Book of Common Prayer
Ang Diyos ay Sumasaatin
Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]
46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan.
2 Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok matangay;
3 kahit na magngalit yaong karagatan,
at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]
4 May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
5 Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
6 Nangingilabot din bansa't kaharian,
sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.
7 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]
8 Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
9 Maging pagbabaka ay napatitigil,
sibat at palaso'y madaling sirain;
baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
kataas-taasan sa lahat ng bansa,
sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]
Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.
87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
2 ang lunsod na ito'y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
3 Kaya't iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]
4 “Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
5 At tungkol sa Zion,
sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
6 Si Yahweh ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
7 sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
“Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”
Ang Panalangin ni Solomon(A)
22 Pagkatapos nito, sa harapan pa rin ng buong bayan, tumayo si Solomon sa harap ng altar. Itinaas niya ang mga kamay, 23 at nanalangin ng ganito:
“Yahweh, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; wagas ang pag-ibig na ipinadarama ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. 24 Tinupad ninyo ang inyong pangako sa aking amang si David; ang ipinangako ninyo noon ay tinupad ninyo ngayon. 25 Kaya(B) nga Yahweh, ipagpatuloy ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na sa habang panahon ay magmumula sa kanyang angkan ang maghahari sa Israel, kung sila'y mananatiling tapat sa inyo gaya ng ginawa niya. 26 Pagtibayin ninyo, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong alipin.
27 “Maaari(C) bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na templo na aking itinayo! 28 Gayunman, pakinggan ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Yahweh, aking Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin. 29 Huwag(D) ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang kayo ang maysabi na ang pangalan ninyo'y mamamalagi rito. Sa gayon maririnig ninyo ang bawat dalangin ng inyong alipin tuwing mananalangin sa lugar na ito.
30 “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayang Israel tuwing kami'y mananalanging paharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami buhat sa inyong tahanan sa langit at patawarin ninyo kami!
Pinag-isa kay Cristo
11 Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan. 12 Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos. 13 Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin. 15 Pinawalang-bisa(A) niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan. 16 Sa(B) pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. 17 Naparito(C) nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil na noo'y malalayo, at sa mga Judio na malalapit. 18 Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu.
19 Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. 20 Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta,[a] na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. 22 Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.