Book of Common Prayer
Ang Dios ang Dakilang Hari
24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
2 Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
3 Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
4 Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
6 Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.
7 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
8 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
9 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!
Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon
29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
2 Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.
3 Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
5 Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
6 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
7 Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
8 Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
9 Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
“Ang Dios ay makapangyarihan!”
10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.
Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan
8 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
2 Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.
3 Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
4 akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
5 Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
6 Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
7 mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
8 ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
9 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
8 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
9 Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
6 May nakita pa akong isang hindi magandang pangyayari rito sa mundo na nagpapahirap sa mga tao. 2 May mga taong binibigyan ng Dios ng kanilang mga hinahangad tulad ng karangalan, ari-arian at kayamanan. Pero hindi niya hinahayaang pakinabangan nila ito, sa halip, ibang tao ang nakikinabang nito. Hindi ito maganda at walang kabuluhan. 3 Masasabi kong mas mabuti pa ang isang sanggol na ipinanganak na patay kaysa sa taong nabuhay nga nang matagal at nagkaanak pa ng marami, pero hindi naman nagkaroon ng kasiyahan sa buhay at hindi nailibing nang maayos. 4 Kahit walang saysay ang pagkakapanganak sa sanggol, at kahit na siya ay nasa lugar ng mga patay at hindi na maaalala pa, 5 at kahit hindi siya nakakita ng liwanag ng araw o nalaman ang buhay, mas may kapayapaan pa siya kaysa sa taong iyon 6 na walang kasiyahan sa mga magagandang bagay na kanyang natanggap at kahit na mabuhay pa ang taong iyon ng ilang libong taon. Ang totoo ay iisa ang hahantungan ng lahat.
7 Nagtatrabaho ang tao para may makain, pero hindi pa rin siya nasisiyahan. 8 Kaya ano ang lamang ng marunong sa mangmang? Ano ang mapapala ng mahirap kahit alam niya ang pasikot-sikot sa buhay? 9 Wala itong kabuluhan! Para siyang humahabol sa hangin. Kaya mas mabuting masiyahan ka sa mga bagay na mayroon ka, kaysa sa maghangad ka nang maghangad ng mga bagay na wala sa iyo. 10 Lahat ng pangyayari sa mundo at mangyayari sa isang taoʼy nakatakda na noon pa. Kaya walang saysay na makipagtalo pa tayo sa Dios na higit na makapangyarihan kaysa sa atin. 11 At habang nakikipagtalo tayo, dadami lang ang sasabihin nating walang kabuluhan. Kaya ano ang pakinabang nito? 12 Walang sinumang nakakaalam kung ano ang mabuti para sa isang taong maikli at walang kabuluhan ang buhay – lumilipas lang ito na parang anino. Sino ang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari sa mundo pagkamatay niya?
9 Kinabukasan, nang malapit na sila sa bayan ng Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay[a] para manalangin. Tanghaling-tapat noon 10 at gutom na si Pedro, kaya gusto na niyang kumain. Pero habang inihahanda ang pagkain, may ipinakita sa kanya ang Dios. 11 Nakita niyang bumukas ang langit at may bumababang parang malapad na kumot na may tali sa apat na sulok nito. 12 At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad, gumagapang, at mga lumilipad. 13 Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.” 14 Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.” 15 Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Dios.” 16 Tatlong ulit itong nangyari, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon pataas.
17 Habang naguguluhan si Pedro at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelius. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa pinto ng bakod, 18 tumawag sila at nagtanong kung doon ba nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro. 19 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Tumayo ka at bumaba. Huwag kang mag-alinlangang sumama sa kanila, dahil ako ang nag-utos sa kanila.” 21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?” 22 Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelius. Mabuti siyang tao at sumasamba sa Dios. Iginagalang siya ng lahat ng Judio. Sinabihan siya ng anghel ng Dios na imbitahan ka sa kanyang bahay para marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.” 23 Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa.
Kayamanan sa Langit(A)
32 “Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang.[a] Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. 33 Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto. 34 Sapagkat kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.”
Ang Mapagkakatiwalaang mga Utusan
35-36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Maging handa kayo palagi sa pagbabalik ng inyong Panginoon, katulad ng mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo mula sa kasalan. Nakahanda sila at nakasindi ang mga ilawan nila, upang sa pagdating at pagkatok ng amo nila ay mabubuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping madadatnan ng amo nila na gising at nagbabantay sa kanyang pag-uwi. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maghahanda ang amo nila para pagsilbihan sila. Sila ay pauupuin niya sa kanyang mesa at pagsisilbihan habang kumakain sila. 38 Mapalad ang mga aliping iyon kung madadatnan sila ng amo nila na handa kahit anong oras – hatinggabi man o madaling-araw. 39 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin nito ang bahay niya. 40 Kayo man ay dapat maging handa, dahil ako, na Anak ng Tao, ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®