Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Job 32-34

Ang Pananalita ni Elihu(A)

32 Hindi na nakipagtalo pa ang tatlong kausap ni Job sapagkat talagang iginigiit niyang wala siyang kasalanan. Samantala, may nakikinig noon sa kanilang pag-uusap, isang lalaki na nagngangalang Elihu. Siya ay anak ni Baraquel, apo ni Bus na mula sa angkan ni Ram. Nagalit si Elihu kay Job sapagkat nagmamatuwid si Job sa kanyang sarili at sinisisi pa niya ang Diyos. Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job sapagkat hindi nila masagot ang mga sinabi nito at parang lumalabas na ang Diyos ang may kasalanan. Pinakabata si Elihu sa mga naroon kaya hinintay niyang makapagsalita muna ang lahat. 5-6 Nang wala nang maisagot ang tatlo, nagalit ito at sinabi,

“Bata ako at kayo'y matatanda,
    kaya ako'y nag-aalangang magsalita.
Palagay ko'y nararapat na kayo muna ang magsalita,
    at mamahagi ng karunungan ang nakatatanda.
Ngunit ang karunungan ay saan ba nagbubuhat?
    Di ba sa Diyos na Makapangyarihan?
Ngunit hindi dahil matanda ay may pang-unawa,
    hindi dahil may edad na'y alam na ang tama.
10 Kaya makinig kayo ngayon sa aking sasabihin,
    itong aking opinyon, inyo namang dinggin.

11 “Matiyaga akong nakinig sa inyong pananalita,
    at habang naghahanap kayo ng mahuhusay na kataga.
12 Ngunit sa aking narinig, ako'y tunay na nalungkot,
    hindi ninyo napabulaanan ang sinabi nitong si Job.
13 Huwag ninyong sabihing natuklasan na ninyo ang karunungan,
    sa sinabi nitong si Job, Diyos lang ang may kasagutan.
14 Kayo at hindi ako ang kausap nitong si Job,
    kaya iba sa pahayag ninyo itong aking isasagot.

15 “Job, hindi sila makakibo at wala nang masabi,
16 sila ay natitigilan, hindi na makapagsalita,
    mananatili ba akong naghihintay sa wala?
17 Hindi! Sasagutin kong lahat ang iyong binanggit,
    sasabihin ko sa iyo ang aking iniisip.
18 Di na ako makapaghintay na magsalita,
    di ko na mapipigilan ang aking mga kataga.
19 Kapag ang nasa loob ko ay hindi naibulalas,
    ang dibdib ko ay puputok, laman nito'y sasambulat.
20 Hindi na nga maaari na ako ay maghintay pa,
    di na ako makatiis kaya ako'y nangusap na.
21 Sa inyong usapan ay wala akong papanigan,
    ang sinuman sa inyo'y hindi ko papupurihan.
22 Ang di tapat na papuri ay hindi ko nakaugalian,
    kapag ginawa ko ito, ako'y paparusahan.

Pinagsabihan ni Elihu si Job

33 “At ngayon, Job, makinig ka sa aking sasabihin,
    at mga salita ko'y bigyan mo ng pansin.
Sasabihin ko na ang laman ng aking isipan,
lahat ng ilalahad ko ay pawang katapatan,
    lahat ng ihahayag ay pawang katotohanan.
Ang Espiritu ng Diyos ang gumawa sa akin,
    buhay na taglay ko ay sa Makapangyarihang Diyos nanggaling.

“Kung kaya mo'y sagutin mo itong aking sasabihin,
    ang iyong mga katuwiran ay ihanda mo na rin.
Ikaw at ako'y iisa sa harap ng Diyos natin,
    parehong sa putik tayo nanggaling.
Kaya sa aki'y wala kang dapat alalahanin,
    huwag mong isiping ika'y aking gagapiin.

“Ito ang narinig kong sinabi mo:
‘Ako'y malinis at walang nagawang kasalanan,
    ako'y walang sala at walang kasamaan.
10 Gumagawa lamang ang Diyos ng dahilan upang ako'y parusahan,
    at itinuturing niya akong isang kaaway.
11 Mga(B) paa ko ay kanyang iginapos,
    at binabantayan ang aking mga kilos.’

12 “Ngunit ang sagot ko nama'y nagkakamali ka, Job,
    sapagkat sa sinumang tao ay mas dakila ang Diyos.
13 Bakit ang Diyos ay iyong pinagbibintangan
    na di marunong makinig sa iyong karaingan?
14 Magsalita man siya sa iba't ibang paraan,
    hindi pa rin natin ito lubos na mauunawaan.
15 Nagsasalita(C) siya sa panaginip at pangitain,
    sa kalaliman ng gabi, kapag ang tao'y nahihimbing.
16 Ipinapaunawa niya ang kanyang saloobin,
    nagbibigay ng babala sa kanilang pangitain.
17 Nagsasalita ang Diyos upang sila ay pigilan
    sa paggawa ng masama at sa kapalaluan.
18 Hindi nais ng Diyos na sila'y mamatay
    kaya sila'y iniligtas niya mula sa hukay.
19 Pinadadalhan niya ang tao ng iba't ibang sakit,
    upang sa pamamagitan ng kirot ang tao'y maituwid.
20 Ang taong may sakit ay walang panlasa,
    masarap man ang pagkain, wala pa ring gana.
21 Nauubos ang kanyang laman,
    natitira'y buto't balat na lamang.
22     At parang handang handa nang pumunta sa daigdig ng mga patay.

23 “O baka siya'y tulungan ng isa sa libong mga anghel,
    na nagpapaalala sa tao ng kanyang mga tungkulin.
24 Maaaring itong anghel na puspos ng kahabagan, ay magsabi ng ganito: ‘Siya ay pawalan,
    hindi siya dapat humantong sa libingan,
    narito ang bayad para sa kanyang kalayaan.’
25 Siya ay gagaling, muling sisigla; tataglayin muli ang lakas noong kabataan niya.
26     Mananalangin siya sa Diyos at siya'y papakinggan.
    Ang pagsamba niya'y mapupuno ng kasiyahan,
    muli siyang ilalagay ng Diyos sa mabuting katayuan.
27 Sasabihin niya sa madla, ‘Sa Diyos ako'y nagkasala,
    walang matuwid na nagawa subalit pinatawad niya.’
28 Hindi niya itinulot na ako'y mamatay,
    magpahanggang ngayon ako'y nabubuhay.
29 Hindi lang minsan na ito'y ginawa ng Diyos,
30     na iligtas ang tao sa kanyang pagkakalugmok,
    at ang buhay nito'y punuin ng lugod.
31 “Job, tumahimik ka at makinig nang mabuti,
    pakinggan mo't unawain itong aking sinasabi.
32 Kung mayroon ka namang nais sabihin, huwag mag-atubili't papakinggan ko rin,
    at kung may katuwiran ka'y aking tatanggapin.
33 Kung wala naman, makinig ka na lang,
    manahimik ka't, ika'y aking tuturuan.”

Ipinagtanggol ni Elihu ang Diyos

34 Sinabi pa ni Elihu,

“Makinig kayo, matatalinong tao,
    itong sinasabi ko ay pakinggan ninyo.
Tulad ng masarap na pagkaing inyong natikman,
    salita ng karunungan, nawa'y inyong pakinggan.
Atin ngang talakayin itong usapin,
    kung ano ang tama ay ating alamin.
Ayon dito kay Job ay wala siyang sala,
    at katarungan ay ipinagkakait daw sa kanya.
Bagama't matuwid itinuring na sinungaling siya,
    at tinadtad ng sugat kahit na walang sala.

“May nakita na ba kayong tulad nitong si Job?
    Kaunti man ay wala siyang paggalang sa Diyos.
Panay na masama ang kanyang kasamahan,
    nakikisama siya sa mga makasalanan.
Sinabi niya na walang mabuting idudulot
    ang paglakad at pagsunod sa nais ng Diyos.

10 “Makinig kayo sa akin, mga taong magagaling,
    ang Makapangyarihang Diyos ba'y maaakay sa masamang gawain?
11 Ginagantimpalaan(D) niya ang tao ayon sa gawa,
    ang iginagawad sa kanila ay iyon lamang tama.
12 Hindi gumagawa ng masama ang Diyos na Makapangyarihan,
    hindi niya kailanman binabaluktot ang katarungan.
13 May nagbigay ba sa Diyos ng kapangyarihan?
    At sinong naghabilin sa kanya nitong sanlibutan?
14-15 Kapag binawi ng Diyos ang hininga ng tao,
    sila'y mamamatay at sa alabok ang kanilang tungo.

16 “Kung matalino kayo, pakinggan ninyo ito.
17 Hindi ba ang Diyos ay makatarungan,
    bakit hinahatulan siya na parang makasalanan?
18 Sa mga hari, siya ang nagpaparusa,
    kung sila'y masama at walang halaga.
19 Siya ang lumikha sa sangkatauhan,
    kaya walang itinatangi, mahirap man o mayaman.
20 Sa isang kisap-mata, ang tao'y mamamatay,
    ang hampasin ng Diyos, bigla na lamang papanaw
    kahit siya'y malakas o makapangyarihan.
21 Bawat kilos ng tao'y tinitingnan niya,
    ang bawat hakbang nito'y di lingid sa kanya.
22 Walang sapat na kadiliman
    ang mapagtataguan ng mga makasalanan.
23 Hindi na kailangan ng Diyos na magtakda ng panahon,
    upang ang tao'y lumapit sa kanya at gawaran ng hatol.
24 Hindi na rin kailangang siya'y mag-imbestiga,
    upang mga pinuno'y alisin at palitan ng iba.
25 Sapagkat alam niya ang kanilang mga gawain,
    sa gitna ng dilim, sila'y kanyang wawasakin.
26 Pinaparusahan niya ang masasama nang nakikita ng madla,
27     sapagkat ang kanyang mga utos ay nilalabag nila.
28 Dahil sa masasama, ang mahihirap ay humihibik
    kaya't sa daing nila ang Diyos ay nakikinig.

29 “Kung ipasya ng Diyos na huwag kumibo,
    walang maaaring sa kanya'y magreklamo.
Kung kanyang talikuran ang sangnilikha, ang tao kaya ay may magagawa?
30 Walang magagawa ang alinmang bansa
    upang makaiwas sa pinunong masasama.

31 “Job, inamin mo na ba sa Diyos ang iyong kasalanan,
    nangako ka na bang titigil sa kasamaan?
32 Hiniling mo na bang sa iyo'y ipaunawa ang lahat ng iyong masasamang gawa?
    Nangako ka na bang titigil na nga sa gawang di tama?
33 Sapagkat sa Diyos ikaw ay lumalaban,
    ibibigay kaya niya ang iyong kailangan?
Ikaw ang magsabi ng iyong kapasyahan,
    sabihin mong lahat ang iyong nalalaman.

34 “Ang taong mayroong taglay na talino
    na makarinig sa aki'y magsasabi ng ganito:
35     ‘Ang salita ni Job ay bunga ng kamangmangan,
    at lahat ng sinasabi niya ay walang kabuluhan.’
36 Isipin ninyong mabuti ang mga sinasabi niya,
    ang mga sagot niya ay sagot ng taong masasama.
37 Dinaragdagan pa niya ng paghihimagsik ang kanyang mga kasalanan,
    hinahamak niya ang Diyos sa ating harapan.”