Beginning
Paparusahan ng Diyos ang Etiopia
18 Pumapagaspas(A) ang pakpak ng mga kulisap
sa isang lupain sa ibayo ng mga ilog ng Etiopia,[a]
2 mula roo'y may dumating na mga sugo
sakay ng mga bangkang yari sa tambo,
at sumusunod sa agos ng Ilog Nilo.
Bumalik na kayo, mabibilis na tagapagbalita,
sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog,
sa inyong bayan na ang tao'y matatangkad at makikinis ang balat,
bayang kinagugulatan ng lahat, makapangyarihan at mapanakop.
3 Makinig kayong lahat na mga naninirahan sa daigdig!
Abangan ninyo ang pagtataas ng watawat sa ibabaw ng bundok,
hintayin ninyo ang tunog ng trumpeta!
4 Sapagkat ganito ang sabi sa akin ni Yahweh:
“Buhat sa aking kinaroroonan, tahimik akong nagmamasid,
parang sinag ng araw kung maaliwalas ang langit,
parang ulap na may dalang hamog sa tag-araw.
5 Sapagkat bago dumating ang anihan kapag tapos na ang pamumulaklak
at kapag nahinog na ang mga ubas,
ang mga sanga ay puputulin ng matatalas na karit
saka itatapon.
6 Ibibigay sila sa ibong mandaragit
at sa mababangis na hayop.
Kakainin sila ng mga ibon sa tag-araw
at ng mga hayop sa taglamig.”
7 Sa panahong iyon, dadalhin kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ang mga handog na galing sa lupaing ito, sa lupaing hinahati ng mga ilog.
Magpapadala ng kanilang handog ang malakas na bansa,
ang mga taong matatangkad at makikinis ang balat, na kinatatakutan sa buong daigdig.
Pupunta sila sa Bundok ng Zion,
sa lugar na nakalaan sa pagsamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Paparusahan ang Egipto
19 Narito(B) ang pahayag tungkol sa Egipto:
Tingnan ninyo! Nakasakay si Yahweh sa isang mabilis na ulap patungo sa Egipto.
Nanginginig sa takot ang mga diyus-diyosan ng Egipto,
at ang mga Egipcio'y naduwag.
2 Ang sabi ni Yahweh:
“Paglalaban-labanin ko ang mga Egipcio:
Kapatid laban sa kapatid,
kasama laban sa kasama,
lunsod laban sa lunsod, kaharian laban sa kaharian.
3 Masisiraan ng loob ang mga Egipcio,
at guguluhin ko ang kanilang mga balak,
hihingi sila ng tulong sa mga diyus-diyosan,
sa mga mangkukulam, sa mga nakikipag-usap sa espiritu ng patay at manghuhula.
4 Ibibigay ko ang Egipto sa kamay ng isang malupit na panginoon;
isang mabagsik na hari ang sasakop sa kanila.”
Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihang Panginoon.
5 Bababaw ang tubig sa Ilog Nilo,
at unti-unting matutuyo.
6 Babaho ang mga kanal,
ang Ilog Nilo ng Egipto ay mauubusan ng tubig,
at matutuyo rin ang mga tambo at mga talahib.
7 Malalanta ang mga halaman sa pampang ng Nilo,
itataboy ng hangin, at hindi na muling makikita.
8 Magluluksa ang mga mangingisda,
at mananaghoy ang lahat ng namimingwit,
ang mga naghahagis naman ng lambat ay manlulupaypay.
9 Manghihina ang loob ng mga gumagawa ng kasuotang linen;
10 manlulupaypay ang mga humahabi ng tela,
at mawawalan ng pag-asa ang mga manggagawa.
11 Hangal kayong lahat, mga pinuno ng Zoan!
Kayong matatalinong tagapayo ng Faraon, pawang walang saysay ang inyong ipinapayo.
Paano ninyo masasabi sa Faraon:
“Ako'y mula sa lahi ng mga matatalino
at ang mga ninuno ko'y hari noong unang panahon?”
12 Nasaan, Faraon, ang iyong mga matatalino?
Bakit hindi nila sabihin sa iyo ngayon
ang plano ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat laban sa Egipto?
13 Hangal ang mga pinuno ng Zoan,
at baliw ang mga pinuno ng Memfis;
iniligaw nila ang Egipto tungo sa kapahamakan.
14 Ginulo ni Yahweh ang kanilang pag-iisip.
Iniligaw nila ang Egipto sa lahat nitong ginagawa,
animo'y lasing itong pasuray-suray at nagsusuka habang daan.
15 Walang sinuman sa Egipto,
dakila man o karaniwang tao ang makakapagbigay ng tulong.
Sasambahin na ng Egipto si Yahweh
16 Sa araw na iyon, ang mga Egipcio'y magiging parang mga babaing manginginig sa takot kapag iniunat na ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang kamay upang sila'y parusahan. 17 Masisindak ang mga Egipcio sa mga taga-Juda marinig lamang nila ang pangalan nito, dahil sa balak ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat laban sa kanila.
18 Sa araw na iyon, limang lunsod sa Egipto ang gagamit ng wikang Hebreo, at manunumpa sila sa pangalan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Isa sa mga lunsod na ito ay tatawaging Lunsod ng Araw.
19 Si Yahweh ay ipagtatayo sa Egipto ng isang altar at siya'y pararangalan sa pamamagitan ng isang haliging bato sa may hangganan ng lupain. 20 Iyan ang magiging palatandaan na si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay naroon at sila'y bibigyan niya ng tagapagtanggol kapag sila'y humingi ng tulong sa panahon ng pag-uusig. 21 Magpapakilala si Yahweh sa mga Egipcio at siya nama'y kanilang kikilanlin, sasambahin at aalayan ng handog na susunugin. Gagawa sila ng mga sinumpaang pangako kay Yahweh at ang mga iyon ay kanilang tutuparin. 22 Paparusahan ni Yahweh ang mga Egipcio, ngunit sila nama'y kanyang aaliwin. Manunumbalik sila sa kanya at sila'y kanyang diringgin at pagagalingin.
23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng isang malawak na daan buhat sa Egipto patungo sa Asiria. Makakapunta sa Asiria ang mga Egipcio at ang mga taga-Asiria ay makakapunta sa Egipto; sila'y sama-samang sasamba.
24 Sa araw na iyon, ang Israel ay magiging kapanalig ng Egipto at Asiria, at sila'y magiging pagpapala sa buong daigdig. 25 Sa araw na iyon, sasabihin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Pagpapalain kita Egipto na aking bayan; ikaw Asiria na aking itinatag, at ikaw Israel na aking pinili.”
Paparusahan ang Egipto at Etiopia
20 Noong taon na ang Asdod ay salakayin at sakupin ng pinakamataas na heneral na sinugo ni Haring Sargon ng Asiria, 2 sinabi ni Yahweh kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit-panluksa at mag-alis ka ng sandalyas.” Gayon nga ang ginawa ni Isaias at lumakad siyang hubad at nakayapak. 3 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh, “Kung paanong ang lingkod kong si Isaias ay tatlong taóng lumalakad na hubad at nakayapak, bilang tanda ng mga mangyayari sa Egipto at Etiopia,[b] 4 gayundin bibihagin ng hari ng Asiria ang mga Egipcio at mga taga-Etiopia. Matanda't bata'y kakaladkaring nakayapak at hubad na ang mga pigi ay nakalabas. O anong laking kahihiyan sa Egipto! 5 Dahil dito'y manlulumo at masisiraan ng loob ang lahat ng nagtiwala sa Etiopia na kanilang inaasahan at sa Egipto na kanilang ipinagmamalaki. 6 Sa araw na iyon, sasabihin ng mga naninirahan sa baybaying-dagat, ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan! Sila pa naman ang inaasahan nating magtatanggol sa atin laban sa hari ng Asiria! Paano na tayo makakaligtas ngayon?’”
Ang Pagbagsak ng Babilonia
21 Ito ang pahayag tungkol sa Babilonia:
Parang ipu-ipong humahagibis mula sa disyerto
ang manlulupig ng Negeb mula sa isang nakakapangilabot na lupain.
2 Nakita ko ang isang pangitaing puno ng kalupitan,
kataksilan, at pagkawasak.
Sugod, Elam!
Sakupin mo, Media.
Wawakasan ko na
ang ginawang pagpapahirap ng Babilonia.
3 Dahil dito, nakadama ako ng matinding takot,
namilipit ako sa sakit
tulad ng isang babaing nanganganak;
ako'y nakayuko kaya hindi makarinig,
ako'y nalilito kaya hindi makakita.
4 Pinanghihinaan ako ng loob, nangangatal ako sa takot;
ang pananabik ko sa takipsilim
ay naging isang pagkasindak.
5 Sa aking pangitain ay handa na ang hapag-kainan;
nakalatag na rin ang mga alpombra upang upuan ng mga panauhin;
sila'y nagkakainan at nag-iinuman.
Ngunit isang utos ang biglang narinig:
“Tumayo kayo, mga pinuno, at langisan ang mga kalasag.”
6 At ganito ang sabi sa akin ni Yahweh:
“Lumakad ka na at maglagay ng bantay
at iulat ang kanyang mga nakikita.
7 Kung makakita siya ng mga kawal na nakasakay sa mga kabayo,
at mga kawal na nakasakay sa asno at kamelyo,
dapat siyang maging handa
at ang kahandaan niya'y kailangang maging lubos.”
8 Sumigaw ang bantay,[c]
“Maghapon po akong nasa tore.
Buong gabi'y nakabantay sa aking bantayan.”
9 Walang(C) anu-ano'y nagdatingan
ang mga kawal na nakakabayo, dala-dalawa,
at nag-ulat ang bantay,
“Bumagsak na! Bumagsak na ang Babilonia!
Nagkalat sa lansangan
ang durug-durog niyang mga diyus-diyosan!”
10 Bayan ko, matagal nang ikaw ay tila trigong ginigiik,
may magandang balita ako sa iyo mula kay Yahweh,
ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.
Ang Pahayag tungkol sa Edom
11 Ito ang pahayag tungkol sa Edom:
May tumatawag sa akin mula sa Seir,
“Bantay, gaano pa ba kahaba ang gabi?
Gaano pa ito katagal?”
12 Sumagot ang bantay:
“Mag-uumaga na ngunit muling sasapit ang gabi;
bumalik na lang kayo
kung nais ninyong magtanong muli.”
Ang Pahayag tungkol sa Arabia
13 Ito ang pahayag tungkol sa Arabia:
Kayong manlalakbay na mga taga-Dedan,
na nakahimpil sa mga disyerto ng Arabia,
14 bigyan ninyo ng inumin ang mga nauuhaw.
Kayo naman, mga taga-Tema,
salubungin ninyo at pakanin ang mga bihag.
15 Sila'y tumatakas sa mga espadang nakaamba,
sa panang nakahanda,
at sa panganib na dulot ng digmaan.
16 Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh: “Sa loob ng isang taon, ayon sa pagbilang ng upahang manggagawa, magwawakas ang kadakilaan ng Kedar. 17 Ilan lamang sa magigiting niyang kawal na mamamana ang matitira. Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.”
Ang Pahayag tungkol sa Jerusalem
22 Ito ang pahayag tungkol sa Libis ng Pangitain:
Anong nangyayari sa inyo?
Bakit kayong lahat ay nagdiriwang sa bubong ng inyong mga bahay?
2 Ang buong lunsod ay nagkakagulo;
punô ng ingay at kasayahan.
Ang mga anak mo'y namatay hindi sa pamamagitan ng espada;
hindi sila nasawi sa isang digmaan.
3 Nagsitakas nang lahat ang inyong mga pinuno
ngunit nahuling walang kalaban-laban.
Ang lahat ninyong mandirigma ay nabihag na rin
kahit nakatakas na at malayo na ang narating.
4 Kaya sinabi ko,
“Pabayaan ninyo ako!
Hayaan ninyong umiyak ako nang buong pait;
huwag na kayong magpumilit na ako'y aliwin,
dahil sa pagkawasak ng aking bayan.”
5 Sapagkat ito'y araw
ng kaguluhan, pagyurak at pagkalito
na itinalaga ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
sa Libis ng Pangitain.
Araw ng pagpapabagsak ng mga pader;
araw ng panaghoy na maririnig sa kabundukan.
6 Dala ng mga taga-Elam ang kanilang mga pana,
sakay ng kanilang mga karwahe at kabayo,
at dala naman ng mga taga-Kir ang kanilang kalasag.
7 Ang magaganda ninyong libis ay puno ng mga karwahe,
at sa mga pintuan ng Jerusalem ay nakaabang ang mga kabayuhan.
8 Durog na ang lahat ng tanggulan ng Juda.
Kapag nangyari ito, ilabas ninyo ang mga sandata mula sa arsenal. 9 Sa araw na iyon nakita ninyo na maraming sira ang tanggulan ng Lunsod ni David at nag-imbak kayo ng tubig mula sa ibabang tipunan. 10 Binilang ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ninyo ang ilan sa mga iyon upang gamitin ang mga bato sa pagpapatibay sa pader ng lunsod. 11 Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at pinuno ninyo iyon ng tubig mula sa Lumang Tipunan. Ngunit hindi ninyo naisip ang Diyos na siyang nagplano nito noon pang una at nagsagawa nito.
12 Nanawagan sa inyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
upang kayo'y manangis at managhoy,
upang ahitin ninyo ang inyong buhok at magsuot ng damit-panluksa.
13 Ngunit(D) sa halip, nagdiwang kayo at nagpakasaya,
nagpatay kayo ng tupa at baka
upang kainin, at nag-inuman kayo ng alak.
Ang sabi ninyo:
“Kumain tayo at uminom,
sapagkat bukas, tayo'y mamamatay.”
14 Ganito ang ipinahayag sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Ang kasalanang ito'y hindi ipapatawad sa inyo, hanggang sa kayo'y mamatay.”
Babala Laban kay Sebna
15 Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon:
“Puntahan mo si Sebna,
ang katiwala ng palasyo
at sabihin mo sa kanya:
16 ‘Anong karapatan mong pumarito?
Sinong nagpahintulot sa iyo na humukay ng sariling libingang bato na inukab sa gilid ng bundok?
17 Sino ka man ay dadamputin ka ni Yahweh
at itatapon sa malayo!
18 Parang bola kang dadamputin at ihahagis sa malayong lupain.
Doon ka mamamatay, sa tabi ng ipinagmamalaki mong mga karwahe,
ikaw ang nagdadala ng kahihiyan sa sambahayan ng iyong panginoon.’
19 Aalisin kita sa iyong katungkulan,
palalayasin kita sa iyong kinalalagyan.
20 Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod,
si Eliakim na anak ni Hilkias.
21 Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan,
ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan,
siya ang magiging ama ng mga taga-Jerusalem at ng mga taga-Juda.
22 Ibibigay(E) ko sa kanya ang susi ng sambahayan ni David;
walang makakapagsara ng anumang buksan niya,
at walang makakapagbukas ng anumang sarhan niya.
23 Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda,
itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar,
at siya'y magiging marangal na trono sa sambahayan ng kanyang ama.”
24 Sa kanya maaatang ang lahat ng kaluwalhatian ng sambahayan ng kanyang ama. Ang kanyang mga kamag-anak ay sa kanya aasa, parang mga sisidlan, mga kopa at palayok na nakasabit. 25 “Kung magkagayon,” ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “mababali ang sabitan at malalaglag. At ang lahat ng nakasabit doon ay madudurog.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.