Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Apocalipsis 20-22

Ang Sanlibong Taon

20 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na hawak sa kanyang kamay ang susi ng di-matarok na kalaliman at ang isang malaking tanikala.

At(A) sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya ng isang libong taon,

at siya'y itinapon sa di-matarok na kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang hindi na niya madaya ang mga bansa, hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos nito, kailangang siya'y pawalan sa maikling panahon.

Nakakita(B) ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo kay Jesus, at dahil sa salita ng Diyos, at ang mga hindi sumamba sa halimaw, o sa kanyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.

Ang mga iba sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa natapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na muli.

Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na muli! Sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.

Ang Pagkagapi kay Satanas

At kung matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan,

at(C) lalabas upang dayain ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila para sa pakikipagdigma; ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.

Umakyat sila sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lunsod na minamahal; ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok.

10 At ang diyablo na dumaya sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng halimaw at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailanpaman.

Ang Paghuhukom

11 At(D) nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo roon; ang lupa at ang langit ay tumakas sa kanyang harapan at walang natagpuang lugar para sa kanila.

12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at binuksan ang mga aklat. Binuksan din ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat.

13 At iniluwa ng dagat ang mga patay na nasa kanya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang bawat tao ayon sa kanilang mga gawa.

14 Ang kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy;

15 at ang sinumang hindi natagpuang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.

Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa

21 At(E) nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na.

At(F) nakita ko ang banal na lunsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, na nakahanda na gaya ng isang babaing ikakasal na nagagayakan para sa kanyang asawa.

At(G) narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa trono na nagsasabi,

“Masdan ninyo, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao.
Siya'y maninirahang kasama nila,
at sila'y magiging bayan niya.
Ang Diyos mismo ay makakasama nila, at siya'y magiging Diyos nila.[a]
At(H) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata,
at hindi na magkakaroon ng kamatayan;
hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man,
sapagkat ang mga unang bagay ay lumipas na.”

At sinabi ng nakaupo sa trono, “Masdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at tunay.”

At(I) sinabi niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinumin nang walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.

Ang(J) magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako'y magiging Diyos niya at siya'y magiging anak ko.

Ngunit sa mga duwag, sa mga hindi nananampalataya, mga karumaldumal, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”

Ang Bagong Jerusalem

At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na punô ng pitong huling salot, at nagsalita sa akin na nagsasabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero.”

10 At(K) dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang banal na lunsod ng Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos,

11 na may kaluwalhatian ng Diyos, ang kanyang ningning ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng kristal.

12 Ito(L) ay mayroong isang malaki at mataas na pader, na may labindalawang pintuan, at sa mga pintuan ay may labindalawang anghel; at sa mga pintuan ay nakasulat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak ni Israel.

13 Sa silangan ay tatlong pintuan, sa hilaga ay tatlong pintuan, sa timog ay tatlong pintuan, at sa kanluran ay tatlong pintuan.

14 At ang pader ng lunsod ay may labindalawang saligan, at sa mga ito'y ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.

15 At(M) ang nakipag-usap sa akin ay may gintong panukat upang sukatin ang lunsod at ang mga pintuan at ang pader nito.

16 At ang pagkatayo ng lunsod ay parisukat, at ang kanyang haba ay gaya ng kanyang luwang, at sinukat niya ang lunsod ng kanyang panukat, labindalawang libong estadia.[b] Ang haba, luwang at ang taas nito ay magkakasukat.

17 Sinukat din niya ang pader nito, isandaan at apatnapu't apat na siko[c] ang taas, ayon sa sukat ng tao, na siyang ginagamit ng anghel.

18 Ang(N) malaking bahagi ng pader ay jaspe at ang lunsod ay dalisay na ginto, na tulad ng kristal.

19 Ang mga saligan ng pader ng lunsod ay ginagayakan ng sari-saring mahahalagang bato. Ang unang saligan ay jaspe, ang ikalawa ay safiro, ang ikatlo ay calcedonia, ang ikaapat ay esmeralda,

20 ang ikalima ay onix, ang ikaanim ay sardio, ang ikapito ay crisolito, ang ikawalo ay berilo, ang ikasiyam ay topacio, ang ikasampu ay crisopasio, ang ikalabing-isa ay jacinto, ang ikalabindalawa ay ametista.

21 At ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas, at bawat pinto ay yari sa isang perlas, at ang lansangan ng lunsod ay dalisay na ginto, na gaya ng naaaninag na salamin.

22 At hindi ako nakakita ng templo roon, sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang siyang templo roon.

23 At(O) ang lunsod ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang magbigay-liwanag sa kanya, sapagkat ang liwanag niya ay ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang ilaw doon ay ang Kordero.

24 Ang(P) mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito; at ang mga hari sa lupa ay magdadala ng kanilang karangalan sa kanya.

25 At(Q) ang mga pintuan niyon ay hindi isasara kailanman sa araw; sapagkat hindi magkakaroon doon ng gabi.

26 Dadalhin nila sa loob niyon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa;

27 at(R) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, o ang sinumang gumagawa ng karumaldumal o ng kasinungalingan, kundi sila lamang na nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.

Ang Ilog ng Buhay

22 At(S) ipinakita sa akin ng anghel[d] ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero

sa(T) gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay naroon ang punungkahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawat buwan; at ang mga dahon ng punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.

At(U) hindi na roon magkakaroon pa ng isinumpa. Ngunit ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan doon, at siya'y paglilingkuran ng kanyang mga alipin;

at makikita nila ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan ay masusulat sa kanilang mga noo.

Hindi(V) na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magbibigay-liwanag sa kanila, at sila'y maghahari magpakailanpaman.

Ang Pagdating ni Jesus

At sinabi niya sa akin, “Ang mga salitang ito'y tapat at tunay. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kanyang anghel upang ipakita sa kanyang mga alipin ang mga bagay na kailangang mangyari kaagad.

Ako'y malapit nang dumating![e] Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng propesiya ng aklat na ito.”

Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.

Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.”

10 At sinabi niya sa akin, “Huwag mong tatakan ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat malapit na ang panahon.

11 Ang(W) masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa.”

12 “Ako'y(X) malapit nang dumating[f] at dala ko ang aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa.

13 Ako(Y) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.”

14 Mapapalad(Z) ang naghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan.

15 Nasa labas ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.

16 “Akong(AA) si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”

17 Ang(AB) Espiritu at ang babaing ikakasal ay nagsasabi, “Halika.”
At ang nakikinig ay magsabi, “Halika.”
At ang nauuhaw ay pumarito,
ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.

Mga Babala at Basbas

18 Aking(AC) binabalaan ang bawat taong nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga ito, idaragdag sa kanya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito,

19 at kung ang sinuman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, aalisin ng Diyos ang kanyang bahagi sa punungkahoy ng buhay at sa banal na lunsod, na nakasulat sa aklat na ito.

20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, ako'y malapit nang dumating.”[g] Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus!

21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal. Amen.[h]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001