Book of Common Prayer
Ang Aklat at ang Kordero
5 At nakita (A) ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang balumbon na may sulat sa harap at likod at sarado ng pitong tatak. 2 Nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na pasigaw na nagpapahayag, “Sino ang karapat-dapat na magbukas ng balumbon at magtanggal ng mga tatak nito?” 3 Ngunit walang sinuman sa langit, sa lupa o sa ilalim man ng lupa ang makapagbukas ng balumbon o kaya'y makatingin sa loob nito. 4 Umiyak ako nang umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas ng balumbon o tumingin sa loob nito. 5 (B) Isa sa matatanda ay nagsabi sa akin, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon ng lipi ni Juda, na ugat ni David, ay nagtagumpay at kaya niyang buksan ang balumbon at tanggalin ang pitong tatak nito.”
6 At (C) nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na buháy na nilalang at ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad ng isang pinatay na may pitong sungay at pitong mata. Ang mga ito'y ang pitong[a] espiritu ng Diyos na isinugo sa buong daigdig. 7 Lumapit ang Kordero at kinuha ang balumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. 8 At nang (D) makuha niya ang balumbon, nagpatirapa sa harap ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat na matatanda. Ang bawat isa ay may hawak na alpa at mga gintong mangkok na puno ng insenso, na ang mga ito'y mga panalangin ng mga banal. 9 At umaawit (E) sila ng isang bagong awit:
“Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa balumbon
at magbukas sa mga tatak nito,
sapagkat ikaw ay pinaslang at sa pamamagitan ng iyong dugo, tinubos mo para sa Diyos
ang tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa;
10 at ginawa (F) mo silang isang kaharian at mga paring naglilingkod sa aming Diyos,
at sila'y maghahari sa daigdig.”
Ang Paggamit ng mga Talinghaga(A)
10 Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad, at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng mga talinghaga sa pagsasalita ninyo sa mga tao?” 11 Sumagot siya sa kanila, “Ito ay dahil kayo ang pinagkaloobang makaalam ng mga hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, at hindi sila ang pinagkalooban ng mga ito. 12 Sapagkat (B) sinumang mayroon ay lalo pang bibigyan, at magkakaroon siya ng napakarami; ngunit sinumang wala, pati ang anumang nasa kanya ay kukunin. 13 Ako'y nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat tumitingin sila subalit hindi nakakakita, nakikinig ngunit hindi naman nakaririnig, ni nakauunawa. 14 Sa kanila natutupad (C) ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi:
‘Makinig man kayo nang makinig, kailanma'y hindi ninyo mauunawaan,
tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita.
15 Sapagkat ang puso ng mga taong ito ay manhid na,
at hindi na makarinig ang kanilang mga tainga,
at kanilang ipinikit ang mga mata nila;
baka ang mga mata nila'y makakita,
at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang puso nila,
at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.’
16 Subalit (D) pinagpala ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakaririnig. 17 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang nagnais na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at nagnais marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.