Book of Common Prayer
44 “Nasa (A)ating mga ninuno sa ilang ang tolda ng patotoo, na ipinagawa ng Diyos na nagsalita kay Moises, ayon sa huwarang kanyang nakita. 45 Dinala (B) rin ito ng ating mga ninunong kasama ni Josue nang kanilang sakupin ang mga bansang pinalayas ng Diyos sa kanilang harapan. Nanatili ito roon hanggang sa panahon ni David. 46 Kinalugdan ng Diyos si David, (C) at hiniling niyang makakita ng isang tahanan para sa Diyos ni Jacob.[a] 47 Subalit (D) si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kanya. 48 Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi nananahan sa mga bahay na gawa ng tao. Sabi nga ng propeta,
49 ‘Ang (E) langit ang aking luklukan,
at ang lupa ang aking tuntungan.
Sabi ng Panginoon, ‘Sa aki'y anong uri ang itatayo ninyong bahay,
o anong dako ang aking pahingahan?
50 Hindi ba kamay ko ang gumawa ng lahat ng mga ito?’
51 “Kayong (F) matitigas ang ulo at mga bingi sa katotohanan![b] Lagi kayong sumasalungat sa Banal na Espiritu. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, gayundin ang ginagawa ninyo. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag noong una tungkol sa pagdating ng Matuwid, na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. 53 Tinanggap ninyo ang Kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, ngunit hindi ninyo ito tinupad.”
Pinagbabato si Esteban
54 Nang marinig nila ang mga ito, nagalit sila at nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.[c] 55 Subalit si Esteban, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumitig sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos.” 57 Subalit nagtakip sila ng kanilang mga tainga at nagsigawan nang malakas at sama-samang sumugod sa kanya. 58 Pagkatapos, siya'y kinaladkad nila palabas ng lungsod at doo'y pinagbabato. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang papanagutin sa kasalanang ito.” Pagkasabi nito, siya'y namatay.[d]
8 Kasang-ayon si Saulo sa pagpaslang kay Esteban.
Ang Pag-usig ni Saulo sa Iglesya
Nang araw na iyon, sumiklab ang isang malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem. Maliban sa mga apostol, nagkahiwa-hiwalay ang lahat ng mananampalataya sa buong lupain ng Judea at Samaria.
52 At sinabi ni Jesus sa mga punong pari, mga pinuno ng bantay ng templo at mga matatandang pinuno ng bayan na nagsadya sa kanya, “Sumugod kayo ritong may dalang mga tabak at pamalo, ako ba ay tulisan? 53 Araw-araw ninyo akong kasama sa templo ngunit ako'y hindi ninyo hinuhuli. Subalit ito na ang oras ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman.”
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(A)
54 Dinakip si Jesus, at dinala sa bahay ng Kataas-taasang Pari. Sa di-kalayuan naman ay sumunod si Pedro. 55 Ang mga tao ay nagpaningas ng apoy sa gitna ng patyo at naupong magkakasama. Nakiupo ring kasama nila si Pedro. 56 Isang babaing lingkod ang nakakita sa kanya na nakaupo malapit sa apoy. Pinagmasdan niyang mabuti si Pedro at sinabi, “Kasamahan din niya ang taong ito!” 57 Subalit itinanggi ito ni Pedro at sinabi, “Babae, hindi ko siya kilala!” 58 Hindi nagtagal at mayroon muling nakakita sa kanya at nagsabi, “Isa ka rin sa kanila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi.” 59 Makalipas ang halos isang oras, iginigiit ng isa pa, “Tiyak na kasamahan niya ang lalaking ito sapagkat siya ay taga-Galilea rin.” 60 At sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko alam ang sinasabi mo.” Hindi pa siya tapos sa pagsasalita nang biglang tumilaok ang tandang. 61 Lumingon ang Panginoon at tumitig kay Pedro; at naalala ni Pedro ang mga salita ng Panginoon nang sabihin nito sa kanya, “Sa araw na ito, bago pa tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo na akong naipagkaila.” 62 Kaya lumabas siya at umiyak nang buong kapaitan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.