Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 56-58

Dalangin ng Pagtitiwala sa Dios[a]

56 O Dios, maawa kayo sa akin dahil sinasalakay ako ng aking mga kaaway.
    Palagi nila akong pinahihirapan.
Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.
    Kay dami nilang kumakalaban sa akin,
    O Kataas-taasang Dios.[b]
Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo.
O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.
    Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
    Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko.
    Lagi silang nagpaplano na saktan ako.
Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,
    binabantayan nila ang lahat ng kilos ko at naghihintay ng pagkakataon upang patayin ako.
Huwag nʼyo silang hayaang matakasan ang parusa ng kanilang kasamaan.
    Lipulin nʼyo sila sa inyong matinding galit.
Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan at napapansin nʼyo ang aking mga pag-iyak.
    Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?
Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway.
Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi.
10 Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako.
11 Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
    Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
12 Tutuparin ko, O Dios, ang mga pangako ko sa inyo.
    Maghahandog ako ng alay ng pasasalamat sa inyo.
13 Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan
    at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.
    Para mamuhay akong kasama kayo, O Dios,
    sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.

Dalangin para Tulungan ng Dios

57 O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong.
    Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
Tumatawag ako sa inyo, Kataas-taasang Dios,
    sa inyo na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
Mula sa langit ay magpapadala kayo ng tulong upang akoʼy iligtas.
    Ilalagay nʼyo sa kahihiyan ang mga kaaway ko.
    Ipapakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa akin.
Napapaligiran ako ng mga kaaway,
    parang mga leong handang lumapa ng tao.
    Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
    mga dilaʼy kasintalim ng espada.
O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway.
    Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.
O Dios, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kwerdas para magpuri sa inyo.
Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
    At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.
11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.

Mapapahamak ang Masasama

58 Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao?
Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon.
Ang masasama ay lumalayo sa Dios
    at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4-5 Para silang mga ahas na makamandag.
    Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya.
O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala
    na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon!
Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
    at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas.
Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang,
    o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag.

Mabilis silang tatangayin ng Dios,
    maging ang mga nabubuhay pa,
    mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo.[c]
11 At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid
    at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”

Salmo 64-65

Ang Parusa sa Masasamang Tao

64 O Dios, pakinggan nʼyo ang daing ko!
    Ingatan nʼyo ang buhay ko mula sa banta ng aking mga kaaway.
Ingatan nʼyo ako sa kasamaang pinaplano nila.
Naghahanda sila ng matatalim na salita,
    na gaya ng espada at palasong nakakasugat.
Nagsasalita sila ng masakit sa likod ng mga taong matuwid
    na parang namamana nang patago.
    Bigla nila itong ginagawa nang walang katakot-takot.
Hinihikayat nila ang isaʼt isa na gumawa ng kasamaan
    at pinag-uusapan nila kung saan maglalagay ng bitag.
    Sinasabi nila, “Walang makakakita nito.”
Nagpaplano sila ng masama at sinasabi, “Napakaganda ng plano natin!”
    Talagang napakatuso ng isip at puso ng tao!
Ngunit papanain sila ng Dios at bigla na lang silang masusugatan.
Mapapahamak sila dahil sa masasama nilang sinabi,
    kukutyain sila ng mga makakakita sa kanila.
At lahat ng tao ay matatakot.
    Pag-iisipan nila ang mga ginawa ng Dios at ipahahayag ito sa iba.
10 Magagalak at manganganlong sa Panginoon ang lahat ng matuwid.
At magpupuri sa kanya ang mga gumagawa ng tama.

Pagpupuri at Pagpapasalamat

65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
    Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
    dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
Napakarami ng aming kasalanan,
    ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
    Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
    ang inyong banal na templo.
O Dios na aming Tagapagligtas,
    tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
    sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
    Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
Itinatag nʼyo ang mga bundok
    sa pamamagitan ng inyong lakas.
    Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
    ang hampas ng karagatan,
    at ang pagkakagulo ng mga tao.
Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
    namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
    Mula sa silangan hanggang kanluran,
    ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
    Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
    Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
    Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
    Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
    hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
    Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
    at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
    Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.

Mangangaral 7:1-14

Ang mga Paalala sa Buhay

Ang malinis na pangalan ay mas mabuti kaysa sa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan. Mas mabuting pumunta sa namatayan kaysa sa isang handaan, dahil ang lahat ay mamamatay. Dapat ay lagi itong isipin ng mga buhay pa. Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa sa kaligayahan dahil ang kalungkutan ay nakakatuwid ng buhay ng tao. Laging iniisip ng marunong ang kamatayan; pero ang hangal, ang laging iniisip ay kasiyahan. Mas mabuting makinig sa pagsaway ng marunong kaysa makinig sa papuri ng hangal. Ang tawa ng hangal ay parang tinik na pag-iginatong ay nagsasaltikan ang apoy. Ito ay walang kabuluhan. Ang marunong kapag nandaya ay para na ring hangal. Kung tumatanggap ka ng suhol, sinisira mo ang sarili mong dangal. Mas mabuti ang pagtatapos kaysa sa pagsisimula. Ang pagiging matiisin ay mas mabuti kaysa sa pagiging mapagmataas. Huwag maging magagalitin dahil ang pagiging magagalitin ay ugali ng mga hangal. 10 Huwag mong sabihin, “Bakit mas mabuti pa noon kaysa ngayon?” Dahil ang tanong na iyan ay walang katuturan. 11-12 Ang karunungan ay mabuti gaya ng isang pamana, pareho itong nakakatulong sa mga namumuhay dito sa mundo. Nagbibigay din ito ng proteksyon gaya ng pera. Pero higit pa roon, iniingatan nito ang buhay ng nagtataglay nito. 13 Pag-isipan mo ang ginawa ng Dios. Sino ang makapagtutuwid ng kanyang binaluktot? 14 Magalak ka kung mabuti ang kalagayan mo. Pero kung naghihirap ka, isipin mong ang Dios ang gumawa sa dalawang bagay na ito. Para hindi natin malaman kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas.

Galacia 4:12-20

12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, na tularan ninyo ako, dahil kahit isa akong Judio, tinalikuran ko ang pagsunod sa Kautusan ng mga Judio at naging katulad ninyong hindi Judio.

Wala kayong kasalanan sa akin. 13 Alam naman ninyo na ang pagkakasakit ko ang naging dahilan kaya ko naipangaral sa inyo ang Magandang Balita sa unang pagkakataon. 14 Kahit naging pagsubok sa inyo ang sakit ko, hindi nʼyo ako hinamak o itinakwil. Sa halip, tinanggap nʼyo pa nga ako na parang isang anghel ng Dios o parang ako na mismo si Jesu-Cristo. 15 Napakasaya natin noon. Ano ang nangyari? Ako mismo ang makakapagpatunay na kung maaari lang noon ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata para ibigay sa akin. 16 Naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan?

17 May mga tao riyan na nagpapakita ng pagmamalasakit sa inyo, pero hindi mabuti ang hangarin nila. Gusto lang nila akong siraan, para sila ang sundin ninyo. 18 Hindi masamang magpakita sila ng pagmamalasakit kahit wala ako sa piling nʼyo, bastaʼt mabuti lang ang hangarin nila. 19 Minamahal kong mga anak, hanggaʼt hindi nakikita sa inyo ang buhay ni Cristo, maghihirap akong parang isang babaeng nanganganak. 20 Kung maaari lang sana, makapunta na ako riyan at makausap kayo nang maayos dahil nag-aalala ako ng labis sa inyo!

Mateo 15:21-28

Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio(A)

21 Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre at Sidon. 22 May isang Cananea na naninirahan doon. Lumapit siya kay Jesus at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, Anak ni David,[a] maawa kayo sa akin. Ang anak kong babae ay sinasaniban at lubhang pinahihirapan ng masamang espiritu.” 23 Pero hindi sumagot si Jesus. Kaya lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang babaeng iyan, dahil sunod siya nang sunod sa atin at nag-iingay.” 24 Sinabi ni Jesus sa babae, “Sinugo ako para lang sa mga Israelita na parang mga tupang naliligaw.” 25 Pero lumapit pa ang babae kay Jesus at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, tulungan nʼyo po ako.” 26 Sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 27 Sumagot naman ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso ay kumakain ng mga tirang nahuhulog mula sa mesa ng kanilang amo.” 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Napakalaki ng pananampalataya mo! Mangyayari ang ayon sa hinihiling mo.” At nang sandaling iyon ay gumaling ang anak ng babae.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®