Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 34-36

Ang Pahayag Laban sa mga Pinuno ng Israel

34 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga pinuno ng Israel. Sabihin mong ipinapasabi ko: Nakatakda na ang parusa sa inyo, mga pinuno ng Israel. Sarili lamang ninyo ang inyong iniintindi at hindi ang mga tupa. Iniinom ninyo ang gatas, nagdaramit kayo ng lana, at nagpapatay ng mga pinatabang hayop, ngunit hindi ninyo pinapakain ang mga tupa. Bakit hindi ninyo pinapalakas ang mahihina, ni ginagamot ang mga maysakit, ni hinihilot ang mga pilay? Bakit hindi ninyo hinahanap ang nawawala, ni ibinabalik ang nalalayo? Sa halip ay ginagamitan ninyo sila ng kamay na bakal. Sila'y(A) nangangalat, at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat ang mga ito'y walang pastol. Ang mga tupa ko'y nagkalat sa mga bundok, burol at sa lahat ng panig ng daigdig, ngunit walang ibig humanap sa kanila.

“Dahil dito, mga pinuno, dinggin ninyo ang aking sinasabi: Ako ang Diyos na buháy. Ang mga tupa ko'y pinipinsala at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat walang nangangalaga sa mga ito. Hindi hinahanap ng mga pastol ang aking mga tupa. Sa halip na alagaan nila ang mga ito, ang sarili nila ang binubusog. Kaya nga makinig kayo, mga pastol. 10 Pakinggan ninyo itong aking sinasabi: Laban ako sa inyo. Pananagutan ninyo ang nangyayari sa aking mga tupa. Hindi ko na kayo gagawing pastol upang hindi na ninyo mabusog ang inyong sarili. Ilalayo ko sa inyo ang aking mga tupa at hindi na ninyo mapapakinabangan ang mga ito.”

Si Yahweh ang Mabuting Pastol

11 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. 12 Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. 13 Titipunin ko sila mula sa iba't ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan. 14 Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan ng Israel. Mamamahinga sila sa sariwang pastulan at manginginain ng sariwang damo sa kaburulan ng Israel. 15 Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. 16 Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, ngunit pupuksain[a] ko ang mga malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang katarungan.

17 “Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ng inyong Diyos na si Yahweh: Ako ang magiging hukom ninyo. Hahatulan ko kayo at ibubukod ang mga tupa sa mga kambing. 18 Hindi na kayo nakuntento sa panginginain; sinisira pa ninyo ang di n'yo maubos. Bakit hindi na lang kayo uminom hanggang ibig ninyo? Bakit binubulabog pa ninyo ang tubig na natitira? 19 Ang kinakain ng aking kawan ay ang tinatapak-tapakan pa ninyo at ang iniinom ay ang binulabog ninyong tubig.”

20 “Dahil dito,” sabi ni Yahweh, “ako mismo ang magbubukod-bukod sa malulusog at mahihinang tupa. 21 Ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mga mahihina hanggang sa sila'y mangalat kung saan-saan. 22 Dahil dito, ako ang mangangalaga sa aking kawan at hindi ko papayagang sila'y inyong apihin. Ihihiwalay ko ang mabubuti sa masasama. 23 Itatalaga(B) ko sa kanila ang isang hari, tulad ng lingkod kong si David. Siya ang magiging pastol nila. 24 Akong(C) si Yahweh ang magiging Diyos nila at ang mamamahala sa kanila ay isang haring tulad ng lingkod kong si David. Akong si Yahweh ang maysabi nito.

25 “Gagawa ako ng tipan upang mabuhay sila nang mapayapa. Paaalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop upang ang mga tupa ko'y magkaroon ng kapanatagan maging sa kaparangan o sa kagubatan man. 26 Pagpapalain ko sila at ang lupain sa palibot ng burol na itinalaga nila sa akin. At pauulanin ko sa kapanahunan. Sila'y pauulanan ko ng pagpapala. 27 Mamumunga ang mga punongkahoy sa kabukiran. Mag-aani sila nang sagana buhat sa kanilang lupain at sila'y mamumuhay doon nang panatag. At kung mapalaya ko na sila mula sa umaalipin sa kanila, makikilala nilang ako si Yahweh. 28 Hindi na sila lolooban ng ibang bansa ni dadaluhungin ng mababangis na hayop. Mamumuhay na sila nang matiwasay at payapa. 29 Pag-aanihin ko sila nang sagana mula sa kanilang matabang lupain para hindi sila dumanas ng gutom ni kutyain ng ibang bansa. 30 Malalaman ng lahat na ako ang nag-iingat sa Israel na aking bayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 31 Kayo ang aking mga tupa sa aking pastulan; ako ang inyong Diyos.”

Ang Parusa ng Diyos sa Edom

35 Sinabi(D) sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Edom. Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Bundok ng Edom. Gagawin kitang ilang. Wawasakin ko ang iyong mga lunsod at gagawin kong lugar na mapanglaw. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. Lagi mong nilulusob ang Israel at pinuksa mo ang kanyang mamamayan sa panahon ng pagpaparusa sa kanya. Dahil dito, akong si Yahweh, ang Diyos na buháy ay nagsasabi sa iyo na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ikaw ay pumatay kaya papatayin ka rin. Gagawin kong ilang ang iyong lupain at sinumang maglakbay roon ay papatayin. Tatambakan ng bangkay ang iyong mga bundok, libis at mga bangin. Gagawin kitang lugar na mapanglaw at ang iyong mga lunsod ay aalisan ko ng mga tao. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.

10 “Sinabi mong iyo ang Israel at Juda bagama't alam mong ako ang Diyos nila. 11 Dahil diyan, akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ang nagsasabi sa iyong tiyak na pagdurusahan mo ang iyong pagkagalit, pagkainggit at pagkapoot sa aking bayan. Gagawin ko sa iyo ang ginawa mo sa kanila. Makikilala ninyong ako si Yahweh kapag naparusahan ko na kayo. 12 Sa gayon, malalaman din ninyo na alam ko ang inyong kalapastanganan nang sabihin ninyong ang kaburulan ng Israel ay winasak upang inyong sakupin. 13 Kinalaban ninyo ako at pinagsalitaan nang kung anu-ano. Ito'y hindi lingid sa akin. 14 Wawasakin kita nang lubusan at ito'y ikatutuwa ng buong mundo. 15 Gagawin ko sa iyo ang ikinatuwa mong pagkawasak ng Israel na aking hinirang. Wawasakin kita, Bundok ng Seir, at ito ang magiging wakas ng buong Edom. Sa gayon, makikilala ng lahat na ako si Yahweh.”

Pagpapalain ang Israel

36 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka sa kaburulan ng Israel. Sabihin mo: Kaburulan ng Israel, dinggin mo ang salita ni Yahweh: Sinabi sa iyo ng kaaway ninyo na, ‘Mabuti nga,’ at, ‘Ang kanilang mga kabundukan ay sakop na natin.’ Kaya, magpahayag ka. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sinakop ng mga bansa ang kaburulan ng Israel at lubusan itong winasak. Dahil dito, pinagtawanan siya ng lahat. Kaya, ito ngayon ang sinasabi ko tungkol sa mga bundok, burol, bangin, kapatagan at mga lunsod na wasak na naging biktima at katatawanan ng mga bansa sa paligid. Ipinapasabi nga ni Yahweh: Sa pag-iinit ng loob ko dahil sa panibugho, maliwanag kong ipinahayag ang aking galit sa mga bansa, lalo na sa Edom, sapagkat buong pagyayabang niyang sinakop ang aking bayan. Hindi na niya ito iginalang, bagkus ay sinamsam ang lahat ng maibigan niya. Kaya, magpahayag ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, bangin, at kapatagan na ako'y nagsasalita sa tindi ng aking galit dahil sa pagkutyang dinanas nila mula sa ibang bansa. Kaya isinusumpa kong daranas din ng pagkutya ang mga bansa sa iyong paligid.

“Kayo naman, mga bundok ng Israel, payabungin na ninyo ang inyong mga sanga at pamungahin nang sagana para sa bayan kong Israel sapagkat uuwi na sila rito. Ako'y inyong kakampi. Bubungkalin at tatamnan ang inyong lupain. 10 Pararamihin ko ang iyong mamamayan. Doon kayo titira sa dati ninyong lunsod at higit ko kayong pasasaganain kaysa noon. 11 Pararamihin ko nga ang mga tao at mga hayop. Marami ang magiging anak nila. Pupunuin kita ng tao, tulad noong una, at higit na maraming mabubuting bagay ang gagawin ko ngayon sa iyo. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. 12 Ibabalik ko kayo, mga Israelita, sa dati ninyong bayan. Magiging inyo na iyon at hindi na kayo magugutom. 13 Akong si Yahweh ang nagsasabi: Sinasabi ng mga tao na ikaw ay kumakain ng tao kaya inaagaw mo ang mga mamamayan ng ibang bansa. 14 Ngunit mula ngayon, hindi mo na gagawin iyon, hindi mo na uubusin ang iyong mamamayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 15 Hindi ka na kukutyain ng ibang bansa at hindi na rin hahamakin ng mga tao. Hindi ka na mang-aagaw ng anak ng may anak. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ang Bagong Kalagayan ng Israel

16 Sinabi sa akin ni Yahweh, 17 “Ezekiel, anak ng tao, nang ang Israel ay unang tumira sa kanilang lupain, pinarumi nila ito sa kanilang kasamaan. Kaya, ang pamumuhay nila'y kasuklam-suklam sa akin. 18 At dahil sa dugong pinadanak nila sa lupain, at dahil sa kanilang mga diyus-diyosan, ibinuhos ko sa kanila ang aking matinding poot. 19 Itinapon ko sila at pinangalat sa iba't ibang panig ng daigdig. Ginawa ko sa kanila ang nararapat sa kanila. 20 Ngunit sa mga lugar na kinapuntahan nila, binigyang-daan nila ang mga tao upang hamakin ang aking pangalan. Sinabi ng mga tao sa kanila, ‘Hindi ba sila'y mga mamamayan ni Yahweh, bakit pinaalis sa kanilang bayan?’ 21 Nabahala ako dahil sa banal kong pangalan na ipinahamak ng mga Israelita sa mga dakong kinapuntahan nila.

22 “Kaya, sabihin mo sa Israel na ito ang ipinapasabi ko: Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi dahil sa banal kong pangalan na inyong hinayaang hamakin sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo. 23 Ipapakita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako si Yahweh kung maipakita ko na sa kanila na ako ay banal. 24 Titipunin ko kayo mula sa iba't ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. 25 Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo'y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyosan. 26 Bibigyan(E) ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin. 27 Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. 28 Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos. 29 Lilinisin ko ang lahat ng inyong karumihan; bibigyan ko kayo ng masaganang ani at hindi na kayo daranas ng gutom. 30 Pamumungahin kong mabuti ang inyong mga punongkahoy at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin upang hindi na kayo hamakin ng kapwa ninyo bansa dahil sa taggutom na inyong dinanas. 31 Maaalala rin ninyo ang inyong kasamaan, at dating kasuklam-suklam na mga gawa. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong mga sarili. 32 Dapat ninyong malaman na ginagawa ko ang lahat ng ito ngunit hindi dahil sa inyo. Dapat kayong mahiya dahil sa inyong kasamaan, mga Israelita.”

33 Ipinapasabi ni Yahweh: “Kapag nalinis ko na kayo sa inyong karumihan, muli kong patitirahan ang inyong mga lunsod at muling itatayo ang mga lugar na wasak. 34 Ang mga ilang na dako ay muling bubungkalin. Kapag nakita ito ng mga tao 35 ay sasabihin nila, ‘Ang lugar na ito'y dating tiwangwang ngunit ngayo'y parang hardin ng Eden. Ang mga lunsod na wasak at walang tao, ngayon ay may nakatira na, muling nakatayo at naliligid ng muog.’ 36 Kung makita nilang muli nang naitayo ang mga guho at puno ng pananim ang dating tigang na lupain, makikilala ng mga karatig-bansa na ako si Yahweh. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko.”

37 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ito pa ang gagawin ko sa kanila. Ipagkakaloob ko ang hilingin nila sa akin. Pararamihin ko sila, tulad ng makapal nilang kawan. 38 Pararamihin ko silang tulad ng mga tupang panghandog, tulad ng mga tupa sa Jerusalem kung panahon ng kapistahan. Sa gayon, ang mga lugar na walang nakatira ay mapupuno ng tao. At makikilala nilang ako si Yahweh.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.