Beginning
Ang mga Bansang Iniwan ng Panginoon upang Subukin ang Israel
3 Ito ang mga bansang iniwan ng Panginoon upang subukin ang mga Israelita na walang karanasan sa pakikipaglaban sa Canaan;
2 Iyon ay upang malaman ng mga salinlahi ng mga anak ni Israel ang pakikipaglabanan, upang turuan sa pakikipaglaban ang mga hindi nakaranas nito noong una.
3 Ang nabanggit ay ang limang pinuno ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, mga Sidonio, at mga Heveo na naninirahan sa bundok ng Lebanon, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamat.
4 Ang mga ito ay upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, at malaman kung kanilang papakinggan ang mga utos ng Panginoon, na kanyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises.
5 Kaya't ang mga anak ni Israel ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, mga Heteo, mga Amoreo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo.
6 Kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, at naglingkod sa kanilang mga diyos.
Si Otniel ang Siyang Naging Hukom
7 Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at nilimot ang Panginoon nilang Diyos, at naglingkod sa mga Baal at sa mga Ashera.
8 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ni Cushan-risataim, na hari sa Mesopotamia; at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Cushan-risataim ng walong taon.
9 Ngunit nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel, ang Panginoon ay nagbangon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, samakatuwid ay si Otniel na anak ni Kenaz, na nakababatang kapatid ni Caleb.
10 Ang Espiritu ng Panginoon ay sumakanya, at siya'y naging hukom sa Israel. Siya'y lumabas sa pakikipaglaban, at ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay si Cushan-risataim na hari sa Mesopotamia at ang kanyang kamay ay nanaig laban kay Cushan-risataim.
11 Kaya't nagpahinga ang lupain ng apatnapung taon. At si Otniel na anak ni Kenaz ay namatay.
12 Muling gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon. Pinatatag ng Panginoon si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagkat kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
13 Kanyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalek at siya'y humayo at tinalo niya ang Israel, at kanilang inangkin ang lunsod ng mga puno ng palma.
14 Ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na hari ng Moab ng labingwalong taon.
Naging Hukom si Ehud
15 Ngunit nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, humirang para sa kanila ang Panginoon ng isang tagapagligtas, si Ehud na anak ni Gera, ang Benjaminita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel ay nagpadala ng buwis sa pamamagitan niya kay Eglon na hari ng Moab.
16 Si Ehud ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kanyang ibinigkis sa loob ng kanyang suot, sa kanyang dakong kanang hita.
17 Kanyang inihandog ang buwis kay Eglon na hari ng Moab; at si Eglon ay lalaking napakataba.
18 Pagkatapos makapaghandog ng buwis, pinaalis niya ang mga taong nagdala ng kaloob.
19 Ngunit siya ay bumalik mula sa tibagan ng bato na malapit sa Gilgal, at nagsabi, “Ako'y may isang lihim na mensahe sa iyo, O hari.” At kanyang sinabi, “Tumahimik ka.” At ang lahat ng kanyang tagapaglingkod ay umalis sa kanyang harapan.
20 Si Ehud ay lumapit sa kanya habang siya'y nakaupong mag-isa sa kanyang malamig na silid sa itaas. Sinabi ni Ehud, “Ako'y may dalang mensahe sa iyo na mula sa Diyos.” Siya'y tumindig sa kanyang upuan.
21 At inabot ni Ehud ng kanyang kaliwang kamay ang tabak mula sa kanyang kanang hita, at isinaksak sa tiyan ni Eglon.
22 Pati ang puluhan ay sumuot na kasunod ng talim, at natikom ang taba sa tabak, sapagkat hindi niya binunot ang tabak sa kanyang tiyan; at lumabas ang dumi.
23 Nang magkagayo'y lumabas si Ehud sa pintuan, at pinagsarhan niya ng mga pintuan ang silid sa itaas at ikinandado ang mga ito.
24 Nang makalabas siya ay dumating ang kanyang mga katulong. Kanilang nakita na ang mga pintuan ng silid sa itaas ay nakakandado; at kanilang sinabi, “Maaaring siya ay dumudumi[a] sa malamig na silid.”
25 Sila'y naghintay hanggang sa sila'y mag-alala. Nang hindi pa niya buksan ang mga pintuan ng silid sa itaas, sila'y kumuha ng susi at binuksan ang mga ito. Nakita nilang ang kanilang panginoon ay patay na nakabulagta sa sahig.
26 Tumakas si Ehud samantalang sila'y naghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seira.
27 Pagdating niya ay kanyang hinipan ang trumpeta sa lupaing maburol ng Efraim, at ang mga anak ni Israel ay lumusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y nasa unahan nila.
28 Kanyang sinabi sa kanila, “Sumunod kayo sa akin; sapagkat ibinigay ng Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay.” At sila'y lumusong na kasunod niya, sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinumang tao.
29 Ang kanilang napatay nang panahong iyon ay may sampung libo sa mga Moabita, lahat ng malalakas, matitipuno ang katawan; at doo'y walang nakatakas na lalaki.
30 Gayon nalupig ang Moab nang araw na iyon, sa ilalim ng kamay ng Israel. At ang lupain ay nagpahinga ng walumpung taon.
Tinalo ni Shamgar ang mga Filisteo
31 Kasunod niya'y dumating si Shamgar, na anak ni Anat, na nakapatay ng animnaraang Filisteo sa pamamagitan ng panundot sa baka; at kanya ring iniligtas ang Israel.
Tinalo nina Debora at Barak si Sisera
4 Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, nang mamatay si Ehud.
2 Ipinagbili sila ng Panginoon sa kamay ni Jabin na hari ng Canaan, na naghahari sa Hazor; na ang pinuno sa kanyang hukbo ay si Sisera, na naninirahan sa Haroset-hagoiim.
3 At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon sapagkat siya'y may siyamnaraang karwaheng bakal; at dalawampung taon niyang lubhang pinahirapan ang mga anak ni Israel.
4 Si Debora nga, na propetisa, asawa ni Lapidot, ay siyang hukom ng Israel nang panahong iyon.
5 Siya ay laging umuupo sa ilalim ng puno ng palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Bethel, sa lupaing maburol ng Efraim; at pinupuntahan siya ng mga anak ni Israel para sa kanyang hatol.
6 Siya'y nagsugo at ipinatawag si Barak na anak ni Abinoam mula sa Kedes sa Neftali, at sinabi sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Humayo ka, at tipunin mo ang iyong mga tauhan sa bundok ng Tabor, at kumuha ka ng sampung libo sa lipi ni Neftali at sa lipi ni Zebulon.
7 Aking palalabasin si Sisera, ang pinuno sa hukbo ni Jabin, upang salubungin ka sa Ilog Kishon, kasama ang kanyang mga karwahe at ang kanyang hukbo; at ibibigay ko siya sa iyong kamay.’”
8 Sinabi ni Barak sa kanya, “Kung sasama ka sa akin ay pupunta ako roon. Ngunit kung hindi ka sasama sa akin ay hindi ako pupunta.”
9 At kanyang sinabi, “Tiyak na sasama ako sa iyo; gayunma'y ang daan na iyong tatahakin ay hindi patungo sa iyong kapurihan, sapagkat ipagbibili ng Panginoon si Sisera sa kamay ng isang babae.” At si Debora ay tumindig at sumama kay Barak sa Kedes.
10 Tinawag ni Barak ang Zebulon at ang Neftali sa Kedes; at doo'y kasunod niyang umahon ang sampung libong lalaki at si Debora ay umahong kasama niya.
11 Si Eber na Kineo ay humiwalay na sa mga Kineo, ang mga anak ni Hobab, na biyenan ni Moises, at itinayo ang kanyang tolda sa may punong ensina sa Zaananim, na malapit sa Kedes.
12 Nang masabi kay Sisera na si Barak na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor,
13 tinipon ni Sisera ang lahat ng kanyang mga karwahe, na siyamnaraang karwaheng bakal, at ang lahat ng mga lalaking kasama niya, mula sa Haroset-hagoiim hanggang sa Ilog Kishon.
14 At sinabi ni Debora kay Barak, “Tumindig ka! Sapagkat ito ang araw na ibinigay ng Panginoon si Sisera sa iyong kamay. Hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo?” Kaya't lumusong si Barak mula sa bundok ng Tabor kasama ang sampung libong lalaking sumusunod sa kanya.
15 Itinaboy ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng kanyang mga karwahe, at ang buong hukbo niya sa harap ni Barak sa talim ng tabak. Bumaba si Sisera sa kanyang karwahe, at patakbong tumakas.
16 Ngunit hinabol ni Barak ang mga karwahe at ang hukbo, hanggang sa Haroset-hagoiim at ang buong hukbo ni Sisera ay nahulog sa talim ng tabak; wala ni isang lalaking nalabi.
Pinatay ni Jael si Sisera
17 Gayunman ay patakbong tumakas si Sisera patungo sa tolda ni Jael na asawa ni Eber na Kineo; sapagkat may kapayapaan sa pagitan ni Jabin na hari sa Hazor at ng sambahayan ni Eber na Kineo.
18 Sinalubong ni Jael si Sisera, at sinabi sa kanya, “Lumiko ka, panginoon ko, lumiko ka rito sa akin; huwag kang matakot.” Kaya't siya'y lumiko sa kanya sa loob ng tolda, at siya'y tinalukbungan niya ng isang alpombra.
19 Sinabi niya sa kanya, “Isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom; sapagkat ako'y nauuhaw.” Kaya't binuksan niya ang isang balat na sisidlan ng gatas, at kanyang pinainom siya, at tinakpan siya.
20 At sinabi ni Sisera sa kanya, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda, at kapag may taong dumating at magtanong sa iyo, ‘May tao ba riyan?’ ay iyong sasabihin, ‘Wala.’”
21 Ngunit kumuha si Jael, na asawa ni Eber, ng isang tulos ng tolda at kumuha ng isang pamukpok at dahan-dahang lumapit sa kanya. Habang natutulog nang mahimbing si Sisera dahil sa pagod, itinusok ni Jael ang tulos sa kanyang noo hanggang umabot ito sa lupa, at siya'y namatay.
22 Sa paghabol ni Barak kay Sisera ay lumabas si Jael upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo.” Kaya't siya'y pumasok sa kanyang tolda, at naroon si Sisera na patay na nakabulagta at ang tulos ng tolda ay nasa kanyang noo.
23 Gayon nilupig ng Diyos nang araw na iyon si Jabin na hari ng Canaan sa harap ng mga anak ni Israel.
24 Habang tumatagal ay naging higit na malakas ang mga Israelita laban kay Jabin na hari ng Canaan, hanggang sa mapuksa nila si Jabin na hari ng Canaan.
Ang Awit ni Debora
5 Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam nang araw na iyon,
2 “Sapagkat ang mga pinuno ay nanguna sa Israel,
sapagkat kusang inihandog ng bayan ang kanilang sarili,
purihin ninyo ang Panginoon!
3 “Makinig kayo, mga hari; pakinggan ninyo, mga prinsipe;
Panginoon ako'y aawit,
ako'y gagawa ng himig sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
4 “ Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir,
nang ikaw ay humayo mula sa lupain ng Edom,
ang lupa'y nanginig,
ang langit naman ay nagpatak,
oo, ang mga ulap ay nagpatak ng tubig.
5 Ang(A) mga bundok ay nayanig sa harap ng Panginoon, yaong sa Sinai,
sa harap ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
6 “Sa mga araw ni Shamgar na anak ni Anat,
sa mga araw ni Jael, ang mga paglalakbay ay tumigil,
at ang mga manlalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.
7 Ang mga magsasaka ay huminto sa Israel, sila'y tumigil,
hanggang sa akong si Debora ay bumangon,
bumangon bilang ina sa Israel.
8 Nang piliin ang mga bagong diyos,
nasa mga pintuang-bayan ang digmaan.
May nakita bang kalasag o sibat
sa apatnapung libo sa Israel?
9 Ang aking puso ay nasa mga pinuno sa Israel,
na kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili sa bayan;
purihin ang Panginoon!
10 “Saysayin ninyo, kayong mga nakasakay sa mapuputing asno,
kayong nakaupo sa maiinam na alpombra,
at kayong lumalakad sa daan.
11 Sa tugtog ng mga manunugtog sa mga dakong igiban ng tubig,
doon nila inuulit ang mga tagumpay ng Panginoon,
ang mga tagumpay ng kanyang magbubukid sa Israel.
“Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.
12 “Gumising ka, gumising ka, Debora!
Gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit!
Bumangon ka, Barak, at ihatid mo ang iyong mga bihag,
ikaw na anak ni Abinoam.
13 Bumaba nga ang nalabi sa mga maharlika;
at ang bayan ng Panginoon ay bumaba dahil sa kanya laban sa mga makapangyarihan.
14 Mula sa Efraim na kanilang ugat, sila ay naghanda patungo sa libis,
sa likuran mo ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga kamag-anak;
sa Makir nagmula ang mga pinuno,
at sa Zebulon ang may hawak ng tungkod ng pinuno;
15 ang mga pinuno sa Isacar ay dumating na kasama ni Debora;
at ang Isacar ay tapat kay Barak,
sa libis ay dumaluhong sila sa kanyang mga sakong.
Sa gitna ng mga angkan ni Ruben,
nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
16 Bakit ka nanatili sa gitna ng mga kulungan ng tupa,
upang makinig ba ng mga pagtawag sa mga kawan?
Sa gitna ng mga angkan ng Ruben,
nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
17 Ang Gilead ay nanatili sa kabila ng Jordan;
at ang Dan, bakit siya'y nanatili sa mga barko?
Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat,
at nanahan sa kanyang mga daong.
18 Ang Zebulon ay isang bayan na nagsuong ng kanilang buhay sa kamatayan,
gayundin ang Neftali sa matataas na dako ng kaparangan.
19 “Ang mga hari ay dumating, sila'y lumaban;
nang magkagayo'y lumaban ang mga hari ng Canaan,
sa Taanac na nasa tabi ng tubig sa Megido;
sila'y hindi nakasamsam ng pilak.
20 Mula sa langit ang mga bituin ay nakipaglaban,
mula sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisera.
21 Tinangay sila ng rumaragasang Kishon,
ng rumaragasang agos, ng Ilog Kishon.
Sumulong ka, kaluluwa ko, nang may lakas!
22 “Nang magkagayo'y yumabag ang mga paa ng mga kabayo,
na may pagkaripas, pagkaripas ng kanyang mga kabayong pandigma.
23 “Sumpain si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon,
sumpain nang mapait ang mga naninirahan doon,
sapagkat sila'y hindi dumating upang tumulong sa Panginoon,
upang tumulong sa Panginoon, laban sa makapangyarihan.
24 “Higit na pinagpala sa lahat ng babae si Jael,
ang asawa ni Eber na Kineo,
higit siyang pinagpala sa lahat ng babaing naninirahan sa tolda.
25 Siya'y[b] humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas;
kanyang dinalhan siya ng mantekilya sa maharlikang mangkok.
26 Hinawakan ng kanyang kamay ang tulos ng tolda,
at ng kanyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa;
kanyang pinukpok si Sisera ng isang pukpok,
dinurog niya ang kanyang ulo,
kanyang binasag at tinusok ang kanyang noo.
27 Siya'y nabuwal, siya'y nalugmok,
siya'y bumulagta sa kanyang paanan,
sa kanyang paanan siya ay nabuwal, siya ay nalugmok,
kung saan siya nabuwal, doon siya patay na bumagsak.
28 “Mula sa bintana siya ay dumungaw,
ang ina ni Sisera ay sumigaw sa pagitan ng durungawan:
‘Bakit ang kanyang karwahe ay natatagalang dumating?
Bakit nababalam ang mga yabag ng kanyang mga karwahe?’
29 Ang kanyang mga pinakapantas na babae ay sumagot sa kanya,
siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili,
30 ‘Hindi ba sila nakakatagpo at naghahati-hati ng samsam?
Isa o dalawang dalaga, sa bawat lalaki;
kay Sisera ay samsam na damit na may sari-saring kulay,
samsam na sari-saring kulay ang pagkaburda,
dalawang piraso ng kinulayang gawa, binurdahan para sa aking leeg bilang samsam?’
31 “Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Panginoon!
Ngunit ang iyong mga kaibigan ay maging tulad ng araw sa pagsikat niya sa kanyang kalakasan.”
At ang lupain ay nagpahinga na apatnapung taon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001