Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:97-120

Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh

(Mem)

97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
    araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
    kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
    pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
    pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
    ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
    pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
    matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
    kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.

Kaliwanagan mula sa Kautusan ni Yahweh

(Nun)

105 Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
    sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
106 Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,
    tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
107 Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,
    sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
108 Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,
    yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
109 Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;
    pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
110 Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,
    ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.
111 Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,
    sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
112 Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.

Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh

(Samek)

113 Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
    ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
    ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115 Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
    pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
    ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
    ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118 Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
    ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
    kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120 Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
    sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.

Mga Awit 81-82

Awit sa Araw ng Kapistahan

Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]

81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
Umawit sa saliw ng mga tamburin,
    kasabay ng tugtog ng lira at alpa.
Hipan(A) ang trumpeta tuwing nagdiriwang,
    kung buwan ay bago't nasa kabilugan.
Pagkat sa Israel, ito'y isang utos,
    batas na ginawa ng Diyos ni Jacob.
Sa mga hinirang, ang utos di'y ito
    nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.

Ganito ang wika na aking narinig:
“Mabigat mong dala'y aking inaalis,
    ikaw ay iibsan sa pasan mong labis.
Iniligtas(B) kita sa gitna ng hirap, sinaklolohan ka nang ika'y tumawag;
    tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
    at sinubok kita sa Batis Meriba. (Selah)[b]
Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin,
    sana'y makinig ka, O bansang Israel.
Ang(C) diyus-diyosa'y huwag mong paglingkuran, diyos ng ibang bansa'y di dapat yukuran.
10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
    ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.

11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
    di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
    ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
    sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
    lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
    ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
    at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”

Diyos ang Kataas-taasang Hari

Awit ni Asaf.

82 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
    sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
“Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
    tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)[c]
Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
    at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!

“Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
    Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
    sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
Ang(D) sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
    katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”

O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
    ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!

Ester 6

Pinarangalan si Mordecai

Nang gabing iyon, hindi makatulog si Haring Xerxes. Ipinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito habang siya'y nakikinig. Nabasa(A) ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Bigtan at Teres na patayin ang Haring Xerxes. Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”

Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po.”

Nagtanong ang hari, “Sino ba ang nasa bulwagan?”

Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa ipinagawa niyang bitayan. Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”

At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”

Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”

Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, kaya sinabi niya, “Ganito po: Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”

10 Sinabi ng hari kay Haman, “Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pintuan ng palasyo.”

11 Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”

12 Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. 13 Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga tagapayo.[a] Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapayo at ng kanyang asawa, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya.”

14 Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.

Mga Gawa 19:1-10

Si Pablo sa Efeso

19 Habang nasa Corinto si Apolos, tinahak naman ni Pablo ang iba't ibang dako ng lalawigan hanggang sa siya'y makarating sa Efeso. May natagpuan siya roon na ilang alagad at sila'y tinanong niya, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y sumampalataya?”

“Hindi po, ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo pala,” tugon nila.

“Kung gayon, anong uri ng bautismo ang tinanggap ninyo?” tanong niya.

“Bautismo ni Juan,” tugon nila.

Kaya't(A) sinabi ni Pablo, “Binautismuhan ni Juan ang mga nagsisi at tumalikod sa kasalanan. Ipinangaral niya sa mga Israelita na sila'y sumampalataya kay Jesus, ang dumarating na kasunod niya.”

Nang marinig nila iyon, nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang ipatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumabâ sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng iba't ibang wika at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos. Humigit-kumulang sa labindalawang lalaki ang nagpabautismo.

Sa loob ng tatlong buwan, si Pablo'y pumapasok sa sinagoga at buong tapang na nagpapaliwanag sa mga naroon at hinihikayat sila tungkol sa kaharian ng Diyos.

Ngunit may ilan sa kanila na nagmatigas at ayaw sumampalataya, at nagsalita pa ng masama laban sa Daan sa harap ng kapulungan. Kaya't iniwan ni Pablo ang sinagoga kasama ang mga mananampalataya at nagpatuloy ng kanyang pangangaral araw-araw[a] sa bulwagan ni Tirano. 10 Tumagal siya roon nang dalawang taon, kaya't ang lahat ng naninirahan sa Asia[b], maging Judio o Griego ay nakarinig ng salita ng Panginoon.

Lucas 4:1-13

Ang Pagtukso kay Jesus(A)

Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang at sa loob ng apatnapung araw ay tinukso siya ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom.

Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito.”

Ngunit(B) sinagot ito ni Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao [kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos].[a]’”

Dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar, at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig. Sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga ito. Ipinagkaloob ang lahat ng ito sa akin, at maaari kong ibigay kung kanino ko gusto. Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging iyo na ang lahat ng ito.”

Sumagot(C) si Jesus, “Nasusulat,

‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin,
    at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”

Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka 10 dahil(D) nasusulat,

‘Sa kanyang mga anghel, ika'y ipagbibilin,
    sila'y uutusan upang ikaw ay ingatan,’

11 at

‘Aalalayan ka ng kanilang mga kamay,
    nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”

12 Subalit(E) sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!’”

13 Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.