Book of Common Prayer
Ang Kasal ng Hari
45 Ang aking puso ay punong-puno ng magagandang paksa
habang akoʼy nagsasalita ng mga tula para sa hari.
Ang aking kakayahan sa pagsasalita ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.
2 Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.
At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.
Kaya lagi kayong pinagpapala ng Dios.
3 Marangal na hari na dakilang mandirigma!
Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.
4 Ipahayag na ang inyong kadakilaan!
Maging matagumpay kayo na may katotohanan, kapakumbabaan at katuwiran.
Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
5 Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso ang puso ng inyong mga kaaway.
Babagsak ang mga bansa sa inyong paanan.
6 O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman
at ang paghahari moʼy makatuwiran.
7 Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama.
Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.
8 Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan ng mira, aloe at kasia.
Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,[a]
nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.
9 Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae ay mga prinsesa.
At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna
na nakasuot ng mga alahas na purong ginto mula sa Ofir.
10 O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:
Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak at mga kababayan.
11 Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.
Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.
12 Ang mga taga-Tyre ay magdadala sa iyo ng kaloob;
pati ang mga mayayaman ay hihingi ng pabor sa iyo.
13 Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa sa loob ng kanyang silid.
Ang kanyang suot na trahe de boda ay may mga burdang ginto.
14 Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,
kasama ng mga dalagang abay.
15 Masayang-masaya silang papasok sa palasyo ng hari.
16 Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki
ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.
Gagawin nʼyo silang mga pinuno sa buong daigdig.
17 Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.
Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.
Ang Dios ang Hari sa Buong Sanlibutan
47 Kayong mga tao sa bawat bansa, magpalakpakan kayo!
Sumigaw sa Dios nang may kagalakan.
2 Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios at kagalang-galang.
Siya ang dakilang Hari sa buong sanlibutan.
3 Ipinasakop niya sa aming mga Israelita ang lahat ng bansa.
4 Pinili niya para sa amin ang lupang ipinangako bilang aming mana.
Itoʼy ipinagmamalaki ni Jacob na kanyang minamahal.
5 Ang Dios ay umaakyat sa kanyang trono
habang nagsisigawan ang mga tao at tumutunog ang mga trumpeta.
6 Umawit kayo ng mga papuri sa Dios.
Umawit kayo ng mga papuri sa ating hari.
7 Dahil ang Dios ang siyang Hari sa buong mundo.
Umawit kayo sa kanya ng mga awit ng pagpupuri.
8 Ang Dios ay nakaupo sa kanyang trono at naghahari sa mga bansa.
9 Nagtitipon ang mga hari ng mga bansa,
kasama ang mga mamamayan ng Dios ni Abraham.
Ang mga pinuno sa mundo ay sa Dios,
at mataas ang paggalang nila sa kanya.
Ang Zion ang Bayan ng Dios
48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
ang kanyang banal na bundok.
2 Itoʼy mataas at maganda,
at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
3 Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.
4 Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
5 Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
nagulat, natakot at nagsitakas sila.
6 Dahil sa takot, nanginig sila
gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
7 Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
na sinisira ng hanging amihan.
8 Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.
9 Sa loob ng inyong templo, O Dios,
iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
at ng mga bayan ng Juda,
dahil sa inyong makatarungang paghatol.
12 Mga mamamayan ng Dios,
libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”
Ang Haring Darating
9 Pero darating ang araw na mawawala rin ang kadiliman sa lupaing nasa kahirapan. Noong una, inilagay ng Panginoon sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at Naftali. Pero darating ang araw na pararangalan niya ang mga lugar na ito na daanan patungo sa lawa[a] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan. Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio. 2 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.
3 Panginoon, bigyan nʼyo po sila ng malaking kagalakan, at matutuwa sila sa presensya nʼyo katulad ng mga taong natutuwa kapag panahon na ng anihan, o katulad din ng mga taong nagdiriwang sa paghahati-hati nila ng mga nasamsam sa digmaan. 4 Sapagkat palalayain nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Magiging katulad sila ng mga hayop na binali nʼyo ang pamatok na kahoy na pasan-pasan nila at ang pamalo na ipinapalo sa kanila. Gagawin nʼyo po sa kanila ang ginawa nʼyo noon nang lupigin nʼyo ang mga taga-Midian.[b] 5 Matutuwa sila dahil matitigil na ang mga digmaan. Susunugin na ang mga uniporme ng mga sundalo na puno ng dugo, pati ang kanilang mga bota.
6 Ipapanganak ang isang batang lalaki na maghahari sa amin. Tatawagin siyang, “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang Hanggang Ama, at Prinsipe ng Kapayapaan.” 7 Hindi magwawakas ang pag-unlad ng kanyang pamamahala, at maghahari ang kapayapaan. Siya ang magmamana ng kaharian ni David. Patatatagin niya ito at paghahariang may katarungan at katuwiran magpakailanman. Sisiguraduhin ng Panginoong Makapangyarihan na matutupad ito.
12 Kaya lagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga bagay na ito, kahit alam nʼyo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang tinanggap ninyo. 13 At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga bagay na ito habang nabubuhay pa ako, 14 dahil alam kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo ang nagpahayag nito sa akin. 15 Kaya gagawin ko ang lahat para makatiyak akong maaalala nʼyo pa rin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito.
Naging Saksi Kami sa Kapangyarihan ni Cristo
16 Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi kwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya. 17 Sapagkat nang parangalan at papurihan si Jesu-Cristo ng Dios Ama, narinig namin ang tinig ng Makapangyarihang Dios na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin mismo ang tinig na nanggaling sa langit noong kasama namin si Jesus doon sa banal na bundok. 19 Dahil nga rito, lalong tumibay ang paniniwala namin sa mga ipinahayag ng mga propeta noon. Kaya nararapat lang na bigyan nʼyo ng pansin ang mga sinabi nila, dahil para itong ilaw na tumatanglaw sa madilim na lugar hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Tulad siya ng tala sa umaga na nagbibigay-liwanag sa isipan ninyo.[a] 20 Higit sa lahat, dapat ninyong tandaan na ang lahat ng isinulat ng mga propeta sa Kasulatan ay hindi ayon sa sarili nilang interpretasyon. 21 Sapagkat hindi galing sa sarili nilang kalooban ang mga ipinangaral nila kundi sa Banal na Espiritu na nag-udyok sa kanila upang sabihin ang salita ng Dios.
Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(A)
54 Dinakip nila si Jesus at dinala sa bahay ng punong pari. Sumunod naman si Pedro pero nasa malayo siya. 55 Nagsiga sa gitna ng bakuran ang mga naroon at naupo sila sa paligid ng siga para magpainit. Nakiupo rin si Pedro sa kanila. 56 Nakita siya ng isang utusang babae sa tabi ng siga at tiningnang mabuti. Sinabi ng babae, “Kasamahan din ni Jesus ang lalaking ito!” 57 Pero itinanggi ito ni Pedro, “Babae, hindi ko siya kilala.” 58 Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, “Kasamahan ka rin nila, di ba?” “Aba, hindi!” sagot ni Pedro. 59 Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, “Totoong kasamahan din ni Jesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya.” 60 Pero sumagot si Pedro, “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!” At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 62 Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Kinutya at Binugbog si Jesus(B)
63 Samantala, kinutya at binugbog si Jesus ng mga nagbabantay sa kanya. 64 Piniringan nila siya at sinuntok, at tinanong, “Hulaan mo, sino ang sumuntok sa iyo?” 65 At marami pa silang sinabing masama laban sa kanya.
Dinala si Jesus sa Korte ng mga Judio(C)
66 Kinaumagahan, nagtipon ang mga pinuno ng mga Judio, mga namamahalang pari, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Iniharap nila si Jesus sa kanilang korte. 67 Sinabi nila, “Sabihin mo sa amin, ikaw ba ang Cristo?” Sumagot si Jesus, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi naman kayo maniniwala. 68 At kung tatanungin ko kayo, hindi naman kayo sasagot. 69 Ngunit mula ngayon, ako na Anak ng Tao ay uupo na sa kanan ng makapangyarihang Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®