Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 24-25

Mga Tanda ng Huling Kapanahunan

24 Si Jesus ay lumabas at umalis mula sa templo. Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad upang ituro sa kaniya ang mga gusali ng templo.

Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Nakikita ba ninyo ang lahat ng mga ito? Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Walang maiiwanang isang bato dito na nakapatong sa kapwa bato na hindi babagsak.

Habang siya ay nakaupo sa bundok ng mga Olibo, ang kaniyang mga alagad ay lumapit sa kaniya nang bukod. Sinabi nila: Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? Ano ang tanda ng iyong pagdating at ang mga tanda ng katapusan ng kapanahunang ito?

Sumagot si Jesus sa kanila: Mag-ingat kayo, na hindi kayo mailigaw ng sinuman. Ito ay sapagkat maraming darating sa aking pangalan. Sasabihin nila: Ako ang Mesiyas. At marami silang ililigaw. Maririnig na ninyo ang mga digmaan at mga bali-balita ng mga digmaan. Ngunit huwag kayong mabalisa sapagkat ang mga bagay na ito ay kinakailangang mangyari, ngunit hindi pa ito ang wakas. Ito ay sapagkat babangon ang isang bansa laban sa isang bansa at babangon ang isang paghahari laban sa isang paghahari. Magkakaroon ng mga taggutom, at mga salot at mga lindol sa iba’t ibang dako. Ang lahat ng mga ito ay pasimula ng sakit na nararamdaman ng isang babaeng manganganak.

Pagkatapos ay ibibigay nila kayo sa paghihirap at papatayin nila kayo. Kapopootan kayo ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Marami ang matitisod at magkakanulo sa isa’t isa at mapopoot sa isa’t isa. 11 Maraming lilitaw na mga bulaang propeta at ililigaw ang marami. 12 Dahil sa paglaganap ng hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos, ang pag-ibig ng marami ay manlalamig. 13 Ngunit siya na makapagtitiis hanggang wakas ay maliligtas. 14 Ang ebanghelyo ng paghahari ng Diyos ay ipapangaral muna sa buong daigdig upang maging patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating na ang wakas.

15 Makikita nga ninyo ang kasuklam-suklam na paninira na sinabi ni Daniel, ang propeta na nakatayo sa banal na dako. Siya na bumabasa, unawain niya. 16 Kapag mangyari ang mga bagay na ito, sila na nasa Judea ay tatakas sa mga bundok. 17 Siya na nasa bubungan ay huwag nang bababa upang kumuha ng anuman sa kaniyang bahay. 18 Siya na nasa bukid ay huwag nang babalik upang kumuha ng kaniyang mga damit. 19 Ngunit sa aba ng mga nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 20 Manalangin kayo na ang inyong pagtakas ay huwag mangyari sa taglamig o sa araw ng Sabat. 21 Ito ay sapagkat magkakaroon ng malaking kahirapan na hindi pa nangyayari mula pa ng simula ng sanlibutan hanggang sa ngayon. At wala ng mangyayaring katulad nito kailanman. 22 Malibang bawasan ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, babawasan ang mga araw na iyon.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao

23 Kung ang sinuman ay magsabi sa iyo: Narito, tingnan mo ang Mesiyas, o naroon, huwag mo siyang paniwalaan.

24 Ito ay sapagkat may lilitaw na mga bulaang Mesiyasat mga bulaang propeta. Magpapakita sila ng mga dakilang tanda at mga kamangha-manghang gawa upang iligaw, kung maaari, kahit ang mga hinirang. 25 Narito, ipinagpauna ko na itong sabihin sa inyo.

26 Kung sasabihin nga nila sa inyo: Narito, siya ay nasa ilang, huwag kayong pupunta. Kung sasabihin nila: Siya ay nasa silid, huwag ninyo itong paniwalaan. 27 Ito ay sapagkat kung papaanong ang kidlat ay nagmumula sa silangan at nakikita hanggang sa kanluran, gayundin ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Ito ay sapagkat kung nasaan ang bangkay, doon nagtitipon ang mga buwitre.

29 Pagkatapos ng mga paghihirap sa mga araw na iyon,

kaagad ang araw ay magdidilim. Ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay babagsak mula sa langit. Ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.

30 Pagkatapos ay makikita ang mga tanda ng Anak ng Tao sa langit. Pagkatapos ay mananaghoy ang lahat ng mga lipi ng lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta. Kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa mga hangganan ng mga langit hanggang sa mga kabilang hangganan.

32 Ngunit alamin ninyo ang talinghaga mula sa puno ng igos. Kapag ang sanga nito ay nanariwa na, at lumabas na ang mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-init. 33 Gayon nga rin kayo. Kapag nakita na ninyo ang mga bagay na ito, alam ninyo na ito ay malapit na, nasa pintuan na. 34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang mangyari ang mga bagay na ito. 35 Ang langit at ang lupa ay lilipas ngunit kailanman ay hindi lilipas ang aking mga salita.

Walang Nakaaalam sa Araw at Oras

36 Patungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel kundi tanging ang aking Ama lamang.

37 Ngunit katulad sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. 38 Ito ay sapagkat katulad ng mga araw bago ang baha, sila ay kumakain at umiinom. Sila ay nag-aasawa at ipinakikipagkasundo sa pag-aasawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa loob ng daong. 39 Hindi nila ito nalaman hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat. Gayon nga ang pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon, dalawa ang nasa bukid. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan. 41 Dalawang babae ang naggigiling sa gilingan. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.

42 Kaya nga, dapat kayong magbantay sapagkat hindi ninyo alam kung anong oras darating ang inyong Panginoon. 43 Ngunit alamin ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng sambahayan ang oras ng pagdating ng magnanakaw, siya ay magbabantay. Hindi niya pababayaang mawasak ang kaniyang bahay. 44 Kaya nga, kayo rin ay maging handa sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.

45 Sino nga ang tapat at matalinong alipin na pinagkati­walaan ng kaniyang panginoon at ipinagkatiwala ang kaniyang sambahayan upang magbigay sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? 46 Pinagpala ang aliping iyon na pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gumagawa ng gayon. 47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakatiwala sa kaniya ang lahat ng ari-arian ng kaniyang panginoon. 48 Ngunit kapag ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kaniyang puso: Maantala ang pagdating ng aking panginoon. 49 Sisi­mulan niyang hampasin ang kaniyang mga kapwa alipin. Siya ay kakain at iinom kasama ng mga manginginom. 50 Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan. Siya ay darating sa oras na hindi niya alam. 51 Puputulin siya sa dalawa at ang kaniyang bahagi ay ilalagay kasama ng mga mapagpa­imbabaw. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Ang Talinghaga Patungkol sa Sampung Dalaga

25 Ang paghahari ng mga langit ay katulad sa sampung dalagang birhen. Pagkakuha nila ng kanilang mga ilawan, sila ay lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.

Ang lima sa kanila ay matalino at ang lima ay mangmang. Ito ay sapagkat sila na mga mangmang, pagkakuha ng kanilang mga ilawan, ay hindi nagdala ng langis. Ang mga matalino ay nagdala ng langis sa kanilang lalagyan kasama ng kanilang mga ilawan. Ngunit natagalan ang lalaking ikakasal. Silang lahat ay inantok at nakatulog.

Ngunit mayroong sumigaw sa kalagitnaan na ng gabi. Kaniyang sinabi: Narito, dumarating na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo at salubungin siya.

Bumangon ang lahat ng mga dalagang birhen at inihanda ang kanilang mga ilawan. Sinabi ng mga mangmang na mga birhen sa mga matalino: Bigyan ninyo kami ng mga langis sapagkat mamamatay na ang aming ilawan.

Sumagot ang matatalinong birhen: Hindi maaari. Baka hindi ito maging sapat para sa inyo at sa amin. Pumunta na lang kayo roon sa mga nagtitinda at bumili kayo para sa inyong sarili.

10 Ngunit nang sila ay umalis upang bumili, ang lalaking ikakasal ay dumating. Silang mga nakahanda ay pumasok na kasama ang lalaking ikakasal sa piging ng kasalan at ang pinto ay isinara.

11 Maya-maya ay dumating ang ibang mga dalagang birhen. Sinabi nila: Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.

12 Ngunit sumagot siya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi ko kayo nakikilala.

13 Magbantay nga kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras ng pagdating ng Anak ng Tao.

Ang Talinghaga Patungkol sa Talento

14 Ito ay katulad din sa isang lalaking papaalis ng bansa. Tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian.

15 Ibinigay niya sa isang alipin ang limang talento, sa isa pang alipin ay dalawang talento at sa isa pang alipin ay isang talento. Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kaniyang kakayanan. Siya ay umalis agad ng bansa. 16 Siya na nakatanggap ng limang talento ay nangalakal at tumubo ng lima pang talento. 17 Gayundin ang nakatanggap ng dalawang talento, siya ay tumubo ng dalawa pa. 18 Ngunit siya na nakatanggap ng isang talento ay umalis. Siya ay naghukay sa lupa at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon.

19 Pagkatapos ng mahabang panahon, dumating ang Panginoon ng mga aliping iyon at sila ay nagbigay-sulit sa kaniya. 20 Dumating ang nakatanggap ng limang talento at nagdala siya ng lima pang talento. Sinabi niya: Panginoon, ipinagkatiwala mo sa akin ang limang talento. Narito, bukod dito ay tumubo pa ako ng lima.

21 Sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa. Ikaw ay mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming mga bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

22 Dumating din ang nakatanggap ng dalawang talento. Sinabi niya: Ipinagkatiwala mo sa akin ang dalawang talento. Tingnan mo, bukod dito ay tumubo pa ako ng dalawa.

23 Sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa. Ikaw ay mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

24 Dumating din ang nakatanggap ng isang talento. Sinabi niya: Panginoon, kilala kita na ikaw ay isang malupit na tao. Umaani ka sa hindi mo inihasik at nagtitipon sa hindi mo ikinalat. 25 Dahil sa takot, ako ay umalis at itinago ang iyong talento sa lupa. Narito ang para sa iyo.

26 Sumagot ang kaniyang panginoon: Ikaw ay masama at tamad na alipin! Nalalaman mo na ako ay umaani sa hindi ko inihasik at nagtitipon sa hindi ko ikinalat. 27 Nararapat sana na inilagay mo ang aking salapi sa mga mamamalit ng salapi.At sa aking pagdating ay tatanggapin ko ang aking salapi na may tubo.

28 Kunin nga sa kaniya ang talento at ibigay sa kaniya na may sampung talento. 29 Ito ay sapagkat ang bawat mayroon ay bibigyan at siya ay tatanggap ng sagana.Ngunit sa kaniya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin sa kaniya. 30 Ang walang silbing alipin ay itatapon sa kadiliman sa labas. Doon ay may pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Ang mga Tupa at ang mga Kambing

31 Darating ang Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian kasama ng mga banal na anghel. Kapag siya ay dumating, siya ay uupo sa trono ng kaniyang kaluwalhatian.

32 Titipunin niya ang lahat ng mga bansa sa kaniyang harapan. Ihihiwalay niya sila sa isa’t isa katulad ng paghihiwalay ng pastol sa mga tupa mula sa mga kambing. 33 Itatalaga niya ang mga tupa sa kaniyang kanang kamay, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.

34 Pagkatapos ay sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanang kamay: Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang paghaharing inihanda sa inyo mula pa nang itatag ang sanlibutan. 35 Ito ay sapagkat nagutom ako at binigyan ninyo ako ng makakain. Nauhaw ako at binigyan ninyo ako ng maiiinom. Ako ay naging taga-ibang bayan at ako ay inyong pinatuloy. 36 Ako ay naging hubad at dinamitan ninyo. Nagkasakit ako at ako ay inyong dinalaw. Nabilanggo ako at ako ay inyong pinuntahan.

37 Sasagot naman ang mga matuwid sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin o nauhaw at binigyan ng maiinom? 38 Kailan ka namin nakitang naging taga-ibang bayan at pinatuloy ka o naging hubad at dinamitan ka namin? 39 Kailan ka namin nakitang nagkasakit o nabilanggo at dumalaw kami sa iyo?

40 Sasagot ang hari sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin.

41 Sasabihin din niya roon sa mga nasa kaliwa: Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel. 42 Ito ay sapagkat nagutom ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng makakain. Nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng maiinom. 43 Ako ay naging taga-ibang bayan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy. Ako ay naging hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan. Nagkasakit ako at nabilanggo ngunit hindi ninyo ako dinalaw.

44 Sasagot din sila sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o naging taga-ibang bayan, o naging hubad o nabilanggo at hindi kami naglingkod sa iyo?

45 Siya ay sasagot sa kanila na sinasabi: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang hindi ninyo ginawa para sa isa sa mga pinakamaliit na ito, hindi rin ninyo ito ginawa sa akin.

46 Ang mga ito ay pupunta sa kaparusahang walang hanggan. Ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International