Book of Common Prayer
Papuri sa Jerusalem
87 1-2 Itinayo ng Panginoon ang lungsod ng Jerusalem[a] sa banal na bundok.
Mahal niya ang lungsod na ito kaysa sa lahat ng lugar sa Israel.[b]
3 Magagandang bagay ang kanyang sinasabi tungkol sa lungsod na ito.
4 Sabi niya, “Kung ililista ko ang mga bansang kumikilala sa akin,
isasama ko ang Egipto,[c] ang Babilonia, pati na ang Filistia, Tyre at Etiopia.
Ibibilang ko ang kanilang mga mamamayan na tubong Jerusalem.”
5 Ito nga ang masasabi sa Jerusalem, na maraming tao ang ibibilang na tubong Jerusalem.
At ang Kataas-taasang Dios ang siyang magpapatatag ng lungsod na ito.
6 Ililista ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan
at isasama rin niya ang maraming taong ibibilang niyang mga tubong Jerusalem.
7 Silang lahat ay magsisiawit ng, “Ang lahat ng ating mga pagpapala ay sa Jerusalem nagmula!”
Ang Dios at ang Tao
90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
2 Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
3 Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
4 Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
5 Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
6 o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
7 Dahil sa inyong galit kami ay natutupok.
Sa tindi ng inyong poot kami ay natatakot.
8 Nakikita nʼyo ang aming mga kasalanan,
kahit na ang mga kasalanang lihim naming ginawa ay alam ninyo.
9 Totoong sa galit nʼyo kami ay mamamatay;
matatapos ang aming buhay sa isang buntong hininga lang.
10 Ang buhay namin ay hanggang 70 taon lang, o kung malakas pa ay aabot ng 80 taon.
Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
Talagang hindi magtatagal ang buhay namin at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa ng inyong matinding galit.
Matindi nga kayong magalit, kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.
Awit ng Pasasalamat
136 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
2 Magpasalamat kayo sa kanya na Dios ng mga dios.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
3 Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
4 Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
5 Sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ginawa niya ang kalangitan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
6 Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
7 Ginawa niya ang araw at ang buwan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
8 Ginawa niya ang araw upang magbigay liwanag kung araw.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
9 Ginawa niya ang buwan at mga bituin upang magbigay liwanag kung gabi.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
10 Pinatay niya ang mga panganay na anak ng mga Egipcio.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
11 Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Egipto.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
12 Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
13 Hinawi niya ang Dagat na Pula.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
14 At pinatawid niya sa gitna nito ang mga taga-Israel.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
15 Ngunit nilunod niya roon ang Faraon at ang kanyang mga kawal.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
16 Pinatnubayan niya ang kanyang mga mamamayan sa ilang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
17 Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
18 Pinatay niya ang mga dakilang hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
19 Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
20 Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
21 Ibinigay niya ang kanilang lupain sa kanyang mga mamamayan bilang pamana.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
22 At ang lupaing itoʼy naging pag-aari ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
23 Sa ating abang kalagayan, hindi niya tayo kinalimutan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
24 Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
25 Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
26 Magpasalamat tayo sa Dios na nasa langit.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
1 Ito ang ipinahayag ng Panginoon kay Hoseas na anak ni Beeri noong magkakasunod na naging hari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz at Hezekia, habang naghahari naman sa Israel si Jeroboam na anak ni Joash.
Ang Asawa at mga Anak ni Hoseas
2 Ito ang unang sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Mag-asawa ka ng babaeng nangangalunya,[a] at ang inyong mga anak ay ituturing na mga anak ng babaeng nangangalunya. Ito ang magiging larawan ng kataksilan ng aking mga mamamayan sa akin na kanilang Panginoon, dahil sa pagsamba nila sa mga dios-diosan.”
3 Kaya nagpakasal si Hoseas kay Gomer na anak ni Diblaim. Hindi nagtagal, nabuntis si Gomer at nanganak ng isang lalaki. 4 Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Jezreel[b] ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi na magtatagal at parurusahan ko ang hari ng Israel dahil sa ginawang pagpatay ng ninuno niyang si Jehu sa lungsod ng Jezreel. Wawakasan ko na ang kaharian ng Israel. 5 Sa araw na iyon, ipapalupig ko ang mga sundalo ng Israel doon sa Lambak ng Jezreel.”
6 Muling nabuntis si Gomer at nanganak ng isang babae. Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ruhama[c] ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi ko kaaawaan ni patatawarin ang mga mamamayan ng Israel. 7 Pero kaaawaan ko ang mga mamamayan ng Juda. Ako, ang Panginoon nilang Dios, ang magliligtas sa kanila sa pamamagitan ng kapangyarihan ko at hindi sa pamamagitan ng digmaan – ng pana, espada, mga kabayo o mangangabayo.”
8 Nang maawat na ni Gomer si Lo Ruhama sa pagsuso, nabuntis ulit siya at nanganak ng lalaki. 9 Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Lo Ami[d] ang ipangalan mo sa bata, dahil ang mga mamamayan ng Israel ay hindi ko na mga mamamayan at ako ay hindi na nila Dios. 10 Pero darating ang araw na kaaawaan ko sila at pagpapalain; dadami sila tulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang takalin o bilangin. Sa ngayon ay tinatawag silang ‘Kayoʼy hindi ko mga mamamayan,’
silaʼy tatawaging, ‘Mga anak ng Dios na buhay.’ 11 Magkakasamang muli ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel, at pipili sila ng iisang pinuno. Muli silang uunlad sa kanilang lupain. Napakasaya ng araw na iyon para sa mga taga-Jezreel.
2 “Kaya tawagin ninyo ang inyong kapwa Israelita na ‘Aking mga mamamayan’[e] at ‘Kinaawaan.’ ”[f]
Ang Pagpunta ni Pablo sa Macedonia at Grecia
20 Nang matapos na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga tagasunod ni Jesus. Pinayuhan niya sila na magpakatatag, at pagkatapos niyang magpaalam sa kanila, pumunta siya sa Macedonia. 2 Maraming lugar ang kanyang pinuntahan sa Macedonia, at pinalakas niya ang loob ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral sa kanila. Pagkatapos, pumunta siya sa Grecia, 3 at nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang bibiyahe na sana siya papuntang Syria, nalaman niya ang plano ng mga Judio na patayin siya. Kaya nagpasya siyang bumalik at sa Macedonia dumaan. 4 Sumama sa kanya si Sopater na taga-Berea na anak ni Pyrhus, sina Aristarcus at Secundus na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tykicus at Trofimus na mga taga-Asia.[a] 5 Pagdating namin sa Filipos, nauna sila sa amin sa Troas at doon nila kami hinintay. 6 Pinalampas muna namin ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa bago kami bumiyahe galing sa Filipos. Limang araw ang biyahe namin at nagkita kaming muli sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.
Ang Huling Pagdalaw ni Pablo sa Troas
7 Nang Sabado ng gabi,[b] nagtipon kami sa paghahati-hati ng tinapay. At dahil bibiyahe si Pablo kinabukasan, nangaral siya hanggang hatinggabi. 8 Maraming ilaw sa itaas ng silid na pinagtitipunan namin. 9 May isang binata roon na ang pangalan ay Euticus na nakaupo sa bintana. At dahil sa haba ng pagsasalita ni Pablo, inantok siya at nakatulog nang mahimbing, at nahulog siya sa bintana mula sa pangatlong palapag. Patay na siya nang buhatin nila. 10 Pero bumaba si Pablo at dinapaan niya si Euticus at niyakap. Sinabi niya sa mga tao, “Huwag kayong mag-alala, buhay siya!” 11 At bumalik si Pablo sa itaas, hinati-hati ang tinapay at kumain. Pagkatapos, nangaral pa siya hanggang madaling-araw. At saka siya umalis. 12 Ang binatang nahulog ay iniuwi nilang buhay, at lubos silang natuwa.
Mula sa Troas Papuntang Miletus
13 Sumakay kami ng barko papuntang Asos. Doon namin tatagpuin si Pablo, dahil sinabi niyang maglalakad lang siya papunta roon. 14 Nang magkita kami sa Asos, pinasakay namin siya at pumunta kami sa Mitilene. 15 Mula sa Mitilene, tumuloy kami sa Kios, at nakarating kami roon kinabukasan. Nang sumunod na araw, nasa Samos na kami, at makaraan ang isa pang araw ay narating namin ang Miletus. 16 Hindi kami dumaan sa Efeso, dahil ayaw ni Pablo na maggugol ng oras sa lalawigan ng Asia. Nagmamadali siya dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem bago dumating ang Araw ng Pentecostes.
Maraming Pinagaling si Jesus(A)
38 Umalis si Jesus sa sambahan ng mga Judio at pumunta sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyenang babae ni Simon. Kaya nakiusap sila kay Jesus na pagalingin ito. 39 Nilapitan ni Jesus ang may sakit at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala ito. Noon din ay bumangon ang babae at pinagsilbihan sina Jesus.
40 Nang palubog na ang araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit. Sari-sari ang mga sakit nila. Ipinatong ni Jesus ang mga kamay niya sa bawat isa sa kanila at gumaling silang lahat. 41 Pinalabas din niya ang masasamang espiritu mula sa maraming tao. Habang lumalabas ang masasamang espiritu, sumisigaw sila kay Jesus, “Ikaw ang Anak ng Dios!” Pero sinaway sila ni Jesus at pinatahimik, dahil alam nilang siya ang Cristo.
42 Kinaumagahan, maagang umalis ng bayan si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Hinanap siya ng mga tao, at nang makita siya ay pinakiusapang huwag munang umalis sa bayan nila. 43 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Kailangang ipangaral ko rin ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios sa iba pang mga bayan, dahil ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” 44 Kaya nagpatuloy siya sa pangangaral sa mga sambahan ng mga Judio sa Judea.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®