Book of Common Prayer
30 At bakit namin inilalagay sa panganib ang aming buhay sa bawat sandali? 31 Araw-araw akong humaharap sa kamatayan! Ipinapahayag ko ito, mga kapatid, dahil sa aking pagmamalaki tungkol sa inyo, na tinataglay ko kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 32 Kung (A) sa makataong dahilan lamang kaya ako lumaban sa maiilap na hayop sa Efeso, ano ang mapapakinabang ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.” 33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang asal.” 34 Magpakatino kayo gaya ng nararapat at huwag na kayong magkasala, sapagkat may mga taong hindi pa nakakakilala sa Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.
Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay
35 Ngunit may magtatanong, “Paano muling bubuhayin ang mga patay? Anong uri ng katawan ang tataglayin nila?” 36 Ikaw na hangal! Dapat munang mamatay ang binhing iyong itinatanim bago ito mabuhay. 37 Kapag ikaw ay nagtatanim, hindi malaking katawan na ng halaman ang iyong itinatanim, kundi binhi lamang, maaaring ng trigo o ng ibang uri ng mga butil. 38 Subalit binibigyan ito ng Diyos ng katawang ayon sa kanyang kagustuhan, at ang bawat uri ng binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan. 39 Hindi lahat ng laman ay magkakatulad. May isang uri ng laman ang mga tao, at ibang laman naman ang sa mga hayop, ibang laman sa mga ibon, at iba rin sa mga isda. 40 May mga katawang panlangit, at may mga katawang panlupa, ngunit may sariling kaluwalhatian ang panlangit, at iba naman ang panlupa. 41 May isang uri ng kaningningan ang araw, at iba ang kaningningan ng buwan, at iba rin ang kaningningan ng mga bituin; at ang mga bituin ay magkakaiba rin ng kaningningan.
16 “At sa ano ko naman ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa mga palengke at tumatawag sa kanilang mga kalaro,
17 ‘Tumugtog kami ng plauta para sa inyo, ngunit hindi naman kayo sumayaw;
umawit kami ng himig pagluluksa, ngunit hindi naman kayo umiyak.’
18 Sapagkat naparito si Juan na hindi kumakain ni umiinom, ngunit sinasabi nila, ‘Sinasaniban siya ng demonyo.’ 19 Naparito ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, ‘Tingnan ninyo siya! Matakaw at manginginom, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ Subalit ang karunungan ay pinatutunayang tama sa pamamagitan ng kanyang mga gawa.”
Babala sa mga Lungsod na Di-nagsisi(A)
20 Pagkatapos nito'y sinimulan niyang sumbatan ang mga lungsod na ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi nagsisi ang mga tao roon. 21 “Kaysaklap ng sasapitin mo, Corazin! Kaysaklap ng sasapitin mo, Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagsisi na nakasuot ng damit-sako at may abo sa ulo. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa sa araw ng paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa sa inyo. 23 At ikaw Capernaum, sa akala mo ba'y itataas ka sa langit? Ibababa ka sa daigdig ng mga patay.[a] Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa iyo, nakatayo pa sana hanggang ngayon ang bayang iyon. 24 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa sa araw ng paghuhukom ang lupain ng Sodoma kaysa sa inyo.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.