Beginning
Pagbati
1 Si(A) Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, kasama ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaia:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat sa Gitna ng Paghihirap
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kaawaan at Diyos ng lahat ng kaaliwan;
4 na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na inialiw sa atin ng Diyos.
5 Sapagkat kung paanong sumasagana sa atin ang mga pagdurusa ni Cristo, sa pamamagitan ni Cristo ay sumasagana rin sa atin ang kaaliwan.
6 Subalit kung kami man ay pinahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kung kami ay inaaliw, ito ay para sa inyong kaaliwan, na inyong dinanas kapag kayo'y matiyagang nagtitiis ng gayunding paghihirap na aming dinaranas.
7 Ang aming pag-asa tungkol sa inyo ay matatag, sapagkat nalalaman namin na habang kayo'y karamay sa aming pagdurusa, kayo ay karamay din sa aming kaaliwan.
8 Hindi(B) namin ibig na di ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa mga kapighatian na naranasan namin sa Asia, sapagkat lubha kaming nabigatan ng higit sa aming kaya, anupa't kami ay nawalan na ng pag-asang mabuhay.
9 Tunay na nadama namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.
10 Siya na nagligtas sa amin mula sa kakilakilabot na kamatayan at patuloy na magliligtas; sa kanya ay inilalagak namin ang ating pag-asa na muli niya kaming ililigtas.
11 Dapat din ninyo kaming tulungan sa pamamagitan ng panalangin upang marami ang magpasalamat alang-alang sa amin para sa pagpapalang ipinagkaloob sa amin bilang kasagutan sa maraming mga panalangin.
Pagbabago sa Paglalakbay ni Pablo
12 Sapagkat ang aming ipinagmamalaki ay ito, ang patotoo ng aming budhi; kami ay namuhay ng wasto sa sanlibutan, at lalo na sa inyo, na may kapayakan[a] at maka-Diyos na katapatan, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Diyos.
13 Sapagkat hindi kami sumusulat sa inyo ng ibang mga bagay kundi kung ano ang inyong mababasa at mauunawaan; umaasa ako na lubos ninyong mauunawaan hanggang sa wakas.
14 Gaya ng inyong bahagyang pagkakilala sa amin, na kami ay inyong maipagmalaki gaya ninyo na aming ipinagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.
15 Dahil sa pagtitiwalang ito, nais kong pumunta muna sa inyo, upang kayo'y magkaroon ng pangalawang biyaya.
16 Nais(C) kong dalawin kayo sa aking paglalakbay patungong Macedonia, at buhat sa Macedonia ay bumalik sa inyo, at nang matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungong Judea.
17 Ako kaya ay nag-aatubili nang naisin kong gawin ito? Ginagawa ko ba ang aking mga panukala na gaya ng taong makasanlibutan, na nagsasabi ng “Oo, oo” at gayundin ng “Hindi, hindi?”
18 Ngunit kung paanong ang Diyos ay tapat, ang aming sinasabi sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.”
19 Sapagkat(D) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral namin sa inyo sa pamamagitan ko, ni Silvano at ni Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ay palaging “Oo.”
20 Sapagkat ang lahat ng mga pangako ng Diyos sa kanya ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay aming sinasambit ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos.
21 Subalit ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid[b] sa amin ay ang Diyos,
22 inilagay rin niya ang kanyang tatak sa amin, at ibinigay sa amin ang Espiritu sa aming mga puso bilang paunang bayad.
23 Subalit tinatawagan ko ang Diyos upang sumaksi laban sa akin; upang hindi kayo madamay, hindi na ako muling pumunta sa Corinto.
24 Hindi sa nais naming maging panginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga kamanggagawa ninyo para sa inyong kagalakan, sapagkat kayo'y nakatayong matatag sa inyong pananampalataya.
2 Sapagkat ipinasiya ko sa aking sarili, na hindi na ako muling paririyan sa inyo na may malungkot na pagdalaw.
2 Sapagkat kung kayo'y palungkutin ko, sino ang magpapagalak sa akin, kundi iyong pinalungkot ko?
3 At aking isinulat ang bagay na ito, upang pagdating ko ay huwag akong magkaroon ng kalungkutan mula doon sa mga nararapat magpagalak sa akin, sapagkat nakakatiyak ako sa inyong lahat na ang aking kagalakan ay magiging kagalakan ninyong lahat.
4 Sapagkat mula sa maraming kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo'y maging malungkot kundi upang inyong malaman ang masaganang pag-ibig na taglay ko para sa inyo.
Pagpapatawad sa Nagkasala
5 Subalit kung ang sinuman ay nakapagdulot ng kalungkutan, hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa isang paraan ay kayong lahat, upang huwag akong maging lubhang maghigpit sa inyong lahat.
6 Para sa gayong tao, ang kaparusahang ito ng nakararami ay sapat na.
7 Bagkus, inyong patawarin siya at aliwin, baka siya ay madaig ng labis na kalungkutan.
8 Kaya't ako'y nakikiusap sa inyo na papagtibayin ninyo ang inyong pag-ibig sa kanya.
9 Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako sumulat, upang aking masubok kayo at malaman kung kayo'y masunurin sa lahat ng mga bagay.
10 Ang inyong pinatatawad ay ipinatatawad ko rin. Ang aking pinatawad, kung ako'y nagpapatawad ay alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo.
11 At ito ay aming ginagawa upang huwag kaming malamangan ni Satanas, sapagkat kami ay hindi mangmang tungkol sa kanyang mga balak.
Pangamba ni Pablo sa Troas
12 Nang(E) ako'y dumating sa Troas upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo, may pintong nabuksan para sa akin sa Panginoon,
13 subalit ang aking isipan ay hindi mapalagay, sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na aking kapatid. Kaya't ako'y nagpaalam sa kanila at nagtungo sa Macedonia.
Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo
14 Subalit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako.
15 Sapagkat kami ang mabangong samyo ni Cristo sa Diyos sa mga iniligtas at sa mga napapahamak;
16 sa isa ay samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan, at sa iba ay samyong mula sa buhay tungo sa buhay. At sino ang sapat para sa mga bagay na ito?
17 Sapagkat kami ay hindi gaya ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos, kundi bilang mga taong tapat, bilang inatasan ng Diyos sa harapan ng Diyos ay nagsasalita kami para kay Cristo.
Mga Lingkod ng Bagong Tipan
3 Magsisimula ba kaming muli na purihin ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri sa inyo, o mula sa inyo?
2 Kayo mismo ang aming sulat na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao:
3 ipinapakita(F) ninyo na kayo'y sulat ni Cristo na iniingatan namin, isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas ng bato kundi sa mga tapyas ng puso ng tao.
4 Gayon ang pagtitiwalang taglay namin sa pamamagitan ni Cristo tungo sa Diyos.
5 Hindi sa kami ay may kakayahan mula sa aming sarili upang angkinin ang anuman na nagmula sa amin, kundi ang aming kakayahan ay mula sa Diyos;
6 na(G) ginawa kaming may kakayahan na maging mga lingkod ng bagong tipan, hindi ng titik, kundi ng Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.
7 Ngunit(H) kung ang pangangasiwa[c] ng kamatayan na nasusulat at nakaukit sa mga bato ay may kaluwalhatian, anupa't ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kanyang mukha, na ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas,
8 paanong ang pangangasiwa[d] ng Espiritu ay hindi lalong magkakaroon ng kaluwalhatian?
9 Sapagkat kung ang pangangasiwa[e] ng kahatulan ay may kaluwalhatian, ang pangangasiwa ng katuwiran ay lalong may higit na kaluwalhatian.
10 Tunay na sa ganitong kalagayan, ang dating may kaluwalhatian ay nawalan ng kanyang kaluwalhatian, dahil sa kaluwalhatiang nakahihigit dito.
11 Sapagkat kung ang bagay na lumilipas ay may kaluwalhatian, ang nananatili ay may higit pang kaluwalhatian.
12 Yamang kami ay mayroong gayong pag-asa, kami ay kumikilos na may malaking katapangan,
13 hindi(I) gaya ni Moises, na naglagay ng talukbong sa kanyang mukha upang hindi makita ng mga anak ni Israel ang katapusan ng bagay na lumilipas.
14 Subalit ang kanilang mga pag-iisip ay tumigas, sapagkat hanggang sa araw na ito, kapag kanilang binabasa ang lumang tipan, ang dating talukbong ay nananatiling hindi itinataas, sapagkat tanging sa pamamagitan ni Cristo ito inaalis.
15 Subalit hanggang sa araw na ito, tuwing binabasa ang kautusan ni Moises,[f] may isang talukbong na nakatakip sa kanilang puso.
16 Ngunit(J) kapag ang isang tao ay bumabaling sa Panginoon, ang talukbong ay naaalis.
17 Ngayon, ang Panginoon ay siyang Espiritu, at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, mayroong kalayaan.
18 At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu.
Kayamanan sa Sisidlang-lupa
4 Dahil dito, sa pagkakaroon namin ng ministeryong ito sa pamamagitan ng aming tinanggap na habag, kami ay hindi pinanghihinaan ng loob.
2 Kundi itinatakuwil namin ang mga kahiyahiyang bagay na nakatago. Kami ay tumatangging gumawa ng katusuhan o gamitin sa pandaraya ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay ipinapakilala namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa harapan ng Diyos.
3 At kahit ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay may talukbong lamang sa mga napapahamak.
4 Sa kanilang kalagayan, binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi mananampalataya, upang huwag nilang makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos.
5 Sapagkat hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami ay inyong mga lingkod dahil kay Cristo.
6 Sapagkat(K) ang Diyos ang nagsabi, “Magningning ang ilaw sa kadiliman,” na siyang tumatanglaw sa aming mga puso upang magbigay-liwanag sa pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo.
7 Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ipakita na ang nag-uumapaw na kapangyarihan ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin.
8 Sa bawat panig ay pinagmamalupitan kami, subalit hindi nadudurog, nililito subalit hindi nawawalan ng pag-asa;
9 pinag-uusig, subalit hindi pinababayaan; inilulugmok, subalit hindi napupuksa;
10 na laging tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan.
11 Sapagkat habang nabubuhay, kami ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag sa aming laman na may kamatayan.
12 Kaya't ang kamatayan ay gumagawa sa amin, subalit ang buhay ay sa inyo.
13 Yamang(L) tayo ay mayroong parehong espiritu ng pananampalataya, na ayon sa bagay na nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” kami rin ay sumasampalataya, kaya't kami ay nagsasalita;
14 na aming nalalaman na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan.
15 Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo, upang ang biyaya, habang parami nang parami ang mga taong naaabot nito, ay magparami ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Pamumuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw.
17 Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian,
18 sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001