Book of Common Prayer
Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.
87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
2 ang lunsod na ito'y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
3 Kaya't iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]
4 “Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
5 At tungkol sa Zion,
sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
6 Si Yahweh ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
7 sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
“Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”
IKAAPAT NA AKLAT
Ang Diyos at ang Tao
Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.
90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
2 Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
ikaw noon ay Diyos na,
pagkat ika'y walang hanggan.
3 Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
4 Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
5 Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
6 Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.
7 Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
8 Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.
9 Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(B) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.
11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
Magtagumpay nawa kami!
Awit ng Pagpapasalamat
136 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
2 Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
3 Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
4 Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
5 Itong(B) kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
6 Nilikha(C) ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
7 Siya(D) ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
8 Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
9 At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
10 Ang(E) mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
11 Mula(F) sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
12 Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
13 Ang(G) Dagat na Pula,[a] kanyang inutusan at nahati naman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
14 Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
15 Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
16 Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
17 Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
18 Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
19 Siya(H) ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
20 Siya(I) rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
21 Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
22 Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
23 Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
24 Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
25 Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh kay Hosea, na anak ni Beeri. Si Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias. Si Jeroboam na anak ni Jehoas ang hari noon ng Israel.
Ang Asawa at mga Anak ni Hosea
2 Nang unang mangusap si Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya, “Mag-asawa ka ng isang babaing nakikipagtalik sa iba-ibang mga lalaki. Magkaroon ka ng mga anak sa kanya. Sapagkat katulad din ng babaing iyan, ang mga tao sa lupaing ito ay nagtaksil sa akin.”
3 Napangasawa nga ni Hosea si Gomer na anak ni Diblaim. Di nagtagal, ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. 4 Sinabi(B) ni Yahweh kay Hosea, “Jezreel[a] ang ipapangalan mo sa bata sapagkat paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa maramihang pagpaslang sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng Israel. 5 Sa araw na iyon, wawasakin ko sa libis ng Jezreel ang lakas ng hukbong Israel.”
6 Naglihing muli si Gomer at isang babae naman ang kanyang naging anak. Sabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siyang Lo-ruhama[b] sapagkat hindi ko na kahahabagan ni patatawarin man ang Israel. 7 Ngunit kahahabagan ko ang sambahayan ni Juda. Ililigtas ko sila, subalit hindi sa pamamagitan ng pana, tabak, digmaan, mga kabayo, ni ng mga mangangabayo man, kundi sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan.”
8 Nang si Lo-ruhama ay mahiwalay na sa pagpapasuso ng ina, naglihi muli si Gomer at nagsilang ng isang lalaki. 9 At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siyang Lo-ammi,[c] sapagkat ang Israel ay hindi ko na ituturing na aking bayan at hindi na ako ang kanilang Diyos.”
Ang Israel ay Panunumbalikin
10 Gayunma'y(C) magiging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga taga-Israel, hindi mabibilang dahil sa sobrang dami. Ngayo'y sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi ko bayan,” ngunit darating ang panahon na sasabihin sa kanila, “Kayo ang mga anak ng Diyos na buháy.”
11 Muling magkakasama ang mga taga-Juda at mga taga-Israel; itatalaga nila ang isang pinuno, at muli silang uunlad at magiging sagana sa kanilang lupain. Ang araw na iyon ay magiging isang dakilang araw sa Jezreel.
2 Kaya't tatawagin ninyo ang inyong mga kapwa Israelita na “Ammi”[d] at “Ruhama”.[e]
Ang Pagpunta sa Macedonia at Grecia
20 Nang tumigil na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pinalakas ang kanilang loob. Pagkatapos, nagpaalam siya at nagpunta sa Macedonia. 2 Dinalaw niya ang mga bayan-bayan doon at pinalakas ang loob ng mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pangangaral. Nagpatuloy siya hanggang sa dumating siya sa Grecia 3 at nanatili doon sa loob ng tatlong buwan. Aalis na sana siya papuntang Siria ngunit nabalitaan niyang may tangka ang mga Judio laban sa kanya, kaya't ipinasya niyang sa Macedonia na uli magdaan sa kanyang pagbabalik. 4 Sumama sa kanya ang taga-Bereang si Sopater na anak ni Pirro, gayundin sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asia. 5 Nauna sila at naghintay sa amin doon sa Troas. 6 Kami naman ay sumakay sa barko mula sa Filipos pagkaraan ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at dumating kami sa Troas nang ikalimang araw. Nanatili kami roon nang pitong araw.
Huling Dalaw ni Pablo sa Troas
7 Nang unang araw ng sanlinggo, kami'y nagkatipon upang magpira-piraso ng tinapay. Si Pablo'y nangaral sa kanila hanggang hatinggabi, sapagkat aalis na siya kinabukasan. 8 Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtitipunan namin. 9 Nakaupo sa bintana ang isang binata na ang pangala'y Eutico. Dahil sa kahabaan ng pagsasalita ni Pablo, si Eutico ay inantok at nakatulog nang mahimbing. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag na kanyang kinaroroonan, kaya't patay na siya nang buhatin. 10 Nanaog si Pablo at niyakap ang binata. Sinabi niya, “Huwag kayong mabahala, buháy siya!” 11 Muling pumanhik si Pablo, nagpira-piraso ng tinapay at kumain. Pagkatapos, nakipag-usap pa siya sa kanila nang matagal hanggang mag-uumaga, at saka umalis. 12 Ang binata naman ay buháy na iniuwi, at ito'y nagdulot sa kanila ng malaking kaaliwan.
Mula sa Troas Hanggang sa Mileto
13 Sumakay kami sa barkong papuntang Asos. Doon kami magkikita ni Pablo ayon sa bilin niya sa amin, sapagkat nais niyang sa lupa magdaan papunta roon at hindi sa dagat. 14 Nang magkita kami sa Asos, sumakay siya sa barkong sinasakyan namin at sama-sama kaming pumunta sa Mitilene. 15 Mula roon, patuloy kaming naglakbay at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Quio. Nang sumunod na araw, dumaan kami sa Samos, at makaraan ang isa pang araw ay dumating kami sa Mileto. 16 Ipinasya ni Pablong lampasan ang Efeso upang huwag siyang maantala sa Asia,[a] sapagkat ibig niyang nasa Jerusalem na siya sa araw ng Pentecostes.
Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(A)
38 Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. 39 Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.
40 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng mga kasamahan nilang maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. 41 Lumabas sa marami ang mga demonyo, na sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo.
Nangaral si Jesus sa Judea(B)
42 Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. 43 Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, sapagkat ito ang dahilan kaya ako isinugo.” 44 At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.