Beginning
Ang Propetang Walang Karangalan
6 Si Jesus ay umalis doon at nagtungo sa kaniyang sariling lalawigan. Sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.
2 Nang sumapit ang Sabat, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Ang maraming nakarinig ay nanggilalas.
Sinasabi nila: Saan kinuha ng taong ito ang ganitong ang mga bagay? At ano itong karunungang ibinigay sa kaniya na maging ang ganitong himala ay ginawa ng mga kamay niya?
3 Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba kasama natin ang kaniyang kapatid na babae? Kaya nga, dahil sa kaniya natisod sila.
4 Subalit sinabi sa kanila ni Jesus: Ang isang propeta ay may karangalan maliban sa sarili niyang bayan, kamag-anak at sambahayan. 5 Si Jesus ay hindi makagawa roon ng himala maliban lamang sa iilang maysakit. Ipinatong niya sa kanila ang kaniyang kamay at sila ay pinagaling. 6 Namangha siya dahil sa kanilang di-pananampalataya. Gayunman pumunta siya sa mga nayon at nagturo roon.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad
7 Tinawag niya ang labindalawang alagad. Sila ay isinugo niyang dala-dalawa at binigyan ng kapamahalaan laban sa mga karumal-dumal na espiritu.
8 Inutusan niya sila na huwag magdadala ng anumang bagay sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Hindi rin sila pinagdadala ng pamigkis o tinapay o salapi sa bulsa. 9 Pinagsusuot sila ng sandalyas. Gayundin hindi sila pinagsusuot ng dalawang balabal. 10 Sinabi niya sa kanila: Saan mang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon hanggang kayo ay umalis. 11 Ang sinumang hindi tumanggap o makinig sa inyo, sa pag-alis ninyo roon, ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong talampakan. Gawin ninyo ito bilang patotoo laban sa kanila. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Higit na mabigat ang parusa sa lungsod na iyon kaysa sa parusa sa Sodoma at Gomora sa araw ng paghuhukom.
12 Sa kanilang paghayo, ipinangaral nila sa mga tao na magsisi. 13 Gayundin, maraming mga demonyo ang kanilang pinalabas, pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.
Pinugutan si Juan na Tagapagbawtismo
14 Narinig ni Herodes ang patungkol sa kaniya sapagkat bantog na ang pangalan ni Jesus. Sinabi ni Herodes: Si Juan na tagapagbawtismo ay bumangon mula sa mga patay kaya nakakagawa siya ng ganitong mga himala.
15 Ang iba ay nagsasabi: Siya ay si Elias.
May nagsasabi naman: Siya ay isang propeta o gaya ng isa sa mga propeta.
16 Subalit nang marinig ito ni Herodes, sinabi niya: Ito nga si Juan na siyang pinapugutan ko na ng ulo. Bumangon siya mula sa mga patay.
17 Sinabi ito ni Herodes dahil siya ang nagsugo noon ng mga tao upang dakpin at itanikala sa bilangguan si Juan. Ito ay sapagkat kinuha niya si Herodias para maging kaniyang asawa. Si Herodias ay asawa ni Felipe na nakakabatang kapatid ni Herodes. 18 Dahil sinabi ni Juan kay Herodes: Hindi matuwid na kunin mo ang asawa ng iyong kapatid. 19 Kaya si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at hinangad niyang ipapatay ito ngunit hindi niya ito magawa. 20 Wala siyang pagkakataong ipapatay si Juan sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Talastas niyang si Juan ay matuwid at banal na tao, kaya ipinagsanggalang niya siya. Sa pakikinig ni Herodes kay Juan, maraming bagay siyang ginawa. Gayunman, natutuwa siyang makinig sa kaniya.
21 At dumating ang pagkakataon ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes kaya ipinaghanda niya ng isang piging ang kaniyang mga matataas na opisyal, pinuno ng hukbo at mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Ang anak na babae ni Herodias ay pumasok at sumayaw. Nasiyahan si Herodes at ang mga kasama niya sa kainan.
Dahil dito sinabi ng hari sa dalagita: Hingin mo ang anumang ibigin mo at ibibigay ko sa iyo.
23 Nanumpa siya sa dalagita: Ibibigay ko ang anumang iyong hingin kahit na kalahati ng aking paghahari.
24 Lumabas ang dalagita at tinanong ang kaniyang ina. Ano ang hihingin ko?
Sinabi ng ina: Ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo.
25 Nagmamadaling pumasok ang dalagita sa kinaroroonan ng hari at humingi na nagsasabi: Ibig kong ibigay mo kaagad sa akin ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo na nakalagay sa isang bandehado.
26 Ang hari ay lubhang nagdalamhati. Ngunit dahil sa mga ginawa niyang panunumpa at sa mga panauhin hindi niya matanggihan ang dalagita. 27 Kaagad na isinugo ng hari ang kaniyang sundalo na dalhin sa kaniya ang ulo ni Juan. Umalis ang sundalo at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 28 Dinala ang kaniyang ulo na nasa bandehado at ibinigay ito sa dalagita. Ibinigay naman ito ng dalagita sa kaniyang ina. 29 Pumunta roon ang mga alagad ni Juan nang marinig nila ito. Kinuha nila ang bangkay at inilibing.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki
30 Ang mga apostol ay magkakasamang nagkatipun-tipon kay Jesus at iniulat sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa at itinuro.
31 Sinabi ni Jesus sa kanila: Sumama kayo sa akin sa isang ilang na dako at mamahinga sandali. Dahil marami ang pumaparoon at pumaparito, wala na silang panahong kumain.
32 Kaya umalis silang lulan ng bangka patungo sa isang ilang na dako. 33 Nakita sila ng napakaraming tao sa kanilang pag-alis, at marami ang nakakilala kay Jesus. Nagtakbuhan sila mula sa lahat ng mga lungsod at nauna pang dumating sa kanila. Sama-sama silang lumapit kay Jesus. 34 Pagkalunsad ni Jesus, nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila sapagkat sila ay parang mga tupang walang pastol. Sinimulan niyang turuan sila ng maraming bagay.
35 Nang palubog na ang araw, lumapit kay Jesus ang kaniyang mga alagad. Kanilang sinabi: Ang lugar na ito ay ilang at gumagabi na. 36 Paalisin ninyo ang mga tao upang pumunta sa mga karatig pook at nayon upang makabili sila ng kanilang makakain sapagkat sila ay walang makakain.
37 Subalit sinabi ni Jesus sa kanila: Bigyan ninyo sila ng makakain.
At sinabi nila sa kaniya: Aalis ba kami at bibili ng halagang dalawang daang denariong tinapay at ipapakain sa kanila?
38 At sinabi niya sa kanila: Ilang tinapay mayroon tayo? Lumakad kayo at tingnan ninyo.
Nang kanilang malaman sinabi nila: Limang tinapay at dalawang isda.
39 Inutusan sila ni Jesus na paupuin nang pangkat-pangkat sa luntiang damo ang lahat ng mga tao. 40 Kayat sila ay umupo nang pangkat-pangkat na tig-iisangdaan at tiglilimampu. 41 Nang kunin niya ang limang tinapay at dalawang isda, tuminginsiya sa langit at pinagpala niya ito. Pinagputul-putol niya ang tinapay at ibinigay sa kaniyang mga alagad upang idulotnaman nila sa mga tao. Gayundin, ipinamahagi niya sa kanilanglahat ang dalawang isda. 42 Nakakain silang lahat at nabusog. 43 Kanilang kinuha ang mga lumabis na pira-pirasong tinapay at isda, at nakapuno sila ng labindalawang bakol. 44 Ang mga nakakain ng tinapay ay halos limang libong lalaki.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig
45 Agad na inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na sumakay sa bangka at pinauna sa kabilang ibayo patungong Betsaida. Siya ay nagpaiwan upang pauwiin ang napakaraming tao.
46 Nang makagpaalam si Jesus sa mga tao, siya ay umahon sa bundok upang manalangin.
47 Nang gumabi na, ang bangka na sinasakyan ng mga alagad ay nasa gitna na ng lawa, at si Jesus ay nag-iisa sa lupa. 48 Nakita niyang nahihirapan sila sa paggaod sapagkat pasalungat ang hangin sa kanila. Nang madaling-araw na, pumunta sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng lawa na tila lalampasan sila. 49 Pagkakita nila sa kaniya na lumalakad sa ibabaw ng lawa ay inakala nilang siya ay multo, kaya napasigaw sila. 50 Ito ay sapagkat nakita siya ng lahat at sila ay lubhang natakot.
Subalit kaagad niyang sinabi sa kanila: Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito, huwag kayong matakot.
51 Sumakay siya sa bangka at humupa ang hangin. Lubos silang nanggilalas at namangha. 52 Ang dahilan nito ay hindi nila maunawaan ang nangyari sa tinapay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso.
53 Nang sila ay nakatawid na ng lawa, dumating sila sa lupain ng Genesaret at dumaong sa dalampasigan. 54 Sa kanilang paglunsad mula sa bangka kaagad na nakilala ng mga tao si Jesus. 55 Sa paglibot ng mga tao sa paligid, sinimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. Dinadala nila ang mga maysakit saan man nila mabalitaang naroroon siya. 56 Saan man pumasok si Jesus, maging sa nayon, o lungsod o karatig pook ay inilalagay nila sa mga pamilihang dako ang mga maysakit. Ipinamamanhik nila sa kaniya na payagan silang mahipo man lamang ang laylayan ng kaniyang damit. Lahat ng nakahipo sa kaniya ay gumaling.
Ang Malinis at ang Marumi
7 Sama-samang nagkatipun-tipon sa kinarooronan ni Jesus ang mga Fariseo at ilang mga guro ng kautusan na nagmula sa Jerusalem.
2 Nakita nila ang ilan sa mga alagad ni Jesus na kumakain ng tinapay na may madungis na mga kamay. Pinulaan nila ang mga alagad. 3 Ito ay sapagkat ang mga Fariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makakapaghugas sila sa natatanging paraan ng kanilang mga kamay. Pinanghahawakan nila ang kaugalian ng mga matanda. 4 Kapag galing sa pamilihang dako, hindi rin sila kumakain nang hindi muna sila naghuhugas[a] ng kanilang sarili. Marami pang ibang mga bagay ang kanilang pinanghahawakan na kanilang tinanggap at sinusunod. Ito ay tulad ng paglubog ng saro, ng banga, ng mga kagamitang tanso at ng mga higaan.
5 Kayat tinanong siya ng mga Fariseo at ng mga guro ng kautusan. Bakit hindi lumalakad ang mga alagad mo ayon sa mga kaugalian ng mga matanda? Subalit kumakain sila ng tinapay, na hindi naghuhugas sa natatanging paraan ng kanilang mga kamay.
6 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Tama ang pagkahayag ni Isaias patungkol sa inyo, mga mapagpaimbabaw. Ito ay gaya ng nasusulat:
Iginagalang ako ng mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga labi, ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin.
7 Sinasamba nila ako nang walang kabuluhan, na nagtuturo ng mga turong utos ng tao.
8 Ito ay sapagkat iniwanan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghawakan ang mga kaugalian ng mga tao tulad ng paglubog sa natatanging paraan ng mga banga at mga saro. Marami pang ganitong mga bagay ang inyong ginagawa.
9 Sinabi pa niya sa kanila: Napakahusay ninyong magpawalang-bisa sa utos ng Diyos, upang masunod ninyo ang inyong mga kaugalian. 10 Sinabi nga ni Moises: Igalang mo ang iyong ama at ina. Sinabi rin niya: Ang magsalita ng masama sa kaniyang ama o ina ay dapat siyang mamatay. 11 Subalit sinasabi ninyo: Kapag ang isang tao ay magsabi sa kaniyang ama at ina: Ang aking kaloob na salapi na kapaki-pakinabang sa inyo ay Corban. Ang ibig sabihin nito ay inihandog sa Diyos. 12 Sa gayong paraan ay pinahihintulutan ninyo siya na hindi na siya gumawa ng anumang bagay para sa kaniyang ama at ina. 13 Winawalang kabuluhan nga ninyo ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong kaugalian, na inyong ibinigay. Marami pang bagay na tulad nito ang ginagawa ninyo.
14 Muling pinalapit ni Jesus sa kaniya ang napakaraming tao at sinabi niya sa kanila: Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain ang aking mga salita. 15 Ang nagpaparumi sa tao ay hindi ang pumapasok sa kaniya mula sa labas kundi ang lumalabas sa kaniya. 16 Ang sinumang may tainga na nakakarinig ay makinig.
17 Iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at nang makapasok siya sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad patungkol sa talinghaga. 18 Sinabi niya sa kanila: Kayo ba ay wala ring pang-unawa? Hindi ba ninyo nauunawaan na anumang bagay na pumasok sa tao mula sa labas ay hindi nagpaparumi sa kaniya? 19 Ito ay sapagkat hindi ito pumapasok sa kaniyang puso kundi sa tiyan at ito ay idinudumi sa palikuran. Sinabi ito ni Jesus upang ipahayag na ang lahat ng pagkain ay malinis.
20 Sinabi niya: Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kaniya. 21 Ito ay sapagkat mula sa loob, sa puso ng tao nagmumula ang masamang kaisipan, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagpatay. 22 Mga pagnanakaw, mga pag-iimbot, mga kasamaan, pandaraya, kalibugan, pagkainggit, matang masama, pamumusong, kayabangan at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nagmumula sa loob at siyang nagpaparumi sa tao.
Ang Pananampalataya ng Babaeng Taga-Sirofenicia
24 Mula roon, umalis si Jesus at pumunta sa mga lupaing nasasakupan ng Tiro at Sidon. Pumasok siya sa bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na naroroon siya, ngunit hindi siya makapagtago.
25 Ito ay sapagkat narinig ng isang inang may anak na babae, na inaalihan ng karumal-dumal na espiritu, na naroroon si Jesus. Pumunta siya kay Jesus at nagpatirapa sa kaniyang paanan. 26 Ang babae ay taga-Grecia, ipinanganak sa Sirofenicia. Hiniling niya kay Jesus na palabasin ang demonyo mula sa kaniyang anak.
27 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Hayaan munang mabusog ang mga anak sapagkat hindi mabuti na kunin sa mga anak ang tinapay at itapon sa mga aso.
28 Subalit ang babae ay sumagot kay Jesus: Totoo, Panginoon. Sapagkat maging ang mga aso man na nasa ilalim ng hapag kainan ay kumakain ng mga nahuhulog na mumo mula sa mga anak.
29 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Dahil sa sinabi mong ito, lumakad ka na. Lumabas na ang demonyo sa iyong anak.
30 Pagdating ng babae sa kaniyang bahay, nakita niyang lumabas na ang demonyo sa kaniyang anak. Ang kaniyang anak ay nakahiga sa kama.
Ang Pagpapagaling sa Lalaking Bingi at Pipi
31 Muling umalis si Jesus sa lupaing nasasakupan ng Tiro at Sidon, at dumating siya sa lawa ng Galilea hanggang sa sakop ng Decapolis.
32 Kanilang dinala sa kaniya ang isang lalaking bingi na nahihirapang magsalita. Ipinamanhik nila sa kaniya na ipatong niya sa lalaking ito ang kaniyang mga kamay.
33 Nang mailayo siya ni Jesus mula sa napakaraming tao, isinuot niya ang kaniyang daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura si Jesus at hinipo ang dila nito. 34 Sa pagtingala niya sa langit, siya ay dumaing at sinabi sa lalaki: Efata.Ang ibig sabihin nito ay: Mabuksan. 35 Kaagad na nabuksan ang mga tainga ng lalaki. Nakalag ang tali na pumipigil sa kaniyang dila at nagsalita na siya nang malinaw.
36 Iniutos sa kanila ni Jesus na huwag itong sasabihin kaninuman. Ngunit kung gaano silang pinagbawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. 37 Sila ay lubhang nanggilalas na nagsasabi: Ang lahat ng kaniyang ginawa ay napakabuti. Ginawa niyang ang bingi ay makarinig at ang pipi ay makapagsalita.
Copyright © 1998 by Bibles International