Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Lucas 17-18

Kasalanan, Pananampalataya, Tungkulin

17 Si Jesus ay nagsabi sa kaniyang mga alagad: Hindi maaaring ang katitisuran ay hindi dumating. Ngunit, sa aba niya na panggagalingan nito.

Mabuti pa na talian ng malaking gilingang bato ang kaniyang leeg at itapon sa dagat. Ito ay nararapat sa kaniya kaysa sa matisod sa kaniya ang isa sa maliliit na ito. Ingatan ninyo ang inyong mga sarili.

Kung nagkasala laban sa iyo ang kapatid mong lalaki, sawayin mo siya. Kapag siya ay nagsisi, patawarin mo siya.

Patawarin mo siya kapag nagkasala siya laban sa iyo nang pitong ulit sa isang araw. Ito ay kung babalik siya sa iyo ng pitong ulit sa isang araw at magsasabi: Ako ay nagsisisi.

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: Dagdagan mo ang pananampalataya namin.

Sinabi ng Panginoon: Maaari mong sabihin sa punong sikamorong ito: Mabunot ka at matanim ka sa dagat. Susundin ka nito kung mayroon kang pananampalatayang tulad ng butil ng mustasa.

Isipin ninyong kayo ay mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa. Sino sa inyo ang sa kaniyang pagdating mula sa bukid ay agad na magsasabi: Maupo ka at kumain? Hindi ba ang sasabihin mo pa nga sa kaniya: Ipaghanda mo ako ng makakain? Magbigkis ka, paglingkuran mo ako habang ako ay kumakain at umiinom. Pagkatapos ng mga bagay na ito, ikaw ay kakain at iinom. Pasasalamatan ba niya ang aliping iyon dahil ginawa niya ang mga bagay na iniutos sa kaniya? Sa palagay ko ay hindi. 10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: Kami ay mga aliping walang pakinabang sapagkat ang aming ginawa ay ang tungkuling dapat lamang naming gawin.

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin

11 Umahon si Jesus patungong Jerusalem. Nangyari na siya ay dumaan sa gitna ng Samaria at Galilea.

12 Sa kaniyang pagpasok sa isang nayon,sinalubong siya ng sampung lalaking may ketong. Ang mga ito ay nakatayo sa malayo. 13 Nilakasan nila ang kanilang tinig at kanilang sinabi: Guro, kahabagan mo kami.

14 Nakita sila ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Humayo kayo at magpakita kayo sa mga saserdote. At nangyari, sa paghayo nila, sila ay nalinis.

15 Nang makita ng isa sa kanila na siya ay gumaling, bumalik siya. Sa malakas na tinig, niluwalhati niya ang Diyos. 16 Nagpatirapa siya na nagpapasalamat kay Jesus. Ang lalaking ito ay isang taga-Samaria.

17 Sinabi ni Jesus: Hindi ba sampu ang nilinis? Nasaan ang siyam? 18 Ang dayuhan lang bang ito ang bumalik upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos? 19 Sinabi niya sa kaniya: Bumangon ka at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananam­palataya.

Ang Pagdating ng Paghahari ng Diyos

20 Ang mga Fariseo ay nagtanong sa kaniya kung kailan darating ang paghahari ng Diyos. Sinagot niya sila at sinabi: Ang paghahari ng Diyos ay darating na hindi mamamasdan.

21 Ito ay darating na hindi nila masasabi: Tingnan ninyo rito! Tingnan ninyo roon! Ito ay sapagkat ang paghahari ng Diyos ay nasa kalagitnaan ninyo.

22 Sinabi ni Jesus sa mga alagad: Darating ang mga araw na kayo ay maghahangad na makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at hindi ninyo ito makikita. 23 Kung sasabihin nila sa inyo: Tingnan ninyo rito! Tingnan ninyo roon! Huwag kayong pumunta o sumunod. 24 Ito ay sapagkat kung papaano nagliliwanag ang kidlat, magiging gayon ang Anak ng Tao. Sa pagkislap ng kidlat, ito ay nagliliwanag mula sa isang dulo sa ilalim ng langit hanggang sa isang dulo sa ilalim ng langit. 25 Ngunit bago ito, kailangan muna niyang magbata ng maraming bagay at tanggihan ng lahing ito.

26 Kung papaano noong mga araw ni Noe, magiging gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. 27 Sila ay kumakain at umiinom. Sila ay nag-aasawa at ipinakakasal. Ginawa nila ang mga ito hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha at nalipol silang lahat.

28 Gayundin naman ang nangyari noong mga araw ni Lot. Sila aykumakain at umiinom. Sila ay bumibili at nagtitinda. Sila ay nagtatanim at nagtatayo. 29 Ngunit nang araw na si Lot ay lumabas mula sa Sodom, ang apoy at asupre ay bumabang tulad ng ulan. Ito ay nagmula sa langit at silang lahat ay nalipol.

30 Ganito ang mangyayari sa araw na ang Anak ng Tao ay maihayag. 31 Sa araw na iyon, siya na nasa bubong ng bahay ay huwag nang bumaba. Huwag mo na siyang pababain upang kunin ang kaniyang mga gamit na nasa loob ng bahay. Siya na nasa bukid ay huwag nang umuwi. 32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. 33 Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ang sinumang mawalan ng buhay ay makakapagpanatili nito. 34 Sinasabi ko sa inyo: Sa gabing iyon, mayroong dalawang tao sa isang kama. Ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan. 35 Dalawang babae ang magkasamang naggigiling. Ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan. 36 Dalawang lalaki ang nasa bukid. Ang isa ay kukunin at ang isa ay maiiwan.

37 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Panginoon, saan?

Sinabi niya sa kanila:Kung saan naroroon ang bangkay, doon nagtitipon ang mga buwitre.

Ang Talinghaga Patungkol sa Matiyagang Balo

18 Nagsabi si Jesus ng isang talinghaga sa kanila upang ipabatid sa kanila na kinakailangang manalangin lagi at huwag manghina.

Sinabi niya: Sa isang lungsod ay may isang hukom. Hindi siya natatakot sa Diyos at hindi niya iginagalang ang tao. Sa lungsod na iyon ay may isang balo na laging nagpu­punta sa kaniya. Sinasabi nito: Ipaghiganti mo ako sa aking kalaban.

Sa ilang panahon, ang hukom ay umayaw. Sa bandang huli, sinabi niya sa kaniyang sarili: Hindi ko kinatatakutan ang Diyos at wala akong iginagalang na tao. Ngunit ipaghihiganti ko ang balong ito, kung hindi, papagurin niya ako sa kaniyang patuloy na pagparito.

Sinabi ng Panginoon: Dinggin ninyo kung ano ang sinasabi ng di-makatarungang hukom. Hindi ba ipaghihiganti ng Diyos ang kaniyang mga pinili na dumaraing sa kaniya araw at gabi? Hindi ba siya mapagpasensiya ng lubos sa kanila? Sinasabi ko sa inyo: Agad niya silang ipaghihiganti. Magkagayunman, pagdating ng Anak ng Tao, makasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?

Ang Talinghaga Patungkol sa Fariseo at Maniningil ng Buwis

May ilang mga nagtiwala sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid at hinamak nila ang iba. Sa kanila ay sinabi rin ni Jesus ang talinghagang ito.

10 Dalawang lalaki ang umahon sa templo upang manalangin. Ang isa ay Fariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Fariseo at nanalangin siya sa kaniyang sarili ng ganito: Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako katulad ng ibang tao. Hindi ako katulad nila na mga mangingikil, mga hindi matuwid at mga mangangalunya. Hindi rin ako katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang ulit akong nag-aayuno saloob ng isang linggo. Nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng bagay na aking tinatangkilik.

13 Ngunit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay hindi man lamang niya itinataas ang kaniyang paningin sa langit, sa halip ay kaniyang binabayo ang kaniyang dibdib. Sinabi niya: Diyos, pagkalooban mo ako ng iyong habag, ako na isang makasalanan.

14 Sinasabi ko sa inyo: Ang taong ito ay umuwi sa kaniyang bahay na pinaging-matuwid at ang isa ay hindi. Ito ay sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at ang bawat isang nagpapakumbaba ay itataas.

Si Jesus at ang Maliliit na Bata

15 Dinala rin nila sa kaniya ang mga sanggol upang mahipo niya. Ngunit ng makita ito ng mga alagad, sinaway nila sila.

16 Ngunit tinawag sila ni Jesus sa kaniya at sinabi: Pahintulutan ninyong lumapit sa akin ang mga maliliit na bata sapagkat ang paghahari ng Diyos ay para sa mga katulad nila. 17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi kailanman makakapasok doon.

Ang Mayamang Pinuno

18 Isang pinuno ang nagtanong sa kaniya na sinasabi: Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ako ng buhay na walang hanggan?

19 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti maliban sa isa, ang Diyos. 20 Alam mo ang mga utos. Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay. Huwag kang magnanakaw, huwag kang magbibigay ng maling patotoo. Igalang mo ang iyong ama at ina.

21 Sinabi niya: Ang lahat ng mga bagay na ito ay sinunod ko mula pa sa aking kabataan.

22 Pagkarinig ni Jesus sa mga bagay na ito, sinabi niya sa kaniya: Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat mong pag-aari gaano man karami ito. Ipamahagi mo sa mga dukha at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit. Halika, sumunod ka sa akin.

23 Pagkarinig niya ng mga bagay na ito, lubha siyang nagdalamhati sapagkat napakayaman niya. 24 Nakita ni Jesus na siya ay lubhang nagdalamhati. Sa pagkakita niya, kaniyang sinabi: Napakahirap para sa kanilang may kayamanan ang makapasok sa paghahari ng Diyos. 25 Ang dumaan sa butas ng isang karayom ay higit na madali para sa isang kamelyo kaysa sa isang lalaking mayaman na makapasok sa paghahari ng Diyos.

26 Ang mga nakarinig ay nagsabi: Sino nga ang maaaring maligtas?

27 Sinabi ni Jesus: Ang mga bagay na hindi maaaring gawin ng tao ay maaaring gawin ng Diyos.

28 Sinabi ni Pedro: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo.

29 Sinabi niya sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: May mga taong nag-iwan ng tahanan, o magulang, o mga kapatid, o asawang babae, o mga anak para sa paghahari ng Diyos. 30 Ang sinumang nag-iwan ng mga ito ay tatanggap ng lalong higit sa kapanahunang ito. Tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na kapanahunan.

Binanggit Muli ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

31 Pagkatipon ni Jesus sa kaniyang labindalawang alagad, sinabi niya sa kanila: Narito, aahon tayo sa Jerusalem. Magaganap ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta patungkol sa Anak ng Tao.

32 Ito ay sapagkat ibibigay siya sa mga Gentil at siya ay kukutyain, aalimurain at duduraan. 33 Siya ay kanilang hahagupitin at papatayin at sa ikatlong araw, siya ay muling babangon.

34 Wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang pananalitang ito ay naitago mula sa kanila at hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng sinabi.

Ang Pulubing Bulag ay Nakakita

35 Papalapit na siya sa Jerico. Nangyari, na may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.

36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdadaan, tinanong niya kung ano ito. 37 Sinabi nila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret ay dumadaan. 38 Ang bulag ay sumigaw. Sinabi niya: Jesus, anak ni David, kahabagan mo ako.

39 Sinaway siya ng mga nauuna at pinatahimik ngunit lalo pa siyang sumigaw: Anak ni David, kahabagan mo ako.

40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin siya sa kaniya. Sa paglapit ng bulag, tinanong siya ni Jesus: 41 Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo.

Sinabi niya: Panginoon, ibig kong makakita.

42 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Makakita ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. 43 Kaagad-agad, nakakita siya at sumunod sa kaniya na nagluluwalhati sa Diyos. Ang lahat ng mga taong nakakita ay nagpuri sa Diyos.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International