Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 24

Ang Dios ang Dakilang Hari

24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
    At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
    ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
    at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.

Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
    upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
Sino ang Haring makapangyarihan?
    Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
    upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
    Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
    Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!

Salmo 29

Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon

29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
    Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
    Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.

Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
    na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
    at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
    at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
    at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
    At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
    Ang Dios ay makapangyarihan!”

10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
    Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
    at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.

Salmo 8

Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan

O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
    at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
    kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.

Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
    at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
    Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
    Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
    at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.

Salmo 84

Pananabik sa Templo ng Dios

84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
Gustong-gusto kong pumunta roon!
    Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
    Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
    O Dios na buhay.
Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
    kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
    lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
    at nananabik na makapunta sa inyong templo.
Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
    iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
    ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
    O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
    O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
    Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
    Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.

Job 38:1

Nagsalita ang Panginoon

38 Pagkatapos, sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipu-ipo, sinabi niya,

Job 38:18-41

18 Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo? Sabihin mo sa akin kung alam mo ang lahat ng ito!

19 “Alam mo ba kung saan nanggaling ang liwanag at dilim? 20 At kaya mo ba silang pabalikin sa kanilang pinanggalingan? 21 Oo nga pala, alam mo ang lahat ng ito dahil ipinanganak ka na bago pa likhain ang mga ito at matagal na panahon ka nang nabubuhay!

22 “Nakapunta ka na ba sa lugar na pinanggagalingan ng nyebe o ulan na yelo? 23 Ang mga yelong itoʼy inihahanda ko para sa panahon ng kaguluhan at digmaan. 24 Alam mo ba ang daan patungo sa lugar na pinanggagalingan ng kidlat,[a] o sa lugar na pinanggagalingan ng hanging silangan? 25 Sino nga ba ang gumawa ng dadaanan ng ulan at ng bagyo? 26 Sino nga ba ang nagpapadala ng ulan sa disyerto, sa lugar na walang nakatirang tao? 27 Sino ang nagpapadala ng ulan sa ilang para tumubo ang mga damo? 28 Sino ang ama ng ulan, ng hamog, 29 at ng yelong mula sa langit? 30 Ang tubig ay nagyeyelo na kasingtigas ng bato, pati na ang itaas na bahagi ng dagat.

31 “Kaya mo bang talian o kalagan ng tali ang grupo ng mga bituin na tinatawag na Pleyades at Orion? 32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin na lumabas sa tamang oras? Maituturo mo ba sa grupo ng mga bituing tinatawag na Malaki at Maliit na Oso ang kanilang daan? 33 Alam mo ba ang mga tuntuning umiiral sa kalangitan?[b] Ito kayaʼy mapapairal mo rito sa mundo?

34 “Mauutusan mo ba ang ulap na umulan? 35 Mauutusan mo ba ang kidlat na kumislap? Mapapasunod mo kaya ito? 36 Sino ang nagbibigay ng karunungan at pang-unawa ng tao? 37 Sinong napakarunong ang makakabilang ng mga ulap? Sinong makakapagbuhos ng tubig mula sa langit 38 upang ang mga tuyong alikabok ay maging buo-buong putik?

39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon para sila ay mabusog 40 habang silaʼy nagtatago sa kanilang lungga o sa maliliit na punongkahoy? 41 Sino ang nagpapakain sa mga uwak kapag silaʼy nagugutom at kapag ang mga inakay nilaʼy humihingi ng pagkain sa akin?

Pahayag 18:1-8

Ang Pagbagsak ng Babilonia

18 Pagkatapos nito, nakita ko ang isang anghel na bumaba mula sa langit. Makapangyarihan ang anghel na ito at nagliwanag ang buong mundo dahil sa kanyang kaningningan. Sumigaw siya nang malakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang sikat na lungsod ng Babilonia. Tirahan na lang ito ngayon ng mga demonyo at masasamang espiritu, at mga kasuklam-suklam na ibon na itinuturing na marumi. Nangyari ito sa lungsod ng Babilonia dahil inakit nito ang mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad niya na kinamumuhian ng Dios. Ang mga hari sa mundo ay nakipagrelasyon sa kanya. At yumaman ang mga negosyante sa mundo, dahil sa kanila siya bumibili ng mga pangangailangan niya upang masunod ang bisyo at kalayawan niya.”

Pagkatapos, may narinig akong isa pang tinig mula sa langit na nagsasabi,

    “Kayong mga mamamayan ko, lumayo kayo sa kanya
    upang hindi kayo maging bahagi sa ginagawa niyang kasalanan,
    at upang hindi ninyo danasin ang parusang nakalaan sa kanya.
Ang bunton ng kanyang kasalanan ay abot hanggang langit.
    At hindi na palalagpasin ng Dios ang kanyang kasamaan.
Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niyang masama sa inyo.
    Gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
    Kung ano ang ginawa niyang masama sa inyo doblehin ninyo at ibigay sa kanya.
Kung paanong nagmataas siya at namuhay sa karangyaan at kalayawan,
    gantihan ninyo siya ng katumbas na kahirapan at kalungkutan.
    Sapagkat inakala niyang reyna siya at hindi makakaranas ng kalungkutan tulad ng mga biyuda.
Dahil dito, sabay-sabay na darating sa kanya sa loob lang ng isang araw ang mga salot:
    mga sakit, kalungkutan, at gutom.
    Pagkatapos, susunugin siya,
    sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Dios na nagpaparusa sa kanya.”

Mateo 5:21-26

Ang Turo tungkol sa Galit

21 Sinabi pa ni Jesus, “Narinig ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Huwag kayong papatay,[a] dahil ang sinumang pumatay ay parurusahan.’ 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang may galit sa kanyang kapatid ay parurusahan din. At ang humamak sa kanyang kapatid at magsabi sa kanya, ‘Wala kang silbi!’ ay dadalhin sa mataas na hukuman. At ang sinumang magsabi ng ‘Ulol ka!’ sa kanyang kapatid ay mapupunta sa apoy ng impyerno. 23 Kaya kung nasa altar ka at nag-aalay ng iyong handog sa Dios, at maalala mong may hinanakit sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwanan mo muna ang handog mo sa harap ng altar. Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid at saka ka bumalik at maghandog sa Dios.”

25 “Kapag may nagdedemanda sa iyo, makipag-ayos ka kaagad sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman. Dahil kapag nasa hukuman na kayo, ibibigay kayo ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 26 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang kabuuan ng utang mo.”[b]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®