Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 5-8

Nang mabalitaan ng lahat ng mga hari ng mga Amoreo na nasa kabila ng Jordan sa dakong kanluran, at ng lahat ng mga hari ng mga Cananeo na nasa tabing dagat, kung paanong pinatuyo ng Panginoon ang tubig ng Jordan sa harapan ng mga anak ni Israel, hanggang sa sila ay nakatawid, nanlumo ang kanilang puso, at sila'y nasiraan ng loob dahil sa mga anak ni Israel.

Ang Pagtutuli sa Gilgal

Nang panahong iyon ay sinabi ng Panginoon kay Josue, “Gumawa ka ng mga patalim na yari sa batong kiskisan at muli mong tuliin sa ikalawang pagkakataon ang mga anak ni Israel.”

Kaya't gumawa si Josue ng mga patalim na yari sa batong kiskisan, at tinuli ang mga anak ni Israel sa Gibeat-haaralot.[a]

Ito ang dahilan kung bakit tinuli sila ni Josue: ang lahat ng mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, samakatuwid ay ang lahat na lalaking mandirigma na namatay sa ilang sa daan, pagkatapos na sila'y makalabas mula sa Ehipto.

Bagama't ang buong bayan na lumabas ay mga tuli, ang buong bayan na ipinanganak sa ilang sa daan pagkalabas sa Ehipto ay hindi natuli.

Sapagkat(A) ang mga anak ni Israel ay lumakad na apatnapung taon sa ilang, hanggang sa ang buong bansa, samakatuwid, ang mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, ay nalipol, sapagkat hindi nila dininig ang tinig ng Panginoon. Sa kanila'y isinumpa ng Panginoon na hindi niya ipapakita ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa atin, ang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.

Kaya't tinuli ni Josue ang kanilang mga anak na ipinanganak na kahalili nila, sapagkat hindi sila tuli, yamang hindi sila tinuli sa daan.

Nang kanilang matuli na ang buong bansa, nanatili sila sa kanilang mga lugar sa kampo hanggang sa sila'y gumaling.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay iginulong ko palayo sa inyo ang kahihiyan ng Ehipto.” Kaya't ang pangalan ng lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[b] hanggang sa araw na ito.

10 Habang(B) ang mga anak ni Israel ay nagkakampo sa Gilgal ay kanilang isinagawa ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng buwan sa kinahapunan sa mga kapatagan ng Jerico.

11 Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa, nang araw ding iyon, kanilang kinain ang bunga ng lupain, ang mga tinapay na walang pampaalsa at ang sinangag na trigo.

12 At(C) ang manna ay huminto kinabukasan, pagkatapos na sila'y makakain ng bunga ng lupain; at hindi na nagkaroon pa ng manna ang mga anak ni Israel kundi kanilang kinain ang bunga ng lupain ng Canaan ng taong iyon.

Si Josue at ang Lalaking may Tabak

13 Nang si Josue ay nasa may Jerico, kanyang itinaas ang kanyang paningin at nakita niyang nakatayo ang isang lalaki sa tapat niya na may tabak sa kanyang kamay. Lumapit sa kanya si Josue at sinabi sa kanya, “Ikaw ba'y sa panig namin o sa aming mga kaaway?”

14 At kanyang sinabi, “Hindi; ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ng Panginoon.” At si Josue ay sumubsob sa lupa at sumamba, at sinabi sa kanya, “Anong ipinag-uutos ng aking panginoon sa kanyang lingkod?”

15 Sumagot ang pinuno ng hukbo ng Panginoon kay Josue, “Hubarin mo ang panyapak sa iyong paa, sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal.” At gayon ang ginawa ni Josue.

Sinakop ang Jerico

Ang Jerico nga ay ganap na nakasara dahil sa mga anak ni Israel, walang nakakalabas at walang nakakapasok.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tingnan mo, ibinigay ko na sa iyong kamay ang Jerico, ang hari nito at ang mga mandirigma.

Lilibutin ninyo ang buong lunsod, lahat ng mga lalaking mandirigma ay liligid na minsan sa lunsod. Gagawin ninyo ito sa loob ng anim na araw.

Ang pitong pari ay magdadala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban; at sa ikapitong araw ay inyong paliligiran ng pitong ulit ang bayan at hihipan ng mga pari ang mga tambuli.

Kapag hinipan na nila nang matagal ang sungay ng tupa, at kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli ay sisigaw nang malakas ang buong bayan. Ang pader ng lunsod ay guguho at ang buong bayan ay tuluy-tuloy na sasalakay.”

Kaya't tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa kanila, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan; pitong pari ang magdala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon.”

At kanyang sinabi sa bayan, “Sumulong kayo at lumakad sa palibot ng lunsod; at palakarin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng Panginoon.”

Nang makapagsalita na si Josue sa bayan, ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa harapan ng Panginoon ay lumakad na pasulong at hinipan ang mga tambuli; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sumunod sa kanila.

Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa mga pari na humihihip ng mga tambuli, at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban, habang ang mga tambuli ay patuloy na hinihipan.

10 At iniutos ni Josue sa bayan, “Huwag kayong sisigaw, ni maririnig ang inyong tinig, ni magsasalita ng anumang salita hanggang sa araw na aking sabihing kayo'y sumigaw; at saka lamang kayo sisigaw.”

11 Kaya't kanyang inilibot na minsan sa lunsod ang kaban ng Panginoon. Sila'y pumasok sa kampo at nagpalipas ng gabi doon.

12 Kinaumagahan, si Josue ay bumangong maaga, at binuhat ng mga pari ang kaban ng Panginoon.

13 Ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa ay lumakad na pasulong sa unahan ng kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli. Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa kanila; at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban ng Panginoon, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli.

14 Sa ikalawang araw ay minsan silang lumakad sa palibot ng lunsod at bumalik sila sa kampo. Gayon ang kanilang ginawa sa loob ng anim na araw.

15 At nangyari, nang ikapitong araw nang mag-uumaga na, sila'y maagang bumangon at pitong ulit silang lumakad sa palibot ng lunsod sa gayunding paraan. Nang araw lamang na iyon sila lumakad ng pitong ulit sa palibot ng lunsod.

16 Sa ikapitong ulit, nang hipan ng mga pari ang mga tambuli ay sinabi ni Josue sa bayan, “Sumigaw kayo; sapagkat ibinigay na ng Panginoon sa inyo ang lunsod.

17 Ang lunsod pati ang lahat na naroroon ay itatalaga sa Panginoon sa pagkawasak. Tanging si Rahab na upahang babae, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay ang mananatiling buháy sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ating isinugo.

18 Ngunit kayo, layuan ninyo ang mga itinalagang bagay; baka kapag naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo ng anuman sa itinalagang bagay. Sa gayo'y susumpain dahil sa inyo ang kampo ng Israel, at magkakaroon ng kaguluhan.

19 Ngunit lahat ng pilak, ginto, mga sisidlang tanso at bakal ay banal sa Panginoon; ang mga ito ay ipapasok sa kabang-yaman ng Panginoon.”

20 Kaya't(D) sumigaw ang bayan, at hinipan ang mga tambuli. Nang marinig ng bayan ang tunog ng tambuli, ang bayan ay sumigaw ng napakalakas. Ang pader ay gumuho, kaya't ang bayan ay lumusob sa lunsod, ang bawat lalaki ay tuluy-tuloy na pumasok at kanilang sinakop ang lunsod.

21 Kanilang lubos na pinuksa ng talim ng tabak ang lahat ng nasa lunsod, maging lalaki at babae, ang bata at matanda, ang baka, tupa, at asno.

22 At sinabi ni Josue sa dalawang lalaking naniktik sa lupain, “Pumasok kayo sa bahay ng upahang babae at ilabas ninyo roon ang babae at ang lahat niyang ari-arian gaya ng inyong ipinangako sa kanya.”

23 Kaya't ang mga binatang espiya ay pumasok at inilabas si Rahab, ang kanyang ama, ina, mga kapatid, at lahat ng kanyang ari-arian. Ang lahat niyang kamag-anak ay kanila ring inilabas at sila ay inilagay sa labas ng kampo ng Israel.

24 At kanilang sinunog ng apoy ang lunsod at ang lahat na naroroon; tanging ang pilak at ginto, mga sisidlang tanso at bakal ang kanilang ipinasok sa kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.

25 Ngunit(E) si Rahab na upahang babae, ang sambahayan ng kanyang ama, at ang lahat niyang ari-arian ay iniligtas ni Josue. Siya'y nanirahang kasama ng Israel hanggang sa araw na ito, sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ipinadala ni Josue upang maniktik sa Jerico.

26 Sumumpa(F) si Josue ng sumpa sa kanila nang panahong iyon, na sinasabi, “Sumpain sa harapan ng Panginoon ang taong magbabangon at muling magtatayo nitong lunsod ng Jerico. Sa halaga ng kanyang panganay ay ilalagay niya ang saligan nito at sa halaga ng kanyang bunsong lalaki ay itatayo niya ang mga pintuan nito.”

27 Kaya't ang Panginoon ay naging kasama ni Josue; at ang kanyang kabantugan ay lumaganap sa buong lupain.

Ang Kasalanan ni Acan

Ngunit ang mga anak ni Israel ay lumabag tungkol sa mga itinalagang bagay: si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda ay kumuha sa itinalagang bagay, at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa mga anak ni Israel.

Si Josue ay nagsugo ng mga lalaki mula sa Jerico patungo sa Ai na malapit sa Bet-haven, sa gawing silangan ng Bethel, at sinabi sa kanila, “Umahon kayo at tiktikan ninyo ang lupain.” At ang mga lalaki ay humayo at tiniktikan ang Ai.

At sila'y bumalik kay Josue at sinabi sa kanya, “Huwag mo nang paahunin ang buong bayan, kundi paahunin lamang ang dalawa o tatlong libong lalaki at salakayin ang Ai; huwag mo nang pagurin ang buong bayan, sapagkat sila'y kakaunti.”

Kaya't umahon mula sa bayan ang may tatlong libong lalaki; at sila'y nagtakbuhan sa harapan ng mga lalaki sa Ai.

Ang napatay sa kanila ng mga lalaki sa Ai ay may tatlumpu't anim na lalaki; at kanilang hinabol sila mula sa harapan ng pintuang-bayan hanggang sa Sebarim, at pinatay sila sa dakong pababa. At ang mga puso ng taong-bayan ay nanlumo at naging parang tubig.

Pagkatapos ay pinunit ni Josue ang kanyang mga suot, at nagpatirapa sa lupa sa harapan ng kaban ng Panginoon hanggang sa kinahapunan, siya at ang matatanda ng Israel; at nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo.

At sinabi ni Josue, “O Panginoong Diyos, bakit mo pa pinatawid ang bayang ito sa Jordan upang ibigay lamang kami at puksain ng kamay ng mga Amoreo? Sana'y nasiyahan na kaming nanirahan sa kabila ng Jordan!

O Panginoon, ano ang aking masasabi pagkatapos na ang Israel ay tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway!

Sapagkat mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng lahat na naninirahan sa lupain, at kami ay kukubkubin at tatanggalin ang aming pangalan sa lupa; at ano ang gagawin mo sa iyong dakilang pangalan?”

10 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tumayo ka; bakit ka nagpapatirapa ng ganito?

11 Ang Israel ay nagkasala at kanilang nilabag ang tipan na aking iniutos sa kanila. Sila'y kumuha sa mga itinalagang bagay, sila'y nagnakaw, nagsinungaling at inilagay ang mga iyon sa kanilang sariling dala-dalahan.

12 Kaya't ang mga anak ni Israel ay hindi makakatagal sa harapan ng kanilang mga kaaway; sila'y tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway sapagkat sila'y naging bagay para sa pagkawasak. Ako'y hindi na sasama sa inyo, malibang puksain ninyo ang mga itinalagang bagay sa gitna ninyo.

13 Tumayo ka, pakabanalin mo ang bayan, at sabihin mo, ‘Magpakabanal kayo sa kinabukasan; sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, “May mga itinalagang bagay sa gitna mo, O Israel. Ikaw ay hindi makakatagal sa harapan ng iyong mga kaaway, hanggang sa inyong alisin ang itinalagang bagay sa gitna ninyo.”

14 Sa kinaumagahan ay lalapit kayo ayon sa inyong mga lipi. Ang lipi na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga angkan, at ang angkan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga sambahayan, at ang sambahayan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit, bawat lalaki.

15 Ang makunan ng itinalagang bagay ay susunugin sa apoy, siya at ang lahat niyang ari-arian, sapagkat kanyang sinuway ang tipan ng Panginoon, at sapagkat siya'y gumawa ng kahihiyan sa Israel.’”

16 Kinaumagahan maagang bumangon si Josue, at inilapit ang Israel ayon sa kanilang mga lipi, at ang lipi ni Juda ay napili.

17 Kanyang inilapit ang angkan ni Juda at napili ang angkan ng mga Zeraita. Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa angkan ng mga Zeraita, at si Zabdi ay napili.

18 Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa kanyang sambahayan at si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda, ay napili.

19 At sinabi ni Josue kay Acan, “Anak ko, luwalhatiin mo ang Panginoong Diyos ng Israel, at magtapat ka sa kanya. Sabihin mo sa akin ngayon kung ano ang iyong ginawa; huwag mong ilihim iyon sa akin.”

20 Sumagot si Acan kay Josue, “Sa katotohanan ay nagkasala ako laban sa Panginoong Diyos ng Israel, at ganito ang aking ginawa.

21 Nang aking makita sa mga sinamsam ang isang magandang balabal na mula sa Shinar, ang dalawang daang siklong pilak, at ang isang barang ginto na limampung siklo ang timbang ay akin ngang ninasa, at kinuha. Ang mga iyon ay nakabaon sa lupa sa gitna ng aking tolda at ang pilak ay nasa ilalim niyon.”

22 Kaya't nagpadala si Josue ng mga sugo at kanilang tinakbo ang tolda at nakitang iyon ay nakatago sa kanyang tolda, at ang pilak ay nasa ilalim niyon.

23 Kanilang kinuha ang mga iyon palabas ng tolda at dinala kay Josue, at sa lahat ng mga anak ni Israel; at kanilang inilapag ang mga iyon sa harapan ng Panginoon.

24 Kinuha ni Josue at ng buong Israel na kasama niya si Acan na anak ni Zera, at ang pilak, balabal, barang ginto, ang kanyang mga anak na lalaki at babae, ang kanyang mga baka, mga asno, mga tupa, ang kanyang tolda, at ang lahat niyang ari-arian, at kanilang dinala sila sa libis ng Acor.

25 At sinabi ni Josue, “Bakit mo kami dinalhan ng kaguluhan? Dinadalhan ka ng Panginoon ng kaguluhan sa araw na ito.” At pinagbabato siya ng mga bato ng buong Israel at kanilang sinunog sila sa apoy.

26 Kanilang binuntunan siya ng mataas na bunton ng mga bato hanggang sa araw na ito; at ang Panginoon ay tumalikod sa bangis ng kanyang galit. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Libis ng Acor,[c] hanggang sa araw na ito.

Sinakop at Winasak ang Ai

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot, ni manlumo; isama mo ang lahat ng lalaking mandirigma. Umahon ka ngayon sa Ai. Tingnan mo, ibinigay ko sa iyong kamay ang hari ng Ai, ang kanyang sambahayan, ang kanyang lunsod, at ang kanyang lupain.

Iyong gagawin sa Ai at sa kanyang hari ang gaya ng iyong ginawa sa Jerico at sa hari niyon; tanging ang samsam at ang mga hayop nila ang iyong kukunin bilang samsam ninyo; tambangan mo ang bayan sa likuran.”

Kaya't humanda si Josue at ang lahat ng lalaking mandirigma upang umahon sa Ai. Pumili si Josue ng tatlumpung libong lalaking matatapang na mandirigma at sinugo sila kinagabihan.

At iniutos niya sa kanila, “Narito, tambangan ninyo ang lunsod sa likuran; huwag kayong masyadong lalayo sa lunsod kundi manatili kayong nakahanda.

Ako at ang buong bayan na kasama ko ay lalapit sa lunsod. Kapag sila'y lumabas laban sa amin gaya ng una ay tatakbuhan namin sila sa harap nila,

at sila'y lalabas upang kami ay habulin hanggang sa aming mailayo sila sa lunsod, sapagkat kanilang sasabihin, ‘Sila'y tumatakas sa harap natin na gaya ng una; kaya't tatakbuhan namin sila sa harap nila.

Pagkatapos, mula sa pananambang ay inyong sasakupin ang lunsod, sapagkat ibibigay ito ng Panginoon ninyong Diyos sa inyong kamay.

Kapag inyong nasakop ang lunsod ay inyong sisilaban ng apoy ang lunsod at gagawin ang ayon sa iniutos ng Panginoon. Narito, inuutusan ko kayo.”

Sila'y pinahayo ni Josue at sila'y pumunta sa dakong pagtatambangan at lumagay sa pagitan ng Bethel at ng Ai sa gawing kanluran ng Ai. Samantalang si Josue ay tumigil nang gabing iyon na kasama ng bayan.

10 Kinaumagahan, si Josue ay maagang bumangon at tinipon ang mga tao, at umahon patungo sa Ai kasama ang mga matanda ng Israel sa unahan ng bayan.

11 Ang buong bayan at ang lahat ng lalaking mandirigmang kasama niya ay umahon at lumapit sa harapan ng lunsod at nagkampo sa dakong hilaga ng Ai. Mayroong isang libis sa pagitan niya at ng Ai.

12 Kumuha siya ng may limang libong lalaki at sila'y inilagay niyang panambang sa pagitan ng Bethel at ng Ai, sa dakong kanluran ng lunsod.

13 Kaya't inilagay nila ang bayan, ang buong hukbo na nasa hilaga ng lunsod, at ang kanilang mga panambang sa kanluran ng lunsod. Ngunit pinalipas ni Josue ang gabing iyon sa libis.

14 Nang ito ay makita ng hari ng Ai, siya at ang kanyang buong bayan, at ang mga lalaki sa lunsod ay nagmamadaling lumabas upang labanan ang Israel sa itinakdang lugar sa harapan ng Araba. Ngunit hindi niya nalalaman na may mananambang laban sa kanya sa likuran ng lunsod.

15 Si Josue at ang buong Israel ay nagkunwaring nadaig sa harapan nila, at tumakbo sila patungo sa ilang.

16 Kaya't ang lahat ng mga tao na nasa loob ng lunsod ay tinawag upang habulin sila, at habang kanilang hinahabol sina Josue, sila ay napapalayo sa lunsod.

17 Walang lalaking naiwan sa Ai o sa Bethel na hindi lumabas upang habulin ang Israel. Kanilang iniwang bukas ang lunsod at hinabol ang Israel.

18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Itaas mo ang sibat na nasa iyong kamay sa dakong Ai sapagkat ibibigay ko iyon sa iyong kamay.” At itinaas ni Josue ang sibat na nasa kanyang kamay sa gawi ng lunsod.

19 Pagkaunat niya ng kanyang kamay, ang mga mananambang ay mabilis na tumayo sa kanilang kinalalagyan, at sila'y tumakbo at pumasok sa bayan at sinakop ito; at nagmamadali nilang sinunog ang lunsod.

20 Nang lumingon ang mga lalaki ng Ai sa likuran nila ay kanilang nakita na ang usok ng lunsod ay pumapailanglang sa langit. Wala silang kapangyarihan na makatakas sa daang ito o sa daang iyon; sapagkat ang bayan na tumakas patungo sa ilang ay bumaling sa mga humahabol.

21 Nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop ng mananambang ang lunsod at ang usok ng lunsod ay pumailanglang, sila ay muling bumalik at pinatay ang mga lalaki ng Ai.

22 Ang iba'y lumabas sa lunsod laban sa kanila, kaya't sila'y nasa gitna ng Israel, na ang iba'y sa dakong ito, at ang iba'y sa dakong iyon. Pinatay sila ng Israel, at hindi nila hinayaang sila'y mabuhay o makatakas.

23 Ngunit ang hari ng Ai ay hinuli nilang buháy at dinala kay Josue.

24 Pagkatapos mapatay ng Israel ang lahat ng mga naninirahan sa Ai, sa ilang na doon ay hinabol at nabuwal silang lahat sa pamamagitan ng talim ng tabak, ay bumalik ang buong Israel sa Ai at nilipol ito ng talim ng tabak.

25 Ang lahat ng nabuwal nang araw na iyon sa mga mamamayan ng Ai, maging lalaki o babae ay labindalawang libo.

26 Sapagkat hindi iniurong ni Josue ang kanyang kamay kundi ginamit ang sibat hanggang sa kanyang lubos na mapuksa ang lahat ng mga taga-Ai.

27 Tanging ang hayop at ang samsam sa lunsod na iyon ang kinuha ng Israel bilang samsam, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang iniutos kay Josue.

28 Kaya't sinunog ni Josue ang Ai, at ginawang isang bunton ng pagkawasak na naroon hanggang sa araw na ito.

29 At binitay niya ang hari ng Ai sa isang punungkahoy nang kinahapunan. Sa paglubog ng araw ay iniutos ni Josue na ibaba nila ang kanyang bangkay sa punungkahoy at ihagis sa pasukan ng pintuan ng lunsod. Iyon ay tinabunan ng malaking bunton ng mga bato na naroon hanggang sa araw na ito.

Binasa ang Kautusan sa Bundok ng Ebal

30 Pagkatapos(G) ay nagtayo si Josue sa bundok ng Ebal ng isang dambana para sa Panginoong Diyos ng Israel,

31 gaya(H) ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga anak ni Israel, gaya ng nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na isang dambanang mula sa hindi tinapyasang mga bato at hindi ginamitan ng kagamitang bakal ng sinumang tao. Doon ay naghandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog, at nag-alay ng mga handog pangkapayapaan.

32 Sumulat siya sa mga bato ng isang sipi ng kautusan ni Moises na kanyang sinulat sa harapan ng mga anak ni Israel.

33 At(I) ang buong Israel, maging dayuhan o katutubong mamamayan kasama ang kanilang matatanda at mga pinuno at ang kanilang mga hukom, ay tumayo sa magkabilang panig ng kaban at sa harapan ng mga paring Levita, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon. Ang kalahati sa kanila ay sa harapan ng bundok Gerizim at ang kalahati ay sa harapan ng bundok Ebal; gaya ng iniutos nang una ni Moises na lingkod ng Panginoon na kanilang basbasan ang bayan ng Israel.

34 Pagkatapos ay kanyang binasa ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan.

35 Walang salita sa lahat ng iniutos ni Moises na hindi binasa ni Josue sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, sa mga babae, mga bata, at mga dayuhang naninirahang kasama nila.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001