Beginning
Ang Templo'y Muling Napuno ng Kaluwalhatian ni Yahweh
43 Dinala ako ng lalaki sa tarangkahan sa gawing silangan. 2 Doon,(A) nakita kong dumarating mula sa silangan ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, parang dagundong ng malaking baha. Nagliwanag ang lupa dahil sa kaluwalhatiang yaon. 3 Ang pangitaing ito ay tulad ng nakita ko nang wasakin ang Jerusalem. Tulad din ito noong nakita ko sa Ilog Kebar. At ako'y dumapa sa lupa. 4 Ang nakakasilaw na liwanag ay nagdaan sa pintuan sa silangan at pumasok sa templo. 5 Itinayo ako ng Espiritu at ipinasok sa patyo sa loob. Nakita kong ang buong templo'y punung-puno ng kaluwalhatian ni Yahweh.
6 Magkatabi kaming nakatayo noong lalaki. Maya-maya, may narinig akong nagsasalita sa akin mula sa templo. 7 Ang sabi, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang aking trono, at ito ang tuntungan ng aking mga paa. Ito ang magiging tahanan ko sa aking paninirahan sa gitna ng Israel. Ang pangalan ko'y di na nila lalapastanganin, ni ng kanilang mga hari, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosan at sa kanilang mga yumaong hari. 8 Ang pintuan nila at ang aking pintuan ay may pagitan lamang na isang pader. Nilapastangan nila ang aking pangalan sa pamamagitan ng kasuklam-suklam nilang gawain kaya nilipol ko sila. 9 At ngayo'y titigil na sila sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa yumao nilang mga hari. Kaya, maninirahan ako sa gitna nila habang panahon.”
10 Sinabi ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ipaliwanag mo sa sambahayan ni Israel ang kaayusan ng templong ito upang mahiya sila sa kanilang kasamaan. 11 Kung magkagayon, ilarawan mong mabuti sa kanila ang kabuuan ng templo: ang kaayusan, pasukan at labasan. Ipaliwanag mo sa kanila at isulat pagkatapos ang mga tuntunin at kautusan tungkol dito upang ito'y masunod nilang mabuti. 12 Ito ang tuntunin tungkol sa templo. Lahat ng lugar sa paligid nito sa tuktok ng bundok ay aariin ninyong kabanal-banalan.”
Ang Altar
13 Ito(B) ang sukat ng altar: Ang patungan sa lupa ay may kalahating metro ang lalim, gayon din ang lapad. Ang paligid nito'y lalagyan ng moldeng 0.3 metro ang lapad. Ang taas naman 14 mula sa patungan ay isang metro hanggang sa unang pasamano, at kalahating metro ang lapad. Mula sa maliit hanggang sa malaking pasamano ay dalawang metro pataas, at kalahating metro ang lapad. 15 Ang taas ng bahagi ng altar na sunugan ng mga handog ay dalawang metro. Ang pinakasungay nito sa apat na sulok ay mataas kaysa altar. 16 Ang altar ay parisukat: anim na metro ang luwang, gayon din ang haba. 17 Parisukat din ang panggitnang bahagi: pitong metro ang haba, gayon din ang luwang. Ito'y paliligiran ng molde na 0.3 metro ang lapad. Ang lapad ng pinakaalulod ay kalahating metro. Ang hagdan ng altar ay nasa gawing silangan.
Ang Pagtatalaga sa Altar
18 Sinabi(C) sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang tuntuning ipinapasabi ko tungkol sa altar. Kapag ito'y yari na, itatalaga mo ito sa pamamagitan ng pagsusunog ng mga handog at pagwiwisik ng dugo ng mga hayop na inihandog. 19 Ang mga paring Levita lamang na mula sa sambahayan ni Zadok ang makakapaglingkod sa akin. Akong si Yahweh ang nag-uutos. Bibigyan mo sila ng isang torong panghandog para sa kasalanan. 20 Kukuha ka ng dugo nito upang ipahid sa apat na sungay ng altar, sa apat na sulok ng panggitnang bahagi, at sa gilid. Sa ganito mo lilinisin at itatalaga ang altar. 21 Ang panghandog na ito para sa kasalanan ay susunugin sa isang tanging lugar sa labas ng templo. 22 Kinabukasan, isang kambing na lalaki at walang kapintasan naman ang inyong ihahandog; lilinisin din ang templo sa paraang ginawa nang ihandog ang toro. 23 Pagkalinis ng altar, maghahandog kayo ng isang toro at isang lalaking tupa, parehong walang kapintasan. 24 Ang mga ito'y ihahandog ninyo sa akin; aasnan muna ito ng mga pari bago sunugin bilang handog. 25 Pitong araw kayong maghahandog; araw-araw, isang lalaking kambing, tupa at baka na parehong walang kapintasan. 26 Pitong araw ninyong lilinisin ang altar upang ganap itong maitalaga sa akin. 27 Sa ikawalong araw, ang inyong handog na susunugin at handog na pagkain ay maaari na ninyong ihain sa altar. Sa gayon, ako'y malulugod sa inyong lahat. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Ang Tuntunin tungkol sa Pintuan sa Gawing Silangan
44 Lumabas kami sa pinto ng templo, sa pinto sa gawing silangan. Pagkalabas namin, sumara ito nang kusa. 2 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mananatiling nakasara ang pintong ito. Walang dadaan dito sapagkat ito'y dinaanan ni Yahweh. 3 Ang pinuno lamang ng Israel ang maaaring kumain sa hapag ni Yahweh; siya ay papasok sa tarangkahan patungo sa gawing dulo; doon din siya lalabas.”
Ang mga Tuntunin sa Pagpasok sa Altar
4 Dinala ako ng lalaki sa may pintuan sa gawing hilaga, sa may harap ng templo, at nakita kong ito'y nagliliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ako'y sumubsob sa lupa. 5 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, pakinggan mo at tandaang mabuti itong mga tuntuning sasabihin ko sa iyo tungkol sa templo ni Yahweh. Tandaan mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok dito at ang hindi. 6 Sabihin mo sa sambahayang yaon na matigas ang ulo, sa sambahayan ni Israel: Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Diyos: Sambahayan ni Israel, tigilan na ninyo ang kasuklam-suklam ninyong gawain. 7 Ang mga dayuhan, mga taong may maruruming puso at isipan ay pinahihintulutan ninyong pumasok sa aking templo; sa gayo'y nasasalaula ito. Nangyayari ito sa inyong paghahandog sa akin ng pagkain, taba at dugo. Sinira ninyo ang aking tipan sa pamamagitan ng inyong kasuklam-suklam na gawain. 8 Sa halip na kayo ang mangalaga sa mga bagay na itinalaga sa akin, ipinaubaya ninyo sa ibang tao.
9 “Mula ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo na walang taga-ibang bayang may maruming puso at hindi tuli ang maaaring pumasok sa aking templo, kahit na ang mga ito'y kasamang namamahay ng mga Israelita. 10 Ang mga Levita na tumalikod sa akin at nalulong sa pagsamba sa diyus-diyosan ay paparusahan ko. 11 Gayunman, sila pa rin ang maglilingkod sa aking templo at magbabantay sa mga pintuan nito. Sila pa rin ang gagawa ng mga dapat gawin sa loob ng templo. Sila rin ang magpapatay at maghahandog ng mga haing susunugin ng mga mamamayan, at maglilingkod sa akin para sa mga tao. 12 Ang mga paring ito ay naglingkod sa mga diyus-diyosan, anupa't naging dahilan ng kasamaan ng sambahayan ng Israel, kaya naman isinusumpa kong sila'y aking paparusahan. 13 Hindi sila makakalapit sa akin, ni makakapaglingkod bilang mga pari. Hindi rin sila maaaring lumapit sa mga dakong itinalaga sa akin. Sa gayon, malalagay sila sa kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain. 14 Gagawin ko na lamang silang katulong sa ibang gawain sa loob ng templo.”
Ang mga Pari
15 “Ang mga paring Levita lamang na mula sa angkan ni Zadok ang maaaring lumapit sa akin at maglingkod nang tuwiran, sapagkat sila ang patuloy na nangalaga sa aking templo nang talikuran ako ng Israel. Kaya naman, sila lamang ang maaaring maghandog sa akin ng pagkain, taba at dugo,” sabi ni Yahweh. 16 “Sila lamang ang papasok sa aking templo at lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at magsakatuparan ng aking iniuutos. 17 Telang(D) lino ang kasuotan nila pagpasok pa lamang sa patyo. Huwag silang magsusuot ng anumang yari sa lana habang sila'y naglilingkod sa loob ng patyong ito. 18 Telang lino rin ang gagamitin nilang turbante, gayon din ang salawal. Huwag silang magbibigkis para hindi sila pawisan. 19 Bago(E) sila humarap sa mga tao sa patyo sa labas, huhubarin muna nila ang kasuotan sa paglilingkod sa Diyos. Itatago ito sa sagradong silid, saka magbibihis ng iba upang ang kabanalan ng kasuotang iyon ay hindi makapinsala sa mga mamamayan. 20 Huwag(F) silang magpapakalbo ngunit huwag namang gaanong magpapahaba ng buhok; ito ay kanilang gugupitin sa katamtamang haba. 21 Huwag(G) silang iinom ng alak kung sila ay papasok sa patyo sa loob. 22 Huwag(H) silang mag-aasawa ng babaing pinalayas at hiniwalayan ng asawa, ni sa balo liban na lamang kung balo ng isa ring pari. Ang kukunin nilang asawa ay isang Israelitang hindi pa nasisipingan o kaya'y balo ng kapwa nila pari. 23 Ituturo(I) nila sa mga tao kung ano ang pagkakaiba ng itinalaga kay Yahweh at ng hindi. Ituturo rin nila kung paano ang pagkilala sa malinis at sa marumi ayon sa tuntunin. 24 Kung may hidwaan ang mga mamamayan, sila ang hahatol ayon sa kanilang kaalaman sa usapin. Isasagawa nila sa takdang panahon ang lahat ng aking mga tuntunin at Kautusan. Patuloy rin nilang susundin ang mga tuntunin ukol sa Araw ng Pamamahinga. 25 Huwag(J) silang lalapit sa kaninumang bangkay liban sa ama, ina, kapatid na lalaki o kapatid na dalaga, upang hindi sila ituring na marumi ayon sa Kautusan. 26 Pagkatapos niyang isagawa ang tuntunin ng paglilinis makaraang marumihan siya ng bangkay, bibilang pa siya ng pitong araw bago ibilang na malinis ayon sa Kautusan. 27 At pagpasok niya sa patyo sa loob upang maglingkod sa Banal na Dako, maghahandog siya ng kanyang handog para siya luminis at makapaglingkod muli sa templo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
28 “Ang(K) mga pari ay hindi kasama sa partihan sa lupain; ako mismo ang kanilang pinakamana. Hindi sila bibigyan ng anumang ari-arian sa Israel, ako ang kanilang pinakabahagi. 29 Ang(L) ikabubuhay nila ay ang handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pambayad ng kasalanan. Tatanggap sila mula sa lahat ng handog na iniaalay ng mga Israelita sa akin. 30 Ang pinakamainam sa mga unang bunga at lahat ng handog ng Israel ay mauukol sa mga pari, gayon din ang pinakamasarap ninyong pagkain. Sa gayon, patuloy ko kayong pagpapalain. 31 Ang(M) mga pari ay hindi kakain ng anumang hayop o ibon na kusang namatay o nilapa ng mailap na hayop.”
Tuntunin tungkol sa Partihan ng Lupain
45 Sa paghahati ninyo ng lupain, magbubukod kayo ng isang bahagi para kay Yahweh. Ito ang sukat ng inyong ibubukod: 12.5 kilometro ang haba, at 10 kilometro naman ang luwang. 2 Susukat kayo rito ng 250 metro parisukat para tayuan ng templo at ang paligid ay lalagyan ng patyong dalawampu't limang metro ang luwang. 3 Para sa Dakong Kabanal-banalan, susukat kayo ng 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang. 4 Ito ang pinakatanging lugar ng lupain at siyang mauukol sa mga paring maglilingkod sa templo, sa harapan ni Yahweh; ito ang magiging tirahan nila at tayuan ng templo. 5 Isa pang lote na 12.5 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para naman sa mga paring maglilingkod sa kabuuan ng templo.
6 Karatig ng bahaging itinalaga para sa akin, mag-iiwan kayo ng isang lote na 12.5 kilometro ang haba at 2.5 kilometro naman ang luwang. Ito ay para sa lahat ng Israelita.
Ang Lupain Ukol sa Pinuno ng Israel
7 Sa pinuno ng Israel, ang iuukol ay ang karatig ng bahaging itinangi kay Yahweh. Ang nasa gawing kanluran ay sagad sa Dagat Mediteraneo, at ang sa gawing silangan ay abot sa ilog. Ito ay magkakasinlaki ng kaparte ng bawat lipi. 8 Ito ay para sa kanila at nang hindi na nila apihin ang iba pang lipi ng Israel.
Ang mga Tuntunin para sa Pinuno
9 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Mga pinuno ng Israel, tigilan na ninyo ang karahasan at pang-aapi sa aking bayan. Sa halip, pairalin ninyo ang katarungan at ang katuwiran. Tigilan na ninyo ang pangangamkam sa lupain ng aking bayan.
10 “Ang(N) inyong timbangan, sukatan ng harina, at kiluhan ay kailangang maaayos, walang daya, at husto sa sukat. 11 Ang panukat na ginagamit sa mga harina at ang panukat na ginagamit sa langis ay kailangang pareho ang sukat, tig-ikasampung bahagi ng isang malaking sisidlan;[a] ang malaking sisidlan naman ay ang pamantayan ng sukat. 12 Ang takalang siklo ay katumbas ng labindalawang gramo. Ang inyong mina ay katumbas ng animnapung siklo.
13 “Ito naman ang inyong ihahandog: 1/60 na bahagi ng lahat ng inyong inaning trigo at gayundin sa sebada, 14 1/100 na bahagi sa lahat ng inyong nagawang langis. (Ang panukat na gagamitin sa harina at langis ay parehong tig-isang bahagi ng malaking sisidlan.) 15 Sa tupa naman ay isa sa bawat dalawandaan. Ito ang inyong handog na pagkaing butil, susunugin, at pangkapayapaan bilang kabayaran nila,” sabi ni Yahweh. 16 “Ang mga handog na ito ay ibibigay sa pinuno ng Israel. 17 Ang pinuno ng Israel ang mamamahala sa mga handog na susunugin, pagkaing butil, inumin para sa mga pista, pagdiriwang kung bagong buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at sa lahat ng takdang pagdiriwang ng bayang Israel. Siya rin ang bahala sa mga handog para sa kasalanan, handog na susunugin at handog pangkapayapaan, bilang kabayaran sa kasalanan ng bayang Israel.”
Mga Kapistahan(O)
18 Ipinapasabi ni Yahweh: “Sa unang araw ng unang buwan, pipili kayo ng isang toro na walang kapintasan upang gamitin sa paglilinis ng templo. 19 Ang paring nanunungkulan ay sasahod ng dugo ng handog para sa kasalanan. Ipapahid niya iyon sa poste sa pinto ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga poste sa pintuan patungo sa patyo sa loob. 20 Ganito rin ang gagawin sa ikapitong araw para sa sinumang nagkamali o nagkasala nang di sinasadya. Ganito ninyo lilinisin ang templo.
21 “Sa(P) ikalabing apat naman ng unang buwan, ipagdiriwang ninyo ang Pista ng Paskwa; pitong araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. 22 Sa araw na iyon, ang pinuno ng Israel ay maghahanda ng isang toro bilang handog para sa kasalanan niya at ng buong bayan. 23 Sa pitong araw na kapistahan, maghahanda siya araw-araw ng isang toro at isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin, at isang kambing na lalaki bilang handog naman para sa kasalanan. 24 Para sa isang toro o sa tupa, limang salop ng harina bilang handog na pagkaing butil, kasama ang apat na litrong langis.
25 “Ganito(Q) rin ang ihahanda sa pitong araw na Pista ng mga Tolda tuwing ika-15 araw ng ika-7 buwan, bilang handog para sa kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.