Beginning
Ang Talaan ng mga Ninuno ni Jesucristo
1 Ang aklat ng talaan ng angkan ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.
2 Naging anak ni Abraham si Isaac at naging anak ni Isaac si Jacob. Naging anak naman ni Jacob si Juda at ang kaniyang mga kapatid. 3 Naging anak ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Naging anak naman ni Fares si Esrom at naging anak ni Esrom si Aram. 4 Naging anak ni Aram si Abinadab at naging anak ni Abinadab si Naason. Naging anak naman ni Naason si Salmon. 5 Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz at naging anak ni Booz kay Ruth si Obed. Naging anak naman ni Obed si Jesse.
6 Naging anak ni Jesse si haring David at naging anak ni haring David si Solomon sa naging asawa ni Urias. 7 Naging anak ni Solomon si Rehoboam at naging anak ni Rehoboam si Abias. Naging anak naman ni Abias si Asa. 8 Naging anak ni Asa si Jehosafat at naging anak naman ni Jehosafat si Joram. Naging anak naman ni Joram si Uzia. 9 Naging anak ni Uzia si Jotam at naging anak ni Jotam si Acas. Naging anak naman ni Acas si Hezekia. 10 Naging anak ni Hezekia si Manase at naging anak naman ni Manase si Amon. Naging anak naman ni Amon si Josia. 11 Naging anak naman ni Josia si Jeconia at ang kaniyang mga kapatid. Ito ay noong ang mga taga-Israel ay dinalang bihag sa Babilonia.
12 Nang sila ay dinala sa Babilonia, naging anak ni Jeconia si Shealtiel. Naging anak ni Shealtiel si Zerubabel. 13 Naging anak ni Zerubabel si Abiud at naging anak ni Abiud si Eliaquim. Naging anak naman ni Eliaquim si Azor. 14 Naging anak ni Azor si Sadoc at naging anak ni Sadoc si Aquim. Naging anak naman ni Aquim si Eliud. 15 Naging anak ni Eliud si Eleazar at naging anak ni Eleazar si Matan. Naging anak naman ni Matan si Jacob. 16 Naging anak naman ni Jacob si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang nanganak kay Jesus na tinatawag na Cristo.
17 Samakatuwid, ang lahat ng sali’t saling lahi mula kay Abraham hanggang kay David ay labing-apat na lahi. Mula naman kay David hanggang sa panahon ng pagkabihag sa Babilonia ay labing-apat na sali’t saling lahi. Mula naman sa panahon ng pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labing-apat na sali’t saling lahi.
Ipinanganak si Jesus
18 Ganito ang naging kapanganakan ni Jesucristo. Ang kaniyang inang si Maria ay nakatakdang mapangasawa ni Jose. Ngunit bago pa sila nagsama, si Maria ay natagpuang nagdadalang-tao na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
19 Si Jose na kaniyang asawa ay lalaking matuwid at hindi niya ginusto na mapahiya sa madla si Maria, kaya nagpasiya siyang paalisin nang lihim si Maria.
20 Samantalang iniisip niya ang mga bagay na ito, narito, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa kaniya sa isang panaginip. Sinabi ng anghel: Jose, ikaw na nagmula sa angkan ni David, huwag kang mangambang tanggapin si Maria na iyong asawa. Ito ay dahil ang dinadala niya sa kaniyang sinapupunan ay sa Banal na Espiritu. 21 Siya ay manganganak ng isang lalaki. Ang ipangangalan mo sa kaniya ay Jesus sapagkat ililigtas niya ang kaniyang mga tao sa kanilang kasalanan.
22 Ang lahat ng ito ay naganap upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta. 23 Sinabi nila: Narito, isang dalagang birhen ang magdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Tatawagin nila siyang Emmanuel na ang ibig sabihin ay: Ang Diyos ay sumasaatin.
24 Sa pagbangon ni Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ayon sa ipinag-utos sa kaniya ng anghel ng Panginoon. Tinanggap niya si Maria upang maging asawa. 25 Hindi niya sinipingan ang kaniyang asawa hanggang sa maipanganak niya ang kaniyang panganay na anak na lalaki. Pinangalanan siya ni Jose na Jesus.
Ang Pagdating ng mga Pantas
2 Pagkatapos na maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Juda, sa panahon ng paghahari ni Herodes, may dumating sa Jerusalem mula sa silangan, na mga lalaking pantas sa pag-aaral ng mga bituin.
2 Sinabi nila: Saan naroroon ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Ito ay sapagkat nakita namin ang kaniyang bituin sa silangan at naparito kami upang sambahin siya.
3 Nang marinig ni haring Herodes ang mga bagay na ito, naligalig siya at ang lahat ng mga tao sa Jerusalem. 4 Tinipon niya ang lahat ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ng mga tao. Tinanong niya sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. 5 Sinabi nila sa kaniya: Sa Bethlehem ng Judea sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
6 Ikaw Bethlehem sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga gobernador ng Juda sapagkat mula sa iyo ay lalabas ang isang pinuno na siyang mamumuno sa aking bayang Israel.
7 Nang magkagayon, tinawag ni Herodes nang palihim ang mga pantas na lalaki. Itinanong niyang mabuti sa kanila kung kailan nagpakita ang bituin. 8 At pinapunta niya sila sa Bethlehem. Sinabi niya: Pumaroon kayo at matiyaga ninyong ipagtanong ang patungkol sa bata. Kapag natagpuan ninyo siya, balitaan ninyo ako upang makapunta rin ako at sambahin siya.
9 Pagkarinig nila sa hari ay tumuloy na sila sa kanilang lakad. Narito, ang bituin na kanilang nakita sa silanganan ay nanguna sa kanila. Nanguna ito sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng maliit na bata. 10 Nang makita nila ang bituin, lubos silang nagalak. 11 Nang sila ay nasa loob na ng bahay, nakita nila ang bata, kasama ang kaniyang inang si Maria. Sila ay nagpatirapa at sinamba ang bata. Nang mabuksan na nila ang kanilang mga kayamanan, naghandog sila sa kaniya ng mga kaloob. Ang mga ito ay ginto, kamangyan at mira. 12 At nagbabala ang Diyos sa kanila sa isang panaginip na huwag na silang bumalik kay Herodes. Kaya sila ay nag-iba ng daan pauwi sa kanilang sariling lupain.
Tumakas Sila Papuntang Egipto
13 Nang sila ay nakauwi na, nangyari na ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa isang panaginip. Sinabi ng anghel: Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina. Tumakas kayo papuntang Egipto sapagkat ipahahanap na ni Herodes ang bata upang patayin. Manatili kayo roon hanggang sa sabihin ko sa iyo.
14 Bumangon siya at sa kinagabihan, dinala niya ang bata at ang ina nito papuntang Egipto. 15 Nanatili sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi: Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.
16 Nang magkagayon, nakita ni Herodes na nalinlang siya ng mga lalaking pantas. Labis siyang nagalit at nag-utos siya na patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa buong palibot nito. Ang mga batang ipinapatay ay mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahon na maingat niyang tinanong sa mga lalaking pantas. 17 Nang magkagayon, natupad ang sinabi ng propetang Jeremias, na sinasabi:
18 Isang tinig ang narinig sa Rama. Panaghoy, pananangis at pagdadalamhati. Tinatangisan ni Rachel ang kaniyang mga anak. Hindi niya ibig na maaliw sapagkat sila ay wala na.
Bumalik Sila Mula sa Egipto
19 Ngunit nang patay na si Herodes, narito, isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa Egipto sa isang panaginip.
20 Sinabi niya: Bumangon ka at dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumaroon kayo sa lupain ng Israel sapagkat patay na silang naghahangad sa buhay ng bata.
21 Bumangon siya at dinala ang bata at ang ina nito at dumating sa lupain ng Israel. 22 Si Arquelao ang naghahari sa Judea bilang kapalit ng kaniyang amang si Herodes. Nang mabalitaan ito ni Jose, natakot siyang pumunta roon. Sa isang panaginip binigyan siya ng Diyos ng babala. Umalis siya patungo sa mga dako ng Galilea. 23 Siya ay dumating at tumira sa isang lungsod na tinatawag na Nazaret. Sa ganito natupad ang sinabi ng mga propeta:
Siya ay tatawaging taga-Nazaret.
Si Juan na Tagapagbawtismo ay Nangaral at Nagbawtismo
3 Nang panahong iyon, dumating si Juan na tagapagbawtismo. Siya ay nangangaral sa ilang ng Judea.
2 Sinabi niya: Magsisi kayo sapagkat malapit na ang paghahari ng langit. 3 Ito ay sapagkat siya ang tinutukoy ni propeta Isaias nang kaniyang sabihin:
Ang tinig ng isang lalaking sumisigaw sa ilang. Sinabi niya: Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon. Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.
4 Ang damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo at may isang pamigkis na katad sa kaniyang baywang. Ang kaniyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan. 5 Pumunta sa kaniya ang mga tao mula sa Jerusalem, mula sa buong Judea at sa lahat ng mga dako sa palibot ng Jordan. 6 Pinagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan at binabawtismuhan niya sila sa ilog ng Jordan.
7 Maraming Fariseo at Saduseo ang lumalapit sa kaniyang pagbabawtismo. Nang makita niya sila, sinabi niya: Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang takasan ang malapit nang dumating na galit ng Diyos? 8 Magbunga nga kayo nang karapat-dapat sa pagsisisi. 9 Huwag ninyong ipalagay sa inyong sarili: Si Abraham ang aming ama. Sinasabi ko sa inyo na ang Diyos ay makakalikha ng mga anak ni Abraham mula sa batong ito. 10 Ngayon din ay nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga punong-kahoy. Kaya nga, ang bawat punong-kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay puputulin at ihahagis sa apoy.
11 Binabawtismuhan ko nga kayo ng tubig sa pagsisisi, ngunit siya na dumarating na kasunod ko ay higit na dakila kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat magdala ng kaniyang panyapak. Siya ang magbabawtismo sa inyo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Hawak na niya ang kaniyang pantahip upang linisin niya nang lubos ang kaniyang giikan. Titipunin niya ang kaniyang trigo sa bangan. Ngunit ang dayami ay susunugin niya sa apoy na hindi namamatay.
Binawtismuhan ni Juan si Jesus
13 Nang magkagayon, dumating si Jesus mula sa Galilea. Pumunta siya kay Juan sa ilog ng Jordan upang magpabawtismo.
14 Ngunit tumanggi si Juan. Sinabi niya: Ako ang dapat mong bawtismuhan. Bakit ka magpapabawtismo sa akin?
15 Sumagot si Jesus sa kaniya: Pumayag ka nang mangyari ito ngayon sapagkat nararapat nating tuparin ang lahat ng katuwiran sa ganitong kaparaanan. Nang magkagayon, pumayag na si Juan.
16 Nang mabawtismuhan na si Jesus, kaagad siyang umahon mula sa tubig. Narito, ang mga langit ay nabuksan sa kaniya. Nakita ni Juan ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad ng isang kalapati at lumapag kay Jesus. 17 Narito, isang tinig mula sa langit ang nagsabi: Ito ang pinakamamahal kong anak na labis kong kinalulugdan.
Tinukso ng Diyablo si Jesus
4 Nang magkagayon, pinatnubayan ng Banal na Espititu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo.
2 Nang siya ay makapag-ayuno na ng apatnapung araw at apatnapung gabi, nagutom siya. 3 Lumapit ang manunukso sa kaniya at sinabi: Yamang ikaw ang Anak ng Diyos, sabihin mo sa mga batong ito na maging tinapay.
4 Sumagot si Jesus sa kaniya, na sinasabi: Nasusulat:
Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.
5 Nang magkagayon, dinala siya ng diyablo sa banal na lungsod. Pinatayo siya sa taluktok ng templo. 6 Sinabi ng diyablo sa kaniya:Yamang ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon ka sapagkat nasusulat:
Uutusan niya ang kaniyang mga anghel patungkol sa iyo. Bubuhatin ka at dadalhin ka ng kanilang mga kamay upang hindi tumama ang iyong paa sa bato.
7 Sinabi sa kaniya ni Jesus: Nasusulat din naman:
Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.
8 Muli siyang dinala ng diyablo sa isang napakataas na bundok. Ipinakita sa kaniya ang lahat ng paghahari sa sanlibutan at ang kaluwalhatian nito. 9 Sinabi ng diyablo sa kaniya: Lahat ng mga bagay na iyon ay ibibigay ko sa iyo kung magpatirapa ka at sambahin ako.
10 Nang magkagayon, sinabi ni Jesus sa kaniya: Lumayo ka, Satanas, sapagkat nasusulat:
Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos at siya lamang ang iyong paglingkuran.
11 Nang magkagayon, iniwan siya ng diyablo. Narito, dumating ang mga anghel at naglingkod sa kaniya.
Nagpasimulang Mangaral si Jesus
12 Nang marinig ni Jesus na si Juan ay naibilanggo, pumunta siya sa Galilea.
13 Mula sa Nazaret ay pumunta siya sa Capernaum at doon nanirahan. Ito ay nasa tabi ng dagat, sa may hangganan ng Zebulon at Neftali. 14 Ginawa niya ito upang matupad ang inihula ni propeta Isaias na nagsabi:
15 Ang lupain ng Zebulon at ang lupain ng Neftali, daanan sa gawing dagat sa ibayong Jordan, Galilea ng mga Gentil. 16 Ang mga taong nanahan sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag. Sumikat ang ilaw sa kanila na nanahan sa pook at lilim ng kamatayan.
17 Mula noon, nagsimulang mangaral si Jesus. Sinabi niya: Magsisi kayo sapagkat malapit na ang paghahari ng langit.
Tinawag ni Jesus ang Unang mga Alagad
18 Habang si Jesus ay naglalakad sa tabi ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid. Sila ay sina Simon na tinatawag na Pedro at ang nakakabata niyang kapatid na si Andres. Naghahagis sila ng lambat sa lawa sapagkat sila ay mga mangingisda.
19 Sinabi niya sa kanila: Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao. 20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.
21 Sa pagpapatuloy niya sa paglalakad, nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan. Sila ay nasa bangka at nag-aayos ng lambat kasama ang kanilang amang si Zebedeo. At tinawag sila ni Jesus. 22 Agad-agad nilang iniwan ang kanilang bangka at ang kanilang ama at sumunod sa kaniya.
May mga Pinagaling si Jesus sa Sinagoga
23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea na nagtuturo sa mga sinagoga. Ipinangangaral niya ang ebanghelyo ng paghahari ng Diyos. Nagpagaling siya ng lahat ng uri ng sakit at panghihina ng katawan ng mga tao.
24 Napabantog siya sa buong Siria. Dinala nila sa kaniya ang lahat ng mga taong maysakit na pinahihirapan ng iba’t ibang mga sakit at karamdaman. Dinala rin sa kaniya ang mga inaalihan ng mga demonyo, mga epileptiko at mga paralitiko. Pinagaling silang lahat ni Jesus. 25 Sinundan siya ng napakaraming tao na nanggaling sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea at sa ibayo ng Jordan.
Copyright © 1998 by Bibles International