Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Apocalipsis 1-3

Pambungad

Ang apocalipsis ni Jesu-Cristo, na ibinigay ng Diyos sa kanya upang ipahayag sa kanyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari sa madaling panahon, at kanyang ipinaalam ito sa pamamagitan ng mga sagisag at pagsusugo ng kanyang anghel sa kanyang aliping si Juan,

na siyang sumaksi sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesu-Cristo, sa lahat ng bagay na nakita niya.

Mapalad ang bumabasa at ang nakikinig ng mga salita ng propesiya at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito, sapagkat ang panahon ay malapit na.

Pagbati sa Pitong Iglesya

Si(A) Juan sa pitong iglesya na nasa Asia:

Biyaya ang sumainyo at kapayapaang mula sa kanya na siyang ngayon, ang nakaraan at ang darating; at mula sa pitong espiritu na nasa harapan ng kanyang trono;

at(B) mula kay Jesu-Cristo na siyang saksing tapat, ang panganay mula sa mga patay, at ang pinuno ng mga hari sa lupa.

Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo;

at(C) ginawa tayong kaharian, mga pari sa kanyang Diyos at Ama; sumakanya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailanpaman. Amen.

Tingnan ninyo,(D) siya'y dumarating na nasa mga ulap;
    at makikita siya ng bawat mata,
at ng mga umulos sa kanya;
    at ang lahat ng mga lipi sa lupa ay tatangis dahil sa kanya.

Gayon nga. Amen.

“Ako(E) ang Alpha at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos, na siyang ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan sa lahat.

Si Cristo sa Isang Pangitain

Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus ay nasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus.

10 Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na tulad sa isang trumpeta,

11 na nagsasabi, “Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesya, sa Efeso, sa Smirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardis, sa Filadelfia, at sa Laodicea.”

12 Ako'y lumingon upang makita kung kanino ang tinig na nagsasalita sa akin. At sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong ilawan,

13 at(F) sa gitna ng mga ilawan ay may isang katulad ng isang Anak ng Tao, na may suot na damit na hanggang sa paa, at may gintong bigkis sa kanyang dibdib.

14 At(G) (H) ang kanyang ulo at ang kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibo ng tupa, gaya ng niebe; at ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy;

15 at(I) ang kanyang mga paa ay katulad ng tansong pinakintab, na parang dinalisay sa isang pugon; at ang kanyang tinig ay gaya ng ingay ng maraming tubig.

16 Sa kanyang kanang kamay ay may pitong bituin at mula sa kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw na matinding sumisikat.

17 Nang(J) siya'y aking makita, ako'y parang patay na bumagsak sa kanyang paanan. Ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay, na sinasabi, “Huwag kang matakot; ako ang una at ang huli,

18 at ang nabubuhay. Ako'y namatay, at tingnan mo, ako'y nabubuhay magpakailanpaman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.

19 Kaya't isulat mo ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari pagkatapos ng mga bagay na ito.

20 Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ang pitong gintong ilawan; ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya; at ang pitong ilawan ay ang pitong iglesya.

Ang Mensahe sa Efeso

“Sa anghel ng iglesya sa Efeso ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay, na lumalakad sa gitna ng pitong gintong ilawan.

“Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong paggawa at pagtitiyaga, at hindi mo mapagtiisan ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagsasabing sila'y mga apostol, ngunit sila'y hindi gayon, at natuklasan mo silang pawang mga sinungaling.

Alam ko ring ikaw ay may pagtitiis at nagsikap ka dahil sa aking pangalan, at hindi ka napagod.

Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: iniwan mo ang iyong unang pag-ibig.

Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, magsisi ka at gawin mo ang mga bagay na ginawa mo noong una. Kung hindi, darating ako sa iyo at aalisin ko ang iyong ilawan mula sa kinalalagyan nito, malibang magsisi ka.

Ngunit ito ang mabuti na nasa iyo: kinapopootan mo ang mga gawa ng mga Nicolaita na kinapopootan ko rin.

Ang(K) may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay siya kong pakakainin sa punungkahoy ng buhay na nasa paraiso ng Diyos.

Ang Mensahe sa Smirna

“At(L) sa anghel ng iglesya sa Smirna ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng una at ng huli, na namatay at muling nabuhay.

“Alam ko ang iyong kapighatian, at ang iyong karalitaan, ngunit ikaw ay mayaman. Alam ko ang paninirang-puri ng mga nagsasabing sila'y mga Judio ngunit hindi naman, kundi sila ay isang sinagoga ni Satanas.

10 Huwag mong katakutan ang mga bagay na malapit mo nang danasin. Malapit nang ikulong ng diyablo ang ilan sa inyo, upang kayo'y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatian sa loob ng sampung araw. Maging tapat ka hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.

11 Ang(M) may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay hindi masasaktan ng ikalawang kamatayan.

Ang Mensahe sa Pergamo

12 “At sa anghel ng iglesya sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim.

13 “Alam ko kung saan ka naninirahan, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Ngunit iniingatan mong mabuti ang aking pangalan, at hindi mo ipinagkaila ang pananampalataya mo sa akin,[a] kahit nang mga araw ni Antipas na aking tapat na saksi, na pinatay sa gitna ninyo, kung saan nakatira si Satanas.

14 Subalit(N) mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo: sapagkat mayroon ka diyang ilan na sumusunod[b] sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balak na maglagay ng katitisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang kumain sila ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan at upang makiapid.

15 Gayundin naman, mayroon kang ilan na sumusunod[c] sa aral ng mga Nicolaita.

16 Kaya't magsisi ka. Kung hindi, madali akong darating sa iyo, at didigmain ko sila ng tabak ng aking bibig.

17 Ang(O) may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong mana, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa ibabaw ng bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap.

Ang Mensahe sa Tiatira

18 “At sa anghel ng iglesya sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Diyos, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kanyang mga paa ay gaya ng tansong pinakintab.

19 “Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong pag-ibig, pananampalataya, paglilingkod at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kaysa mga una.

20 Ngunit(P) ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na tinatawag ang kanyang sarili na propeta at kanyang tinuturuan at nililinlang ang aking mga lingkod[d] upang makiapid at kumain ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan.

21 Binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; ngunit ayaw niyang magsisi sa kanyang pakikiapid.

22 Akin siyang iniraratay sa higaan at ang mga nakikiapid sa kanya ay ihahagis ko sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisi sa kanyang mga gawa.

23 Papatayin(Q) ko ng salot ang kanyang mga anak. At malalaman ng lahat ng mga iglesya na ako ang sumisiyasat ng mga pag-iisip at ng mga puso, at bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa.

24 Subalit sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa mga hindi nagtataglay ng aral na ito, sa mga hindi natuto ng gaya ng sinasabi ng iba ‘na mga malalalim na bagay ni Satanas,’ hindi ako naglalagay sa inyo ng ibang pabigat.

25 Gayunma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y dumating.

26 Sa(R) bawat nagtatagumpay at tumutupad ng aking mga gawa hanggang sa wakas,

ay bibigyan ko ng pamamahala sa mga bansa;
27 at sila'y pangungunahan niya sa pamamagitan ng isang pamalong bakal,
    gaya ng pagkadurog ng mga palayok,

28 kung paanong tumanggap din ako ng kapangyarihan mula sa aking Ama; ay ibibigay ko sa kanya ang tala sa umaga.

29 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe sa Sardis

“At sa anghel ng iglesya sa Sardis ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may pitong Espiritu ng Diyos at may pitong bituin:

“Alam ko ang iyong mga gawa, sa pangalan ikaw ay nabubuhay, ngunit ikaw ay patay.

Gumising ka, at palakasin mo ang mga bagay na natitira, na malapit nang mamatay, sapagkat hindi ko natagpuang ganap ang iyong mga gawa sa harapan ng aking Diyos.

Kaya't(S) alalahanin mo kung paano mo ito tinanggap at narinig; tuparin mo ito at magsisi ka. Kaya't kung hindi ka gigising, darating akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong oras ako darating sa iyo.

Ngunit mayroon ka pang ilan sa Sardis[e] na hindi dinungisan ang kanilang mga damit; at sila'y kasama kong lalakad na nakaputi, sapagkat sila'y karapat-dapat.

Ang(T) magtagumpay ay bibihisang gayon ng mapuputing damit; at hindi ko kailanman papawiin ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay. At ipahahayag ko ang kanyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kanyang mga anghel.

Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe sa Filadelfia

“At(U) sa anghel ng iglesya sa Filadelfia ay isulat mo:

“Ang mga bagay na ito ang sinasabi ng banal, ng totoo,
    na may susi ni David,
    na nagbubukas at hindi maisasara ng sinuman, na nagsasara at walang makakapagbukas.

“Alam ko ang iyong mga gawa. Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintong bukas, na hindi maisasara ng sinuman. Alam kong ikaw ay may kaunting kapangyarihan, ngunit tinupad mo ang aking salita, at hindi mo itinakuwil ang aking pangalan.

Ibinibigay(V) ko sa mga sinagoga ni Satanas na nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nagsisinungaling: sila'y aking papupuntahin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at malalaman nilang ikaw ay aking inibig.

10 Sapagkat tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa oras ng pagsubok na darating sa buong daigdig, upang subukin ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.

11 Ako'y dumarating na madali; panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang walang makaagaw ng iyong korona.

12 Ang(W) magtagumpay ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa roon, at isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem, na bumababa buhat sa langit, mula sa aking Diyos, at ang aking sariling bagong pangalan.

13 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.

Ang Mensahe sa Laodicea

14 “At(X) sa anghel ng iglesya sa Laodicea ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Amen, ng saksing tapat at totoo, nang pasimula ng paglalang ng Diyos:

15 “Alam ko ang iyong mga gawa; ikaw ay hindi malamig o mainit man. Ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit.

16 Kaya, dahil ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita mula sa aking bibig.

17 Sapagkat sinasabi mo, ‘Ako'y mayaman, at naging mariwasa at hindi ako nangangailangan ng anuman.’ Hindi mo nalalamang ikaw ay aba, kahabag-habag, maralita, bulag at hubad.

18 Ipinapayo ko sa iyo na bumili ka sa akin ng gintong dinalisay ng apoy upang ikaw ay yumaman, at ng mapuputing damit upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran, at ng pampahid na ilalagay sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita.

19 Ang(Y) lahat na aking iniibig ay aking sinasaway at dinidisiplina. Ikaw nga'y magsikap, at magsisi.

20 Makinig ka! Ako'y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at buksan ang pinto, ako'y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo ko.

21 Ang magtagumpay ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, gaya ko naman na nagtagumpay at umupong kasama ng aking Ama sa kanyang trono.

22 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001