Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 41

Ang Dalangin ng Taong may Sakit

41 Mapalad ang taong nagmamalasakit sa mga mahihirap.
    Tutulungan siya ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan.
Ipagtatanggol siya ng Panginoon, at iingatan ang kanyang buhay.
    Pagpapalain din siya sa lupain natin.
    At hindi siya isusuko sa kanyang mga kaaway.
Tutulungan siya ng Panginoon kung siya ay may sakit,
    at pagagalingin siya sa kanyang karamdaman.
Sinabi ko,
    “O Panginoon, nagkasala ako sa inyo.
    Maawa kayo sa akin, at pagalingin ako.”
Ang aking mga kaaway ay nagsasalita laban sa akin.
    Sinasabi nila,
    “Kailan pa ba siya mamamatay upang makalimutan na siya?”
Kapag dumadalaw sila sa akin, nagkukunwari silang nangungumusta,
    pero nag-iipon lang pala sila ng masasabi laban sa akin.
    Kapag silaʼy lumabas na, ikinakalat nila ito.
Ang lahat ng galit sa akin ay masama ang iniisip tungkol sa akin,
    at pinagbubulung-bulungan nila ito.
Sinasabi nila,
    “Malala na ang karamdaman niyan,
    kaya hindi na iyan makakatayo!”
Kahit ang pinakamatalik kong kaibigan na kasalo ko lagi sa pagkain at pinagkakatiwalaan –
    nagawa akong pagtaksilan!
10 Ngunit kayo Panginoon, akoʼy inyong kahabagan.
    Pagalingin nʼyo ako upang makaganti na ako sa aking mga kaaway.
11 Alam ko na kayoʼy nalulugod sa akin,
    dahil hindi ako natatalo ng aking mga kaaway.
12 Dahil akoʼy taong matuwid,
    tinutulungan nʼyo ako at pinapanatili sa inyong presensya magpakailanman.

13 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
    Amen! Amen!

Salmo 52

Ang Paghatol at Habag ng Dios

52 Ikaw, taong mapagmataas,
    bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
    Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
    kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
    at lagi kang nagsisinungaling.
Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
    at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
    Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
    bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
“Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
    Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
    at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”

Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
    na yumayabong sa loob ng inyong templo.
    Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
    At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.

Salmo 44

Dalangin para Iligtas ng Dios

44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
    ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
    ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
    samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
Nasakop nila ang lupain,
    hindi dahil sa kanilang mga armas.
    Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
    kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
    dahil mahal nʼyo sila.

O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
    Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
    at pupurihin namin kayo magpakailanman.

Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
    Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
    at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
    Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
    Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
    iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
    at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
    Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.

17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
    kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
    o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
    at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
    at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
    Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
    kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
    Para kaming mga tupang kakatayin.

23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
    Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
    Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
    Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.

Isaias 8:16-9:1

16 Kayong mga tagasunod ko, ingatan ninyo ang mga aral ko. 17 Magtitiwala ako sa Panginoon kahit na tinalikuran niya ang lahi ni Jacob. Sa kanya ako aasa. 18 Ako at ang mga anak kong ibinigay ng Panginoon ay mga palatandaan para sa Israel[a] mula sa Panginoong Makapangyarihan na nakatira sa Bundok ng Zion. 19 Kapag may mga nagsasabi sa inyong humingi kayo ng mensahe mula sa mga patay sa pamamagitan ng mga mangkukulam at mga espiritistang bumubulong-bulong, huwag ninyong gagawin iyon. Hindi ba dapat sa Dios kayo humingi ng mensahe? Bakit sa mga patay kayo nagtatanong tungkol sa mga buhay? 20 Ang kautusan at katuruan ng Panginoon ang dapat ninyong pakinggan. Kapag may mga nagsasabi ng mga bagay na salungat sa mga itinuturo ng Panginoon, nadidiliman pa ang pag-iisip ng mga taong iyon.

21 Lalakad sila na pagod at gutom. At dahil sa gutom, magagalit sila at susumpain ang hari nila at ang kanilang Dios. Tumingala man sila sa langit 22 o tumingin sa lupa wala silang makikita kundi kahirapan at kadiliman. At doon sila dadalhin sa matinding kadiliman.

Ang Haring Darating

Pero darating ang araw na mawawala rin ang kadiliman sa lupaing nasa kahirapan. Noong una, inilagay ng Panginoon sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at Naftali. Pero darating ang araw na pararangalan niya ang mga lugar na ito na daanan patungo sa lawa[b] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan. Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio.

2 Pedro 1:1-11

Pagbati Mula kay Pedro

Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.

Mahal kong mga kapatid na kabahagi sa napakahalagang pananampalataya na tinanggap din namin. Ang pananampalatayang itoʼy ibinigay sa atin ni Jesu-Cristo na ating Dios at Tagapagligtas, dahil matuwid siya.

Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Dios at Panginoong Jesu-Cristo.

Pinili Tayo ng Dios na Maging mga Anak Niya

Ang kapangyarihan ng Dios ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin para mamuhay nang may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan. At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito para makabahagi tayo sa kabanalan ng Dios at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito. Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan; sa kabanalan, ang pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo; at sa pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo, ang pag-ibig sa lahat. Sapagkat kung ang mga katangiang ito ay nasa inyo at lumalago, nagiging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang pagkakakilala nʼyo sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Ngunit ang mga nagkukulang sa mga katangiang ito ay mga bulag sa katotohanan. Nakalimutan na nilang nilinis na sila ng Dios sa dati nilang mga kasalanan.

10 Kaya nga, minamahal kong mga kapatid kay Cristo, pagsikapan ninyong mapatunayan na mga tinawag nga kayo at pinili ng Dios. Sapagkat kung gagawin nʼyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod, 11 kundi buong galak kayong tatanggapin sa walang katapusang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

Lucas 22:39-53

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(A)

39 Lumabas si Jesus sa Jerusalem, at gaya ng nakaugalian niya, pumunta siya sa Bundok ng mga Olibo. Sumama rin ang mga tagasunod niya. 40 Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” 41 Iniwan niya ang mga tagasunod niya at lumayo nang kaunti.[a] Pagkatapos, lumuhod siya at nanalangin, 42 “Ama, kung maaari ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating.[b] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.” 43 [Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya. 44 Dahil sa paghihirap ng kanyang kalooban, lalo siyang nanalangin nang taimtim, at ang mga pawis niya ay parang dugo na tumutulo sa lupa.]

45 Pagkatapos, tumayo siya at binalikan ang mga tagasunod niya, pero nadatnan niya silang natutulog dahil napagod sila sa matinding paghihinagpis. 46 Kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Ang Pagdakip kay Jesus(B)

47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming tao. Si Judas na isa sa 12 tagasunod ang nangunguna sa kanila. Nilapitan niya si Jesus at hinalikan. 48 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Judas, tinatraydor mo ba ako, na Anak ng Tao, sa pamamagitan ng isang halik?” 49 Nang makita ng mga kasamahan ni Jesus ang mga nangyayari, sinabi nila, “Panginoon, tatagain na ba namin sila?” 50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng punong pari, at naputol ang kanang tainga nito. 51 Pero sinaway sila ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at pinagaling ito.

52 Pagkatapos, kinausap ni Jesus ang mga namamahalang pari, mga opisyal ng mga guwardya sa templo at ang mga pinuno ng mga Judio na naroon upang dakpin siya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? 53 Araw-araw akong nasa templo, at naroon din kayo. Bakit hindi nʼyo ako dinakip? Ngunit ito na ang pagkakataong ibinigay sa inyo upang dakpin ako. At sa sandaling ito ay naghahari ang kadiliman.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®