Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:1-24

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
    Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
    kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
    higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
    at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.

16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
    at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
17 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,
    upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.
18 Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.
19 Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
    kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
20 Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.
21 Sinasaway nʼyo ang mga hambog
    at isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.
22 Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,
    dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.
23 Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,
    akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
24 Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.

Salmo 12-14

Panalangin para Tulungan ng Dios

12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
    dahil wala nang makadios,
    at wala na ring may paninindigan.
Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
    Nambobola sila para makapandaya ng iba.
Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
Sinasabi nila,
    “Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
    Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
    at walang sinumang makakapigil sa amin.”

Sinabi ng Panginoon,
    “Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
    at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
    Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
    gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.

Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
    at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
Pinalibutan nila kami,
    at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.

Panalangin para Tulungan

13 Panginoon, hanggang kailan nʼyo ako kalilimutan?
    Kalilimutan nʼyo ba ako habang buhay?
    Hanggang kailan ba kayo magtatago sa akin?
Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?
    Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan.
    Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?

Panginoon kong Dios, bigyan nʼyo ako ng pansin;
    sagutin nʼyo ang aking dalangin.
    Ibalik nʼyo ang ningning sa aking mga mata,
    upang hindi ako mamatay
at upang hindi masabi ng aking mga kaaway na natalo nila ako, dahil tiyak na magagalak sila kung mapahamak ako.
Panginoon, naniniwala po ako na mahal nʼyo ako.
    At ako ay nagagalak dahil iniligtas nʼyo ako.
Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti nʼyo sa akin mula pa noon.

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 53)

14 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa sa kanila ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Panginoon.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    dahil kakampihan ng Dios ang mga matuwid.
Sinisira ng masasamang tao ang mga plano ng mga dukha,
    ngunit ang Panginoon ang magiging kanlungan nila.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

Isaias 2:1-11

Kapayapaan sa Mundo(A)

Ito ang ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem:

Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok.
    Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa.
Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob.
    Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
    Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon.
At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa.
    Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan.
    Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at karit na pantabas ang kanilang mga sibat.

Halikayo, mga lahi ni Jacob, mamuhay tayo sa katotohanan,[a] na ibinigay sa atin ng Panginoon.

Ang Araw na Magpaparusa ang Dios

Totoong itinakwil nʼyo, Panginoon, ang mga mamamayan ninyo, ang lahi ni Jacob, dahil naniniwala sila sa mga pamahiing mula sa silangan at sa mga manghuhula, gaya ng mga Filisteo. Sinusunod nila ang pag-uugali ng mga dayuhan. Sagana sa pilak at ginto ang lupain ng Israel, at hindi nauubos ang kanilang kayamanan. Napakarami nilang kabayo, at hindi mabilang ang mga karwahe nila. Marami silang dios-diosan, at sinasamba nila ang mga bagay na ito na sila mismo ang gumawa. Kaya Panginoon, ibagsak nʼyo ang bawat isa sa kanila, nang mapahiya sila. Huwag nʼyo silang patatawarin.

10 Mga taga-Israel, tumakas kayo papunta sa mga kweba at mga hukay para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 11 Darating ang araw na tanging ang Panginoon lamang ang pupurihin. Ibabagsak niya ang mayayabang at mga mapagmataas.

1 Tesalonica 2:13-20

13 Lagi rin kaming nagpapasalamat sa Dios dahil nang tanggapin nʼyo ang pangangaral namin, tinanggap nʼyo ito hindi bilang salita ng tao, kundi bilang salita ng Dios na kumikilos sa buhay ninyong mga sumasampalataya. 14 Mga kapatid, ang mga nangyayari sa inyo ay tulad din ng nangyayari sa mga iglesya ng Dios sa Judea na nakay Cristo Jesus. Kung anong paghihirap ang dinaranas nʼyo sa kamay ng mga kababayan nʼyo, ito rin ang paghihirap na dinaranas nila sa kamay ng kapwa nila Judio. 15 Silang mga Judio ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta noon. Sila rin ang mga taong umuusig sa amin. Hindi nalulugod ang Dios sa ginagawa nila, at maging ang lahat ng taoʼy kinakalaban nila. 16 Hinahadlangan nila ang pangangaral namin ng salita ng Dios sa mga hindi Judio na siyang ikaliligtas ng mga ito. Dahil dito, umabot na sa sukdulan ang mga kasalanan nila at hahatulan na sila ng Dios.

Ang Hangarin ni Pablo na Makadalaw Muli sa Tesalonica

17 Mga kapatid, nananabik na kaming makita kayong muli, kahit sandali pa lang kaming nawalay sa inyo. Nawalay nga kami sa katawan, pero hindi sa isipan. 18 Gusto naming bumalik diyan sa inyo, lalung-lalo na ako, si Pablo. Maraming beses naming binalak na dalawin kayo pero hinadlangan kami ni Satanas. 19 Gusto naming bumalik, dahil walang ibang nagbibigay sa amin ng pag-asa at kagalakan kundi kayo. Hindi baʼt kayo rin ang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesu-Cristo sa pagbabalik niya? 20 Tunay nga na kayo ang karangalan at kagalakan namin.

Lucas 20:19-26

Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(A)

19 Alam ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga namamahalang pari na sila ang pinatatamaan ni Jesus sa talinghaga na iyon. Kaya gusto nilang dakpin siya noon din, pero natatakot sila sa mga tao. 20 Kaya naghintay na lang sila ng ibang pagkakataon. Nagsugo sila ng mga espiya na magpapanggap na mabuti ang layunin nila sa pagpunta kay Jesus, upang hulihin siya sa mga pananalita niya at maisakdal sa gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam naming totoo ang mga sinasabi at itinuturo ninyo. At wala kayong pinapaboran, kundi kung ano ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios ang itinuturo ninyo. 22 Ngayon para sa inyo, tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma[a] o hindi?” 23 Pero alam ni Jesus ang katusuhan nila, kaya sinabi niya, 24 “Patingin nga ng pera.[b] Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit dito?” Sumagot sila, “Sa Emperador.” 25 Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” 26 Nabigo sila sa pakay nilang mahuli si Jesus sa kanyang pananalita sa harapan ng mga tao. At dahil namangha sila sa sagot niya, tumahimik na lang sila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®