Book of Common Prayer
15 Nang mga araw na iyon, habang nagtitipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumindig si Pedro sa gitna nila at nagsabi, 16 “Mga kapatid,[a] kailangang matupad ang Kasulatan, na noon pa ma'y sinabi na ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ni David, tungkol kay Judas na nanguna sa pagdakip kay Jesus. 17 Dati siyang kabilang sa atin at nabigyan ng bahagi sa paglilingkod na ito. 18 Ang taong ito ay bumili ng bukid mula sa bayad sa pagtataksil. Nang bumagsak siya roon nang patiwarik, pumutok ang kanyang tiyan[b] at sumambulat ang kanyang bituka. 19 Nalaman ito ng lahat ng taga-Jerusalem, kaya nga't tinawag ang bukid na iyon sa kanilang wika na “Akeldama” na ang ibig sabihi'y ‘Ang Bukid ng Dugo.’ 20 Sapagkat nasusulat (A) sa Aklat ng Mga Awit,
‘Hayaang mawalan ng tao ang kanyang tahanan,
at huwag hayaang tumira doon ang sinuman;’ at
‘Hayaang kunin ng iba ang kanyang katungkulan.’
21 Kaya mula sa mga nakasama namin sa buong panahong naglilibot ang Panginoong Jesus kasama kami, 22 buhat sa pagbabautismo ni Juan hanggang siya'y kunin mula sa atin, isa sa mga ito ay dapat maging kasama namin bilang saksi na si Jesus ay muling nabuhay. 23 Iminungkahi nila si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo, at si Matias. 24 Nanalangin sila ng ganito, ‘Panginoon, kayo na nakaaalam sa puso ng lahat, ipakita ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong hinirang 25 upang tumanggap ng katungkulan bilang apostol kapalit ni Judas, yamang ito'y kanyang tinalikuran at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.’ 26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't idinagdag siya sa labing-isang apostol.
19 Nang mahalata ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga punong pari na sila ang pinatatamaan ng talinghagang iyon, tinangka nilang dakpin si Jesus, ngunit hindi nila nagawa dahil takót sila sa mga tao.
Pagbabayad ng Buwis sa Emperador(A)
20 Kaya minatyagan nila si Jesus at sila'y nagsugo ng mga espiya upang magkunwaring matatapat, nang sa gayo'y mahuli siya sa kanyang sasabihin at madala siya sa pamamahala at kapangyarihan ng gobernador. 21 Nagtanong ang mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming ikaw ay nagsasabi at nagtuturo nang tama at wala kang pinapanigang tao, sa halip ay itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. 22 Nararapat po bang magbayad ng buwis sa Emperador o hindi?” 23 Ngunit batid niya ang kanilang katusuhan kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Ipakita ninyo sa akin ang isang denaryo. Kaninong larawan at pangalan ang narito?” At sinabi nila, “Sa Emperador.” 25 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” 26 At hindi nila nagawang hulihin siya sa kanyang sinabi sa harap ng mga tao. Namangha sila sa kanyang mga sagot at sila'y tumahimik.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.