap ng bulwagan ng Templo. Pagkatapos, tinipon niya ang mga taga-Juda at Benjamin at ang mga nanggaling sa Efraim, Manases at Simeon na nakikipanirahan sa kanila. Maraming taga-Israel ang sumama kay Asa nang malaman nilang kasama niya ang Diyos niyang si Yahweh. 10 Naganap ang pagtitipong ito sa Jerusalem noong ikatlong buwan ng ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa. 11 Nang araw na iyon, naghandog sila kay Yahweh ng pitong daang toro at pitong libong tupa buhat sa mga nasamsam nila. 12 Gumawa sila ng kasunduan na buong puso at kaluluwa nilang sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, 13 at papatayin ang sinumang hindi sasamba sa kanya, maging lalaki o babae, matanda o bata. 14 Pasigaw na nanumpa sila kay Yahweh. Nagsigawan sila kasabay ng pag-ihip sa mga trumpeta at tambuli. 15 Masayang-masaya ang buong Juda sa kanilang pagkakaisa sapagkat buong puso silang nangakong sasamba kay Yahweh. At ang kanilang masayang pagsamba ay tinanggap ni Yahweh; nalugod siya sa kanila kaya binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa lahat ng panig.

16 Inalis ni Haring Asa sa pagiging inang-reyna ang lola[b] niyang si Maaca sapagkat nagtayo ito ng malaswang rebulto ng diyosang si Ashera. Winasak niya iyon at sinunog sa Libis ng Kidron. 17 Kahit hindi naalis ni Asa sa Israel ang lahat ng mga bahay-sambahan ng mga pagano, naging tapat siya kay Yahweh sa buong buhay niya. 18 Dinala niya sa Templo ang lahat ng kagamitang yari sa pilak at ginto na inilaan niya at ng kanyang ama sa Diyos. 19 Hindi nagkaroon ng digmaan sa loob ng tatlumpu't limang taóng paghahari ni Asa.

Pagputol ng Pakikipagkaibigan sa Israel(B)

16 Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasa ng Israel ang Juda. Pinalibutan niya ng pader ang Rama upang walang makaalis o kaya'y makapunta kay Asa sa Juda. Dahil dito, nakipag-ugnay si Asa kay Ben-hadad na hari ng Siria at nakatira sa Damasco. Nagpadala siya ng pilak at ginto na kinuha niya sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh at sa kanyang palasyo. Ganito ang sinabi niya, “Pinadadalhan kita ng pilak at ginto. Ibig kong magtulungan tayo tulad nang ginawa ng ating mga magulang. Sirain mo na ang kasunduan ninyo ni Baasa na hari ng Israel upang hindi na niya ako guluhin.” Sumang-ayon naman si Ben-hadad at pinasalakay niya ang mga pinuno ng kanyang hukbo sa mga lunsod ng Israel. Napasok ng mga ito ang Ijon, Dan, Abelmain at ang mga lunsod-imbakan sa Neftali. Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapader sa Rama. Dahil dito, tinawag ni Haring Asa ang mga taga-Juda at ipinahakot ang lahat ng bato at kahoy na naiwan sa itinatayong pader at ginamit niya ang mga ito sa pagpapader sa Geba at Mizpa.

Si Propeta Hanani

Nagpunta noon kay Asa si Hanani na isang propeta at sinabi, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Siria, sa halip na kay Yahweh na iyong Diyos, natakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria.[c] Mas malaki ang mga hukbo ng mga taga-Etiopia at mga taga-Libya. Napakarami nilang karwahe at mga mangangabayo ngunit ibinigay sila sa iyo ni Yahweh sapagkat sa kanya ka nagtiwala. Nagmamasid si Yahweh sa buong daigdig upang tumulong sa lahat ng tapat sa kanya. Dahil sa kahangalan mong ito, mula ngayo'y lagi kang magkakaroon ng digmaan.” 10 Sa sinabing ito, nagalit si Asa kay Hanani at ito'y ikinadena sa bilangguan. Mula noo'y naging malupit si Asa sa mga tao.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Asa(C)

11 Lahat ng ginawa ni Asa mula sa simula hanggang wakas ay nakatala sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 12 Noong ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, nagkaroon siya ng malubhang sakit sa paa. Sa halip na kay Yahweh humingi ng tulong, sa mga manggagamot siya sumangguni. 13 Namatay siya nang ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari. 14 Inilibing siya sa Lunsod ni David sa isang libingang yungib na ipinasadya niya para sa kanyang sarili. Inilagay siya sa isang kabaong na nilagyan ng lahat ng uri ng pabango. Bilang pagpaparangal sa kanya, gumawa ang mga tao ng napakalaking siga.

Ang Paghahari ni Jehoshafat

17 Ang humalili kay Asa bilang hari ay ang anak niyang si Jehoshafat, at pinalakas nito ang kanyang paghahari laban sa Israel. Naglagay siya ng mga kawal sa lahat ng mga lunsod na may pader sa Juda at nagtayo ng mga kampo sa buong bansa, pati sa mga lunsod ng Efraim na nasakop ng kanyang amang si Asa. Pinatnubayan si Jehoshafat ni Yahweh sapagkat tinularan niya ang mabuting pamumuhay ng kanyang ama noong una. Hindi siya sumamba sa mga Baal. Nanalig siya sa patnubay ng Diyos ng kanyang ama. Sinunod niya ang Kautusan ng Diyos at hindi tinularan ang ginawa ng mga naging hari ng Israel. Kaya, pinatatag ni Yahweh ang kaharian ni Jehoshafat at ang buong Juda ay nagbuwis sa kanya. Nagkaroon siya ng maraming kayamanan at malaking karangalan. Masigla siyang naglingkod kay Yahweh. Inalis niya sa buong Juda ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga rebulto ni Ashera.

Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, inutusan niya ang kanyang mga opisyal na sina Benhayil, Obadias, Zacarias, Netanel, at Micaias na magturo sa mga lunsod ng Juda. Kasama rin nila ang mga Levitang sina Semaias, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jehonatan, Adonijas, Tobias, Tobadonijas at ang mga paring sina Elisama at Jehoram. Nagturo sila sa mga lunsod sa buong Juda na dala ang aklat ng Kautusan ni Yahweh.

Ang Kapangyarihan ni Jehoshafat

10 Ang mga kaharian sa palibot ng Juda ay pinagharian ng takot kay Yahweh kaya't hindi nila dinigma si Jehoshafat. 11 Nagpadala sa kanya ng mga pilak ang mga Filisteo bilang buwis. Nagbigay naman ang mga Arabo ng pitong libo't pitong daang lalaking tupa at gayundin karaming kambing na lalaki. 12 Lalong naging makapangyarihan si Jehoshafat. Pinaderan niya ang mga lunsod sa Juda at nagpatayo ng mga lunsod-imbakan. 13 Napakarami ng kanyang inipong kayamanan sa mga lunsod ng Juda. Naglagay siya ng matatapang na kawal sa Jerusalem. 14 Ganito ang kanilang mga pangkat ayon sa kanilang mga angkan—sa lipi ni Juda: tatlong daang libong kawal. Si Adna ang pinakamataas nilang pinuno. 15 Pangalawa si Jehohanan na namahala sa pangkat na binubuo ng dalawandaan at walumpung libo. 16 Ang pangatlo ay si Amazias na anak ni Zicri na kusang-loob na naghandog ng paglilingkod kay Yahweh. Ang pinamahalaan naman niya'y dalawandaang libong matatapang na kawal. 17 Sa lipi ni Benjamin: si Eliada, isang mahusay na kawal, ang namahala sa pangkat na may dalawandaang libong may sandatang mga pana at panangga. 18 Ang pangalawa sa kanya ay si Jehosabad na namahala naman sa sandaan at walumpung libong kawal na handa sa pakikipaglaban. 19 Ang mga pangkat na ito ang naglingkod sa hari, bukod sa nakapuwesto sa mga may pader na lunsod sa buong Juda.