Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 31

Dalangin ng Pagtitiwala

31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
    Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
    Kayo ang aking batong kanlungan,
    at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
    pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
    dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
    Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
    dahil kayo ang Dios na maaasahan.

Panginoon, namumuhi ako sa mga sumasamba sa mga dios-diosan na walang kabuluhan,
    dahil sa inyo ako nagtitiwala.
Akoʼy magagalak sa inyong pag-ibig,
    dahil nakita nʼyo ang aking pagdurusa,
    at nalalaman nʼyo ang tinitiis kong kahirapan.
Hindi nʼyo ako ibinigay sa aking mga kaaway,
    sa halip iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan.
Panginoon, kahabagan nʼyo po ako,
    dahil akoʼy labis nang nahihirapan.
    Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak,
    at nanghihina na ako.
10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian;
    umiikli ang buhay ko dahil sa pag-iyak at kalungkutan.
    Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan,
    at parang nadudurog na ang aking mga buto.
11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway,
    at hinahamak ng aking mga kapitbahay.
    Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan;
    kapag nakikita nila ako sa daan, akoʼy kanilang nilalayuan.
12 Para akong patay na kanilang kinalimutan,
    at parang basag na sisidlan na wala nang halaga.
13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin.
    Natatakot akong pumunta kahit saan,
    dahil plano nilang patayin ako.
14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon.
    Sinasabi kong,
    “Kayo ang aking Dios!”
15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
    Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
    Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.
17 Panginoon, huwag nʼyong payagang akoʼy mapahiya,
    dahil sa inyo ako tumatawag.
    Ang masasama sana ang mapahiya
    at manahimik doon sa libingan.
18 Patahimikin nʼyo silang mga sinungaling,
    pati ang mga mayayabang at mapagmataas
    na binabalewala at hinahamak ang mga matuwid.

19 O kay dakila ng inyong kabutihan;
    sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan.
    Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan.
20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga.
    At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba.

21 Purihin ang Panginoon,
    dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin
    noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan.
22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,
    “Binalewala na ako ng Panginoon.”
    Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan.

23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,
    mahalin ninyo ang Panginoon.
    Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,
    ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob,
    kayong mga umaasa sa Panginoon.

Salmo 35

Dalangin para Tulungan

35 Panginoon, kontrahin nʼyo po
    ang mga kumukontra sa akin.
    Labanan nʼyo ang mga kumakalaban sa akin.
Kunin nʼyo ang inyong kalasag,
    at akoʼy inyong tulungan.
Ihanda nʼyo ang inyong mga sibat,
    para sa mga taong humahabol sa akin.
    Gusto kong marinig na sabihin nʼyo,
    “Ako ang magpapatagumpay sa iyo.”
Mapahiya sana ang mga taong naghahangad na akoʼy patayin.
    Paatrasin nʼyo at biguin ang mga nagpaplano ng masama sa akin.
Maging gaya sana sila ng ipa na tinatangay ng hangin,
    habang silaʼy itinataboy ng inyong anghel.
Maging madilim sana at madulas ang kanilang dinadaanan,
    habang silaʼy hinahabol ng inyong anghel.
Naghukay sila at naglagay ng bitag para sa akin,
    kahit wala akong ginawang masama sa kanila.
Dumating sana sa kanila ang kapahamakan nang hindi nila inaasahan.
    Sila sana ang mahuli sa bitag na kanilang ginawa,
    at sila rin ang mahulog sa hukay na kanilang hinukay.
At akoʼy magagalak
    dahil sa inyong pagliligtas sa akin, Panginoon.
10 Buong puso kong isisigaw,
    Panginoon, wala kayong katulad!
    Kayo ang nagliligtas sa mga dukha at api mula sa mga mapagsamantala.”

11 May mga malupit na taong sumasaksi laban sa akin.
    Ang kasalanang hindi ko ginawa ay ibinibintang nila sa akin.
12 Ginagantihan nila ako ng masama sa mga kabutihang aking ginawa,
    kaya akoʼy labis na nagdaramdam.
13 Kapag silaʼy nagkakasakit akoʼy nalulungkot para sa kanila;
    nagdaramit ako ng sako at nag-aayuno pa.
    At kung ang aking dalangin para sa kanilaʼy hindi sinasagot,
14 palakad-lakad akong nagluluksa na parang nawalan ng kapatid o kaibigan,
    at akoʼy yumuyuko at nagdadalamhati para sa kanila na para bang nawalan ako ng ina.
15 Ngunit nang ako na ang nahihirapan, nagkakatipon sila at nagtatawanan.
    Nagsasama-sama ang mga sa akin ay kumakalaban;
    kahit ang mga hindi ko kilala ay sumasamaʼt walang tigil na akoʼy hinahamak.
16 Kinukutya nila ako nang walang pakundangan,
    at ang kanilang mga ngipin ay nagngangalit sa sobrang galit.
17 Panginoon, hanggang kailan kayo manonood lang?
    Iligtas nʼyo na ako sa mga sumasalakay na ito na parang mga leon na gusto akong lapain.
18 At sa gitna ng karamihan, kayoʼy aking papupurihan at pasasalamatan.
19 Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway sa aking pagkatalo.
    Ang mga galit sa akin nang walang dahilan ay huwag nʼyong payagang kutyain ako.
20 Walang maganda sa sinasabi nila,
    sa halip sinisiraan nila ang namumuhay nang tahimik.
21 Sumisigaw sila sa akin na nagpaparatang,
    “Aha! Nakita namin ang ginawa mo!”
22 Panginoon, alam nʼyo ang lahat ng ito,
    kaya huwag kayong manahimik.
    Huwag kayong lumayo sa akin.
23     Sige na po, Panginoon kong Dios, ipagtanggol nʼyo na ako sa kanila.
24 O Dios ko, dahil kayo ay matuwid kung humatol,
    ipahayag nʼyo na wala akong kasalanan.
    Huwag nʼyong payagang pagtawanan nila ako.
25     Huwag nʼyong hayaang sabihin nila sa kanilang sarili,
    “Sa wakas, nangyari rin ang gusto naming mangyari,
    natalo na rin namin siya!”

26 Mapahiya sana silang nagmamalaki sa akin
    at nagagalak sa aking mga paghihirap.
27 Sumigaw sana sa kagalakan ang mga taong nagagalak sa aking kalayaan.
    Palagi sana nilang sabihin,
    “Purihin ang Panginoon na nagagalak sa tagumpay ng kanyang mga lingkod.”
28 Ihahayag ko sa mga tao ang inyong pagkamakatwiran,
    at buong maghapon ko kayong papupurihan.

Job 19:1-7

Sumagot si Job

19 Muling sumagot si Job,

“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at sasaktan sa mga sinasabi ninyo? Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto. Hindi na kayo nahiya sa mga ginagawa ninyo sa akin? Kung talagang nagkasala ako, problema ko na iyon. Ang akala ninyoʼy matuwid kayo kaysa sa akin, at iniisip ninyong ang mga paghihirap koʼy nagpapatunay na nagkasala ako. Pero ang Dios ang may gawa nito sa akin. Siya ang naglagay ng bitag sa palibot ko.

“Tumawag ako at humingi ng tulong pero walang sumagot sa akin. Humingi ako ng katarungan pero walang nagbigay sa akin.

Job 19:14-27

14 Wala na ang lahat ng taong malapit sa akin. Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako. 15 Hindi na ako kilala ng aking mga bisita at mga babaeng alipin. Itinuring na nila akong dayuhan. 16 Kapag tinatawag ko ang aking alipin, hindi na niya ako pinapansin, makiusap man ako. 17 Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko at ang mga kapatid kong lalaki ay nandidiri sa akin. 18 Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit. Kapag nakikita nila ako,[a] pinagtatawanan nila ako. 19 Lahat ng matalik kong kaibigan ay nasusuklam sa akin. Pati mga mahal ko sa buhay ay lumayo na rin. 20 Butoʼt balat na lang ako at halos mamamatay na.

21 “Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil pinahihirapan ako ng Dios. 22 Bakit ninyo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Dios sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap ninyo sa akin? 23 Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko, 24 o di kayaʼy iniukit ito sa bato para hindi mabura magpakailanman.

25 “Pero alam kong buhay ang aking Tagapagligtas at sa bandang huli ay darating siya rito sa lupa para ipagtanggol ako. 26 Pagkaalis ko sa katawang ito at mabulok ang mga laman ko, makikita ko na ang Dios.[b] 27 Makikita ko siya nang harapan at hindi na siya iba sa akin. Labis na akong nananabik na makita siya.

Gawa 13:13-25

Nangaral si Pablo sa Antioc ng Pisidia

13 Umalis sina Pablo sa Pafos at bumiyahe papuntang Perga na sakop ng Pamfilia. Pagdating nila roon, iniwan sila ni Juan Marcos, at bumalik siya sa Jerusalem. 14 Sina Pablo ay tumuloy sa Antioc na sakop ng Pisidia. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at naupo roon. 15 May nagbasa mula sa Kautusan ni Moises at sa mga isinulat ng mga propeta. Pagkatapos, nag-utos ang namumuno sa sambahan na sabihin ito kina Pablo: “Mga kapatid, kung may sasabihin kayo na makapagpapalakas-loob sa mga tao, sabihin ninyo.” 16 Kaya tumayo si Pablo, at sinenyasan niya ang mga tao na makinig sa kanya. Sinabi niya, “Mga kapwa kong mga Israelita, at kayong mga hindi Israelita na sumasamba rin sa Dios, makinig kayo sa akin! 17 Ang Dios na sinasamba nating mga Israelita ang siyang pumili sa ating mga ninuno. Pinadami niya sila noong nasa Egipto pa sila nakatira. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, tinulungan niya sila para makaalis sa Egipto. 18 Sa loob ng 40 taon, pinagtiyagaan niya sila roon sa disyerto. 19 Pagkatapos, nilipol niya ang pitong bansa sa Canaan, at ibinigay niya ang mga lupain ng mga ito sa ating mga ninuno. 20 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios sa loob ng 450 taon.

“Pagkatapos, binigyan niya sila ng mga taong namuno sa kanila hanggang sa panahon ni Propeta Samuel. 21 Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Dios si Saul na anak ni Kish, na mula sa lahi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng 40 taon. 22 Nang alisin ng Dios si Saul, ipinalit niya si David bilang hari. Ito ang sinabi ng Dios: ‘Nagustuhan ko si David na anak ni Jesse. Susundin niya ang lahat ng iuutos ko sa kanya.’ ”

23 Sinabi pa ni Pablo sa mga tao, “Sa angkan ni David nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Dios sa Israel. 24 Bago pa magsimula si Jesus sa kanyang gawain, nangaral si Juan sa lahat ng Israelita na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo. 25 At nang malapit nang matapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Marahil, iniisip ninyong ako na nga ang inyong hinihintay. Hindi ako iyon! Pinauna lang ako. Susunod siya sa akin, at sa katunayan hindi ako karapat-dapat man lang na maging alipin niya.’[a]

Juan 9:18-41

18 Pero ayaw pa ring maniwala ng mga pinuno ng mga Judio na siya nga ang dating bulag na ngayon ay nakakakita na. Kaya ipinatawag nila ang mga magulang niya 19 at tinanong, “Anak nʼyo ba ito? Totoo bang ipinanganak siyang bulag? Bakit nakakakita na siya ngayon?” 20 Sumagot ang mga magulang, “Anak nga po namin siya, at ipinanganak nga siyang bulag. 21 Pero hindi namin alam kung paano siya nakakita at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na lang po ang tanungin ninyo. Nasa tamang edad na siya, at kaya na niyang sumagot para sa sarili niya.” 22 Ito ang sinabi ng mga magulang ng lalaki dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Sapagkat napagkasunduan na ng mga pinuno ng mga Judio na ang sinumang kikilala kay Jesus bilang Cristo ay hindi na tatanggapin sa sambahan nila. 23 Kaya ganito ang isinagot ng mga magulang: “Nasa tamang edad na siya. Siya na lang po ang tanungin ninyo.”

24 Kaya ipinatawag nila ulit ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sumumpa ka sa harap ng Dios na sasabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon!” 25 Sumagot ang lalaki, “Hindi ko po alam kung makasalanan siya o hindi. Ang alam ko lang ay dati akong bulag, pero nakakakita na ngayon.” 26 Tinanong pa nila ang lalaki, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano ka niya pinagaling?” 27 Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, pero ayaw naman ninyong maniwala. Bakit gusto ninyong marinig ulit ang sagot ko? Gusto po ba ninyong maging mga tagasunod niya?” 28 Kaya nagalit sila at ininsulto ang lalaki. Sinabi nila, “Tagasunod ka niya, pero kami ay mga tagasunod ni Moises. 29 Alam naming nagsalita ang Dios kay Moises, pero ang taong iyon ay hindi namin alam kung saan nanggaling!” 30 Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakakapagtaka. Hindi nʼyo alam kung saan siya nanggaling, pero pinagaling niya ang mata ko. 31 Alam nating hindi pinakikinggan ng Dios ang mga makasalanan, pero ang sinumang may takot sa Dios at gumagawa ng kanyang kalooban ay panakikinggan niya. 32 Kailanmaʼy wala pa tayong narinig na may taong nakapagpagaling ng taong ipinanganak na bulag. 33 Kung hindi nanggaling sa Dios ang taong iyon, hindi niya magagawa ang himalang ito.” 34 Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Ipinanganak kang makasalanan! At ang lakas pa ng loob mo ngayon na pangaralan kami!” At pinagbawalan nila siyang pumasok sa sambahan nila.

Ang Espiritwal na Pagkabulag

35 Nabalitaan ni Jesus na pinagbawalang pumasok sa sambahan ang dating bulag, kaya hinanap niya ito. At nang matagpuan niya, tinanong niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” 36 Sumagot ang lalaki, “Sino po siya? Sabihin nʼyo po sa akin upang sumampalataya ako sa kanya.” 37 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Nakita mo na siya, at siya ang kausap mo ngayon.” 38 Sinabi agad ng lalaki, “Panginoon, sumasampalataya po ako sa inyo.” At lumuhod siya at sumamba kay Jesus. 39 Sinabi pa ni Jesus, “Naparito ako sa mundo upang hatulan ang mga tao. Ang mga taong umaaming bulag sila sa katotohanan ay makakakita, ngunit ang mga nagsasabing hindi sila bulag sa katotohanan ay hindi makakakita.” 40 Narinig ito ng ilang Pariseong naroon, at nagtanong sila, “Sinasabi mo bang mga bulag din kami?” 41 Sumagot si Jesus, “Kung inaamin nʼyong mga bulag kayo sa katotohanan, wala sana kayong kasalanan. Ngunit dahil sinasabi ninyong hindi kayo bulag, nangangahulugan ito na may kasalanan pa rin kayo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®