Book of Common Prayer
Ang Patnubay ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan
78 Mga kababayan,[a] ang mga turo koʼy inyong pakinggan.
2 Tuturuan ko kayo sa pamamagitan ng kasaysayan.[b]
Sasabihin ko sa inyo ang mga lihim na katotohanan ng nakaraan.
3 Napakinggan na natin ito at nalaman.
Sinabi ito sa atin ng ating mga ninuno.
4 Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak;
sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi.
Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa.
5 Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan sa mga mamamayan ng Israel na mula sa lahi ni Jacob.
Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak,
6 upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak.
7 Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos,
8 upang hindi sila maging katulad ng kanilang mga ninuno na matitigas ang ulo, suwail, hindi lubos ang pagtitiwala sa Dios, at hindi tapat sa kanya.
9 Tulad ng mga taga-Efraim, bagamaʼt may mga pana sila,
pero sa oras naman ng labanan ay nagsisipag-atrasan.
10 Hindi nila sinunod ang kasunduan nila sa Dios,
maging ang kanyang mga utos.
11 Nakalimutan na nila ang mga kahanga-hanga niyang ginawa na ipinakita niya sa kanila.
12 Gumawa ang Dios ng mga himala roon sa Zoan sa lupain ng Egipto at nakita ito ng ating[c] mga ninuno.
13 Hinawi niya ang dagat at pinadaan sila roon;
ginawa niyang tila magkabilang pader ang tubig.
14 Sa araw ay pinapatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
at sa gabi naman ay sa pamamagitan ng liwanag ng apoy.
15 Biniyak niya ang mga bato sa ilang at dumaloy ang tubig at binigyan sila ng maraming inumin mula sa kailaliman ng lupa.
16 Pinalabas niya ang tubig mula sa bato at ang tubig ay umagos gaya ng ilog.
17 Ngunit ang ating mga ninuno ay patuloy na nagkasala sa kanya. Naghimagsik sila sa Kataas-taasang Dios doon sa ilang.
18 Sinadya nilang subukin ang Dios upang hingin ang mga pagkaing gusto nila.
19 Kinutya nila ang Dios nang sabihin nilang,
“Makakapaghanda ba ang Dios ng pagkain dito sa ilang?
20 Oo ngaʼt umagos ang tubig nang hampasin niya ang bato,
ngunit makapagbibigay din ba siya ng tinapay at karne sa atin?”
21 Kaya nang marinig ito ng Panginoon nagalit siya sa kanila.
Nag-apoy sa galit ang Panginoon laban sa lahi ni Jacob,
22 dahil wala silang pananampalataya sa kanya, at hindi sila nagtitiwala na ililigtas niya sila.
23 Ganoon pa man, iniutos niyang bumukas ang langit,
24 at pinaulanan sila ng pagkain na tinatawag na manna.
Ibinigay ito sa kanila upang kainin.
25 Kinain nila ang pagkain ng mga anghel, at binigyan sila nito ng Dios hanggaʼt gusto nila.
26 Pinaihip niya ang hangin mula sa silangan at sa timog sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
27 Pinaulanan din sila ng napakaraming ibon, na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat.
28 Pinadapo niya ang mga ito sa palibot ng kanilang mga tolda sa kampo.
29 Kaya kumain sila hanggang sa mabusog, dahil ibinigay sa kanila ng Dios ang gusto nila.
30 Ngunit habang kumakain sila at nagpapakabusog,
31 nagalit ang Dios sa kanila.
Pinatay niya ang makikisig na mga kabataan ng Israel.
32 Sa kabila ng lahat ng ginawa ng Dios sa kanila,
nagpatuloy pa rin sila sa pagkakasala.
Kahit na gumawa siya ng mga himala,
hindi pa rin sila naniwala.
33 Kaya agad niyang winakasan ang buhay nila sa pamamagitan ng biglaang pagdating ng kapahamakan.
34 Nang patayin ng Dios ang ilan sa kanila,
ang mga natira ay lumapit na sa kanya,
nagsisi at nagbalik-loob sa kanya.
35 At naalala nila na ang Kataas-taasang Dios ang kanilang Bato na kanlungan at Tagapagligtas.
36 Nagpuri sila sa kanya, ngunit sa bibig lang, kaya sinungaling sila.
37 Hindi sila tapat sa kanya at sa kanilang kasunduan.
38 Ngunit naawa pa rin ang Dios sa kanila,
pinatawad ang mga kasalanan nila at hindi sila nilipol.
Maraming beses niyang pinigil ang kanyang galit kahit napakatindi na ng kanyang poot.
39 Naisip niyang mga tao lang sila,
parang hangin na dumadaan at biglang nawawala.
40 Madalas silang maghimagsik sa Dios doon sa ilang at pinalungkot nila siya.
41 Paulit-ulit nilang sinubok ang Dios;
ginalit nila ang Banal na Dios ng Israel.
42 Kinalimutan nila ang kanyang kapangyarihan na ipinakita noong iniligtas niya sila mula sa kanilang mga kaaway,
43 pati ang mga ginawa niyang mga himala at mga kahanga-hangang gawa roon sa Zoan sa lupain ng Egipto.
44 Ginawa niyang dugo ang mga ilog sa Egipto, at dahil dito wala silang mainom.
45 Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw upang parusahan sila,
at mga palaka upang pinsalain sila.
46 Ipinakain niya sa mga balang ang kanilang mga pananim at mga ani.
47 Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas at mga punong sikomoro sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo.
48 Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop sa pamamagitan ng kidlat at pag-ulan ng malalaking yelo.
49 Dahil sa napakatinding poot at galit niya sa kanila,
nagpadala rin siya ng mga anghel upang ipahamak sila.
50 Hindi pinigilan ng Dios ang kanyang poot.
Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan.
Sa halip ay pinatay sila sa pamamagitan ng mga salot.
51 Pinatay niyang lahat ang mga panganay na lalaki sa Egipto na siyang lugar ng lahi ni Ham.
52 Ngunit inilabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na katulad ng mga tupa at pinatnubayan sila na parang kanyang kawan sa ilang.
53 Pinatnubayan niya sila, kaya hindi sila natakot.
Ngunit ang mga kaaway nila ay nalunod sa dagat.
54 Dinala sila ng Dios sa lupain na kanyang pinili,
doon sa kabundukan na kinuha niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
55 Itinaboy niya ang lahat ng naninirahan doon,
at hinati-hati ang lupain sa mga lahi ng Israel para maging pag-aari nila at maging tirahan.
56 Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Dios,
naghimagsik sila at hindi sumunod sa kanyang mga utos.
57 Tumalikod sila sa Dios kagaya ng kanilang mga ninuno.
Tulad sila ng isang sirang pana na hindi mapagkakatiwalaan.
58 Pinanibugho nila ang Dios at ginalit dahil sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa matataas na lugar.[d]
59 Alam[e] ng Dios ang ginawa ng mga Israelita,
kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan.
60 Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Shilo, kung saan siya nananahan dito sa mundo.
61 Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway ang Kahon ng Kasunduan na simbolo ng kanyang kapangyarihan at kadakilaan.
62 Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan kaya ipinapatay niya sila sa kanilang mga kaaway.
63 Sinunog ang kanilang mga binata,
kaya walang mapangasawa ang kanilang mga dalaga.
64 Namatay sa labanan ang kanilang mga pari,
at ang mga naiwan nilang asawa ay hindi makapagluksa.[f]
65 Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon mula sa kanyang pagkakahimlay;
at para siyang isang malakas na tao na pinatapang ng alak.
66 Itinaboy niya at pinaatras ang kanyang mga kaaway;
inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan.
67 Itinakwil niya ang lahi ni Jose, hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim.[g]
68 Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Doon niya ipinatayo ang kanyang templo, katulad ng langit at lupa na matatag magpakailanman.
70-71 Pinili ng Dios si David upang maging lingkod niya.
Kinuha siya mula sa pagpapastol ng tupa at ginawang hari ng Israel, ang mga mamamayang kanyang hinirang.
72 Katulad ng isang mabuting pastol, inalagaan niya ang mga Israelita nang may katapatan at mahusay silang pinamunuan.
Nakiusap si Ester sa Hari
5 Nang ikatlong araw, isinuot ni Ester ang kasuotan niyang pangreyna, at tumayo sa bulwagan ng palasyo na nakaharap sa trono ng hari. Nakaupo noon ang hari sa trono niya at nakaharap siya sa pintuan. 2 Nang makita niya si Reyna Ester, tuwang-tuwa siya at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Kaya lumapit si Ester at hinipo ang dulo ng setro.
3 Nagtanong ang hari sa kanya, “Ano ang kailangan mo Mahal na Reyna? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” 4 Sumagot si Ester, “Mahal na Hari, kung ibig po ninyo, inaanyayahan ko po kayo at si Haman sa hapunang ihahanda ko para sa inyo.” 5 Sinabi ng hari sa mga alipin niya, “Tawagin ninyo si Haman para masunod namin ang nais ni Ester.” Kaya pumunta agad ang hari at si Haman sa hapunang inihanda ni Ester. 6 At habang nag-iinuman sila, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba talaga ang kailangan mo? Sabihin mo na dahil ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” 7 Sumagot si Ester, “Ito po ang kahilingan ko, 8 kung kalugod-lugod po ako sa inyo, at gusto ninyong ibigay ang kahilingan ko, minsan ko pa po kayong inaanyayahan at si Haman sa hapunan na ihahanda ko para sa inyo bukas. At saka ko po sasabihin ang kahilingan ko sa inyo.”
Nagplano si Haman na Patayin si Mordecai
9 Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas sa palasyo si Haman. Pero nagalit siya nang makita niya si Mordecai sa pintuan ng palasyo na hindi man lang tumayo o yumukod bilang paggalang sa kanya. 10 Ganoon pa man, pinigilan niya ang kanyang sarili at nagpatuloy sa pag-uwi.
Pagdating sa bahay niya, tinawag niya ang mga kaibigan niya at ang asawa niyang si Zeres. 11 Ipinagmalaki niya sa kanila ang kayamanan at mga anak niya, ang lahat ng pagpaparangal sa kanya ng hari pati na ang pagbibigay sa kanya ng pinakamataas na katungkulan sa lahat ng pinuno at sa iba pang mga lingkod ng hari. 12 Sinabi pa niya, “Hindi lang iyon, noong naghanda ng hapunan si Reyna Ester, ako lang ang inanyayahan niyang makasama ng hari. At muli niya akong inanyayahan sa ihahanda niyang hapunan bukas kasama ng hari. 13 Pero ang lahat ng itoʼy hindi makapagbibigay sa akin ng kaligayahan, habang nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng palasyo.”
14 Sinabi sa kanya ng kanyang asawaʼt mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng matulis na kahoy na 75 talampakan ang taas. At bukas ng umaga, hilingin mo sa hari na ituhog doon si Mordecai para maging maligaya kang kasama ng hari sa inihandang hapunan.” Nagustuhan iyon ni Haman kaya nagpagawa siya niyon.
12 Pero nang si Galio na ang gobernador ng Acaya, nagkaisa ang mga Judio laban kay Pablo. Hinuli nila siya at dinala kay Galio para akusahan. 13 Sinabi nila, “Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Dios sa paraan na labag sa ating kautusan.” 14 Magsasalita na sana si Pablo, pero nagsalita si Galio sa mga Judio, “Kung ang kasong ito na dinala ninyo sa akin ay tungkol sa isang krimen o mabigat na kasalanan, makikinig ako sa inyo. 15 Pero tungkol lang ito sa mga salita, mga pangalan, at sa inyong Kautusan. Kayo na ang bahala riyan. Ayaw kong humatol sa ganyang mga bagay.” 16 At pinalabas niya sila sa korte. 17 Pagkatapos, hinuli ng mga Griego si Sostenes na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ginulpi nila roon mismo sa labas ng korte, pero hindi ito pinansin ni Galio.
Ang Pagbalik ni Pablo sa Antioc na Sakop ng Syria
18 Nanatili pa si Pablo nang ilang araw sa Corinto. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at pumunta sa Cencrea kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. Nagpagupit siya roon ng buhok dahil natupad na niya ang isa niyang panata sa Dios. Mula sa Cencrea bumiyahe sila papuntang Syria. 19-21 Dumaan sila sa Efeso at pumasok si Pablo sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila. Kinausap nila si Pablo na manatili muna roon sa kanila, pero ayaw ni Pablo. Bago siya umalis, sinabi niya sa kanila, “Kung loloobin ng Dios, babalik ako rito.” Iniwan ni Pablo ang mag-asawang Priscila at Aquila sa Efeso at bumiyahe siya papuntang Syria.
22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at dinalaw ang iglesya, at saka tumuloy sa Antioc. 23 Hindi siya nagtagal doon, umalis siya at inikot niya ang mga lugar na sakop ng Galacia at Frigia at pinalakas niya ang pananampalataya ng mga tagasunod ni Jesus doon.
Ang Pagtuturo ni Apolos sa Efeso
24 Samantala, dumating sa Efeso ang isang Judiong taga-Alexandria. Ang kanyang pangalan ay Apolos. Mahusay siyang magsalita at maraming nalalaman sa Kasulatan. 25 Naturuan na siya tungkol sa pamamaraan ng Panginoon. Masipag siyang mangaral at tama ang kanyang itinuturo tungkol kay Jesus. Pero ang bautismong alam niya ay ang bautismo lang na itinuro ni Juan. 26 Hindi siya natatakot magsalita sa sambahan ng mga Judio. Nang marinig nina Priscila at Aquila ang kanyang itinuturo, inimbitahan nila siya sa kanilang bahay at ipinaliwanag nila nang mabuti sa kanya ang pamamaraan ng Dios. 27 At nang magpasya si Apolos na pumunta sa Acaya, tinulungan siya ng mga mananampalataya sa Efeso. Sumulat sila sa mga tagasunod ni Jesus sa Acaya na tanggapin nila si Apolos. Pagdating niya roon, malaki ang naitulong niya sa mga naging mananampalataya dahil sa biyaya ng Dios. 28 At tinalo niya nang husto ang mga Judio sa kanilang mga diskusyon sa harap ng madla, at pinatunayan sa kanila mula sa Kasulatan na si Jesus ang Cristo.
15 Nang marinig ng mga tao ang pangangaral ni Juan, inisip nila na baka si Juan na ang Cristo na hinihintay nila. 16 Pero sinabi ni Juan sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit may isang darating na mas makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[a] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 17 Tulad siya ng isang taong dala-dala ang kanyang gamit upang ihiwalay ang ipa sa butil ng trigo. Ilalagay niya ang mga trigo sa bodega, at ang ipa naman ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”
18 Marami pang mga bagay ang ipinangaral ni Juan sa pagpapahayag niya ng Magandang Balita. 19 Kahit ang pinunong si Herodes ay pinagsabihan niya, dahil kinakasama nito ang hipag nitong si Herodias, at dahil sa iba pang mga kasamaang ginawa nito. 20 Sa bandang huli, nadagdagan pa ang kasalanan ni Herodes dahil ipinabilanggo niya si Juan.
Ang Pagbabautismo kay Jesus(A)
21 Isang araw, pagkatapos mabautismuhan ni Juan ang mga tao, nagpabautismo rin si Jesus. At nang nananalangin si Jesus, bumukas ang langit, 22 at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®