Book of Common Prayer
Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)
105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
Sambahin nʼyo siya!
Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
2 Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
3 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
4 Magtiwala kayo sa Panginoon,
at sa kanyang kalakasan.
Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
7 Siya ang Panginoon na ating Dios,
siya ang humahatol sa buong mundo.
8 Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
9 – ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
“Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”
12 Noon ay iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
13 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
14 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
15 Sinabi niya,
“Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”
16 Nagpadala ang Dios ng taggutom sa lupain ng Canaan.
Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.
17 Ngunit pinauna na niya si Jose sa Egipto upang silaʼy tulungan.
Ipinagbili siya roon upang maging alipin.
18 Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,
19 hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya.
Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.
20 Pinalaya siya ng hari ng Egipto na namamahala sa maraming tao,
21 at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.
22 Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.
23 Pagkatapos, pumunta si Jacob at ang kanyang pamilya sa Egipto, na lupain ng mga lahi ni Ham,
at doon sila nanirahan bilang dayuhan.
24 Pinarami ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan,
at naging makapangyarihan kaysa sa mga Egipcio na kanilang kaaway.
25 Pinahintulutan ng Panginoon na galitin at lokohin ng mga Egipcio ang mga mamamayan na kanyang lingkod.
26 Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod at si Aaron na kanyang hinirang.
27 Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham ang mga himala na ginawa ng Dios.
28 Pinadilim ng Dios ang lupain ng Egipto,
ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.
29 Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,
kaya namatay ang kanilang mga isda.
30 Napuno ng palaka ang kanilang lupain, at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.
31 Nag-utos ang Dios, at dumating sa kanilang lupain ang napakaraming niknik at langaw.
32 Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain, yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.
33 Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,
at iba pang mga punongkahoy.
34 Sa kanyang utos, dumating ang mga balang na hindi mabilang.
35 At kinaing lahat ang kanilang mga tanim, pati ang mga bunga nito.
36 Pinatay ng Dios ang lahat nilang panganay na lalaki.
37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
at may dala pa silang mga pilak at ginto.
At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.
Purihin ang Panginoon!
Ang Tungkod ni Aaron
17 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang bawat pinuno sa bawat lahi ay magbibigay sa iyo ng isang baston at isulat doon ang kani-kanilang pangalan. 12 lahat ang baston. 3 Sa baston ng lahi ni Levi, isulat ang pangalan ni Aaron dahil kailangang may isang baston sa bawat pinuno ng lahi. 4 Ilagay mo ang lahat ng ito sa Toldang Tipanan, sa harapan ng Kahon ng Kasunduan kung saan ako nakikipagkita sa inyo ni Aaron. 5 At ang baston ng taong pipiliin ko na maglingkod sa akin bilang pari ay sisibulan at sa pamamagitan nito, titigil ang pagrereklamo ng mga Israelita laban sa inyo ni Aaron.”
6 Kaya sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, at ang bawat pinuno ng lahi ay nagbigay sa kanya ng baston. Ang lahat ng baston ay 12 at isa rito ang kay Aaron. 7 Inilagay lahat ni Moises ang baston sa presensya ng Panginoon doon sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan.
8 Kinaumagahan, pumasok si Moises sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan at nakita niya na ang baston ni Aaron, na kumakatawan sa lahi ni Levi ay hindi lang sumibol kundi nagkabuko pa, namulaklak, at namunga ng almendro. 9 Pagkatapos, inilabas ni Moises ang lahat ng baston at ipinakita sa lahat ng mga Israelita. Tiningnan nila ito, at kinuha ng bawat pinuno ng lahi ang kani-kanilang baston.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibalik ang baston ni Aaron sa harapan ng Kahon ng Kasunduan para maging babala ito sa mga rebelde na mamamatay sila kung hindi sila titigil sa pagrerebelde laban sa akin.” 11 Tinupad ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon.
Mayroon na Tayong Magandang Relasyon sa Dios
5 Kaya ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin sa ating Panginoong Jesu-Cristo, mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios. 2 Sa pamamagitan ni Jesus at dahil sa ating pananampalataya, tinatamasa natin ngayon ang biyaya ng Dios at nagagalak tayo dahil sa ating pag-asa na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 3 At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. 4 Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao.[a] At kung mabuti ang ating pagkatao,[b] may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 5 At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.
6 Nang wala tayong kakayahang makaligtas sa kaparusahan, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan sa panahong itinakda ng Dios. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng kanyang buhay para sa isang taong matuwid, bagamaʼt maaaring mayroong maglakas-loob na ibigay ang kanyang buhay para sa isang mabuting tao. 8 Pero ipinakita ng Dios sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin. 9 At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tiyak na maliligtas tayo sa parusa[c] ng Dios dahil kay Cristo. 10 Datiʼy kaaway tayo ng Dios, pero ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At ngayong mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios, tiyak na ililigtas niya tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng buhay ni Cristo. 11 Hindi lang iyan, nagagalak tayo sa relasyon natin sa Dios ngayon dahil sa ginawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Naibalik na ang magandang relasyon natin sa Dios dahil sa kanya.
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
17 Habang naglalakad sina Jesus papuntang Jerusalem, inihiwalay niya ang 12 tagasunod sa mga tao. Sinabi niya sa kanila, 18 “Pupunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan 19 at ibibigay sa mga hindi Judio para insultuhin, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit mabubuhay akong muli sa ikatlong araw.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(B)
20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedee, kasama ang dalawang anak niyang lalaki. Lumuhod siya kay Jesus dahil may gusto siyang hilingin. 21 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya, “Kung maaari po sana, kapag naghahari na kayo, paupuin nʼyo ang dalawa kong anak sa tabi nʼyo; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 22 Pero sinagot sila ni Jesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko?”[a] Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” 23 Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin. Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o sa kaliwa ko. Ang mga lugar na iyon ay para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”
24 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi ng magkapatid, nagalit sila sa kanila. 25 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit anong gustuhin nila ay nasusunod. 26 Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo. 28 Maging ako na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para maligtas ang maraming tao.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®