Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 50

Ang Tunay na Pagsamba

50 Ang Panginoong Dios na makapangyarihan ay nagsasalita at nananawagan sa lahat ng tao sa buong mundo.
Nagliliwanag siya mula sa Zion,
    ang magandang lungsod na walang kapintasan.
Darating ang Dios at hindi lang siya basta mananahimik.
    Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,
    at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.
Tinawag niya ang buong langit at mundo para sumaksi
    sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.
Sinabi niya, “Tipunin sa aking harapan ang mga tapat kong pinili
    na nakipagkasundo sa akin sa pamamagitan ng paghahandog.”
Inihahayag ng kalangitan na ang Dios ay matuwid,
    dahil siya nga ang Dios na may karapatang mamuno at humatol.
Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
    pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
    Ako ang Dios, na inyong Dios.
    Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
    na palagi ninyong iniaalay sa akin.
Hindi ko kailangan ang inyong mga baka[a] at mga kambing.
10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
    ang mga hayop sa gubat at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
    at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12 Kung magutom man ako, hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
    dahil ang daigdig at ang lahat ng nasa loob nito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?
    Hindi!
    Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
    Hindi!
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
    at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios.
15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
    At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
16 Ngunit sinabi ng Dios sa mga masama,
    “Wala kayong karapatang banggitin ang aking mga kautusan at kasunduan!
17 Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.
    Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.
18 Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,
    nakikipagkaibigan kayo sa kanya at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.
19 Lagi kayong nagsasalita ng masama at kay dali para sa inyong magsinungaling.
20 Sinisiraan ninyo ang inyong mga kapatid.
21 Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,
    kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.
    Ngunit sasawayin ko kayo at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.
22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Dios,
    dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo at walang makapagliligtas sa inyo.
23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat ay pinaparangalan ako
    at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali ay ililigtas ko.”

Salmo 59-60

Panalangin Laban sa Masama

59 O Dios, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway.
    At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.
Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.
Panginoon, tingnan nʼyo!
    Inaabangan nila ako para patayin,
    kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.
4-5 Wala akong nagawang kasalanan,
    ngunit handa silang salakayin ako.
    Sige na po, Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel.
    Tingnan nʼyo na ang nangyayari; tulungan nʼyo ako!
    Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo.
    Huwag nʼyong kahabagan ang mga taksil na iyon.
Bumabalik sila kapag gabi at tumatahol
    gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita; kasing sakit ng tusok ng espada.
    At sinasabi pa nila, “Wala namang nakakarinig sa atin.”
Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon.
    Kinukutya nʼyo ang mga taong hindi sumasampalataya sa inyo.
O Dios ikaw ang aking kalakasan.
    Maghihintay ako sa inyo dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,
10 at ikaw ang Dios na nagmamahal sa akin.
    Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin ang pagbagsak ng aking mga kaaway.
11 Pero huwag nʼyo silang patayin agad
    para hindi makalimutan ng aking mga kababayan
    kung paano nʼyo pinarurusahan ang inyong mga kaaway.
    O Panginoon na aming pananggalang,
    iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 Nagkakasala sila dahil sa kasamaan ng kanilang sinasabi.
Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan.
Nagmumura sila at nagsisinungaling,
13 kaya sa inyong galit, lipulin nʼyo sila hanggang sa silaʼy maglaho.
    Sa gayon ay malalaman ng buong mundo na kayo, O Dios, ang naghahari sa Israel.
14 Bumabalik ang mga kaaway ko kapag gabi at tumatahol
    gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
15 Naglilibot sila para humanap ng pagkain at umaalulong kapag hindi nabusog.
16 Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan.
    Tuwing umaga aawit ako nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig.
    Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan.
17 O Dios, kayo ang aking kalakasan.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo,
    dahil kayo ang aking kanlungan at Dios na sa akin ay nagmamahal.

Panalangin para Tulungan ng Dios

60 O Dios, itinakwil nʼyo kami at pinabayaang malupig.
    Nagalit kayo sa amin ngunit ngayon, manumbalik sana ang inyong kabutihan.
Niyanig nʼyo ang kalupaan at pinagbitak-bitak,
    ngunit nakikiusap ako na ayusin nʼyo po dahil babagsak na ito.
Kami na mga mamamayan nʼyo ay labis-labis nʼyong pinahirapan.
    Para nʼyo kaming nilasing sa alak, sumusuray-suray.
Ngunit, para sa aming mga may takot sa inyo, nagtaas kayo ng bandila bilang palatandaan
    ng aming pagtitipon sa oras ng labanan.
Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
    Pakinggan nʼyo kami,
    upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
    “Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang kapatagan ng Sucot
    para ipamigay sa aking mga mamamayan.
Sa akin ang Gilead at Manase,
    ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
    at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
    Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
Sinong magdadala sa akin sa Edom
    at sa bayan nito na napapalibutan ng pader?
10 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
    Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
11 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
    dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
12 Sa tulong nʼyo, O Dios,
    kami ay magtatagumpay
    dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.

Salmo 33

Awit ng Papuri

33 Kayong mga matuwid,
    sumigaw kayo sa galak,
    dahil sa ginawa ng Panginoon!
    Kayong namumuhay ng tama,
    nararapat ninyo siyang purihin!
Pasalamatan ninyo ang Panginoon
    sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
Awitan ninyo siya ng bagong awit.
    Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
    at sumigaw kayo sa tuwa.
Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
    at maaasahan ang kanyang mga gawa.
Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
    Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
    ang langit ay nalikha;
    sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
    siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
    Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
    at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.

12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
    At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
    tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
    at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.

16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
    at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.

17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
    hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
    sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
    at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.

20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
    Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
    dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.

22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
    Ang aming pag-asa ay nasa inyo.

Isaias 9:18-10:4

18 Sapagkat ang kasamaan nila ay tulad ng apoy na tumutupok ng mga halamang may tinik. Naglalagablab ito na parang apoy na tumutupok ng mga kahoy, at ang makapal na usok ay pumapailanlang. 19 Dahil sa galit ng Panginoong Makapangyarihan, masusunog ang kanilang lupain, at silaʼy magiging panggatong na lalamunin ng apoy.

Ayaw nilang kaawaan kahit na kapwa nila Israelita. 20 Anumang pagkain ang makita nila ay kukunin nila at kakainin, pero hindi pa rin sila mabubusog. Kaya kakainin na nila pati ang kanilang mga anak.[a] 21 Mag-aaway ang Manase at ang Efraim, at lulusubin nilang dalawa ang Juda. Pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa rin mapapawi at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.

10 1-2 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng mga di-makatarungang kautusan na umaapi sa mga mahihirap kong mamamayan at nagkakait ng katarungan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga kautusang iyon, kinukuha ninyo ang mga ari-arian ng mga biyuda at mga ulila. Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa sa inyo? Ano ang gagawin nʼyo pagdating ng panganib mula sa malayo? Kanino kayo hihingi ng tulong? At saan ninyo itatago ang mga kayamanan ninyo? Walang matitira sa inyo. Mabibihag o mamamatay kayo, pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa mapapawi. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.

2 Pedro 2:10-16

9-10 Kaya makikita natin na alam ng Panginoon kung paano iligtas sa mga pagsubok ang mga matuwid, at kung paano parusahan ang masasama. Parurusahan niya lalo na ang mga sumusunod sa masasamang nasa ng kanilang laman at ayaw magpasakop sa kanya, hanggang sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ang binabanggit kong mga huwad na guro ay mayayabang at mapangahas. Hindi sila natatakot lapastanganin ang mga makapangyarihang nilalang. 11 Kahit ang mga anghel, na higit pang malakas at makapangyarihan sa mga gurong ito, ay hindi nilalapastangan ang mga makapangyarihang nilalang sa harap ng Panginoon. 12 Pero nilalapastangan ng mga gurong ito ang mga bagay na wala naman silang alam. Para silang mga hayop na walang isip at ipinanganak para hulihin at patayin. Talagang lilipulin ang mga taong ito. 13 Ito ang kabayaran sa ginagawa nilang kasamaan. Mahilig silang gumawa ng lantarang kalaswaan. Malaking kahihiyan at kapintasan ang dala nila sa inyo. Natutuwa silang lokohin kayo habang kumakain silang kasama ninyo sa mga pagsasalo-salo ninyo. 14 Kung tumingin sila sa babae, puno ito ng pagnanasa. Wala silang tigil sa paggawa ng kasalanan at hinihikayat pa ang mga taong mahihina. Sanay sila sa pagiging sakim. Mga isinumpa sila! 15 Tinalikuran nila ang tamang daan, kaya sila naligaw. Sinunod nila ang halimbawa ni Balaam na anak ni Beor na pumayag masuhulan sa paggawa ng masama. 16 At dahil nilabag niya ang utos ng Dios, sinumbatan siya ng asno[a] niyang nakapagsalita na parang tao upang mapigilan siya sa kabaliwan niya.

Mateo 3:1-12

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Dumating ang panahon na si Juan na tagapagbautismo ay pumunta at nangaral sa ilang ng Judea. Ito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo sa inyong mga kasalanan, dahil malapit na[a] ang paghahari ng Dios.”[b] Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

“Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon.
Tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[c]

Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kinakain niya ay balang at pulot-pukyutan. Nagpuntahan sa kanya ang maraming tao galing sa Jerusalem, sa mga bayan ng Judea, at sa mga bayan na malapit sa Ilog ng Jordan. Ipinagtapat nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan.

Pero nang makita ni Juan na maraming Pariseo at Saduceo ang pumupunta para magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakaiwas kayo sa darating na parusa ng Dios? Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. 10 Tandaan ninyo, ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol para putulin ang mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi, ngunit may isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[d] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Tulad siya ng isang taong nagtatahip upang ihiwalay ang ipa sa butil. Ilalagay niya ang mga butil sa bodega, at ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®