Beginning
Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa
Isang Maskil[a] ni Asaf.
74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
2 Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
pati ang Zion na iyong dating tirahan.
3 Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.
4 Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
5 Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
6 Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
7 Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
8 Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.
9 Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.
12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.
18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.
20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.
22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.
Diyos ang Siyang Huhusga
Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.
75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
2 Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
walang pagtatanging ako ay hahatol.
3 Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
maubos ang tao dito sa daigdig,
ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[c]
4 “Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
5 Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”
6 Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
7 Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
8 Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
ng taong masama, hanggang sa ubusin.
9 Subalit ako ay laging magagalak;
ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
sa mga matuwid nama'y itataas!
Diyos ang Magtatagumpay
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
76 Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,
sa buong Israel, dakilang talaga;
2 nasa Jerusalem ang tahanan niya,
sa Bundok ng Zion, doon tumitira.
3 Lahat ng sandata ng mga kaaway,
mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah)[d]
4 O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal
higit pa sa matatag na kabundukan.[e]
5 Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam;
nahihimbing sila at nakahandusay,
mga lakas nila, lahat ay pumanaw.
6 Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob,
sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.
7 Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!
Sino ang tatayo sa iyong harapan
kapag nagalit ka sa mga kinapal?
8 Sa iyong paghatol na mula sa langit,
ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
9 Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis,
naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah)[f]
10 Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo.
Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang.
11 Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob;
dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot.
12 Hambog na prinsipe ay ibinababâ,
tinatakot niya hari mang dakila.
Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.
77 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
2 Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
3 Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing,
ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin. (Selah)[g]
4 Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa,
hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa.
5 Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw,
nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan;
6 ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi,
ang diwa ko ay gising at tinatanong ang sarili:
7 “Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil?
Di mo na ba ibabalik sa akin ang iyong pagtingin?
8 Ang iyo bang pagmamahal sa amin ay nagwakas na?
Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa?
9 Yaong kagandahang-loob mo ba ay nakalimutan mo na?
Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?” (Selah)[h]
10 Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob,
para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.”
11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.
13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)[i]
16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17 Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.
18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!
by